Matinding labanan sa Sudan
Pinakabagong Ulat
- Sa Khartoum, El Geneina, Zalingei at sa ibang mga siyudad at bayan kung saan patuloy ang matitinding labanan, nanatiling di makakilos ang mga tao, habang daan-daang libo ang nagsisilikas na sa mga mas ligtas na lugar sa loob at labas ng bansa.
- Nitong mga nakaraang linggo, ilang mga ospital at mga medical warehouse, kasama na ang mga pasilidad na pag-aari ng Doctors Without Borders, ay ninakawan, kung kaya’t lalong nabawasan ang access sa pangangalagang medikal dahil maraming pasilidad ang kinailangang magsara o di kaya’y nalimas ang mga supplies.
- Mula noong lumubha ang karahasan, ang Doctors Without Borders ay kumikilos sa sampung estado: Khartoum, Kassala, Al-Jazeera, West Darfur, North Darfur, Central Darfur, South Darfur, Red Sea, El-Gedaref at Blue Nile.
Mula noong Sabado Abril 15, matinding labanan ang nagaganap sa pagitan ng Sudanese Armed Forces (SAF) at Rapid Support Forces (RSF) sa Khartoum at sa ibang bahagi ng Sudan. Maraming mga tao, pati mga healthcare worker, ang hindi makaalis sa kanilang kinaroroonan. Sa mga lugar kung saan ang Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) ay nakapagbibigay ng pangangalagang medikal, malala na ang sitwasyon.
Dalawang taon nang hinaharap ng 20,000 na tao ang mga kondisyong hindi angkop para sa maayos na pamumuhay sa Tanedba refugee camp sa Sudan,isa sa mga pangunahing kampong itinatag bunga ng pagdagsa ng mga migrante pagkatapos ng muling pag-akyat ng mga insidente ng karahasan sa Ethiopia. Ang kawalan ng katiyakan sa kanilang mga buhay ay lalong pinalala ng mga nangyari kamakailan.
Paano tumutugon ang Doctors Without Borders sa gitna ng matinding digmaan sa Sudan?
Bago pa man lumala ang karahasan noong Abril, hindi na matatag ang sistemang pangkalusugan sa Sudan. Laging mababa ang mga health index, at may kapansin-pansing malalaking puwang sa naibibigay na serbisyo sa mga siyudad kumpara sa mga lalawigan, at sa mga nakukuhang serbisyo ng mga mayayaman kumpara sa natatanggap ng mahihirap.
Dahil sa pagpapatuloy na karahasan at di-pagkakasunduan, miserableng kondisyon ng ekonomiya, under-resourcing, kakulangan ng medical supplies, brain drain o pagpunta sa ibang bansa ng mga medical professionals, at kamahalan ng pangangalagang pangkalusugan, ang pagkuha ng mga pangunahing serbisyong medikal ay isang seryosong suliranin ng karamihan sa taga-Sudan. Ito ang mga bagong aktibidad na isinasagawa bilang tugon sa kasalukuyang paglubha ng karahasan:
- Sa kabiserang siyudad ng Khartoum, isang surgical team ang nagtatrabaho sa ospital sa timog na bahagi ng Khartoum. Kasama nila ang mga Sudanese na medical staff at boluntaryo sa pagbibigay ng emergency at surgical care. Tumatakbo ang serbisyong ito 24 oras, pitong araw sa isang linggo. Mayroon kaming operating theatre, post-op, at nagtayo rin kami ng isang intensive care unit. Araw-araw ay nagsusumikap kaming mapabuti ang kalidad ng aming pangangalaga. Nakapagsagawa ang team ng mahigit sa 400 na surgical procedures mula noong nagsimula ito sa Bashair Teaching Hospital sa Khartoum noong ika-9 ng Mayo. Ang Doctors Without Borders ay nakikipagtulungan sa mga boluntaryong mula sa komunidad – mga doktor, nars, at maging mga kabataan mula sa lugar at komunidad na siyang nagdesisyong buksan muli ang ospital matapos itong magsara nang ang staff ay umalis, dahil sa pangamba para sa kanilang kaligtasan.
- Sa ngayon, may sapat na medical supplies ang Doctors Without Borders upang makapagtrabaho nang maayos sa Bashair Teaching Hospital. Ang mga supplies na ito ay galing sa mga dati nang nakaimbak sa Khartoum at sa mga donasyon ng ibang tao. Subalit, dadating ang panahon kung kailan mauubos din ang mga ito. Noong Mayo 16, 2023, may dumating na mga supplies sa Port Sudan.Ang mga ito’y ililipat sa Khartoum at sa isa pang lugar sa timog, ang Wad Madani, kung saan may mga team na nagpapatakbo ng mga mobile clinic para sa mga taong nawalan ng tirahan.
- Sa Wad Madani, na siyang kabisera ng estado ng Al-Jazeera, may mga nagpapatakbo ng mga mobile clinic para sa mga taong napilitang lumikas mula sa Khartoum. Sinusuportahan din namin ang mga pasilidad pangkalusugan upang mabigyang lunas ang mga pasyente. Namahagi na rin kami ng hygiene items, non-food items, at maging mga pagkain sa Wad Madani. Binibigyan namin ng prayoridad ang mga mahihina na kasalukuyang namamalagi sa mga pampublikong gusali. At, nagsasagawa rin kami ng mga WASH activities.
-
Sa Port Sudan, ang kabisera ng estado ng Red Sea, nagsimula ang Doctors Without Borders na magsagawa ng mga water, sanitation at hygiene (WASH) activity para sa mga IDP, at para na rin sa iba pang mga lugar. Pinalilinis namin ang mga palikuran, nagdadala ng supply ng tubig, at namamahagi ng mga hygiene item. Nagbibigay din kami ng pagsasanay sa local emergency room sa MCP at sa emergency triage.
-
Ang sinusuportahan ng Doctors Without Borders na ospital sa El Fasher, North Darfur, ay dating maternity hospital na walang kapasidad para sa mga surgical procedure. Mabilis itong binago upang makapagbigay ng trauma care matapos itong makatanggap ng napakaraming sugatang pasyente. Mula noong pumutok ang labanan noong ika-15 ng Abril, 600 na surgical operations na ang naisagawa ng ospital para sa mga nasaktan, at para sa mga kababaihang nangangailangan ng emergency obstetric surgery.
-
Isang trak ng Doctors Without Borders na may lulang sampung tonelada ng medical supplies para sa South Hospital at sa kampo ng Zamzam ang dumating sa El Fasher noong Lunes, Mayo 15.
Mga donasyon
- Ang pagbigay ng mga donasyong medical supplies at gasolina para sa mga ospital at sa iba pang mga pasilidad pangkalusugan sa Khartoum, North at Central Darfur, Red Sea, at sa mga estado ng Al-Jazeera (kung saan namamalagi ang maraming taong nawalan ng tirahan), at pati na rin sa ibang mga lugar ay naganap na, at nagpapatuloy pa rin sa kasalukuyan. Para sa mga pinakahuling ulat ukol sa mga donasyon, sundan ang Twitter account ng Doctors Without Borders Sudan sa https://twitter.com/Doctors Without Borders_Sudan.
- Sa lokalidad ng Umbada sa estado ng Khartoum, ipinadala ang mga gamot, medical supplies, mga lunas para sa mga sugat, at mga paediatric kit sa Al Rahji Hospital. Ang mga donasyong ito ay galing sa aming mga nakaimbak na stocks sa Omdurman, na 15 kilometro ang layo mula sa ospital.
- Sa Zalingei, ang kabisera ng estado ng Central Darfur, nagbigay kami ng gasolina sa Zalingei Teaching Hospital para sa kanilang mga generator at mga ambulansiya.
- Nagbigay rin kami ng mga medical supplies sa Al-Kamlin, ang itinalaga ng Ministry of Health na surgical referral hospital sa estado ng Al-Jazeera.
Dahil sa kasalukuyang sitwasyon, dinagdag nila sa ospital ang kapasidad upang makapagsagawa ng mga operasyon. Naobserbahan naming nagdagdag sila ng 20 hanggang 30 kama para sa mga nasaktan sa digmaan na nangangailangang operahan. Tatlong araw bago kami bumisita, nakatanggap ang ospital ng mga 60 na pasyente, 3 sa kanila ang namatay. Kada araw, may mga lima hanggang walong operasyong isinasagawa sa ospital, depende sa karahasang nangyayari sa paligid. Karamihan sa mga kumikilos doon ay mga boluntaryo: mga surgeon, mga medical doctor, mga nars, at ilang mga tao mula sa komunidad na gustong makatulong sa ospital. Sa ngayon, nakakaya pa nila ang mga operasyong kinakailangang gawin. Ngunit dahil sa bilang ng mga caesarean section, ang mga pasyente sa delivery ward ay nakararanas ng kakulangan ng supplies at mga gamot.Jean-Nicolas Armstrong Dangelser
- Chad
Itinatayang mahigit 75,000 na tao, kasama na ang mga refugee at mga returnee o mga bumabalik sa Chad, ang nagsilikas patungo sa mga probinsiya sa silangang bahagi ng Chad, ayon sa UNHCR. Karamihan sa kanila’y pumunta sa probinsiya ng Ouaddai, at ang iba naman ay sa mga probinsiya ng Sila at Wadi Fira nagtungo. Ang tatlong probinsiyang ito ay dati nang destinasyon ng marami sa mga refugee sa Chad. Bago pa man pumutok ang pinakahuling insidente ng karahasan, may mahigit sa 400,000 na Sudanese refugee nang namamalagi sa silangang bahagi ng Chad. Karamihan sa kanila’y naninirahan sa mga siksikang kampo na salat sa mga pasilidad para sa sanitasyon at may paliit nang paliit na access sa food assistance sa isang rehiyong saklot ng mga suliranin ng kawalan ng seguridad sa pagkain, malnutrisyon, at paulit-ulit na outbreak ng mga sakit na maaari namang iwasan.
Kasalukuyan kaming nagtatrabaho sa hangganan ng Sudan, nakikipagtulungan kami sa mga awtoridad pangkalusugan ng bansa sa pagpapatakno ng mga mobile clinic, pagbabakuna, pagtutukoy ng mga kaso ng malnutrisyon, mga pagsangguni, at iba pang mga aktibidad sa mga pansamantalang kampo para sa mga refugee sa iba’t ibang lugar, gaya ng Koufroun, Borota at Goungour sa probinsiya ng Ouaddaï. Patuloy na sinusuportahan ng aming mga team ang Adre Hospital at tatlong sentrong pangkalusugan kung saan kami nagtatrabaho mula pa noong 2021. Dagdag pa rito, kamakailan lang ay pinagtibay namin ang mga kapasidad para sa pag-opera upang makatulong sa paggamot sa mga nasugatan. Isinasangguni namin ang mga pinakamalalang kaso sa Abeche.
Nagpapatakbo kami ng mga mobile clinic sa probinsiya ng Sila, sa mga refugee reception site ng Mogororo at Anderessa, na 500 metro lang ang layo mula sa hangganan ng Sudan, at sumusuporta rin kami sa sentrong pangkalusugan sa Daguessa. Ang aming mga team ay nagbibigay ng pangangalagang medikal, pati na rin ng sexual reproductive healthcare, malnutrition screening para sa mga batang wala pang limang taong gulang, at pagsangguni para sa secondary health care at para sa psychosocial support.
- Central African Republic
Pinag-aaralan ng isang Doctors Without Borders team ang mga pangangailangan sa probinsiya ng Vakaga sa hangganan ng Sudan, bilang tugon sa pagdating ng mga refugee at mga returnee mula sa Sudan.
- South Sudan
Tinatasa rin ng mga team ng Doctors Without Borders ang mga pangangailangan ng South Sudanese returnees at refugees at ang posibleng pagtugon sa mga estado ng Aweil at Upper Nile sa paligid ng Sudan.
Paano tinutulungan ng Doctors Without Borders ang mga Sudanese refugee na nasa mga karatig-bansa?
Mahalagang panawagan upang protektahan ang mga sibilyan at mga sentrong pangkalusugan
Kami sa Doctors Without Borders ay nananawagan para sa kaligtasan ng mga sibilyan: dapat silang protektahan mula sa karahasang tila walang pinipili,walang kinikilala. Inuudyukan namin ang lahat ng sangkot sa alitan na garantiyahan ang kaligtasan ng mga medical staff at mga pasyente, upang makakuha sila ng pangangalagang pangkalusugan nang di nangangamba para sa kanilang buhay. Dagdag pa rito, hinihingi namin sa lahat ng sangkot sa alitan na tiyaking protektado ang lahat ng pasilidad pangkalusugan. Kabilang rito ang mga ospital, klinika, warehouse, at mga ambulansiya. Kailanman, ang mga pasilidad na ito’y di dapat gawing target o pagbuntunan ng karahasan.
Ang Doctors Without Borders sa Sudan ay nagbibigay ng pangangalagang medikal na sumasagip ng mga buhay nang walang kinikilingan. Binibigay namin ang pangangalagang ito sa sinumang nangangailangan, batay lamang sa pangangailangan. Ngunit sa kasalukuyan, hindi kami makagalaw dahil sa tindi ng sagupaan. Muli kaming nakikiusap sa lahat ng sangkot sa nangyayaring karahasan na igalang ang mga medical personnel, pasilidad pangkalusugan, at mga ambulansiya, at pahalagahan sana ang buhay ng mga sibilyan at ng mga humanitarian workers.
Emergency
Tulungan kaming makapagbigay ng pangangalagang medikal na makasasagip ng mga buhay ng mga biktima ng karahasan sa Sudan at ng aming mga pasyente sa mahigit pitumpung bansa sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Suportahan ninyo kami sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon.