Skip to main content

    Haiti: Nananawagan ang Doctors Without Borders para sa kagyat na pagpapaibayo ng mga pagkilos laban sa cholera outbreak

    Nurse consults the mother of a child suffering from cholera at the cholera treatment center. Haiti, October 2022. © MSF/Alexandre Marcou

    Kinakausap ng isang nars ang ina ng isang batang may cholera sa isang cholera treatment center (CTC) na binuksan sa Doctors Without Borders Emergency Center ng Turgeau. Haiti, Oktubre 2022. © MSF/Alexandre Marcou

    "Sa kasalukuyan, napupuno na ang aming mga centre. Di magtatagal, masasagad na ang aming kapasidad," sabi ni Mumuza Muhindo, ang Doctors Without Borders Country Director sa Haiti. Ang tinutukoy niya ay ang 389 na kama na kadalasa’y puno sa anim na cholera treatment centres (CTCs) na itinayo ng Doctors Without Borders mula nang lumitaw ang mga unang kaso noong Setyembre 29. 

    Mula noong katapusan ng Oktubre, naggagamot kami ng humigit-kumulang 270 na pasyente kada araw sa aming mga centre, samantalang noong unang dalawang linggo’y 50 lang kada araw. Sa kabuuan, tumanggap na kami ng mahigit sa 8,500 na pasyente, at nagtala ng 97 na namatay. Ang ebolusyon ng outbreak ay nakakabagabag.
    Mumuza Muhindo, Country Director

    Ang Doctors Without Borders ay isa sa iilang mga organisasyong nakikipagtulungan sa mga awtoridad paangkalusugan upang sugpuin ang pagkalat ng cholera. Ang muling pagbugso nito ay sintomas ng isang trahedyang humanitarian at pangkalusugan. Ang outbreak na ito ay nagaganap sa konteksto ng isang walang katulad na krisis sa pulitika, sa ekonomiya, at sa seguridad. Sa kasalukuyan, ang Port-au-Prince ay isang siyudad na napapaligiran at sinasakal—ang mga pangunahing daang nag-uugnay rito sa ibang mga bahagi ng bansa ay pawang kontrolado ng mga armadong grupo.

    Matapos muling makuha ang pangunahing oil terminal noong Nobyembre 4, na ilang linggong nasa mga kamay ng isang armadong grupo, nagkaroon na ng gasolina ang mga mamamayan. Ngunit hindi malaki ang naging epekto nito sa sitwasyon sa bansa. Masyado pa ring mahal ang gasolina, kaya’t ang karamihan sa populasyon, na nakararanas ngayon ng krisis sa ekonomiya, ay hindi kayang bumili nito. Dahil dito, nananatiling apektado ang mga pasilidad pangkalusugan. Hindi lahat ng serbisyo ay bukas, at limitado ang paggamit ng mga ambulansya.

    Ang mapagkukunan ng malinis na tubig—na mahalaga sa laban kontra-cholera—ay nakasalalay sa mga tankers na nagdadala nito, na nakasalalay rin sa gasolina at sa seguridad ng mga lugar na iniikutan ng mga sasakyang ito.  

    "Puno na ang siyudad ng mga nakatambak na basura dahil ilang buwan nang di nakokolekta ito," sabi ni Muhindo, "At wala ring nagdadala ng malinis na tubig sa mga pamayanang tulad ng Brooklyn sa Cité Soleil, kung saan nakahambalang sa mga kalsada ang mga basura at nagkakaroon ng mga malalang pagbaha, sanhi ng mga baradong kanal at estero." 

    Part of the neighborhood of Cité l'Eternel is flooded due to the clogging of canals caused by poor waste management. Haiti, October 2022. © MSF/Alexandre Marcou

    Ang isang bahagi ng Cité l'Eternel ay binaha dahil sa mga baradong kanal, at di wastong pagtapon ng basura. Mabilis kumalat ang cholera sa mga lugar kung saan kulang ang ginagawang sewage treatment at walang sapat na mapagkukunan ng malinis na tubig. Haiti, Oktubre 2022. © MSF/Alexandre Marcou

    Tanging Doctors Without Borders lang ang nag-aasikaso sa mahigit 60 porsiyento ng bed capacity upang gamutin ang mga pasyenteng may cholera sa kabisera ng bansa. Ang mga mobile team na kinabibilangan ng mga water and sanitation specialist at mga health promoter ay kumikilos sa mga pinakaapektadong komunidad upang ipagbigay-alam ang mga maaaring gawin upang mapigilan ang pagkalat ng sakit. Isinakatuparan din nila ang chlorination ng humigit-kumulang 100 water points at ang pagpapakabit ng walong oral rehydration points, kung saan namamahagi ng mga pangunahing pangangailangan, at ng malinis na tubig. Gayunpaman, hindi sapat ang maibibigay na pagtugon ng Doctors Without Borders at ng ilang organisasyon sa hamon ng cholera outbreak. Kailangang tumulong ang mga iba pang humanitarian na organisasyon at donor sa pamamagitan ng pagpapatayo ng mga treatment centre o di kaya’y ng kagyat na pagpapaunlad ng access sa malinis na tubig, o mga sanitation activity.

    Dagdag pa rito, lubhang mahalaga ang pagbabakuna bilang pangunahing sandata laban sa sakit. Ilan daang libong doses ng bakuna ang inilaan para sa bansa ng International Coordinating Group, isang pandaigdigang mekanismo para sa pagbabakuna bilang tugon sa epidemya. Naghain ang mga awtoridad ng opisyal na kahilingan sa International Coordinating Group (ICG) para makakuha ng bakuna. Handa ang Doctors Without Borders na magsagawa ng kampanya para sa pagbabakuna bilang pagbibigay-suporta sa mga awtoridad pangkalusugan, at bilang kaakibat ng iba pang ginagawang water and sanitation at health promotion activity.

    Habang umaakyat ang bilang ng mga kaso ng cholera sa mga iba’t ibang commune sa kabisera, at maging sa ibang mga administrative area, nananatiling mahirap matasa kung gaano kalawak na ang naabot ng outbreak.

    Ang pagsagad sa kapasidad ng mga cholera treatment centre, kung kaya’t di lahat ng pasyente ay nabibigyang-lunas, ang kahirapan sa pagbiyahe dahil sa kamahalan ng gasolina at dahil sa kakulangan ng seguridad,at ang pagdami ng namamatay sa komunidad ay mga nakakabahalang senyales. Sa mga lugar kung saan mataas ang antas ng kawalan ng seguridad, ang mga pasyenteng nakararanas ng malubhang sintomas sa gabi ay walang magagawa kundi pumirmi lang sa bahay dahil ayaw silang ihatid ng mga traysikel sa isang health centre.
    Michael Casera, Epidemiologist

    Mahigit tatlong dekada nang nagbibigay ang Doctors Without Borders team ng libreng pangangalagang medikal sa Haiti. Sa kasalukuyan, pitong proyekto ang tumatakbo sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Sa kabisera ng bansa, ang Port-au-Prince, sa South at Artibonite departments, kumikilos kami para sa  mga life-threatening emergencies, trauma cases, burns, mga survivors ng karahasang sekswal, at sa mga nangangailangan ng reproductive healthcare. Regular na tumutulong rin ang mga Doctors Without Borders sa mga emergency, halimbawa, sa gitna ng natural na kalamidad. Noong 2021, nakapagbigay ang mga Doctors Without Borders team ng 25,000 emergency consultations, nakapaggamot ng 3,220 na nasaktan dahil sa karahasan, at sumuporta sa 1,560 survivors ng karahasang sekswal. 

    Categories