Skip to main content

    Cholera sa hilagang Syria: Dagdag na hamon sa isang delikadong sitwasyong humanitarian

    A healthcare worker checking-up on Mohamad Al-Merhi, a Cholera patient in the MSF-supported Cholera Treatment Unit (CTU) in Idlib governorate, northwest Syria. Syria, November 2022. © Abd Almajed Alkarh/MSF

    Sinusuri ng isang healthcare worker si Mohamad Al-Merhi, isang pasyenteng may cholera sa isang Cholera Treatment Unit (CTU) na sinusuportahan ng Doctors Without Borders sa Idlib governorate, northwest Syria. Syria, Nobyembre 2022. © Abd Almajed Alkarh/MSF 

    Binisita ni Fatina ang kanyang anak na lumipat sa siyudad matapos itong tumakas mula sa kaguluhan sa hilagang kanluran ng bansa, sampung taon na ang nakalilipas. Ngunit ang kanyang inaasahang kasiyahan sa muli nilang pagkikita ay biglang nawala noong nagkasakit siya pagdating niya sa Raqqa. Ngayon, naghahanda siya sa pagkikita nila ng kanyang pamilya. Iyon nga lang, hindi sa personal, kundi  sa pamamagitan ng isang video call. Ito’y isang serbisyong ibinibigay ng CTU upang mabawasan ang mga bumibisita sa mga pasyente at makontrol ang pagkalat ng sakit.

    "Pumunta ako dito sa Raqqa upang bisitahin ang anak ko, pero ito ang kinahinatnan ko," sabi ni Fatina. Nalampasan niya ang mga kaguluhan sa rehiyon mula pa noong 2011, ngunit ngayon, panibagong banta ang kanyang hinaharap. "Una akong ipinasok sa Raqqa National hospital ng aking pamilya. Lumala ang kondisyon ko; noong dumating ako sa CTU, hirap na hirap ako dahil sa sobrang sakit ng ulo, diarrhea o pagtatae, at ang hindi makontrol na pagsusuka. Hindi ako sigurado kung paano ako nagkasakit, pero pakiramdam ko noon, mamamatay na ako."

    MSF-supported cholera treatment centre in Raqqa, northeast Syria. 03 November 2022.© Azad Mourad/MSF

    Isang pasyente sa cholera treatment centre na suportado ng Doctors Without Borders sa Raqqa, hilagang silangang bahagi ng Syria. Syria, ika-3 ng Nobyembre 2022.© Azad Mourad/MSF

    Sa hilagang silangang Syria, ang Doctors Without Borders ay tumutugon sa outbreak sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa mga lokal na awtoridad pangkalusugan. Bahagi nito ang pagbibigay ng suporta para sa Cholera Treatment Unit (CTU) sa Raqqa. Ang centre sa Raqqa ay dating ospital para sa COVID-19. Ilang buwan nang  tahimik dito dahil bumaba ang bilang ng mga pasyente na nasa kritikal na kondisyon at tila hindi na kailangan ng pasilidad na nakalaan para lang sa COVID-19. Ngayon, bukas na uli ang mga ilaw, at may reception team na nasa front desk, binabati ang mga dumadating na pasyente. May mga tagasinop din na pinananatili ang kalinisan ng klinika, kinukuskos ang mga sahig at pinupunasan ang mga kagamitan, dahil malinaw sa kanila ang kahalagahan ng disinfection matapos magtrabaho noong kasagsagan ng COVID-19 nang umaapaw sa pasyente ang mga silid dito.

    Mula noong unang idineklara ang cholera outbreak noong Setyembre, ang Doctors Without Borders ay nakapaggamot na ng mahigit 3000 na pinaghihinalaang cholera cases sa hilagang silangan. Dahil ang tubig sa Euphrates ay patuloy na bumababa sanhi ng matagal na tagtuyot at maraming komunidad ang nag-uulat ng mga kontaminadong mapagkukunan ng tubig tulad ng mga ilog at mga kanal, ang panganib ng isang malalang cholera outbreak ay nariyan pa rin, lalo na’t ang lokal na imprastruktura ay nabawasan dahil sa 11 na taon ng alitan.

    A water and sanitation team mixes lime with fecal sludge from the cholera treatment center in order to eliminate Vibrio cholera, Raqqa, northeast Syria.

    Pinaghahalo ng water and sanitation team ang lime at fecal sludge mula sa cholera treatment center upang matanggal ang Vibrio cholera sa Raqqa, sa hilagang silangan ng Syria. Syria, ika-3 ng Nobyembre 2022. © Azad Mourad/MSF

    Sa Idlib governorate sa hilagang kanlurang Syria, dumating si Alaa Hassan, 30, sa 24-bed Cholera Treatment Unit (CTU) na suportado ng Doctors Without Borders. Ito ang tanging unit na bukas sa lugar na iyon. Pagod na pagod siya at may nararamdaman. “Noong una, akala ko normal lang na impeksiyon sa bituka, pero matapos ang ilang oras, lumala ang pagsusuka at pagtatae ko, muntik na akong himatayin at bumagsak ang blood pressure ko,” sabi ni Alaa. Nakaranas din ng mga ganoong sintomas ang kanyang biyenan, pero hindi nila alam kung saan nila nakuha ang sakit. "Narinig ko na kumakalat ang cholera sa Syria, pero hindi ko inaasahang mahahawa ako at magkakaroon ng mga seryosong sintomas,” dagdag niya. Dalawang araw matapos siyang pumasok sa CTU, bagama’t sandali pa lang siyang ginagamot ay nawala na ang lahat ng kanyang sintomas.

    Sa hilagang Idlib, sinusuportahan ng Doctors Without Borders ang isa pang CTU, at dalawa pa sa Afrin at Al-Bab, sa hilagang Aleppo, katuwang ang Al-Ameen Organization. Dagdag pa rito, nagpapatakbo rin kami at sumusuporta sa apat na Oral Rehydration Points (ORP) bilang unang hakbang sa paggamot ng mga pasyenteng nakikitaan ng sintomas, ngunit hindi pa naman kailangang maospital. Humigit-kumulang 300 na pasyente na ang ginamot sa ORP’s at 220 na pasyente sa CTU’s sa hilagang Idlib, kung saan may mga 20% na kinakitaan ng malalang sintomas. Karamihan sa mga malalang kasong ito ay bunga ng hindi pagpapatingin agad.

    Unang iniugnay sa kontaminadong tubig mula sa Euphrates River at sa malubhang kakulangan ng tubig sa hilagang Syria, unang lumitaw ang cholera sa Deir ez-Zur, at pagkatapos ay naglakbay ito sa Euphrates papunta sa Raqqa at Aleppo sa hilagang kanluran bago ito mabilis na kumalat sa bansa.

    Dalal and her son were treated at the new MSF-supported cholera treatment centre in Raqqa, northeast Syria.03 November 2022. © Azad Mourad/MSF

    Si Dalal at ang kanyang anak ay ginamot sa bagong cholera treatment centre na suportado ng Doctors Without Borders sa Raqqa, hilagang silangang Syria. Syria, ika-3 ng Nobyembre 2022. © Azad Mourad/MSF

    Si Dalal at ang kanyang may sakit na anak na si Saleh, na nagmula sa kanayunan ng Raqqa (na ilang oras ang layo mula sa siyudad) ay isinangguni sa Cholera Treatment Unit sa Raqqa noong isang araw lang. Desperadong makahanap ng tulong, sumakay ng pampublikong bus si Dalal para pumunta sa centre. Tangan-tangan niya ang kanyang sanggol, na nanghihina na dahil sa dehydration. Pakiramdam ni Dalal ay hindi na matatapos ang kanilang paglalakbay. Walo ang kanyang anak, at kinailangang niyang iwan ang mga kapatid ni Saleh sa kanilang ama.

    "Walo ang anak ko. Si Saleh, na limang buwan pa lamang, ay ang bunso," sabi ni Dalal, habang nakaupo sa kama ng kanyang anak na mahimbing nang natutulog sa CTU. "Nitong nakaraang linggo, malala ang kanyang pagtatae. Inisip ko na baka naninibago lang siya sa gatas ng tupa, pero lumala ang kondisyon niya. Dinala ko siya rito sa centre at salamat sa Diyos, bumuti na ang pakiramdam niya.”

    MSF Health Promoter explaining to kids in school the importance of washing hands with soap to prevent catching cholera in northwest Syria. Syria, November 2022. © Abd Almajed Alkarh/MSF

    Ipinapaliwanag ng Health Promoter ng Doctors Without Borders ang kahalagahan ng paghuhugas ng kamay gamit ng sabon upang maiwasang mahawa sa cholera sa hilagang kanlurang Syria. Syria, Nobyembre 2022. © Abd Almajed Alkarh/MSF

    Ang Pakikisangkot sa mga Komunidad

    Si Ahmad Ali ay miyembro ng Raqqa CTU Health Promotion Team. Isa siya sa mga community health worker sa hilagang silangan at hilagang kanluran ng Syria na bumibisita sa mga pasyente at kumakausap sa kanilang mga kapamilya upang marinig ang kanilang mga alalahanin at sagutin ang kanilang mga katanungan. 

    Ipinapaliwanag din nila kung paano makikilala ang mga unang sintomas ng cholera, at kung ano ang gagawin kapag sa tingin mo, ikaw o ang isa mong kapamilya ay nahawa sa sakit.

    “Ayon sa ilang mga pamilya sa mga rural na bahagi ng Raqqa, ginagamit nila ang tubig mula sa mga kanal at ilog para sa kanilang mga pangangailangan sa bahay. Ito rin ang iniinom nila. Ang tubig na ito ay kontaminado at hindi ligtas inumin. Kapag ang water plant ay hindi gumagana, natural lang na maghanap ang mga tao ng ibang mapagkukunan ng tubig, na nauuwi sa kanilang pagkahawa,” sabi ni Ahmad.

    “Dati’y nakakadalawampu’t limang pasyente kami sa isang araw, pero [sa hilagang silangang Syria] bumaba ang bilang ng mga kaso. Mas alam na ng mga tao kung paano protektahan ang kanilang mga sarili at ang kanilang mga pamilya,” dagdag ni Ahmad. Ngayon, habang nahaharap ang hilagang Syria sa isang marahas na taglamig, sa gitna ng kawalan ng seguridad, nagsusumikap ang mga lokal na komunidad na gawin ang lahat ng kanilang makakaya upang makatulong sa pagpigil sa outbreak, nang hindi na ito dumagdag pa sa kasalukuyang komplikadong humanitarian situation.

    Categories