Ang pagdami ng mga kaso ng malnutrisyon
Sa ilang bahagi ng mundo, ang gutom ay hindi lamang isang di komportableng pakiramdam habang naghihintay ka ng oras ng pagkain. Ito’y isang palaging nakaambang panganib na maaaring magdulot ng mga nakapanlulumong kahihinatnan. Ang malnutrisyon, na resulta ng hindi pagkonsumo ng sapat na sustansya, ay isang mahalagang isyu sa maraming mga rehiyon at mga populasyon, tulad ng Afghanistan, Yemen, Nigeria, at South Sudan.
Ilang taon nang nangunguna ang Doctors Without Borders / Medecins Sans Frontieres (MSF) sa pakikibaka sa malnutrisyon sa mga rehiyong ito, at kumikilos nang walang kapaguran kasama ang mga lokal na opisyales upang maibsan ang mga epekto nito. Gayunpaman, may pagbabanta pa rin na magiging mas laganap ang suliranin ng malnutrisyon sa hinaharap, kung kaya’t ang laban upang puksain ito ay lalong nagiging mahalaga.
Pinakahuling ulat
Nakababahala ang sitwasyon sa timog Sudan, kung saan nakikita ng Doctors Without Borders ang patuloy na pagtaas ng mga kaso ng tigdas at malnutrisyon sa aming mga pasilidad, partikular sa mga nagbabalik na lumikas mula sa kaguluhan sa Sudan at sa mga komunidad na tumanggap sa kanila, o 'host communities'. Ang mga pasilidad pangkalusugan ng Doctors Without Borders sa mga estado ng Upper Nile, Unity, Northern Bahr El Ghazal, at Warrap ay tumatanggap ng mga pasyente, partikular mga batang wala pang limang taon, na may tigdas at iba pang malubhang sakit. Habang patuloy na dumarami ang mga nagbabalik na lumikas sa mga hangganan, nananawagan ang Doctors Without Borders sa mga donor at mga ahensiyang humanitaryan na agarang magpatibay ng sistema ng pagsubaybay at palakasin ang kanilang tugon mula sa mga hangganan hanggang sa mga lugar ng resettlement, upang matiyak ang mga karapat-dapat na kondisyon para sa mga pinalikas at mga komunidad na tumanggap sa kanila.
Mga sanhi ng malnutrisyon
Ayon sa pinakahuling datos mula sa United Nations, ang bilang ng mga taong nakararanas ng chronic undernourishment ay pataas nang pataas mula pa noong 2014, at umabot na sa 828 na milyon noong 2021.
Sa buong daigdig, 11.7 na porsiyento ng populasyon ang nagdurusa dahil sa matinding kawalan ng katiyakan sa pagkain. Sa iba’t ibang bahagi ng mundo, ang bilang ng mga taong walang kakayahang gumastos para sa masustansyang pagkain ay nadagdagan ng 112 na milyon—sa kabuuan, 3.1 na bilyong tao. Ito ay indikasyon na dumadami ang walang kakayahang makabili ng ligtas, masustansiya at sapat na pagkain.
Tinatayang may 45 na milyong batang wala pang limang taong gulang ang nakararanas ng wasting (mababa ang kanilang timbang para sa kanilang taas), 149 na milyon naman ang napigilan ang paglaki at pag-unlad dahil sa kakulangan ng masustansyang pagkain, at 39 na milyon naman ang sobra sa timbang.
Maraming posibleng dahilan ang pagdami ng mga kaso ng malnutrisyon:
- Sapilitang paglikas at alitan: Ang mga alitan at ang sapilitang paglikas ay maaaring lumikha ng mga balakidat malimitahan ang pagkuha ng pagkain, lalo na sa mga lugar kung saan mataas ang kawalan ng seguridad ng pagkain.
- Pagbabago sa klima: Ang tagtuyot, mga pagbaha, at iba pang mga kalamidad na kaugnay ng kalagayan ng panahon ay maaaring makasagabal o makapagpaantala ng food production, at maaaring mauwi sa kakulangan ng pagkain.
- Economic downturns: Ang mga economic downturn, o pagbagsak ng ekonomiya, ay maaaring maging sanhi ng pagtaas ng presyo ng pagkain at ng pagkabawas ng access sa pagkain ng mga tao, lalo na ng mahihinang populasyon.
- Pandemya ng COVID-19: Ang pandemya ng COVID-19 ay naging sanhi ng pagkawala ng hanapbuhay at ng kahinaan ng ekonomiya, kaya’t naging mas mahirap para sa mga taong makabili ng pagkain.
- Pagkain nang di tama: Sa ilang mga kaso, ang malnutrisyon ay dulot ng mga maling pinipiling pagkain, at hindi ng kawalan ng access sa pagkain. Ito’y nangyayari sa mga maunlad na bansa kung saan ang mga pagkaing maraming calories ngunit di gaanong masustansya ay mas mura at mas madaling makuha kaysa mga pagkaing mas makabubuti sa kalusugan.
Sa tumataas na antas ng kawalan ng seguridad, sa patuloy na pagbabago ng klima, at sa pandaigdigang pagtaas ng presyo ng mga pagkain sa isang mundong nagsusumikap bumangon mula sa pandemya, nakikita naming lalong lalala ang krisis na ito.Dr. Simba Tirima, Nigeria Country Rep.
- Yemen
Kumikilos ang Doctors Without Borders sa 13 sa 21 governorates sa Yemen. Sa karamihan sa aming mga pasilidad, nasaksihan namin ang nakababahalang pagdami ng mga batang may malnutrisyon, na may kaakibat pang mga kumplikasyong medikal. Ito ang dahilan kung bakit mahigit isandaang porsyento ng mga kama sa aming mga inpatient therapeutic feeding centres (ITFCs) ay okupado na. Upang makayanan ang dumaraming kaso ng malnutrisyon, at upang mabawasan ang nagkakasakit at pumapanaw sa mga mahihina, pinapalaki ng aming mga teamang kapasidad ng iba’t ibang proyekto sa mga ITFC at sa ibang mga departamento. Dinadagdagan namin ang suportang ibinibigay namin sa mga general healthcare centre, at nagsasagawa ng mas maraming aktibidad para sa pagtataguyod ng kalusugan.
Ang aming mga teamsa governorateng Amran na nagtatrabaho sa Al-Salam-Khamer Hospital ay nakakakita ng tuloy-tuloy na pagdami ng mga pasyenteng may SAM mula noong pagtatapos ng Mayo 2022. Noong Setyembre 2022, ang mga okupadong kama sa mga ITFC ay umabot na sa 39.6 na porsiyento.
Kasabay nito, umakyat din nang mahigit sa 20 porsiyento ang bilang ng mga emergency consultation. Sa pagitan ng Enero at Setyembre 2022, 31 pasyenteng may SAM ang namatay matapos silang tanggapin sa ospital. Karamihan sa kanila’y huli na noong dumating at nagkaroon ng mga kumplikasyong masyadong malala na para mapagaling pa ng paggamot.
Karamihan sa mga pasyenteng may SAM na tinanggap sa Al-Salam Hospital, isang ospital na sinusuportahan ng Doctors Without Borders, ay galing sa mga karatig- lugar kung saan ang mga pasilidad para sa pangunahing pangangalagang pangkalusugan ay di gumagana nang lubusan. Ganito rin ang nangyayari sa governorate ng Al-Hudaydah.
Samantala, ang aming teamsa emergency department ng Ad-Dahi Hospital ay tumanggap mula Enero hanggang Oktubre 2022 ng 1,902 na batang may malnutrisyon na may kasama nang mga kumplikasyon.
Mula Enero hanggang Setyembre, ang ITFC sa Abs Hospital na suportado ng Doctors Without Borders ay tumanggap ng 2,087 na mga batang may malnutrisyon at mga kaakibat nitong kumplikasyon, habang mahigit 50 porsiyento naman ng mga ina sa maternity department ng naturang ospital ay mayroon ding malnutrisyon.
Ang apo ni Shohra Mohamed na si Abdullah ay apat na taong gulang, at may malnutrisyon na may mga kumplikasyon. Ilang beses na silang pabalik-balik sa Abs Hospital, at bumubuti naman ang kalagayan niya. Ngunit nitong huling paglabas niya, mga dalawampung araw na ang nakararaan, muling lumala ang kanyang kondisyon.
"Mas gusto namin dito dahil libre ang mga serbisyo. Napakalaki na ng nagastos namin nitong mga nakaraang taon para sa kanyang pagpapagamot at di na namin kaya. Wala rito ang ama niya. Nagsusumikap kami ng ina niyang pakainin siya ng kung ano ang kaya naming ibigay, bihira kaming may sapat na pera para bilhan siya ng gatas. Uuwi kami nang may mga gamot, at pinapayuhan kami tungkol sa dapat niyang kainin, pero di naman namin laging nasusunod. Walang malapit na health centre kung saan maaari kaming makakuha ng naangkop na pagkain.”
Yemen, 2022 © Jinane Saad/MSF
- Nigeria
Mula Enero 2022, ang mga teamng Doctors Without Borders, sa pakikipagtulungan sa mga awtoridad ng limang estado sa hilagang kanluran ng Nigeria, ay nakapaggamot ng halos 100,000 na mga batang may acute malnutrition sa 34 na outpatient facilities, at tumanggap ng 17,000 na batang nangangailangan ng pangangalaga sa sampung inpatient centres.
“Pinaghahandaan namin ang paggamot ng hanggang 100,000 na malnourished na bata sa aming programa para sa nutrisyon, at iyon ay para lamang sa estado ng Katsina. Pinalawak na rin namin ang aming pagtugon sa mga estado ng Kebbi, Sokoto, Zamfara at Kano,” sabi ni Michel-Olivier Lacharite, na siyang namumuno sa Doctors Without Borders emergency operations. "Nagsimula na ang pagkagutom. Ang malaria, na lalong makakapagpalala ng kalagayan ng kalusugan at nutrisyon ng mga bata, ay paparating pa lang."
Ang estado ng Zamfara ay isa sa mga lugar na pinakaapektado ng karahasan at ng mga pagkilos ng mga tulisan. Doon ay nakapagtala kami ng 64 porsiyentong pagtaas ng bilang ng mga batang may malalang malnutrisyon mula Enero hanggang Agosto 2022 kung ikukumpara sa bilang noong Enero hanggang Agosto 2021. Ang mga batang ito’y ginamot sa mga outpatient nutritional department na sinuportahan ng Doctors Without Borders. Sa lahat ng mga batang dumaan sa screening, halos ang bawat ika-apat na bata ay may malalang malnutrisyon at nangangailangan ng kagyat na pangangalagang medikal. Agad na nakipagtulungan ang Doctors Without Borders sa mga awtoridad upang maglunsad ng emergency response sa lugar.
Ipinapakita rin ng mga nutritional survey ng Doctors Without Borders ang pagiging malala ng krisis na ito, maski sa mga lugar na di gaanong apektado ng karahasan at kawalan ng seguridad.
Si Abdousalam Issa (4 months) at ang kanyang ina, si Saadatou Saminoa (34), kasama ang nurse. Niger, 2022. © Oliver Barth/MSF
Sa lugar ng Mashi sa estado ng Katsina, napag-alaman ng Doctors Without Borders na mayroon doong 27.4 porsiyento ng global acute malnutrition at 7.1 porsiyento ng severe acute malnutrition sa buwan ng Hunyo, kahit na di naman gaanong naapektuhan ang komunidad ng karahasan at sapilitang paglikas mula sa kanilang mga tirahan. Ang mga ganitong bilang ay indikasyon ng kritikal na emergency.
Sa Katsina, tinaasan agad ng mga teamang kanilang kapasidad para sa mga inpatient—ang dating 100 na kama ay naging halos 280 na. Ngunit sa dami ng mga malnourished na bata’y kinailangan pa ring ipatupad ang ilang limitasyon sa pagtanggap sa mga treatment centre.
Sa Kebbi, kung saan nagpapatakbo ang Doctors Without Borders ng isang inpatient at dalawang outpatient facilities, may mga 1,500 na malnourished na batang ginamot mula noong Marso 2022.
- Madagascar
Unang nagtrabaho ang Doctors Without Borders sa Madagascar noong 1987, at bumalik ang organisasyon doon noong 2021 upang harapin ang krisis ng malnutrisyon sa timog na bahagi ng bansa.
Mula Marso 2021, ang mga emergency teamng Doctors Without Borders ay patuloy na nagtatayo ng mga karagdagang mobile clinic upang maghatid ng humanitarian at medikal na pagtulong sa ilang distrito ng rehiyon.
Sa kasalukuyan, sinusuportahan ng Doctors Without Borders ang 29 na lokal na pasilidad pangkalusugan sa distrito ng Ikongo sa pamamagitan ng pangangalaga sa nutrisyon, pagbibigay ng mga pagkaing makabubuti sa kalusugan, at pagsasanay sa mga health staff kung paano tutukuyin at gagamutin ang malnutrisyon.
Nagsimula nang mamahagi ng pagkain at kamakailan lamang ay nagbukas ng isang inpatient therapeutic feeding centre sa ospital sa bayan ng Ambovombe, sa rehiyon ng Androy.
Dalawang magkasunod na bagyo ang nanalanta sa timog silangang rehiyon ng bansa noong 2022. Nasira ang lahat ng aanihin at ang naiwan ay isang landas ng pagkawasak. Naapektuhan ng mga bagyo ang halos lahat ng mga bukirin sa mga timog silangang rehiyon ng Vatovavy, Fitovinany, Atsimo, at Atsinanana, pati na rin ang mahigit sa kalahati ng aanihin sana ng mga tao.
Mga taong naghihintay ng konsultasyong medikal sa Ifanirea health center. Ifanirea, Madagascar, Enero 2023. © MSF
“Bagama’t dati nang mataas ang bilang ng mga kaso ng talamak na malnutrisyon sa mga lugar na ito, itinulak sila ng mga bagyo sa isang nakapanlulumongg sitwasyon,” sabi ni Brian Willet, ang head of mission ng Doctors Without Borders sa Madagascar. “Ang paulit-ulit na pananalanta ng klima ay nagpapatindi sa paghihirap ng mga komunidad, kailangan nilang paulit-ulit ding bumangon para itaguyod ang kanilang pamumuhay.”
Noong nagsagawa sila ng nutritional screening rito noong Nobyembre 2022, nalaman ng Doctors Without Borders na halos isa sa bawat limang batang dumaan sa screening ay nagkaroon ng banayad o malalang malnutrisyon sa simula ng tinatawag na lean season, na kadalasa’y tumatagal mula Setyembre hanggang Abril.
“Kakaunti ang mga organisasyong humanitarian na nagtatrabaho sa timog silangan, at pinag-aaralan namin kung paano pag-iibayuhin ang aming mga ginagawa,” sabi ni Willett. “Marami ang nagsasabing kahit maingat nilang irasyon ang pagkain, tiyak na ubos na iyon pagdating ng Pebrero 2023. Nakababahala ito sapagkat kakaunti ang inaasahang ani ngayong taon gawa ng madalang ang pag-ulan. Kapag may dumating na namang bagyo, ang sitwasyon na dati nang malala ay magiging isang napakalaking trahedya.”
Sa kasalukuyan, sinusuportahan ng Doctors Without Borders ang 24 na pasilidad pangkalusugan sa mga mahirap marating na lugar sa timog silangang Madagascar, at ginagamot ang mga pasyenteng may malnutrisyon sa limang health centres sa distrito ng Ikongo, sa rehiyon ng Fitovinany. Noong unang bahagi ng Enero 2023, 2,072 na mga bata na wala pang limang taong gulang ang ginagamot para sa severe acute malnutrition. Halos kalahati ng mga batang ito ay tinanggap sa mga programa ng Doctors Without Borders. Inaasahang sa mga susunod na buwan ay lalong aakyat ang bilang na ito dahil sa kakulangan ng pagkain, at dahil kasagsagan na ng panahon ng malaria—isang sakit na lalong magpapalala sa problema ng malnutrisyon.
- Somalia
Dinadagdagan ng Doctors Without Borders ang mga programa para sa nutrisyon upang matugunan ang pagdami ng mga batang malnourished sa siyudad ng Baidoa sa timog kanlurang estado ng Somalia.
Ang lugar ay lubhang naapektuhan ng walang patid na tagtuyot, ang pinakamalalang naranasan sa bansa sa loob ng 40 na taon, sa gitna ng ilang dekada ng alitan, patuloy na kawalan ng seguridad,at kakulangan ng pagtugong humanitarian.
Sa pagitan ng Enero at Agosto 2022, mahigit sa 206,000 na bata mula sa iba’t ibang bahagi ng Somalia ang dumaan sa screening ng Doctors Without Borders para sa malnutrisyon. Napag-alamang 23,000 sa kanila ay malnourished. Ang iba sa kanila’y pumapasok sa mga programa ng Doctors Without Borders habang nasa kritikal nang kalagayan.
Sa Baidoa, kung saan nagpapatakbo ang Doctors Without Borders ng 20 na mobile nutrition clinics at 32 na nutrition monitoring sites, mahigit sa 12,000 na batang malnourished ang ginamot ng mga medical teamsa unang walong buwan ng 2022. Noong Agosto 2022, sa loob lang ng isang linggo’y nakapagsagawa ang Doctors Without Borders ng screening ng 955 na bata, at tumanggap ng 761 sa programa para sa nutrisyon. Karamihan sa mga batang iyon ay mga miyembro ng mga pamilyang kamakailan lamang ay napilitang iwan ang kanilang mga tirahan.
Linggo-linggo, humigit-kumulang 500 na mga batang acutely malnourished ang ginagamot namin.
Sinusuri ng doktor ng Doctors Without Borders Physician na si Ahmed Ilyas ang sanggol na si Saidya sa BRH in Baidoa, SW State, Somalia. Ang BRH ay suportado ng Doctors Without Borders. 2022 © Dahir Abdullahi/MSF
Bagama’t pinalala ng mahabang panahon ng tagtuyot ang sitwasyon ng malnutrisyon, ang pagtagal ng humanitarian crisis na ito’y bunsod ng maraming dahilan. Kabilang rito ang sistema para sa pangangalagang pangkalusugan ng Baidoa, na napupuspos sa pagsilbi sa daan-daang libong taong napilitang lumikas mula sa kanilang mga tirahan.
Ang mga matagal nang alitan, ang di sapat na pagtugong mapagkawanggawa, ang epekto ng klima, at ang pagtaas ng mga presyo ng mga pagkain at gasolina ay nakadadagdag din sa paglala ng sitwasyon.
Pinalalala rin ang malnutrisyon ng mga nakahahawang sakit. Ang isang malnourished na tao ay mas madaling makakuha ng impeksyon, at pinapalala rin ng impeksyon ang malnutrisyon.
- Ethiopia
Nasasaksihan ng Doctors Without Borders ang mga nakababahalang indikasyon ng lumalala at nakamamatay na krisis ng nutrisyon sa rehiyon ng Afar sa Ethiopia. Kinakailangan nito ng agaran at malawakang pagtugong humanitarian.
Sa Afar, sa hilagang silangan ng bansa, lumikas ang daan-daang libong mga taong tumakas mula sa alitan. Hindi nila inasahang mauuwi sila sa pakikipagbuno, kasama ng mga dati nang nakatira doon, sa mga hamong dala ng tagtuyot, gutom, kawalan ng access sa pangangalagang pangkalusugan, at kakulangan ng malinis na tubig.
Ang paghihirap dahil sa mga kondisyong ito ay makikita sa mga pasyente ng Dupti Hospital, na nagsisilbi sa populasyong kinabibilangan ng mahigit sa 1.1 milyong tao, kasama na ang daan-daang libong napilitang lisanin ang kanilang tirahan. Sa ospital, halos dalawang katlo ng mga batang malnourished na kinakailangan nang ma-ospital ay mula sa mga pamilyang napilitang lumikas,at sila ang nagpapataas ng bilang ng mga pasyenteng tinatanggap.
Mula noong Abril, dinadagdagan ng Doctors Without Borders ang aming suportang ibinibigay sa Dupti Hospital. Noong 2022, ang bilang ng mga batang may malalang malnutrisyon na tinanggap sa pasilidad ay lumampas na sa bilang noong nakaraang taon.
Kagulat-gulat ang taas ng patient mortality rate, may mga linggong sumosobra ito sa dalawampung porsiyento. Maraming mga batang nasa bingit ng kamatayan, at mahigit sa dalawang sangkatlo ng mga tinanggap na pasyente ang namatay sa loob ng 48 na oras matapos silang tanggapin.
"Sa puntong ito, ang talagang kinakatakutan namin ay na napakaliit na bahagi pa lang ng problema ang nakikita natin,” sabi ni Raphael Veicht, ang Doctors Without Borders Emergency Coordinator sa Addis Ababa, Ethiopia. "Masyadong marami sa kanila ang namamatay sa loob lamang ng 48 na oras dahil masyado nang malala ang kanilang sakit at ang kanilang malnutrisyon, kung kaya’t wala na silang tsansang lumaban pa upang mabuhay," sabi ni Veicht.
“Sa Dupti Hospital, ang tanging nagagamit na referral hospital sa buong rehiyon ng Afar, makikita ninyong nagsisidatingan ang mga bata pagkatapos ng kanilang pagkahaba-haba at napakahirap na paglalakbay.”
"Upang masimulan ang pagkontrol nito, kailangan ng agaran at malawakang pagbibigay ng humanitarian assistance para sa mga taong nawalan ng tirahan at sa mahihinang komunidad kung saan sila lumipat,” sabi ni Veicht. “Ang seguridad ng pagkain, ang pangunahing pangangalagang pangkalusugaan, nutrisyon, at tubig ang mga dapat pagtuunan."
Hawak ni Mayram (26) ang kanyang anak na si Ali (tatlong buwan), sa intensive Inpatient Therapeutic Feeding Center (ITFC) ward sa Dupti hospital , sa rehiyon ng Afar. Pinasok si Ali sa ospital dahil sa severe acute malnutrition. Ethiopia, 2022. © Njiiri Karago/MSF
Nasira, nawasak, inabandona, o kulang sa pondo. Ayon sa mga ulat, 20 porsiyento lang ng mga istrukturang pangkalusugan sa rehiyon ng Afar ang nagagamit. Sa Dupti Hospital, mahigit sa 80 porsiyento ng mga batang malnourished na tinatanggap para sa pangangalaga ay walang access sa pangangalagang pangkalusugan bago sila ipinasok sa naturang ospital.
Nagdagdag ang aming team ng 14 na kama sa mga pansamantalang istruktura, pero maging ang mga iyon ay okupado na. Nagpupunyagi ang medical staff na mabigyan ang mga bata ng kinakailangan nilang pangangalaga sa siksikang pasilidad na ito. At kamakailan lang ay nasagad din ang pediatric ward, dahil umabot ng higit sa doble ng bilang ng kama ang bilang ng mga pasyente.
"Sa loob lamang ng dalawang araw, 41 na bata ang ipinasok sa pediatric ward. Mayroon silang malubhang impeksyon sa tiyan dahil napipilitan ang mga taong uminom mula sa maputik na naipong tubig," sabi ni Veicht.
Nakipagkasundo ang Doctors Without Borders sa Ethiopian Ministry of Health na pauunlarin ang kapasidad ng pediatric, in-patient feeding at emergency department ng ospital. Kasama rito ang mabilis na pagpapatayo ng mga bagong gusali, pagsuporta sa sanitasyon, at paglikha ng maaasahang mapagkukunan ng tubig. Kasabay nito, balak naming magbukas ng limang outpatient feeding programmes sa mga lugar kung saan ito pinakakailangan. Ngunit higit pa rito ang kailangang gawin upang mapigilan ang nakaambang krisis.
- Kenya
Sa hilagang silangan ng Kenya, patuloy ang pagmamalupit ng tagtuyot matapos ang tatlong panahon ng di pag-ulan, na nagpapalala sa dati nang nakababahalang sitwasyon ng kawalan ng seguridad sa pagkain. Nag-uulat na ngayon ang Marsabit County ng mataas, o mas marami kaysa normal na bilang ng mga kaso ng acute malnutrition.
Noong Pebrero 2022, nagsagawa ang Doctors Without Borders ng pagtatasa sa limang sub-counties ng Marsabit. Ang north Horr sub-county, partikular na sa Illeret, ay ang may pinakamalalang sitwasyon ng kawalan ng seguridad sa pagkain at sila rin ang may pinakamaraming batang malnourished. Sa isang mass screening na isinagawa ng UNICEF sa Marsabit noong buwan ding iyon, napag-alamang ang lugar ay may critical global acute malnutrition rate na 23 na porsiyento.
Labing-isang batang pasyente na nasa programa para sa malnutrisyon ang binawian ng buhay sa pagitan ng kalagitnaan ng Pebrero at kalagitnaan ng Marso 2022.
Sinusuri ng isang Doctors Without Borders clinician, isang nars at isang nutritionist ang siyam na buwang sanggol na si Egura Arbollo sa kanilang pag-iikot sa mga ward ng Illeret Health Center. Pinasok siya rito dagil sa severe acute malnutrition, na may kaakibat na malalang dehydration na bunga ng pagtatae, pagsuka, at lagnat. Abril, 2022. © MSF/Lucy Makori
Upang suportahan ang sama-samang pagharap sa suliranin ng acute malnutrition sa ilang sub-counties, nagsagawa ang Ministry of Health at iba pang mga organisasyon ng mga outreach activities. Kaya lang, di nila naipagpatuloy ang mga ito, kung kaya’t di rin natukoy ang lahat ng mga batang malnourished at di nasubaybayan ang mga komunidad.
“Kailangan ng mas malaking pondo at mas masinsinang koordinasyon upang matugunan ang mga kritikal na pangangailangan ng mga tao at masolusyonan ang malnutrisyon,” paliwanag ni Edi Atte, ang country director ng Doctors Without Borders sa Kenya.
“Sa pamamagitan ng mobile outreach, kailangang makapagsagawa ng regular na pagtatasa ng antas ng nutrisyon at makapagbigay ng suporta. Dati, dahil sa mga limitasyon sa lohistika at sa yamang-tao, ang mga outreach clinic ay naidadaos lang nang isa o dalawang beses kada buwan, kaya’t di napapatupad nang tama ang paggamot at pagsubaybay sa mga batang malnourished.”
Nakikipagtulungan ang Doctors Without Borders sa Ministry of Health at iba pang mga organisasyon upang palakasin ang medikal na aspeto ng mga aktibidad para sa nutrition management sa Illeret. Sinusuportahan ng mga team ng Doctors Without Borders ang screening, diagnosis at ang pamamahala sa mga batang may acute na malnutrisyon. Dahil sa ginawa naming aktibong paghahanap ng mga kaso at pagsusubaybay sa mga ito, umakyat ang bilang ng mga batang nakakakuha ng ganitong pangangalaga.
“Simula noong inumpisahan namin ang interbensyon noong Marso 2022, tumaas ang bilang ng mga batang dinadala sa ospital para sa acute malnutrition, at nakita naming may mga batang di gumagaling sa paggamot,” sabi ni Edi Atte. “Pinahusay namin ang pagsangguni sa stabilisation centre sa Illeret. Sa ganitong paraan, may mga nailigtas kaming buhay.”
Tumulong rin ang Doctors Without Borders sa mga kinakailangang pagbabago sa inpatient department ng Illeret Health Centre upang ito’y maging isang inpatient therapeutic feeding centre na may sampung kama. Sa feeding centre na ito, pinapakain ang mga ina nang tatlong beses sa isang araw, upang mapabuti ang kanilang lactation, o ang produksyon ng gatas ng kanilang katawan para sa kanilang sanggol.
Sa wakas ay may pag-ulan na sa rehiyon, at namamahagi na sa mga tao ng pagkain. Subalit naroon pa rin ang pangangailangan para sa palagiang pamamahagi ng sapat at masustansiyang pagkain sa mga sambahayan. Kailangan din ng mga pangmatagalang solusyon para sa kakulangan ng access sa tubig, na patuloy na nakaaapekto sa kalusugan ng mga bata.
- South Sudan
Dahil sa apat na magkakasunod na taon ng pagbaha, ang dalawang katlo ng bansa ay kasalukuyang nakalubog sa tubig. Nitong mga nakaraang buwan ay dumanas ang Jonglei, Northern Bahr El Ghazal, Upper Nile, Unity, Warrap, Western Equatoria, Lakes States sa South Sudan at ang Abyei Special Administrative Area ng matinding pagbaha.
Ang mga baha’y naging sanhi ng pagkawala ng tirahan ng daan-daang libong tao, pagkamatay ng milyon-milyong hayop, at pagkasira ng libo-libong ektarya ng mga pananim, na nagpapalala sa krisis ng seguridad ng pagkain sa bansa. Ayon sa UN World Food Programme, mga mahigit sa 75 porsiyento ng mga tao sa Sudan ang nangangailangan ng pagkain.
Aerial view ng isang binahang barangay malapit sa Old Fangak, South Sudan. Matapos ang ika-apat na taon ng magkakasunod na pagbaha, wasak na wasak na ang lugar na ito. Hunyo 2022. © Florence Miettaux
Nasasaksihan ng aming mga team ang nakababahalang pagtaas ng bilang ng mga kaso ng moderate to severe acute malnutrition. Mula Enero hanggang Setyembre ngayong taong ito, mahigit 4,200 na batang malnourished ang ginamot sa ilang pasilidad namin sa South Sudan.
Dahil wala silang ibang mapupuntahan, sampu-sampung libong tao ang namamalagi ngayon sa mga displacement camp. Ang kakulangan ng masisilungan, ng ligtas na inuming tubig, at ng mga pasilidad para sa sanitasyon sa mga kampong ito ay nagiging sanhi ng mga outbreak ng mga nakahahawang sakit, mga sakit na dala ng maruming tubig, at ng iba pang mga banta sa kalusugan. Ito ay isang humanitarian disaster para sa mga taong napakarami nang paghihirap na pinagdaanan.
Bagama’t ngayo’y simula na ng panahon ng tagtuyot sa bansa, tila wala namang natatanaw na pansamantalang kaginhawaan. Ang pagkawasak ng mga pananim at ang pagkamatay ng mga inaalagaang hayop ay inaasahang magiging sanhi ng paglala ng malnutrisyon dito.
- Afghanistan
Mula noong 2021, nakakita ang Doctors Without Borders ng napakataas na bilang ng mga pasyente sa aming mga Inpatient Therapeutic Feeding Centres (ITFCs) at Ambulatory Therapeutic Feeding Centre (ATFC) sa Helmand, Herat at Kandahar.
Kandahar
Nagpapatakbo rin ang Doctors Without Borders ng mga aktibidad para itaguyod ang nutrisyon sa Kandahar, nang nakatuon sa mga batang may SAM sa edad na 6 hanggang 59 na buwan. Mula Enero hanggang Setyembre 2022, 31,544 na bata ang dumaan sa screening ng Doctors Without Borders Therapeutic Feeding Programme sa Kandahar. Sa mga dumaan sa screening hanggang sa pagtatapos ng Setyembre 2022, 5,224 ang pinasok sa ATFC, samantalang 426 naman ang sa ITFC.
Noon ding buwan na iyon, 488 na pasyente ang nag-enroll sa ATFC, at 110 na bata ang tinanggap sa ITFC; ito’y kumakatawan sa 25.8 porsiyento ng lahat ng tinanggap na pasyente sa ITFC noong 2022.
Mga babaeng nahihintay sa labas ng Doctors Without Borders' Ambulatory Therapeutic Feeding Centre (ATFC) sa Kandahar, Afghanistan. November 2022. © Tasal Khogyani/MSF
Lashkar Gah, Helmand
Sa Boost Hospital sa Lashkar Gah, isang ospital na suportado ng Doctors Without Borders, patuloy pa rin kaming nakakakita ng mga batang may SAM na tinatanggap sa ITFC.
Herat
Ang ITFC ng Doctors Without Borders sa Herat Regional Hospital (HRH) ay gumagamot ng mga batang malala na ang malnutrisyon at mayroon pa silang karagdagang kumplikasyong medikal. Noong 2022, mga isang-katlo ng mga pasyenteng tinanggap namin ay wala pang anim na buwan ang edad.
Sa klinika sa Kahdestan, nagbibigay kami ng outpatient treatment para sa mga bata, at para sa mga nagdadalang-tao at nagpapasusong kababaihan.
Kabul
Sa pagitan ng Pebrero 2022 at Hulyo 2022, nagsagawa ang Doctors Without Borders ng pagsasaayos ng pediatric department ng Ministry of Higher Education Maiwand Teaching Hospital, at noong Hulyo 2022 ay nagtatag ng bagong ITFC doon na may 34 na kama.
Khost
Ang Khost Maternity Hospital ay nagbibigay ng maternal healthcare sa mga nagdadalang-tao na may nararanasang kumplikasyon, at pati na rin neonatal care. Noong Setyembre 2022, 1,770 na mga babaeng nagdadalang-tao ang dumaan sa screening namin para sa malnutrisyon. Mahigit sa 15 na porsiyento sa kanila ang may moderate acute malnutrition (MAM), at hindi umabot sa isang porsiyento ang may SAM. Ginamot din sila sa KMH.
Ano ang ginagawa ng Doctors Without Borders upang solusyonan ang malnutrisyon?
Tumutugon ang Doctors Without Borders sa isyu ng malnutrisyon sa ilang mga bansa, gaya ng Afghanistan, Yemen, Nigeria, South Sudan at Madagascar.
Sa marami sa aming proyekto, tumutugon din kami sa indibidwal na mga kaso ng malnutrisyon.
Kaunting kaalaman ukol sa malnutrisyon
Isinasagawa ng Doctors Without Borders ang screening ng isang komunidad para sa potensyal na mga kaso ng malnutrisyon sa pamamagitan ng nutritional assessments, at ito’y aming ginagawa kasabay ng aming mga outpatient at inpatient services na di naman nakatuon lamang sa nutrisyon, at pati na rin sa mga ibang interbensyon. Tinatasa ng aming mga team ang mga bata as pamamagitan ng pagkukumpara sa ratio ng kanilang timbang-para sa- taas sa pandaigdigang pamantayan ng WHO at/o sa pamamagitan ng pagsukat ng mid-upper-arm circumference (MUAC) ng bata, gamit ang mga colour-coded paper bracelets. At dahil simple lang ang paggamit ng sukat ng MUAC, maaari rin itong gamitin sa mga barangay ng mga community health worker.
Ang malawakang paggamit ng ready-to-use therapeutic food (RUTF), na naglalaman ng partikular na binalanseng sustansiya ay nakakatulong sa ating paglaban sa malnutrisyon. Ito ay maaaring imbakin nang matagal nang hindi kinakailangang ipasok sa refrigerator. Ang RUTF ay maaaring parang peanut butter ang anyo, o puwede rin itong parang biskwit. Sa tulong nito, ang paggamot ay gagawin lang ng pamilya sa kanilang tahanan, at pagkatapos ay kukuha ng follow-up appointment sa klinika. Ang cure rate o bisa nito ay mahigit sa 90 porsiyento, at makababawas pa sa mga aalagaang inpatient.
Sa ilang mga rehiyon, ang aming mga team ay nagpapatakbo ng mga proyekto para maiwasan ang malnutrisyon at pigilang magkasakit ang mga bata,lalo na pagkatapos ng taunang “hunger gap”. Nagsisimula nang magrabaho ang Doctors Without Borders at nagsasaayos ng mga outpatient clinic ilang buwan bago ang tag-ulan , kung kailan dumadami ang mga kaso ng malnutrisyon. Sa mga lugar kung saan malamang ay magiging malala ang malnutrisyon, gumagamit ang aming mga team ng stratehiya kung saan hahadlangan na nila ito bago pa man ito mangyari. Ginagawa nila ito sa pamamagitan ng pamamahagi ng masustansyang supplement sa mga batang nanganganib sa Africa at Asia. Tinitiyak din nila na ang ibang mga pamamaraan upang mapigilan ang paglaganap ng sakit, gaya ng pagbabakuna at malaria chemoprophylaxis, ay ipinapatupad.