Ang paggamot ng malnutrisyon sa Afghanistan
Sa Paediatric Care ng Herat Regional Hospital, ipinapatong ang isang pasyente sa timbangan upang malaman kung gaano siya kabigat. Afghanistan, Enero 2024. © Mahab Azizi
- Sa kabila ng dalawang dekada ng pagtanggap nila ng tulong at puhunan mula sa ibang bansa, nahihirapan pa rin ang mga Afghan na makakuha ng pangunahing pangangalagang pangkalusugan at emergency healthcare dahil sa distansya, halaga, at kakulangan ng mga pasilidad pangkalusugan.
- Noong 2023, tumanggap ang mga proyektong pangmalnutrisyon ng Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) sa Herat, Lashkar Gah at Kandahar ng mahigit sa 10,400 na mga batang may edad na hanggang limang taong gulang sa mga inpatient therapeutic feeding centre (ITFC). Sa Herat at Kandahar, 6,900 na bata ang nakatala sa mga ambulatory therapeutic feeding centre (ATFC).
Nakapikit ang mga mata ng isang sanggol habang siya’y nakahiga. Ang kanyang kumot, na gawa sa balahibo ng tupa, ay may iba’t ibang kulay: pula, rosas at luntian. Sa kanyang ilong, may plaster na nakadikit upang hindi matanggal ang mga tubo na nakapasok sa maliliit na butas ng kanyang ilong. Sa mga tubong ito ipinadadaan ang isang milk solution na makatutulong upang maibalik ang kanyang lakas. Nakatuon sa kanya ang atensyon ng kanyang ina habang ito’y nakaupo malapit sa ibang mga nag-uusap at nagtatawanang kababaihan na may mga anak ding nakahiga sa silid ding iyon. Abala ang mga tao sa inpatient therapeutic feeding centre (ITFC) ng Herat. Masyadong maliit ang mga silid para sa dami ng mga kamang nakalaan para sa mga malnourished na bata at sa kanilang mga tagapangalaga.
Sa bandang timog, sa Helmand, halos pareho rin ang mga eksenang masasaksihan sa Boost Hospital. Nang ipinasok si Nazifa sa ospital, nilagyan ng nars ng may kulay na mid-upper arm circumference (MUAC) tape ang kanyang maliit na braso. Hinila ng nars ang tape hanggang ito’y humigpit. Tumapat ang bandang dulo nito sa pulang bahagi ng tape, isang indikasyon na si Nazifa ay malnourished. Susukatin at titimbangin siya bago tuluyang tanggapin sa ospital, kung saan mananatili siya ng dalawang linggo upang madagdagan ang kanyang timbang at magamot ang kanyang diarrhoea.
Dinala ng isang lalaki ang kanyang malnourished na apong lalaki sa Doctors Without Borders Ambulatory Therapeutic Feeding Centre (ATFC) sa Kandahar. Afghanistan, Nobyembre 2022. © Tasal Khogyani/MSF
Ayon sa mga magulang, ang hamon ng pagpapakain ng sapat sa kanilang mga pamilya ay kakulangan ng pera at hindi ang kakulangan ng pagkaing mabibili. Ngunit kasabay noon ay ang kahihinatnan ng mga nagpapasusong ina dahil sa kakulangan ng pagkain o nutrisyon at ang mga di-tuwirang epekto nito sa kanilang mga sanggol. Ang ilang mga ina ay walang maipasuso na sapat na gatas. “Noong siya’y ipinanganak, malusog naman siya ngunit wala akong maibigay na sapat na gatas kaya’t nagsimula kaming gumamit ng infant formula. Kaya lang, nagkasakit siya dahil dito”. Ang mga ina naman ay maaaring isama sa talaan ng mga mabibigyan ng outpatient malnutrition care, sa mga lugar na tulad ng Kandahar at Herat.
“Apat na oras kaming bumiyahe mula sa Kamari sa probinsya ng Badghis,” paliwanag ni Fatima*, na dinala ang kanyang anak na lalaki sa Herat upang mabigyang lunas ang malnutrisyon at bulutong nito. Noong una, naghanap sila ng makatutulong sa klinikang malapit lang sa kanilang tirahan, ngunit sila’y nabigo. Ang mga ospital at klinika ng Doctors Without Borders, pati ang mga sinusuportahan nitong mga ospital ng Ministry of Public Health (MoPH), ay nakatatanggap ng mga pasyenteng galing sa malalayong lugar. Ito’y dahil wala silang makuhang de-kalidad na pangangalagang pangkalusugan malapit sa kanilang tirahan.
Dahil sa lumalalang ekonomiya ng Afghanistan, karamihan sa mga taong dati’y kayang kumuha ng pangangalaga mula sa mga pribadong klinika ay umaasa na rin ngayon sa mga health centre na suportado ng mga pandaigdigang organisasyon. Ayon kay Roya – isang ina na ang anak ay nasa ospital nitong nakaraang dalawang linggo – sa kanilang barangay, halos lahat ng mga bata ay may malnutrisyon dahil sa sitwasyon ng ekonomiya. “Wala silang pera, kahit 50 o 100 na Afghani (70 cents o US$1.40) para pambayad sa taxi upang madala ang kanilang mga anak dito at maipagamot.”
Ang mga kababaihang nasa waiting area sa labas ng Ambulatory Therapeutic Feeding Centre (ATFC) ng Doctors Without Borders sa Kandahar. Afghanistan, Nobyembre 2022. © Tasal Khogyani/MSF
Habang nakaupo sa mga bangko sa Kandahar, sa ilalim ng init ng araw, matiyagang naghihintay ang mga ina habang kandong ang kanilang mga anak at mahigpit na hawak ang kanilang mga dokumentong medikal. Sa hindi kalayuan, may lugar kung saan nakaupo ang mga ama, kapatid na lalaki at mga tiyuhin. Mula rito, ang mga munting pasyente at ang kanilang mga magulang o guardian ay tatawagin upang magawan ng assessment. Kung malala ang kanilang malnutrisyon ngunit wala namang kumplikasyong medikal, isasama sila sa programang magbibigay ng outpatient care para sa malnutrisyon at makatatanggap din sila ng ready-to-use therapeutic food na kanilang iuuwi. Pagkalipas ng isang linggo, kailangan nilang bumalik para sa isang check-up. Magpapatuloy ito sa loob ng anim hanggang walong linggo, hanggang sa sila’y gumaling.
Noong 2023, ang mga pasilidad na pinatatakbo at sinusuportahan ng Doctors Without Borders sa Herat, Lashkar Gah at Kandahar ay tumanggap ng mahigit 10,400 na bata edad lima pababa. Mula Enero hanggang Abril 2024, 2,416 na pasyente ang tinanggap doon. Kung ikukumpara sa parehong mga buwan noong nakaraang taon, 5% ang itinaas nito. Ang mga team sa Herat at Kandahar ay nagtala ng 6,900 na bata sa mga ambulatory therapeutic feeding centre (ATFC) noong 2023.
Paediatric Care sa Herat Regional Hospital. Afghanistan, Enero 2024. © Mahab Azizi
Sa Herat, marami sa mga pasyenteng sinusuri namin ay wala pang isang taong gulang kung kaya’t ang natutukoy naming mga isyu ay may kaugnayan sa breastfeeding at complementary feeding (o ang pagpapakilala ng mga masustansyang pagkaing maidadagdag sa breastmilk). Ito ay isa sa mga gusto naming matugunan sa pamamagitan ng aming mga health promotion activity kasama ang mga ina at ang kanilang mga pamilya. Ang mga sanggol na wala pang anim na buwan ay masyado pang bata upang sumailalim sa aming mga nutrition programme, kaya’t mas mahirap para sa kanilang pamilya na makakuha ng pangangalagang kinakailangan nila para sa kanilang malnutrisyon. Kung hindi babaguhin ang mga admission criteria, patuloy pa rin itong magiging suliranin.Aline Plener, Medical Coordinator
Kadalasan, sa sobrang siksikan ng mga inpatient ward para sa malnutrisyon, dalawang sanggol at dalawang ina ang nasa iisang kama. Sa medikal na pananaw, ito ay hindi makabubuti sa pasyente. Ang ibang ginagamot ng Doctors Without Borders ay umuuwi ngunit babalik din pagkatapos ng ilang linggo nang hindi natutugunan ang pinag-ugatan ng kanilang malnutrisyon. Para sa mga may congenital disease o sakit na naroon na mula pa noong kanilang kapanganakan, ito ay dahil sa hirap makahanap ng kinakailangan nilang pangangangalaga ng mga espesyalista, na kadalasa’y makukuha lamang mula sa malalayong lugar at napakamahal pa. Ang ilang mga ina, tulad ni Roya, ay nabigyan ng pansamantalang ginhawa. Sabi niya, “bumuti na ang kalagayan ng aking anak, papagaling na siya. Sa wakas, maaari na kaming umuwi sa aming tahanan.”