Skip to main content

    Afghanistan: Ang mga kritikal na pagkukulang sa paediatric at neonatal care sa mga probinsiya sa hilaga

    Dr Suraya takes 18-day-old baby's vitals, who was born prematurely at seven months. Afghanistan, October 2023. © Oriane Zerah

    Kinukuha ni Dr. Suraya ang vitals ng sanggol na labing-walong araw pa lamang. Nanganak ang kanyang ina kahit na hindi pa nito kabuwanan. Afghanistan, Oktubre 2023. © Oriane Zerah

    “Hindi ko alam kung gaano kasakit ang pinagdadaanan niya, ngunit narito ako at umaasang gagaling siya sa lalong madaling panahon,” sabi ni Farida, ina ng siyam na buwang sanggol na si Hadia.

    Dalawang araw nang hindi kumakain si Hadia. Ayaw niyang kumain ng kahit ano, maski ang kanyang paboritong prutas na saging. Dinala siya ng kanyang ina sa ilang pasilidad pangkalusugan at sa mga doktor, ngunit walang pagbabago sa kanyang kondisyon. Dahil desperado na siyang makita ang kanyang anak na gumaling, dinala ni Farida si Hadia sa iba’t ibang lugar na inirekomenda ng kung sinu-sino. “Sinubukan ko ang lahat ng minumungkahi ng mga tao. Dinala ko siya sa maraming doktor at nagbayad ng mahal para sa mga gamot na nireseta, ngunit hindi siya gumaling, at sa halip ay nagkaroon pa siya ng diarrhoea na nagpalala sa kanyang kondisyon,” sabi ni Farida.

    Ngayong araw na ito, nakaupo siya sa paediatric emergency room ng Mazar-i-Sharif Referral Hospital sa probinsiya ng Balkh, sa Afghanistan, isang pasilidad na sinusuportahan ng Doctors Without Borders. Si Hadia ay natukoy na mayroong severe acute malnutrition. Sabi ng mga doktor, maaaring iyon ay bunga ng pagkakaroon niya ng diarrhoea, o ng iba pang maaaring dahilan. Umaasa si Farida na gagaling ang kanyang anak.

    Isang palapag sa taas ng emergency room, karga naman ni Shekiba* ang kanyang anak na si Atoosa*, sa Prematurity Ward, kung saan sila namalagi nitong nakaraang dalawang araw matapos silang ma-discharge mula sa neonatal intensive care unit (NICU)**. Apat na linggong nasa isang incubator si Atoosa sa NICU, dahil ipinanganak siya nang maaga. Siya ay dalawampu’t walong linggo pa lamang noong lumabas — tatlong buwan bago siya dapat ipanganak—at ang timbang niya ay 1.2 kilo lang.

    Doctor Obaidullah Asadullah checks vital signs of a premature newborn. Afghanistan, October 2023. © Oriane Zerah

    Sinusuri ni Dr. Obaidullah Asadullah ang mga vital sign ng isang premature na sanggol. Afghanistan, Oktubre 2023. © Oriane Zerah

    “Mahirap para sa aking makita ang aking anak sa loob ng incubator, na may mga tubong nasa kanyang ilong at mga wire na konektado sa maraming bahagi ng kanyang katawan. Nababahala ako kapag naririnig ko ang mga walang humpay na pagtunog ng mga medical equipment dahil pinapaalala nito sa akin na malubha ang sakit ng anak ko,” sabi ni Shekiba.

    “Parang napakahina na niya. Dahil hindi ko alam kung gagaling pa siya, nakakaramdam ako ng matinding kalungkutan at parang winawarak ang aking kalooban,” dagdag niya. “Naaalala ko pa noong sinabi ng mga doktor na ililipat na siya mula sa intensive care tungo sa prematurity ward dahil maayos na ang kanyang kondisyon. Hindi ako makapaniwala! Agad kong tinawagan ang aking asawa at sinabihan siyang ihanda ang lahat dahil malapit na kaming umuwi.”

    Noong Agosto 2023, sa pakikipagtulungan sa Ministry of Public Health, naglunsad ang Doctors Without Borders ng serbisyong medikal sa Mazar-i-Sharif Regional Hospital sa probinsiya ng Balkh. Layunin nitong mabawasan ang paediatric at neonatal mortality rates sa mga probinsiya sa hilaga.Sa kasalukuyan, sila’y nagpapatakbo ng isang NICU at emergency room (ER) para sa mga batang hanggang edad na labinlima. Suportado ito ng isang triage system upang matiyak na ang mga pasyenteng may pinakamalalang kondisyon ay tatanggapin at mabibigyan ng pangangalaga.

    Kada buwan, ang mga medical team ng Doctors Without Borders sa Mazar-i-Sharif Regional Hospital ay tumatanggap ng humigit-kumulang 3,000 na batang may malubhang sakit sa paediatric ER at mga 546 na bagong panganak na sanggol sa NICU. mula noong nagsagawa ang Doctors Without Borders ng mga aktibidad sa NICU , ang karaniwang bed occupancy rate ay lagi nang mas mataas sa 140%.  Sa kasalukuyan, mga 60 na sanggol ang naroon— higit sa doble ng kanilang kapasidad na 27 na kama. Kinailangang maglaan ang Doctors Without Borders ng karagdagang mapagkukunang-yaman upang matiyak ang patuloy na pagbibigay ng personalized care at atensyon sa bawat sanggol, at bawasan ang posibilidad ng burnout sa staff dahil sa kakulangan ng kapasidad at espasyo.

    Two mothers carrying their children in the New Natal Ward. Afghanistan, October 2023. © Oriane Zerah

    Dalawang nanay, karga ang kanilang mga anak, sa New Natal Ward. Afghanistan, Oktubre 2023. © Oriane Zerah

    Nakisangkot kami sa Mazar-i-Sharif upang tugunan ang mga mahahalagang pangangailangan para sa pangangalagang pangkalusugan ng populasyong Afghan, lalong-lalo na ang mga sanggol at mga bata, sa harap ng nakapupuspos na mga hinihingi, ng mga nasasagad na sistema para sa pangangalagang pangkalusugan, at ng kakulangan ng mapagkukunang-yaman. Layunin naming tiyakin na ang bawat batang ipinapasok sa aming ospital ay tatanggap ng personalized care at suporta, at mabawasan ang bilang ng mga batang namamatay dahil sa mga kondisyong kaya namang mabigyan ng lunas. Ang mga mataas na bed occupancy rate na nakikita natin sa mga departamentong aming sinusuportahan ay indikasyon ng malaking pangangailangan para sa mga ganitong serbisyo, at ng mga matinding kakulangan ng pangangalagang pangkalusugan sa probinsiya.
    Heidi Hochstenbach, head of programs

    Ang sistema ng pangangalagang pangkalusugan sa Afghanistan ay matagal nang hinahamon ng mga isyung gaya ng kakulangan ng mga tauhan, kakulangan ng pondo, at ang hindi sapat na pagtugon sa mga pangangailangan ng populasyon. Dagdag pa sa paghihirap ng sistema ng pangangalagang pangkalusugan ang pagbabago sa pamahalaan noong Agosto 2021 na nagbunga ng pagbawas ng pondo mula sa mga donor. Ang resulta nito ay ang dahan-dahang pagkasira ng imprastrukturang pangkalusugan at ang  pagbaba ng bilang ng mga healthcare worker. Dahil dito, marami ang nawalan ng access sa pangangalagang pangkalusugan at sila’y nanganganib dahil sa mahinang kalusugan, at posibleng sa kamatayan.

    Makikita sa mga karanasan nina Farida at Shekiba ang mga pangangailangan at mga kritikal na puwang sa access sa pangangalagang pangkalusugan. Sinisikap ng Doctors Without Borders na punan ang mga puwang na ito ng specialised na pangangalaga at suporta sa Mazar-i-Sharif Regional Hospital. “Pinapangarap ko ang araw kung kailan makakasama kong muli ang aking anak. Susuklayan ko siya, titirintasin ang kanyang buhok, makikipaglaro sa kanya at dadalhin ko siya sa paaralan,” sabi ni Shekiba.

    Nagsimulang magtrabaho ang Doctors Without Borders sa Afghanistan noong 1980 at patuloy nitong inaayon ang mga serbisyong ibinibigay sa nagbabagong konteksto at mga pangangailangan ng populasyon. Ang pagsimula ng mga serbisyo para sa probinsiya ng Balkh ay dagdag sa pitong kasalukuyang proyekto ng Doctors Without Borders sa bansa. Pinag-aaralan ng Doctors Without Borders ang unti-unting paglawak ng mga serbisyo nito upang maisama ang paediatric intensive care unit,  ang mga inpatient ward para sa mga malalang kaso ng malnutrisyon, at ang paediatric ward ng Mazar-i-Shariff Regional Hospital.


    *Pinalitan ang kanilang mga pangalan.
    **Ang NICU ay isang lugar na may mga specialised medical equipment, at medical staff na dumaan sa pagsasanay upang magbigay ng pangangalaga sa mga malubha ang sakit at sa mga premature na sanggol na nangangailangan ng intensive care. Ang pangangalagang binibigay sa NICU ay naaayon sa mga pangangailangan ng mga bagong panganak, at kadalasa’y may kasamang suporta para sa preterm na sanggol—mga may mababang timbang nang ipinanganak, perinatal problems o mga congenital abnormality.