Ang mga Sudanese ay nakapila sa Adre border crossing point sa pagitan ng Chad at Sudan. Mula Abril 2023, 600,000 na tao na ang tumakas mula sa digmaan sa Sudan at tumungo sa Chad upang makahanap ng kaligtasan at marami pang dumarating araw-araw. Chad, Abril 2024. © Corentin Fohlen/Divergence
- Mahigit kalahating milyong Sudanese refugee ang nakatira na sa Eastern Chad mula noong pumutok ang digmaan.
- Dapat pahintulutan ng mga partidong sangkot sa alitan sa Sudan ang mga organisasyong humanitarian na makapunta sa mga komunidad na nangangailangan ng tulong sa pamamagitan ng karagdagang madadaanan sa pagtawid sa mga hangganan at sa mga frontline.
- Kung walang makahulugang pagtugon sa pagpondo at pagpapalaki ng tulong humanitarian, lalong lalala ang krisis, at madaragdagan ang pagdurusa ng mga refugee.
Port Sudan/Darfur, Sudan – Ngayong araw na ito, 500 na araw na ang nakararaan mula noong nag-umpisa ang pinakamalalang krisis na humanitarian sa Sudan. Ito ay isang kahiya-hiyang panahon para sa mga pandaigdigang organisasyong humanitarian at sa mga nagbibigay ng donasyon, dahil mahigit 16 na buwan nang hindi nabigyan ng sapat na pagtugon ang dumaraming pangangailangang medikal ng bansa, mula sa malnutrisyon ng mga bata hanggang sa mga pagkalat ng sakit. Ang mga pagbabawal na ipinapatupad ng mga partido sa alitan ay lubhang pinaliliit ang kapasidad, maging ang amin, na makapaghatid ng tulong, sabi ng Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF).
Fighting between the Rapid Support Forces (RSF) and the Sudanese Armed Forces (SAF), starting from the capital Khartoum on April 15, 2023, has been raging across multiple parts of the country, triggering an unprecedented humanitarian crisis in Sudan. The conflict has left tens of thousands of people killed and injured. Between April 2023 and June 2024, Doctors Without Borders treated 11,985 war-wounded at supported hospitals. The violence has created the world’s largest displacement crisis: over 10 million people, or one in five people in Sudan, have been forced to flee their homes, many of them facing repeated displacement, according to the UN.
Ang mga labanan sa pagitan ng Rapid Support Forces (RSF) at ng Sudanese Armed Forces (SAF), na nag-umpisa sa kabisera ng Khartoum noong Abril 15, 2023, ay pumutok na sa iba’t ibang bahagi ng bansa, kung kaya’t nagkaroon ng krisis na humanitarian sa Sudan. Ang hidwaan na ito ay nag-iwan ng sampu-sampung libong mga tao na napatay o nasaktan. Mula Abril 2023 hanggang Hunyo 2024, gumamot ang Doctors Without Borders ng 11,985 na nasaktan dahil sa digmaan sa mga ospital na sinusuportahan ng organisasyon. Ang karahasan ay lumikha ng pinakamalaking krisis ng displacement sa buong mundo: mahigit sampung milyong tao, o isa sa bawat limang tao sa Sudan, ang napilitang lisanin ang kanilang mga tahanan. Marami sa kanila ay ilang ulit nang palipat-lipat ng tirahan, ayon sa UN.
Habang nag-uurong-sulong ang mga solusyong pulitikal para sa krisis, ang malnutrisyon ay lumalala sa harap ng pagtaas ng mga presyo ng pagkain at kakulangan ng humanitarian supplies. Bukod sa kalunos-lunos na sitwasyon sa kampo ng Zamzam sa North Darfur, ang mga inpatient therapeutic feeding centre ng Doctors Without Borders sa ibang mga bahagi ng Darfur gaya ng El Geneina, Nyala at Rokero ay puno ng pasyente, gayundin sa mga kampo ng refugee kung saan kami kumikilos sa Eastern Chad. Mula noong nag-umpisa ang digmaan hanggang Hunyo 2024, nakagamot kami ng 34,751 na acutely malnourished na bata sa Sudan.
Sinusuri ng isang doktor na Sudanese mula sa El Geneina sa Darfur ang isang bata sa pediatric ward ng Doctors Without Borders Hospital sa Metche, sa Eastern Chad. Chad, Agosto 2024. © Finbarr O’Reilly/VII Photo
Sa iba’t ibang bahagi ng Sudan, ang mga bata ay namamatay dahil sa malnutrisyon. Ang tulong na kailangang-kailangan nila ay paunti-unti ang dating at kadalasa’y hinahadlangan pa. Nitong Hulyo, halimbawa, ang mga trak na naglalaman ng mga supply ng Doctors Without Borders sa dalawang magkaibang lugar sa Darfur ay hinadlangan na makarating sa kanilang destinasyon. Dalawang trak ang hawak na ngayon ng RSF, at isa naman ay sapilitang kinuha ng mga di kilalang armadong kalalakihan.Tuna Turkmen, Emergency Coordinator
Ang sitwasyon ay mapanghamon din sa East at Central Sudan. “Sa South Khartoum, ilang buwang hinadlangan ang Doctors Without Borders sa paghahatid ng medical supplies at mga dayuhang staff sa mga ospital. Pahirap nang pahirap na ang pagbibigay ng pangangalagang medikal na kailangan ng aming mga pasyente, gaya ng maternity at emergency care,” sabi ni Claire San Filippo, ang Emergency Coordinator ng Doctors Without Borders sa Sudan.
Dagdag pa sa mga paghahadlang na itinatakda o kinukunsinti ng mga partidong sangkot sa labanan, tulad ng kawalan ng batas, kawalan ng seguridad, mga burukratikong paghahadlang, at mga naaantala o ipinagkakait na pahintulot upang marating ang mga apektadong populasyon na lubhang nakapagpabagal ng pagtugong humanitarian, mayroon na ring mga natural na balakid sa daloy ng humanitarian personnel at supplies.
Nasa kasagsagan ngayon ang tag-ulan, na nagaganap taon-taon at nagpapahirap sa pagkilos. Ang matitinding pag-ulan ay nagdulot ng pagbaha sa mga crossing point at ng mga pinsala sa mga kritikal na kalsada at tulay. Dahil sa pagguho ng Mornei bridge sa West Darfur, ang tanging rutang nag-uugnay sa Central at South Darfur sa Chad, kung saan manggagaling ang supplies, milyon-milyong tao ang hindi makatatanggap ng tulong.
Nasasaksihan na namin ang pagdami ng mga kaso ng malaria at pagkakaroon ng outbreak ng mga sakit na dala ng maruming tubig gaya ng cholera na idineklara na sa tatlong estado o higit pa. Ang banta ng mga sakit na maaari namang pigilan ng pagbabakuna sa mga bata, gaya ng tigdas, ay nakaamba na dahil sa mga naaantalang kampanya ng immunization.
Ang mga pasyente ng Doctors Without Borders Hospital sa Metche, sa Eastern Chad. Sa kampo ng Metche nakatira ang humigit-kumulang 40,000 na mga Sudanese refugee na tumakas mula sa karahasan sa Darfur. Chad, Agosta 2024. © Finbarr O’Reilly/VII Photo
Samantala, ayon sa World Health Organization, halos 80% ng mga pasilidad pangkalusugan ay di na tumatakbo dahil sa digmaan at napaparalisa ang naghihingalo nang sistemang pangkalusugan. Sa El Fasher, ang mga sinusuportahan ng Doctors Without Borders na pasilidad ay sinalakay ng labindalawang beses. Sa lugar ding iyon, isang pampublikong ospital na lang ang nananatiling bukas at nakapagsasagawa ng mga operasyon mula noong tumindi ang mga labanan sa siyudad nitong buwan ng Mayo.
Kamakailan lang, noong 4:40 ng umaga ng Agosto 22, tinamaan ng shelling ang bahay kung saan namamalagi ang ilang miyembro ng Doctors Without Borders team na nagtatrabaho sa El Fasher at Zamzam. Sa kabutihang palad, ang pinsalang idinulot nito ay materyal lamang at walang taong nasaktan. Ito ang ika-84 na insidente ng karahasan na nakaapekto sa staff, sa mga sasakyan, at sa mga tirahan ng Doctors Without Borders sa Sudan mula noong nag-umpisa ang digmaan. Ang digmaang ito ay kinakitaan ng hayagang pagwawalang-bahala sa proteksyon ng mga sibilyan, pati na rin ang mga health personnel at mga pasilidad pangkalusugan.
Halos ganoon din kasama ang sitwasyon sa mga karatig-bansa, kung saan halos dalawang milyon ang lumikas, at nahiwalay sa kanilang mga mahal sa buhay.
Mahigit isang taon nang nawawala ang asawa ko at hindi ko alam kung nasaan siya. [Ang anak kong] si Khalid ay nasa mabuting kalagayan noon, ngunit unti-unting nabawasan ang ibinibigay sa aming pagkain. Pagkatapos ng isa o dalawang araw ng hindi pagkain nang wasto, nagkalagnat siya. Hindi ako kumportable rito at hindi mabuti ang sitwasyon. Gusto kong bumalik sa Sudan.Um Adel, babaeng Sudanese sa Metche
Ang mga babae at mga bata sa Doctors Without Borders Hospital sa Metche, sa Eastern Chad. Chad, Agosto 2024. © Finbarr O’Reilly/VII Photo
Dapat tiyakin ng mga partidong naglalabanan, at ng mga estadong nakakaimpluwensya sa kanila, na maprotektahan ang mga sibilyan, health personnel at mga pasilidad medikal. Ang mga awtoridad ng magkabilang panig ay dapat magsumikap na gawing simple ang mga proseso para sa pagbibigay ng pahintulot sa mga humanitarian na pagkilos at personnel sa lahat ng ruta na tatawid sa mga hangganan, sa mga estado at mga frontline, at magbigay ng mga agarang pagtugon. Inaasahan naming gagawin ng United Nations, ng mga ahensya at ng mga taong may kapangyarihang tumulong ang lahat ng posibleng hakbang upang matiyak na magagamit ang lahat ng mga posibleng access route.
“Sinisikap ng Doctors Without Borders na punan ang ilang kakulangan. Sa maraming lugar kung saan kami nagtatrabaho, kami lang ang tanging pandaigdigang organisasyon na kumikilos doon, ngunit hindi namin kayang harapin ang napakalaking krisis na ito nang mag-isa. Kami rin ay nahihirapan na makapaghatid ng supplies at staff para sa aming mga proyekto. Kasabay ng access, ang pagkakaroon ng pananatiliing pondo para sa mga ahensya ng UN, pati na rin para sa mga lokal na organisasyon at iba pang tumutulong, na siyang pumapasan ng malaking bahagi ng pagtugon, ay mahalaga rin,” sabi ni Esperanza Santos, ang Emergency Coordinator ng Doctors Without Borders sa Port Sudan.
Ang isang makahulugang pagtugon kung saan nakararating ang tulong sa mga pinakanangangailangan ay kailangang simulan na ngayon. Wala nang oras na maaaring sayangin.Esperanza Santos, Emergency Coordinator
Ang Doctors Without Borders ay isa sa iilang pandaigdigang organisasyong na tumutulong sa magkabilang panig ng alitan sa Sudan. Sa kasalukuyan, ito’y nagpapatakbo at nagsusuporta ng mga proyektong medikal, kabilang rito ang mahigit sa 20 na primary healthcare clinic at mga ospital sa walo sa 18 na estado ng Sudan. Kabilang sa Doctors Without Borders ang 926 na Sudanese staff at 118 na dayuhang staff, at nagbibigay rin ito ng mga insentibo sa 1,092 na staff ng Ministry of Health.
Susuportahan mo ba ang aming emergency response?
Tulungan kaming makapagbigay ng makasagip-buhay na pangangalagang medikal sa mga emergency sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon ngayon.