Skip to main content

    Malawi: Ang pinakamalalang cholera outbreak sa kasaysayan ng bansa

    Cholera Treatment Centers set up by Doctors Without Borders responding to the worst Cholera outbreak in the country. Malawi, 2023. © MSF/Yahya KALILAH

    Sinusuportahan ng Doctors Without Borders ang Ministry of Health ng Malawi sa pagtugon sa outbreak; kasama sa suportang ito ang pagtatayo ng mga Cholera Treatment Centers kagaya nitong nasa Mangochi district kung saan binibigyang lunas ang mga severe o malalang kaso, at ang mga moderate o katamtaman. Malawi, 2023. © MSF/Yahya Kalilah

    "Noong hinagupit ng bagyong Ana ang timog ng Malawi noong Enero nitong nakaraang taon, pumunta ang Doctors Without Borders sa distrito ng Nsanje upang tumugon sa emergency. Dahil nagkaroon ng baha, at dati nang may mga suliranin ang lugar sa tubig at sanitasyon, alam na namin agad na may  panganib ng pagkalat ng cholera," paliwanag ni Marion Pechayre, Head of Mission ng Doctors Without Borders sa Malawi.

    Dagdag pa rito, walang malawakang kampanya sa pagbabakuna kontra cholera sa bansang ito nitong nakaraang limang taon. Dahil alam naming ang epekto ng bakuna ay tumatagal lamang ng ilang taon, inaasahan na ng Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) team na ang malaking populasyon ay wala nang immunity. "Ipinaabot namin ang aming mga agam-agam sa Ministry of Health, at pinayuhan sila na magkaaroon ng preventive vaccination campaign sa lugar upang makaiwas sa outbreak. Sa hinaharap, kailangang nakatalaga na ang regular na targeted preventive vaccination," sabi niya.

    Sa pandaigdigang konteksto ng pag-akyat ng bilang ng mga cholera outbreak sa buong mundo (+ 50% noong 2022, kumpara sa mga nakaraang taon) at ang naidulot nitong tensyon sa stock ng bakuna, ang Malawi, na nagdeklara ng cholera outbreak noong Marso 3, ay nakapagsimula lang ng kampanya sa pagbabakuna noong Mayo, at ito’y umabot lang sa 24.5% ng populasyon ng walong tinukoy na distrito.

    "Naniniwala kami na ang epidemya ay hindi sana lalala nang ganito kung nakakuha ang Malawi nang mas maraming bakuna, nang mas maaga," sabi ni Marion Pechayre.

    Ang cholera outbreak sa Malawi ay ang pinakamalaking outbreak sa kasaysayan ng bansa, matapos nilang paunlarin noong mga nakalipas na ilang taon ang kanilang water at sanitation, at maging ang kanilang pagbabakuna. Subalit, habang ang mga aspetong ito ay makatutulong sa pangmatagalan, may 30% pa rin ng mga Malawian na walang mapagkukunan ng drinking water services*, at 26% lamang ang may access sa basic sanitation services**, kung kaya’t isang hamon ang pagsunod ng mga tao sa mga panukalang pangkalinisan sa ilang mga lugar. Sa distrito ng Mangochi halimbawa, kung saan umakyat ng sampung ulit ang bilang ng mga kaso ng cholera noong Nobyembre, karamihan sa mga residente ay nakaasa sa lawa ng Malawi para sa paglilinis ng katawan, pangingisda, paghugas ng mga pagkain at maging sa kanilang pagdumi.

    "Ang kakulangan ng ligtas na tubig, food hygiene at latrine coverage at usage ay hindi nasosolusyonan sa mga komunidad. At ngayong tag-ulan sa buong bansa, may panganib na naman na lalong kumalat ang cholera. Upang mapigilan ang outbreak, at gayon din upang makapaghanda para sa hinaharap, kailangan din ang pagsusumikap sa aspetong ito," paliwanag ni Bérengère Guais, ang Deputy Head of Emergency ng Doctors Without Borders.

    Pagsuporta sa pagbabakuna laban sa cholera, at sa mga gawaing pangkalinisan  

    Sa kasalukuyan, patuloy pa rin ang pagtaas ng mga epidemic trend, at ang lahat ng distrito sa bansa ay nagtatala ng humigit-kumulang 600 na bagong kaso kada araw. Bagama’t ang bansa ay karaniwang may ilang daang kaso ng cholera kada taon, sa outbreak na ito ay may mahigit na sa 33,600 na kumpirmadong kaso. Ito’y higit pa sa 33,546 na kasong itinala ng Malawi noong 2002, na noo’y pinakamalalang epidemya na sa kanilang kasaysayan. Ang isa pang nakababahala ay ang mataas na mortality rate sa epidemya ngayon: ito’y nasa 3% (karaniwan itong mas mababa pa sa 1%).

    Bilang pagtulong sa Ministry of Health sa pagsusumikap nitong pabagalin ang paglaganap ng outbreak at pababain ang bilang ng mga namamatay mula sa cholera, sinusuportahan ng Doctors Without Borders mula pa noong huling tagsibol ang 13 Cholera Treatment Units, nangangasiwa sa mahigit sa 6,000 na severe o malala, at moderate o katamtamang mga kaso. Nagsagawa rin ang Doctors Without Borders ng kampanya para sa Oral Cholera Vaccination ng 42,000 na residente ng distrito ng Mangochi noong Disyembre, at kasisimula rin lang ng pagbabakuna sa distrito ng Blantyre.

    Isinagawa ng Doctors Without Borders ang mga water sanitation at hygiene (WASH) activities tulad ng pamamahagi ng mga water guard at mga hygiene kit upang itaguyod ang point-of-use water treatment at mabubuting kasanayang pangkalinisan sa tahanan. Isinagawa rin ang organisasyon ang epidemiologic surveillance, community engagement at awareness reaching para sa mahigit 25,000 na tao, pagpapaunlad ng kapasidad sa mga health care worker, at pagbibigay ng mga donasyon na medical supplies at mga kagamitan (tulad ng mga cholera bed, mga timba, at mga water guard). Nananatiling nakaantabay ang Doctors Without Borders at handang tumugon sa outbreak batay sa mga pangangailangang ipahahayag ng mga awtoridad pangkalusugan at ayon sa mga pagtatasang ginagawa ng mga Doctors Without Borders team sa bansa.

    * Datos mula sa: https://data.worldbank.org/country/malawi?view=chart

    ** Datos mula sa: https://www.unicef.org/malawi/water-sanitation-and-hygiene

    Categories