Skip to main content

    Mozambique: Ang pagpigil sa mga kaso ng cholera matapos itong dumami sa hilagang bahagi ng bansa

    A medical staff is checking the condition of a cholera patient. Mozambique, 2023. © MSF

    Ang mga team ng Doctors Without Borders ay nagtatrabaho upang gawing 50 na kama ang kapasidad ng Cholera Treatment Centre (CTC) ng Lichinga Provincial Hospital. Itinaguyod din ng aming mga team ang mga mensahe tungkol sa kalusugan, namahagi ng mga gamit na pangkalinisan at mga donasyon, at nagsagawa ng mga pagsasanay para sa mga health professional tungkol sa paggamot at tungkol sa Infection and Prevention Control (IPC) measures. Mozambique, 2023. © MSF 

    Ayon sa Ministry of Health, mahigit na 1,400 na ang naiulat na kaso at 13 na ang namatay sa pagitan ng Setyembre 2022 at Enero 2023 sa limang apektadong distrito ng Niassa: Lichinga – kung saan naroon ang kabisera ng probinsiya – Lago, Mecanhelas, Mandimba at Sanga.

    Ang mga team ng Doctors Without Borders ay nagtatrabaho upang gawing 50 na kama ang kapasidad ng Cholera Treatment Centre (CTC) ng Lichinga Provincial Hospital. Sinusuportahan din ng aming mga team ang pagtayo ng isang CTC sa Meponda, isang bayan malapit sa kabisera ng probinsiya. Itinataguyod din namin ang mga mensahe tungkol sa kalusugan, namahagi ng mga gamit na pangkalinisan at mga donasyon, at nagsasagawa kami ng mga pagsasanay para sa mga health professional tungkol sa paggamot at tungkol sa Infection and Prevention Control (IPC) measures.

    "Nitong mga nakaraang linggo, mahigit 15 na kama ang karaniwang okupado sa CTC ng Lichinga Hospital. Umabot ng mahigit 50 na pasyente ang aming tinanggap," sabi ni Sara Miro, Doctors Without Borders medical coordinator. "Subalit, bumaba na rin ang bilang ng mga namamatay na pasyente nitong mga nakaraang araw."

    Gumagawa rin ang mga team ng Doctors Without Borders ng estratehiyang nakabase sa komunidad upang mapagtibay ang mga panukalang pangkalinisan at upang matukoy nang maaga ang mga taong pinaghihinalaang may diarrhoea.

    "Upang makaabot sa mas maraming tao, ang aming mga team ay nakikipagtulungan sa mga lokal na grupo at komite, bumibisita sa mga lugar na may mataas na bilang ng may cholera, at nagtayo ng mga tolda upang matingnan ang mga pasyente sa bayan ng Lichinga," sabi ni Miro.

    Ang tugon sa cholera sa ibang mga lugar sa Mozambique  

    Sa lalawigan ng Nampula, bilang bahagi ng emergency preparedness measure, tumulong kami sa pagsasaayos ng CTC na may 25 na kama sa distrito ng Angoche. Sa Maputo, kabisera ng bansa, ang Doctors Without Borders ay nagsanay ng mga local health professional tungkol sa IPC measures.

    Para naman sa bansa, nagbigay kami sa Mozambican Ministry of Health ng mga medical item, gaya ng patient rehydration drugs, mahigit sa 24,000 na bote ng water purifying solution, at 1,500 na tableta ng chlorine na gagamitin sa mga probinsiya ng Niassa, Zambezia at Sofala, kung saan may mga naiulat na kaso ng cholera.

    Dagdag pa rito, pinapagtibay namin ang mga pagsasanay at IPC measures sa iba’t ibang proyekto ng Doctors Without Borders sa mga probinsiya ng Cabo Delgado, Sofala at Nampula.

    Patuloy na minamatyagan ng mga Doctors Without Borders team ang sitwasyon at alerto kami sa mga epidemiological trend at medical humanitarian needs sa bansa, lalo pa’t patuloy pa rin ang tag-ulan.

     

    Ang Doctors Without Borders ay kumikilos na sa Mozambique mula pa noong 1984 at mahigit 30 na taon nang tumutugon sa mga medical at humanitarian need ng bansa. Ang cholera ay katutubong sakit sa Mozambique. Ito’y lubhang nakahahawa at umuusbong sa mga lugar na walang malinis na tubig at tamang sanitasyon. Ito’y naging sanhi ng matinding diarrhoea at pagsusuka, at kapag hindi naagapa’y maaari itong mauwi sa kamatayan dahil sa kawalan ng tubig sa katawan. Ang Doctors Without Borders ay may mahabang kasaysayan ng pagtugon sa mga pangangailangang may kaugnayan sa cholera, katuwang ng mga lokal na opisyal sa Mozambique. Narito ang ilang halimbawa:

    • 1993-2000: Iba’t ibang pagtugon sa mga outbreak sa panahon ng pagbangon muli ng Mozambique matapos ang digmaang sibil.
    • 2004: Isang kampanya para sa pagpapabakuna sa Beira. 
    • 2015: Epidemiological at treatment support sa Niassa. 
    • 2017: Pagtugon sa outbreak at kampanya para sa pagpapabakuna sa Tete, kung saan 297,000 na tao ang naabot. 
    • 2019: Pagtugon sa outbreak sa Beira pagkatapos itong salantain ng bagyong Idai. 
    Categories