Skip to main content

    Sudan: Inuudyukan ng Doctors Without Borders na protektahan ang mga sibilyan at mga ospital matapos ang pagbobomba malapit sa paediatric hospital

    MSF flag

    Noong Sabado ng gabi, Mayo 11, isang airstrike na isinagawa ng Sudanese Armed Forces (SAF) ay lumapag sa lugar na 50 metro lang ang layo mula sa Babiker Nahar Paediatric Hospital, isang ospital na sinusuportahan ng Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) sa El Fasher, North Darfur. Nauwi ito sa pagguho ng bubong ng intensive care unit (ICU) at sa pagkamatay ng dalawang batang nananatili pa roon upang magamot. Namatay rin ang isang caregiver.   

    Mula noong nag-umpisa ang digmaan, ang ospital na ito ay isa sa iilang pambatang pasilidad medikal na tumatakbo pa rin. Tumatanggap dito ng mga isinasangguni mula sa iba’t ibang bahagi sa rehiyon ng Darfur dahil ang mga ibang ospital na pambata ay nagsara na. Ngayon, may isa na namang pasilidad pangkalusugan na hindi na magagamit.  

    Ang insidente noong Sabado ay nangyari matapos ang matinding labanan sa pagitan ng paramilitary Rapid Support Forces (RSF) at SAF/Joint Forces sa North Darfur noong Biyernes, Mayo 10. 160 na mga sugatan – kabilang rito ang 31 na kababaihan at 19 na mga bata – ang dumating sa South Hospital sa El Fasher, isang ospital na sinusuportahan ng Doctors Without Borders. 25 sa mga sugatang ito ay nasa kalagayang terminal na pagdating pa lamang, at hindi rin nagtagal ay sumakabilang-buhay na.  

    Ang tunggalian noong Biyernes ay naganap malapit sa Babiker Nahar, at naging sanhi ng paglikas ng mga pasyenteng naghahanap ng kaligtasan. Marami sa kanila ay pumunta sa South Hospital. Sa 115 na batang ginagamot sa Babiker Nahar, 10 ang naiwan noong Sabado nang hinulog ang bomba. Kabilang rito ang dalawang batang namatay. Sa kasalukuyan, sarado na ang ospital. 

    Dalawang batang ginagamot sa aming intensive care unit sa paediatric hospital, at isang caregiver, ang napatay ng airstrike ng Sudanese Armed Forces. Dati’y 115 na bata ang ginagamot sa ospital na iyon – ngayon, wala na. Dahil sa alitan, kakaunti na lang ang pangangalagang pangkalusugan na makukuha sa Sudan. Ang orihinal na paediatric hospital ay nilooban noong nagsimula ang digmaan.
    Michel-Olivier Lacharité

    Ang mga bata ay inilikas sa maliit na klinika na aming inayos at pinalaki noong Mayo at Hunyo nitong nakaraang taon. Hindi madaling gawing isang gumaganang ospital ang maliit na klinika, lalo na kapag panahon ng digmaan. Isa ito sa iilang natirang ospital na pambata sa buong rehiyon ng Darfur.

    “Tumanggap kami ng mga isinasangguning pasyente mula sa iba’t ibang bahagi ng Darfur dahil kulang ng mga pasilidad sa rehiyon. Ngayon, isa na namang ospital ang nabawas sa amin, kung kailan nagsusumikap kaming lakihan ang aming ginagawa sa mga kampo ng El Fasher at Zamzam bilang pagtugon sa krisis ng malnutrisyon doon,” sabi ni Michel-Olivier Lacharité, ang aming Head of Emergency Operations.

    Ang 115 na batang nasa ospital noon ay ginagamot para sa mga kondisyong tulad ng malaria, pulmonya, pagtatae at malnutrisyon. Ngayon, maraming mga bata ang hindi nakatatanggap ng anumang paggamot. Ang mga batang namatay ay nasa kritikal na kondisyon sa aming ICU, ngunit posible pa sanang mailigtas ang kanilang buhay

    Hindi ito dapat mangyari uli. Pinapaalala namin at binibigyang-diin sa mga grupong sangkot sa alitan na hindi dapat pinupuntirya ang mga ospital at mga pasilidad pangkalusugan, o gawing collateral damage sa isang alitan. Inuudyukan din namin silang protektahan ang mga sibilyan – isang bagay na hindi nila nagawa nitong nakaraang katapusan ng linggo. Bukod sa dalawang bata at isang caregiver, 25 na taong nasugatan sa labanan na dumating sa South Hospital noong Biyernes ay nasa kalagayang terminal at hindi na namin nasagip ang kanilang mga buhay.
    Michel-Olivier Lacharité

    Ang Doctors Without Borders ay nananawagan sa mga grupong sangkot sa alitan na protektahan ang mga sibilyan at ang mga istrukturang pangkalusugan. Obligasyon nila ito sa ilalim ng International Humanitarian Law, at ng Jeddah declaration – na pinirmahan isang taon bago ang mismong araw ng pagkasira ng ospital, at pagkamatay ng mga bata at ng caregiver.  

    Categories