Lebanon: Ang kakulangan ng ligtas na tubig at sanitasyon ay banta sa pagpigil ng pagkalat ng cholera
Ang mga Doctors Without Borders team na nagbabakuna laban sa cholera sa Lebanon. Lebanon, Nobyembre 2022. © MSF/Mohamad Cheblak
Ang unang cholera outbreak sa Lebanon sa loob ng halos tatlong dekada ay nagaganap kasabay ng krisis sa ekonomiya at gasolina, na dumadagdag pa sa problema ng kakulangan ng tubig na ligtas inumin at ng mga maayos na waste management network sa bansa. Dahil dito’y nagbabanta na kumalat nang todo ang sakit. Ang mga luma at marurupok na waste management network ay hindi napapanatiling maayos kaya’t tumutulo o tumatagas ang tubig sa mga kalsada, at maging sa loob ng mga bahay. Dahil may kakulangan din sa kuryente, apektado rin ang mga de-kuryenteng water pump. Kapag hindi ito napagana nang matagal ay walang lumalabas na tubig sa mga gripo sa bahay.
Kaya naman ang mga tao’y umaasa sa unregulated water trucking para makakuha ng tubig. Ang mga taong apektado ng krisis pinansiyal, na karamihan ay nakatira sa siksikan at naghihikahos na mga lugar at walang kakayahang magbayad para sa supply ng tubig, ay nag-iigib na lang mula sa mga maruruming ilog at sapa para sa kanilang mga pangangailangan. Kasabay nito ang kakulangan ng medical supplies at diagnostics, kung kaya’t di makakuha ang mga tao ng pangangalaga sa mga ospital.
Mula noong nagsimula ang outbreak, pinag-iibayo ng Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) ang pagsusumikap na suportahan ang bansa sa paggamot sa mga pasyente at sa pakikipaglaban nito sa outbreak.
"Dahil sa mga karanasan ng Doctors Without Borders nitong nakaraang limampung taon sa pagharap sa mga medical emergency crises sa mahigit pitumpung bansa, kami’y maagap na nakatutugon at naisasakatuparan namin ang isang komprehensibong estratehiya para makatulong sa national health authorities at sa mga mamamayan ng Lebanon sa kanilang pakikipaglaban sa cholera," sabi ni Dr Caline Rehayem, ang Doctors Without Borders Medical Coordinator sa Lebanon. "Alam naming hindi mahirap bigyang lunas ang cholera basta’t mayroon ka lang sapat na kasangkapan mula sa pagpigil hanggang sa paggamot," dagdag niya.
Mula noong idineklara ang outbreak noong Oktubre 6, 19 na tao na ang namatay. Sa huling ulat noong Nobyembre 16, 2022, umakyat na sa 3,671 ang kumpirmado at pinaghihinalaang kaso.
Ang mga Doctors Without Borders team sa isang lugar sa Lebanon kung saan nagsasagawa sila ng kampanya ng pagbabakuna laban sa cholera. Lebanon, Nobyembre 2022. © MSF/Mohamad Cheblak
Pagtugon sa Outbreak: Pangangalaga sa Pasyente at Pagbabakuna
Sa Bekaa Valley, inayos ng ng Doctors Without Borders ang isang unit sa ospital sa Bar Elias upang makatanggap at makagamot dito ng mga pasyenteng may cholera. Sa ngayon, ang kapasidad nito ay 20 na kama, pero maaaring dagdagan ito kung kinakailangan. Mula noong nagbukas ito noong Oktubre 31, nakatanggap na kami ng tatlumpu’t tatlong pasyente sa aming cholera treatment unit. Sa mga pagbabagong ginawa namin sa unit, tinitiyak naming ang ibang mga serbisyo sa ospital tulad ng essential surgeries at pangangalaga sa mga sugatan ay magpapatuloy pa rin. Magbubukas din ang Doctors Without Borders ng isang field hospital na may kapasidad na dalawampung kama sa Arsal, isang lugar sa hilagang silangan ng Lebanon kung ang pinakamalapit na pampublikong ospital ay mga apatnapung kilometro ang layo.
Upang malimitahan ang pagkalat ng sakit, ang Doctors Without Borders ay nagbabakuna laban sa cholera sa Arsal, Tripoli, Akkar, at Baalback- Hermel sa hilaga at hilagang silangan ng Lebanon. Ito’y bahagi ng tatlong linggong pambansang kampanya ng pagbabakuna na inilunsad ng mga awtoridad pangkalusugan ng bansa. Nakatuon ang Doctors Without Borders sa mga lugar kung saan nagsisiksikan ang mga mahihirap, kung saan mabilis na kakalat ang mga sakit na tulad ng cholera, na maglalagay sa mga nakatira roon sa panganib. Sa loob lang ng isang linggo, nakapagbakuna ang mga team namin ng 14,224 na tao. Sa kabuuan, nais naming makapagbakuna ng 150,000 na tao.
Ang mga pagbabakuna ay ginagawa bilang bahagi ng pakikipagtulungan sa Ministry of Public Health, at sa mga pandaigdigan at lokal na organisasyon na naglalayong maibigay sa mga tao ang 600,000 cholera vaccines na tinanggap ng Lebanon bilang first phase procurement upang malabanan ang cholera outbreak sa bansa.
Binabakunahan ang isang lalaki laban sa cholera ng Doctors Without Borders team sa Lebanon. Lebanon, Nobyembre 2022. © MSF/Mohamad Cheblak
Pagpapalaganap ng kamalayan sa komunidad at pagsasanay sa mga healthcare worker
Mula noong huling naitalang kaso ng cholera sa Lebanon noong 1993, ang pag-angat ng kamalayan tungkol sa pagkalat ng sakit at kung paano ito gagamutin ay isang mahalagang hakbang upang mapigilan ang paglalaganap ng sakit. Ang mga Doctors Without Borders team ay nagbabahay-bahay sa Bekaa Valley, sa hilaga at hilagang silangan ng Lebanon. Naglalakad-lakad sila sa mga barangay, bumibisita sa mga tahanan, tindahan, at mga kampo upang maiangat ang kamalayan tungkol sa sakit at sa mga panukalang kailangang sundin.
"Binigyan namin ng pagsasanay ang mga healthcare worker at community health worker upang suportahan ang sistema ng pangangalagang pangkalusugan at ang mga komunidad upang makaya nila ang pagharap sa outbreak," sabi ni Dr Caline Rehayem.
Sa ngayon, nakapagbigay na kami ng 17 na pagsasanay sa 148 na medical at paramedical personnel.
Hinahanda ng mga team ng Doctors Without Borders ang mga bakuna laban sa cholera sa Lebanon. Lebanon, Nobyembre 2022. © MSF/Mohamad Cheblak
Ang mga hakbang sa pag-iwas at pangangalaga sa pasyente ay kinakailangan, ngunit hindi sapat
Ang pagpapabuti ng mga hakbang sa pag-iwas sa cholera, ang pagbabakuna, at ang pangangalaga sa pasyente ay pawang mahahalagang elemento ng pagtugon sa cholera outbreak. Subali’t ang mga kaso ng cholera at iba pang sakit na dala ng tubig ay inaasahang muling lilitaw at mas kakalat pa kung walang makahulugang pagkilos na gagawin upang matiyak ang pagkakaroon ng ligtas na tubig na maiinom at sanitation services sa bansa.
Ito ay isang katotohanang siyentipiko. Ang sanhi ng cholera ay ang pagpasok sa katawan ng bacteria na galing sa dumi ng tao – Vibrio cholerae – na nasa marumi o di umaagos na tubig. Upang ito’y makontrol nang mabuti, kinakailangang mabigyang -pansin ang pinakaugat ng problema. Kung hindi, ang kasalukuyang nakakapanlumong imprastruktura ng tubig sa Lebanon ay patuloy na magdadala sa populasyon ng mga sakit na nakahahawa tulad ng cholera.Marcelo Fernandez, Head of Mission