Pagkatapos ng 15 taon, nagkaroon muli ng cholera sa Syria
© MSF
Mula Setyembre 2022, ang ilang bahagi ng Syria, kabilang ang northeast Syria (NES) at northwest Syria (NWS) ay nakararanas ng malalang cholera outbreak. Una itong iniugnay sa kontaminadong tubig sa mga lugar na malapit sa ilog ng Euphrates at sa matinding kakulangan ng tubig sa hilagang bahagi ng Syria. Ngayon, laganap na ang sakit sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Mahigit 13,000 na ng mga pinaghihinalaang kaso ang naiulat, at kabilang rito ang 60 na namatay.
Ayon sa Raqqa National Hospital, ngayon lang uli nagkaroon ng kumpirmadong kaso ng cholera sa NES mula noong taong 2007.
Pagtugon sa outbreak
Ang Doctors Without Borders ay katuwang ng mga lokal na ahensiyang pangkalusugan sa pagtugon sa outbreak. Kasama sa pagtugong ito ang pagbibigay ng suporta sa 40-bed Cholera Treatment Centre (CTC) sa Raqqa, na kamakailan lang ay nagtaas ng kanilang kapasidad sa 65 na kama. Sa loob lamang ng dalawang linggo, halos 600 pasyente ang tinanggap dito. Ang isang-katlo ng mga pasyenteng ito ay mga malalang kaso, habang isang-katlo rin ay binigyang-lunas bilang mga outpatient.
Ang cholera, na lubhang nakahahawa, ay sakit na bunga ng pagpasok sa katawan ng bacteria na nagmumula sa dumi ng tao—ang Vibrio cholerae – na nabubuhay sa hindi dumadaloy o maruming tubig. Ito’y nagiging sanhi ng pagtatae at pagsuka, na nauuwi sa mabilis na dehydration o pagkawala ng tubig sa katawan. Kapag di naagapan, maaaring mamatay ang pasyente sa loob lamang ng ilang oras.
Nagdagdag ng mga tauhan at kagamitan ang Doctors Without Borders, at kasalukuyang nakikipagtulungan sa mga lokal na organisasyon sa pagbibigay ng suporta para sa supply ng tubig at kalinisan ng mga komunidad, sa pamamagitan ng mga gawaing tulad ng chlorination of water trucks, water quality assurance, at pagsuporta sa proseso ng chlorination ng mga wastewater station. Gamit ang mga nakalap na epidemiological data, tinutukoy ang mga lugar na mas apektado at kinakailangang bigyan ng prayoridad. Sinimulan na rin ang pagtatasa sa Hassakeh, kahit ang mga tao roon ay hindi naman talagang umaasa sa Euphrates River para sa kanilang supply ng tubig. Sa halip, kumukuha sila ng tubig mula sa mga borehole, at dinadala ito ng mga water truck sa iba’t ibang komunidad. Gayunpaman, hindi madaling makakuha ng malinis na tubig doon, at posible rin na lingid sa kanilang kaalama’y maaaring magdala ang mga water truck ng kontaminadong tubig.
Sa iba’t ibang bahagi ng NES at NWS, nagsusumikap ang mga lokal at pandaigdigang humanitarian organisation na tumugon sa napakaraming pangangailangang dulot ng outbreak. Ngunit ang kakulangan ng sapat at malinis na tubig ay isa pa ring nakababahalang isyu. Noong 2021, apat na porsiyento lamang ng kabuuang humanitarian response budget para sa buong Syria ang inilaan para sa water, sanitation and hygiene (WASH) operations. Ito’y mas mababa pa sa isang-katlo ng budget noong 2020 para sa ganoon ding uri ng gawain.
Spreading awareness to the community
Dahil 15 na taon na ang nakalipas mula noong huling cholera outbreak sa Syria, mahalagang iangat ang kamalayan ng mga tao tungkol sa paano kumakalat ang sakit na ito, at bigyan sila ng kaalaman kung paano ito mabibigyang-lunas.
Kaya naman pinupulong ng isang grupo ng mga community worker sa Raqqa na ngayo’y nagtatrabaho sa CTC, ang mga pasyente at ang kanilang mga pamilya, upang pag-usapan kung paano mapipigilan ang pagkalat ng cholera at upang masagot ang kanilang mga katanungan ukol sa sakit na ito. Ang mensaheng kanilang ipinaaabot ay, bagama’t nananatiling hamon ang pagkakaroon ng malinis na tubig at imprastruktura para sa sanitation sa NES at NWS, may mga simple at epektibong pamamaraan upang maprotektahan ng mg tao ang kanilang mga sarili. Ipinapaliwanag ng mga community worker ang kahalagahan ng paghuhugas ng kamay bago at pagkatapos kumain, at ang paghuhugas at pagluluto ng mga prutas at gulay sa mataas na temperatura upang patayin ang mga bacteria na maaaring nakakapit pa sa mga ito. Ipinapaliwanag din nila kung paano makikilala nang maaga ang mga sintomas ng cholera, at kung ano ang gagawin kapag may kapamilyang pinagdududahan nilang kinapitan ng naturang sakit.
Matapos ang 11 taon ng digmaan, isang di-mapapantayang bilang na 4.6 milyon na tao ang nangangailangan ng humanitarian assistance sa Syria. Ang bansang ito ang may pinakamalaking bilang ng mga internally displaced people (IDPs) sa buong mundo. Ang IDPs ay mga taong nawalan ng tirahan ngunit nanatili pa rin sa kanilang sariling bansa. May 6.9 milyon na IDPs sa Syria, at karamihan sa kanila ay kababaihan at mga bata. Marami sa kanila ang ilang beses nang nawalan ng tirahan at namumuhay sa mga delikadong kondisyon.
Kumikilos ang Doctors Without Borders sa Syria kung saan maaari, pero ang kasalukuyang kakulangan ng seguridad at mga ipinataw na limitasyon sa pagkilos ay patuloy na pumipigil sa aming kakayanan na magbigay ng humanitarian assistance na makakaagapay sa tindi ng pangangailangan.Kahit na paulit-ulit ang paghingi namin ng permisong kumilos sa mga lugar na kontrolado ng pamahalaan ng Syria ay hindi pa rin kami pinahihintulutan. Sa mga lugar kung saan maaaring madaan sa negosasyon ang aming pagkilos tulad ng NWS at NES, nagpapatakbo kami at sumusuporta sa mga ospital at health centre, at nagbibigay rin kami ng pangangalagang pangkalusugan sa pamamagitan ng mga mobile clinic.