Tigdas sa South Sudan: Nahaharap sa bagong krisis sa kalusugan ang mga taong tumatakas mula sa alitan sa Sudan
Pinapakalma ng isang babae ang kanyang siyam na taong gulang na pamangkin habang ito’y tinatanggap sa paediatric ward para sa ibang mga kumplikasyon matapos gumaling ang bata mula sa tigdas sa isang ospital ng Doctors Without Borders sa displacement camp sa Bentiu, estado ng Unity. South Sudan, Hulyo 2023. © Nasir Ghafoor/MSF
Nagtala ang mga team ng Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) ng nakababahalang pag-akyat sa bilang ng mga kaso ng tigdas at malnutrisyon sa pasilidad ng organisasyon sa South Sudan, partikular na sa mga bumabalik matapos nilang takasan ang mga alitan sa Sudan, at sa mga host community.
Tumatanggap ng mga pasyente ang mga pasilidad medikal ng Doctors Without Borders sa Upper Nile, Unity, Northern Bahr El Ghazal at sa estado ng Warrap, lalo na kapag ang mga pasyente ay wala pang limang taong gulang, may tigdas at iba pang kritikal na kondisyon. Habang unti-unting dumarating ang mga returnee sa iba’t ibang lugar sa may border, nananawagan ang Doctors Without Borders sa mga donor at mga nagsasagawa ng humanitarian work na paunlarin ang surveillance system at palakihin ang kanilang pagtugon mula sa points of entry hanggang sa mga lugar kung saan mamamalagi ang mga returnee, upang matiyak na ang mga taong nawalan ng tirahan ay mabubuhay nang may dignidad.
Ang pagtugon sa tigdas ay hindi dapat ipagpaliban. Ang oras para sa screening at catch-up vaccination ay dapat pahabain, kung maari’y gawin ito 24/7. Ang mga mobile vaccination team ay kinakailangang italaga habang sila’y bumibyahe pa lamango di kaya’y habang nasa mga reception site pa sila kasama ang mga host community. upang matiyak na tuloy-tuloy ang screening at pagbabakuna para sa mga bagong dating na maaaring hindi nabakunahan sa border. Kailangang paunlarin ang community surveillance upang mapigilan ang pagkalat ng tigdas.Mohammad Ibrahim, Head of Mission
Mula noong pumutok ang alitan, mahigit 200,000 na indibidwal ang nakarehistrong tatawid sa South Sudan noong unang linggo ng Agosto. Mahigit 90% sa kanila ay mga taga-South Sudan, at dumarating silang pagod at nanghihina. Ang mga taong ito, na ang karamihan ay mga kababaihan at mga bata, ay maaaring nasa iba’t ibang bahagi ng bansa kung saan sila nagsusumikap na maging bahagi ng mga komunidad, o di kaya nama’y nasa mga transit centre malapit sa border. Sa parehong mga kaso, kailangan nila ng mga pangunahing serbisyo tulad ng pangangalagang pangkalusugan, access sa malinis na tubig at mga imprastruktura kaugnay ng sanitasyon, mga pagkain at mga kagamitan, proteksyon, at masisilungan.
“Terible ang aming sitwasyon. Wala kaming pagkain. Nakatira lang kami sa ilalim ng mga puno”, sabi ni Nyakiire Nen. Ang anak na babae ni Nyakiire Nen na dalawang taong gulang ay kasalukuyang ginagamot para sa tigdas sa isang ospital ng Doctors Without Borders sa Bentiu Internally Displaced People (IDP) camp sa estado ng Unity.
Dahil sa mga nakababahalang pagdagsa ng mga pasyenteng may tigdas sa Renk at Bentiu, ang mga team ng Doctors Without Borders ay nagtayo ng mga isolation ward na nakalaan para sa mga may sakit na ito. Samantala ang kapasidad ng mga pasilidad ng Doctors Without Borders ay tinaasan upang makapagbigay lunas sa mas marami pang pasyente sa Aweil, Leer at Malakal.
Sa Twic County, sinuportahan ng Doctors Without Borders ang pagtayo at pagsasaayos ng mga kagamitan para sa isang 25-bed-measles isolation centre sa Mayen Abun Hospital, habang sinusuportahan ang pagsasanay ng mga frontline healthcare worker ukol sa case definition, identification at management ng tigdas sa walong pangunahing health care centres sa County.
Sa estado ng Upper Nile, ang Renk ang pinakaginagamit na entry point sa South Sudan ng mga tumatakas mula sa alitan. Karamihan sa kanila’y galing sa estado ng White Nile, Sudan, kung saan nitong nakaraang buwan, 1,300 na pinaghihinalaang kaso ng tigdas ang natukoy ng mga Doctors Without Borders team. Mula noong Hunyo 2023, ang isolation ward na isinaayos ng Doctors Without Borders sa Renk County Hospital ay tumanggap na ng 317 na pasyente, at mahigit 75% sa kanilaay mga returnee. Ang mga bata ang pinakanaapektuhan, mahigit 80% ay mga batang wala pang apat na taong gulang. Hindi aabot ng 15% sa kanila ang nabakunahan laban sa tigdas. Dahil ang mga returnee na ito ay sama-samang nakatira sa mga siksikang transit center at bumibiyahe nang sakay sa siksikang mga trak o barko, napakalaki ng posibilidad na kakalat ang sakit.
Sa Paloich, naglunsad ang Doctors Without Borders ng tatlong linggong emergency intervention noong Hulyo 27, 2023. Ito’y nakatuon sa mga pangangailangang kaugnay ng kalusugan at nutrisyon ng mahigit 3,000 na taong nakatira sa kampo.
Ito ang measles isolation ward ng ospital ng Doctors Without Borders sa displacement camp sa Bentiu, estado ng Unity. Bilang tugon sa pagdagsa ng mga pasyente noong Hulyo 2023, pinalaki ng Doctors Without Borders ang kapasidad ng isolation ward. Mula sa sampung kama, ang kapasidad nito’y naging 25 na kama. South Sudan, Hulyo 2023. © Nasir Ghafoor/MSF
“Malulusog ang aking mga anak noong kami’y nasa Khartoum pa. Ngunit sa aming paglalakbay, nagkaroon sila ng diarrhea at nanghina. Iniinom namin ang tubig mula sa ilog ng Malakal, halos pula na ang kulay nito. Noong lulan na kami ng bangka mula Malakal papuntang Bentiu, kinakitaan na ng mga sintomas ng tigdas ang mga bata”, sabi ni Martha Nyariek. Ang kinukuwento niya ay ang kanyang mga anak: ang isang taong gulang na batang babae na si Nyageng Mawich at ang tatlong taong gulang na batang lalaki na si Bol Mawich, na kabilang sa daan-daang pasyenteng ginagamot ng mga Doctors Without Borders medical team sa estado ng Unity.
Sa Malakal, nananatiling kahila-hilakbot ang sitwasyon ng mga returnee sa Bulukat Transit Camp. Pinapalala pa ito ng kakulangan ng pagkain at pagpigil sa kanilang paglalakbay. Laksa-laksa sila kung dumating at marami sa kanila ang may sakit, lalo na ang mga bata. Naitatala sa mga pasilidad ng Doctors Without Borders ang palagiang pagtaas ng bilang ng mga kaso ng malnutrisyon. Sinimulan ng Doctors Without Borders ang pagpapatakbo ng mobile clinic sa transit camp, habang ang ospital ng Doctors Without Borders, ang tanging secondary level healthcare facility para sa mga bata, ay tumatakbo nang higit sa kapasidad nito. Samantala, ang ospital ng Doctors Without Borders sa Aweil ay nakasaksi rin ng 65% na pagtaas ng bilang ng mga kaso ng malnutrisyon sa unang anim na buwan nitong 2023, kumpara sa parehong panahon noong 2022.
Sinsusuri ng doktor ng Doctors Without Borders ang isang batang nasa measles isolation ward sa aming pasilidad medikal sa Leer County, estado ng Unity. South Sudan, Hulyo 2023. © Nasir Ghafoor/MSF
“Kapag malnourished ang isang bata, mas madali siyang mahahawaan ng tigdas at mas mataas ang posibilidad na ikamatay niya ito”, sabi ni Dr. Ran Jalkuol ng Doctors Without Borders. “Karamihan sa aming mga pasyente ay mga batang hindi bakunado. Upang pigilan ang pagkawala ng buhay dahil sa tigdas, may kagyat na pangangailangan na dagdagan ang suporta sa kanilang pagkain at magsagawa ng pagbabakuna para sa lahat, lalo na ang mga returnee na edad anim na buwan pataas. Pinakananganganib ang mga batang edad anim na buwan hanggang apat na taon."
Hindi na bago para sa South Sudan ang mga outbreak ng tigdas. Noong 2022, dalawang outbreak ng tigdas ang idineklara ng mga awtoridad ng South Sudan. Ang pangalawa rito ay nakaapekto sa lahat ng kanilang mga estado at mga administrative area. Ang pagdagsa ng mga returnee at ang pagdami ng mga kaso ng tigdas sa mga taong nawalan ng tirahan at sa kanilang mga host community ay dagdag na pasanin ng isang sistema ng pangangalagang pangkalusugan na dati nang hindi sapat para sa kanilang mga pangangailangan.