Mumbai: "Mahigit 3000 bagong kaso ng COVID araw-araw"
Ang Health Promotion Team ng Doctors Without Borders sa Mumbai ay gumamit ng auto-rikshaw o kaya tuktuk para magbigay-kaalaman tungkol sa COVID-19 sa mga nakatira sa informal settlements sa M-East Ward. © Premananda Hessenkamp
Ang Doctors Without Borders ay nagtatrabaho sa M-East Ward sa Mumbai, isa sa pinakamataong administrative division. 70% ng populasyon nila’y nakatira sa slums, na pinakamababa naman sa human development index.
Patuloy pa ring nakakakita ang Mumbai ng mahigit 3000 bagong kaso ng COVID araw-araw. Natatakot ang mga tao, at marami sa kanila ang ayaw sumailalim sa testing kahit na kinakikitaan na sila ng sintomas dahil sa natatakot sila sa quarantine, maospital at mahiwalay sa kanilang pamilya.
Nangangasiwa ako ng isang team ng 10 health promoters, at inaasahan naming hindi magtatagal ay magdadagdag pa kami ng 10 hanggang 12 pang tao. Kami’y naatasang paangatin ang kamalayan ng komunidad sa iba’t ibang paraan. Ang community health workers ay naglalakbay sa makikipot na kalye ng mga informal settlements sakay ng mga tuk-tuk (traysikel) at naghahatid ng mga mensahe tungkol sa pagpigil sa pagkalat ng COVID, na kanilang inaanunsiyo gamit ang loudspeakers, at nagbabahagi rin ng impormasyon tungkol sa serbisyong kaugnay sa COVID na maaaring makamit sa mismong ward.
Nagsasagawa rin kami ng mga demonstrasyon ng tamang paghuhugas ng kamay, at nakikipagpulong sa mga nakatira sa slums, sa mga pasyenteng naghihintay sa mga pampubliko at pribadong health care centres, mga doktor na mula sa pribadong sektor, at mga health workers. Itinataguyod din namin ang pagsusuot ng face masks, pag-obserba ng social distancing, at ang mga ibang paraan upang mapigilan ang pagkalat ng COVID.
Ang auto-Rikshaw o tuktuk na ginamit sa awareness campaign sa slum rehabilitation colony in MEast Ward, Mumbai © Premananda Hessenkamp
Mahirap kapag magkakasama ang lima o anim na tao sa iisang bahay na maaaring ang sukat ay 10 ft X 10 ft lang, pero hinihiling pa rin naming magsuot sila ng mask at mag-obserba ng social distancing kapag sila’y nasa labas (halimbawa, sa palengke). Ang sinumang kakikitaan ng sintomas ay isinasangguni sa pinakamalapit na testing center, at sinasabihan naming magsuot ng mask kahit sa bahay, at bumukod, kung posible.Santosh Choure, Health Promotion Manager
Tuloy tuloy ang aming pagkilos para sa health promotion sa komunidad mula pa noong Hunyo 2020. Noong di pa gano’n karami ang kaso noong Disyembre at Enero, maaaring di gaanong binibigyan ng atensyon ang mga mensahe namin, ngunit ngayon, marami na ang nagsusuot ng mask.
Gumagawa rin kami ng digital health promotion, at napapaabot namin ang aming mga mensahe at mga video sa libo-libong tao sa Facebook, lalo na ang mga kabataan, dahil sila ang aktibo sa social media.
Isa pang mahalagang bahagi ng aming trabaho ay ang pagprotekta sa mga vulnerable na tao: ang mga pasyenteng may drug-resistant TB, HIV, diabetes, hypertension; at ang matatanda. Ang ganitong pakikisangkot ay tinatawag na shielding. Layunin naming makaabot sa mahigit 5000 pamilya,bibigyan namin sila ng hygiene kits na may lamang masks, sabon, sanitisers, at panglinis ng sahig upang matulungan silang protektahan ang kanilang mga sarili. Tututukan din namin sila sa pamamagitan ng pagtawag sa kanila nang isang beses sa isang linggo upang magbigay ng health promotion information, payo at counselling.Santosh Choure, Health Promotion Manager
Puspusan ang pagtatrabaho ng aming team. Noong una’y may mga inaaalala ang iba sa kanila.Ngunit marami na kaming nagawang pagsasanay para sa kaligtasan at nagbibigay rin kami ng mental health support. Bahagi rin kami ng komunidad na ito at gusto talaga naming makatulong sa abot ng aming makakaya. Pero,kailangan namin ng mas maraming tao para tumulong sa pagsulong ng mga gawaing angkop ngayong pandemya, at ng testing.