Nasasaksihan ng Doctors Without Borders ang pagdami ng mga kaso ng cholera, kung saan nanganganib ang mga pinakamahina.
Sa Haiti, ang Doctors Without Borders ay nananawagan para sa agarang pagpapaibayo ng pagtugon sa outbreak; kailangang mapakilos ang mas maraming organisasyon at mga donor, at kinakailangang ang mga medical team at ang mga taong-bayan ay may paraang makakuha ng mga kinakailangan sa paglaban sa sakit, gaya ng bakuna.
Ang hilagang silangan at hilagang kanlurang bahagi ng Syria ay nakararanas ng isang malalang cholera outbreak mula pa noong Setyembre 2022. Una itong iniugnay sa kontaminadong tubig malapit sa Euphrates River at sa matinding kakulangan ng tubig sa hilagang bahagi ng Syria. Ngayon, kumalat na ang cholera sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Mahigit 13,000 na pinaghihinalaang kaso na ang iniulat, at ayon sa huling bilang noong Oktubre 14, may 60 nang namatay.
Susuportahan mo ba ang aming tugon?
Maaari mo kaming tulungan sa pamamagitan ng iyong donasyon.
Madalas tumutugon ang Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) sa mga outbreak ng cholera sa mga bansa kung saan kami nagtatrabaho. Pero paano ba kami nagtatayo ng cholera treatment centers, para siguraduhing maayos ang pag-alaga sa aming mga pasyente--at hindi kumalat ang sakit?
Paano tumutugon ang Doctors Without Borders sa cholera outbreak
Ano ang dapat mo'ng malaman tungkol sa cholera?
Ang cholera ay naging isang pandaigdigang sakit noong ika-19 na siglo, nang kumalat ito mula sa orihinal nitong pinagmulan: ang Ganges delta sa India. Anim na magkakasunod na pandemya ang pumatay ng milyun-milyong tao sa lahat ng kontinente. Noong 1961, nagsimula ang kasalukuyang (ikapitong) pandemya sa Timog Asya, kumalat sa Africa noong 1971, at umabot sa Amerika noong 1991.
Ang cholera ay endemic na ngayon sa maraming bansa.
Ayon sa WHO (World Health Organization), tinatantya ng mga mananaliksik na bawat taon ay mayroong 1.3 hanggang 4.0 milyong kaso ng cholera, at 21,000 hanggang 143,000 ang namamatay sa buong mundo dahil sa cholera.
- Ano ang cholera?
Ang cholera ay isang sakit, sanhi ng Vibrio cholera bacteria. Ito ay nagdudulot ng impeksiyon sa bituka pagkatapos makainom o makakain ang isang tao ng kontaminadong bagay.
Kasama sa mga karaniwang pinagmumulan ng cholera ay:
- Tubig mula sa munisipyo
- Yelo gawa sa tubig mula sa munisipyo
- Pagkain at inuman na binebenta sa bangketa
- Isda o iba pang pagkaing-dagat na nahuli sa tubig sa imburnal
Ang bacteria na ito ay nagdudulot ng matinding diarrhea, at minsa’y pagsusuka.
Ang diarrhea na dulot nito ay napakatindi kung kaya’t ang taong mayroon nito ay mabilis na nawawalan ng tubig sa katawan at maaaring mamatay sa loob lamang ng isang oras. Ang dumi ng mga pasyenteng may sakit na ito ay naglalaman ng maraming cholera bacteria. Kapag ang tubig na may cholera bacteria ay nahalo sa tubig na iniinom, na nakakagulat man ay madaling mangyari, napakabilis kumalat ng cholera.
Ang mga outbreak ay mabilis na kumakalat sa mga siksikang komunidad kung saan salat sa mapagkukunan ng malinis na tubig, walang sapat na pagkokolekta ng basura, at kulang rin ng mga maayos na palikuran. Dahil sa population displacement, pagkawasak ng mga imprastruktura, at kakulangan ng serbisyong pampubliko, ang cholera ay isa rin sa mga nakaambang panganib pagkatapos ng isang natural na kalamidad o habang nasa gitna ng armadong labanan. Lalong malaking problema kapag tag-ulan dahil pumapasok ang baha sa mga bahay at palikuran, at naiipon ang kontaminadong tubig.
- Ano ang mga sintomas ng cholera?
Ang mga sintomas ng cholera ay maaaring lumitaw na pagkatapos pa lang ng ilang oras mula pagkahawa, o maaari ring tumagal pa ng limang araw bago makita ang mga senyales ng impeksyon. Kadalasan, ang impeksyon ay banayad at walang lalabas na sintomas. Ngunit kung minsan, ito’y malala at maaaring maging sanhi ng kamatayan.
Ang taong may cholera ay biglang makararanas ng matubig na pagdumi o diarrhea, at kadalasan, ito’y may kasabay na pagsusuka.
Dahil dito, ang pasyente ay mabilis na mauubusan ng tubig sa katawan, na mararamdaman bilang matinding uhaw at panunuyo ng dila. Ang iba pang mga sintomas ng cholera ay ang mabilis na pagpintig ng puso, pagbagsak ng blood pressure, pagkakaroon ng muscle cramps at pagkawala ng skin elasticity.
Ang mga batang pasyente ay maaari ring magkaroon ng lagnat, pananamlay, at seizures dahil sa pagkawala ng tubig sa katawan. Karaniwang bubunuin ng pasyente ang sakit na ito sa loob ng dalawa hanggang pitong araw.
Ang mabilis na pagkawala ng likido mula sa bituka, kung di mabibigyang-lunas, ay maaaring mauwi sa kamatayan—minsa’y sa loob lamang ng ilang oras—sa mahigit 50 porsiyento ng mga nahawa.
Ngunit, kung mabibigyan ng angkop na modernong lunas, hindi kailangang mauwi ito sa kamatayan, at hindi pa aabot sa isang porsyento ang mangangailangan ng therapy.
- Paano ginagamot ang cholera?
Sa karamihan ng mga kaso, simple lang ang paggamot sa cholera. Karamihan sa mga mild to moderate na kaso ay gumagaling sa pamamagitan lamang ng mga likido at oral rehydration salts na madaling naibibigay sa kanila. Ang mga taong may matinding dehydration ay maaaring mangailangan ng intravenous fluids at ipasok sa ospital.
Ang pagbibigay ng mga antibiotic tulad ng tetracycline sa unang araw ng paggamot ay karaniwang sapat na upang pigilan ang diarrhea at bumaba ang dami ng likidong kailangang palitan sa kanilang katawan. Mahalaga ring makakain muli ang pasyente sa lalong madaling panahon upang maiwasan ang pagkakaroon ng malnutrisyon, o ang paglala nito.
Kapag hindi ginamot ang mga may cholera, ang mga namamatay dahil sa sakit na ito ay maaaring umabot ng 50 porsyento, samantalang kung mabibigyan sila ng karampatang lunas, ito’y ni hindi aabot sa 2 porsyento.
- Pagpigil
Ang pagkakaroon ng mapagkukunan ng malinis at ligtas na tubig ang susi sa pagpigil sa cholera.
Isang epektibong panukala ay ang chlorination ng public water supplies. Sa ilang mga kaso, epektibo rin ang pamamamahagi ng mga chlorine tablet sa mga sambahayan nang may kalakip na tagubilin kung paano ito gagamitin. Kung hindi posible ang chemical disinfection, kailangan lang na pakuluin ang tubig bago ito inumin. Iyon nga lang, hindi ito madaling gawin, lalo na sa mahihirap na bansa.
Ang tamang pagtapon ng dumi ng tao ay mahalaga rin upang mahadlangan ang pagkalat ng cholera. Ang pagkakaroon ng kubeta o latrine ay makapagpapababa ng posibilidad ng impeksyon sa mga lugar na walang modernong sewerage system.
Ang pagtiyak na ligtas ang kinokonsumong pagkain ay isa ring mahalagang panukala sa pagpigil ng cholera.
Sa epidemya ng cholera, mahalaga na ang lahat na pagkain—kahit ang mga tira-tira—ay lutuin nang mabuti (core temperature: 70 °C [158 °F]) at kainin bago ito lumamig. Mahalaga rin na ang mga imbak na pagkain ay may takip upang maiwasan ang kontaminasyon. Kailangan ding maghugas ng kamay pagkatapos dumumi at bago maghanda ng pagkain. Ang mga pagkaing nilalako sa kalsada ay maaaring kontaminado at kailangang iwasan ng mga manlalakbay sa mga lugar kung saan may cholera.
May mga bakuna na laban sa cholera. Nagbibigay ito ng proteksyon sa loob ng anim na buwan hanggang tatlong taon, depende sa klase ng bakuna at sa bilang ng doses na ibibigay.
Bagama’t ang mga oral vaccine ay napatunayang epektibo sa pagpigil sa cholera kapag may outbreak, ang kasalukuyang estratehiya ng pagbibigay ng dalawang doses ay malaking hamon sa mga lugar kung saan may emergency situation. Ngunit, napatunayan naman ng Doctors Without Borders mula sa kanilang karanasan at mula sa siyentipikong kaalaman na ang one-dose oral cholera vaccine strategy ay ligtas, madaling isakatuparan, at epektibo rin sa pagpigil ng pagkalat ng sakit sa panahon ng epidemya.
- Bakit maraming mga cholera outbreak sa kasalukuyan?
Noong 2022, hindi bababa sa 30 na bansa ang nakaranas ng cholera outbreak o ng mga sakit na tulad ng cholera. Ngunit hindi ito isang malaking outbreak lamang. Sa karamihan ng mga bansang ito, ang kasalukuyang bugso ng cholera ay sanhi ng mga partikular na kondisyon sa mga apektadong lugar. Ang mga kadahilanan ng panganib para sa mga cholera outbreak ay laging kaugnay ng pagkakaroon ng malinis na tubig na maiinom at tamang wastewater disposal.
Mga di matapos-tapos na krisis sa pulitika o militar: Ang ganitong uri ng krisis ay maaaring magdulot ng kakulangan sa pagpapanatili ng malinis na tubig na maiinom at/o sewage infrastructure. Ganito ang nangyayari ngayon sa mga bansang tulad ng Haiti, Somalia at Syria.
Natural na sakuna: Ang matinding init at tagtuyot ay maaaring mauwi sa kakulangan ng tubig na ligtas inumin, kaya’t napipilitan ang mga taong gumamit ng mga hindi ligtas na mapagkukunan ng tubig. Ang mga baha naman ay maaaring magdala ng bacteria sa dating ligtas na mapagkukunan ng tubig. Noong 2022, ang mga bansang tulad ng Somalia, Kenya at Ethiopia ay nagdusa dahil sa matinding tagtuyot. Samantala, ang ibang mga lugar naman, tulad ng South Sudan at Nigeria, ay sinalanta ng pagbaha.
Mga taong palipat-lipat ng tirahan: Kadalasan, ang mga refugee ay napipilitang mamalagi sa mga lugar na walang sapat na malinis na tubig. Ang mga awtoridad ay hindi naglalaan ng panggastos para sa tamang water at waste infrastructure sa mga refugee camp. Nitong nakaraang taon, nagkaroon ng cholera outbreak sa mga refugee camp sa Lebanon, Somalia, at Nigeria.
- Ano ang mga hamon sa kasalukuyan?
Madali lang gamutin ang cholera: sapat na ang oral rehydration para sa karamihan, at intravenous rehydration para sa mga malalang kaso. Kung maagapan, mahigit sa 99 porsyento ng mga pasyenteng may cholera ang maaaring mabuhay. Ang pagbibigay ng malinis na inuming tubig at ang tamang pagproseso ng wastewater ang magpoprotekta sa mga tao upan hindi sila magkaroon ng impeksiyon. Mayroon ding bakuna laban sa cholera.
Ngunit ang paggamot at pagpigil sa cholera ay may mga kaakibat na hamong logistical. Upang makapagpatayo ng mga cholera treatment centre, kailangan ng maraming supply, at gayon din ang mga proyektong kaugnay ng water at sanitation. Sa mga lugar na hindi ligtas o mahirap puntahan, iyon ay napakalaking hadlang. Isang malaking hamon ang mataas na bilang ng mga outbreak ngayong taon. Kulang na ang mga bakuna laban sa cholera at pati na rin ang ibang kinakailangang materyales tulad ng fluid para sa intravenous rehydration.
Dagdag pa rito, minsa’y iniiwasan ng mga gobyernong magdeklara ng cholera outbreak dahil sa kanilang mga politikal na interes. Dahil dito’y nagiging mahirap ang pagbibigay-alam sa mga tao kung paano nila poprotektahan ang kanilang mga sarili, at nagiging imposible ang magsagawa ng pagbabakuna laban sa cholera.
- Ano ang ginagawa ng Doctors Without Borders sa kasalukuyan?
Nagpapatakbo ang Doctors Without Borders ng mga programa ukol sa cholera sa sampung bansa (Kenya, Ethiopia, Somalia, Cameroon, Nigeria, Haiti, Lebanon, Syria, Malawi). Ang aming mga team ay sangkot sa cholera prevention: nagsasagawa sila ng health promotion, water at sanitation work, at pagbabakuna laban sa cholera. Nagpapatakbo rin kami ng mga cholera unit para sa paggamot ng mga pasyente sa mga pasilidad medikal, at nagtayo ng mga malalaki at nakahiwalay na cholera centres kung saan daan-daang pasyenteng may cholera ang maaaring tanggapin nang sabay-sabay.
Dagdag kaalaman tungkol sa cholera
Susuportahan mo ba ang aming tugon?
Makakatulong ka sa aming trabaho, sa pamamagitan ng iyong donasyon.