Mga boses ng mga batang Sudanese sa isang kampo ng mga refugee: “Mayroon din kaming mga pangarap at mga kakayahan.”
Si Rayan, pitong taong gulang, ay isa sa sampu-sampung libong mga batang Sudanese na kasalukuyang nakatira sa Adré transit camp. Chad, Hulyo 2024. © Thibault Fendler/MSF
Isang taon nang nagpapatakbo ang Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) ng emergency response sa Eastern Chad upang tugunan ang mga pangangailangang medikal at humanitarian ng mga refugee na tumakas mula sa Sudan matapos pumutok ang digmaan. Mula noong nag-umpisa ang alitan noong Abril 2023 hanggang Hunyo nitong taong ito, mahigit 600,000 na refugee na Sudanese ang dumating sa Chad, ayon sa mga datos ng UN.
Bahagi ng aming mabilis na pagtugon sa paglikas na ito ang pediatric support sa aming mga klinika sa Adré transit camp at sa Aboutengué camp, kung saan nagbibigay kami ng mga mahahalagang serbisyong pangkalusugan para sa mga bata. Mula noong umpisa ng taong ito hanggang Hulyo, nagsagawa kami sa aming mga klinika ng humigit-kumulang 43,709 na pediatric consultation para sa mga batang wala pang limang taong gulang. Mula Hulyo 8 hanggang 13, nagdaos kami ng kampanya para sa pagbabakuna laban sa tigdas para sa mga batang nasa Adré transit camp. Sa loob ng anim na araw, mahigit 22,000 na bata at mga kabataan, edad anim na buwan hanggang 14 na taon ang nakatanggap ng bakuna. Nagtayo kami ng pitong vaccination point sa kampo at nagpadala ng mga mobile unit sa iba’t ibang bahagi nito upang maabot ang pinakamaraming batang posibleng mabakunahan.
Sa mga sumusunod na patotoo, ibabahagi namin ang mga boses ng mga batang Sudanese, edad 7 hanggang 12 na taong gulang, habang kinukuwento nila ang kanilang buhay sa kampo: ang kanilang mga talento, libangan, pangangailangan bilang mga bata, at ang kanilang mga hiling para sa kinabukasan.
Hawak ni Mushtaha ang isang laruang Talking Tom. Noong tinanong siya kung kumusta ang buhay niya sa kampo, walang pag-aalinlangang sinagot niya agad: “Hindi mabuti!”. Ang pinakahinahanap-hanap niya ay ang pagpasok sa paaralan. “Bakit walang paaralan dito?”. Chad, Hulyo 2024. © Thibault Fendler/MSF
Mushtaha, 10 na taong gulang, mula sa El-Geneina
“May apat akong kapatid na babae at isang kapatid na lalaki. Ang bunso kong kapatid ay ipinangak sa ospital sa Adré, limang buwan ang nakararaan. Magkasama kaming lahat sa iisang bahay kasama ang aming mga magulang. May maliit na tindahan ang nanay ko sa harap ng aming tinitirhan kung saan nagbebenta siya ng mga kendi. Iba ang aming buhay dati, bago kami pumunta rito. Nakatira kami noon sa El-Geneina, at ngayo’y siyam na buwan na kaming nandito. Mahirap ang buhay sa kampo.
Dito, walang kuryente, kaya hindi kami makapanood ng telebisyon. Gustong- gusto ko pa namang nanonood ng mga palabas para sa mga bata sa channel MBC3. Hinahanap-hanap ko rin ang pag-upo sa mga upuan. Wala kaming ganoon dito, sa sahig lang kami umuupo.
Nasa gitna kami ng disyerto, kaya’t walang mga puno kung saan maaari kaming lumilim at maglaro. Nagtayo ang aking mga magulang ng matitirhan na may bubong na yero, doon kami namamalagi at naglalaro. Pag-alis namin sa El-Geneina, dinala namin ang ilan sa aming mga laruan: ilang mga manika at ang Talking Tom, na laruang pusa. Kaya lang, hindi na makapagsalita si Tom dahil wala na itong baterya.
Sa El-Geneina, pumapasok ako sa paaralan. Pero dito, walang eskwelahan. Bakit ganoon?"
"Naaalala ko pa noong kararating lang namin dito, ang unang humanitarian team na nakita namin ay ang Doctors Without Borders. Tinawag namin silang mga Ataba (ang salitang Arabic para sa ‘doktor’). Kapag nagkakasakit ako o ang aking mga kapatid, sa kanila kami pumupunta. Noong huli kong punta sa Doctors Without Borders, nagpabakuna ako laban sa tigdas. Hindi ako umiyak noong iniksyunan ako, hindi katulad ng nakababata kong kapatid. Hindi naman ako nasaktan, e.”
Mahigit isang taon nang nakatira si Zamzam sa Adré camp. Chad, Hulyo 2024. © Thibault Fendler/MSF
Zamzam, 11 na taong gulang, mula sa El-Geneina
“Mahirap ang pamumuhay dito sa kampo. Wala kaming mga damit, hindi kami nakakakain ng sapat, wala kaming kuryente, at walang paaralan dito. Naglakad lang kami mula sa Sudan. Lahat ng aming pag-aari ay kinuha mula sa amin habang kami’y naglalakbay.
Ako ang panganay sa limang magkakapatid. Kuntento ako sa pagiging Ate dahil puwede kong utusan ang mga kapatid ko."
"Dito, wala kaming magawa. Nasa bahay lang kami buong araw, sumisilong sa ginawa ng nanay kong tirahan sa aming munting bakuran. Kilala ko rin ang mga Ataba (salitang Arabic para sa mga ‘doktor’, na siyang tawag nila sa mga taga- Doctors Without Borders). Nakapunta na ako sa klinika nila noong nagkasakit ako, at kamakailan lang, ay bumalik ako roon upang mabakunahan laban sa tigdas. Masakit ang iniksyon, pero wala sa aming magkakapatid ang umiyak. Lahat kami’y matatapang.
Balang araw, gusto kong maging doktor upang maalagaan ko ang mga tao. Kung posible, babalik ako agad sa El-Geneina, at mag-aaral akong muli. Iyon ang talagang bayan ko, at ni isang segundo‘y hindi ako mag-aalinlangang bumalik doon kung ligtas naman.”
Buong pagmamalaking nagpakuha ng larawan si Rayan sa harap ng mga maliliit na tasa at mga tea pot na ginawa niya mula sa putik matapos umulan. Isang taon na siyang nasa East Chad. Chad, Hulyo 2024. © Thibault Fendler/MSF
Rayan, 7 na taong gulang, mula sa El-Geneina
“Okay naman ang buhay rito. Ang mabuti rito, wala kaming naririnig na mga putok ng baril. Mahilig ako sa pottery, gumagawa ako ng mga maliliit na palayok, tasa, mga teapot, at mabakhar (salitang Arabic para sa mga insensaryo na ginagamit para sa pagsunog ng mahahalimuyak na halaman upang mapabango ang isang silid). Ang lahat ay ginagawa ko gamit ang putik sa kampo pagkatapos umulan, at pagkatapos ay binibilad ko ito upang matuyo sa init ng araw.
Nagkukunwari kami ng mga kalaro ko na mayroon kaming tea party. Noon sa Sudan, gustong-gusto ko kapag tapos na ang klase at bibigyan kami ng tea set na aming mapaglalaruan. Ngunit ngayong hindi na ako pumapasok sa paaralan, gumawa na lang ako ng sarili kong tea set upang makapaglaro pa rin."
"Kilalang-kilala ko ang Doctors Without Borders. Nagpunta na ako roon noong nagkasakit ako at noong binakunahan ako laban sa tigdas. Gusto ko ring maging doktor. Ang pangunahing dahilan ko ay upang maalagaan ko ang aking ama, na naputulan ng binti dahil sa diabetes (nangyari ito sa Sudan). Mula noong nandito na kami sa Adré, ilang beses na siyang pumunta sa mga klinika ng Doctors Without Borders upang papalitan ang kanyang benda. Ngayon, nasa mabuti na siyang kalagayan. Kaya lang, ang nanay ko lang ang nakakapagtrabaho at kumikita para mabili ang mga pangangailangan ng aming pamilya. Kahit anong trabaho, pinapasok niya— mula sa paglalaba ng mga damit, hanggang sa pagpulot ng mga ladrilyo.
Nauna kami rito ng nanay ko at ng aking limang kapatid na babae upang maisaayos muna ang aming titirhan sa kampo. Pagkatapos, binalikan namin ang aking ama sa Ardamata at dinala siya rito sakay ng isang kariton. Kapag tinatanong ako ng mga tao kung gusto ko bang bumalik sa Sudan, ang sagot ko’y “hindi, okay na ako rito."
Si Ouman ay taga-El-Geneina. Bagama’t sabi niya’y handa siyang bumalik sa Sudan kung mapayapa na, naiisip na rin niya ang pangmatagalang buhay sa kampo. Chad, Hulyo 2024. © Thibault Fendler/MSF
Ouman, 11 na taong gulang, mula sa El-Geneina
“Hindi maayos ang buhay sa kampo. Limang buwan na ang nakararaan mula noong dumating ako rito mula sa El Geneina. Ako ang pangalawa sa pinakabata sa aming siyam na magkakapatid, tatlong lalaki at anim na babae. Masyadong maliit ang aming tirahan, at wala kaming plastik na pananggalang sa ulan. Wala kaming sapat na pagkain, mga kumot o mga banig.
Nanganak ang asawa ng kapatid ko rito noong nakaraang buwan. Wala siyang mahanap na mapagkukunan ng pangangalagang pangkalusugan, kaya’t nagkasakit siya. Mabuti na lang at natulungan siya ng Doctors Without Borders, at ngayo’y bumuti na ang kanyang kalagayan.
Madalas ako sa pamilihan sa kampo upang bumili ng pagkain at tumulong sa pagluluto, kadalasa’y kanin at tomato sauce."
Komportable kami sa El Geneina, dito hindi. Walang mga paaralan dito at walang kuryente. Dati, may relihiyosong paaralan malapit sa kampo, pero wala na rin ito ngayon. Kung mabibigyan ako ng pagkakataon, babalik ako kaagad sa Sudan.
Balang araw, gusto kong maging “boluntaryong pinuno” sa kampo dahil gusto kong magkaroon ng mga pagbabagong makabubuti para sa mga taong nawalan ng tirahan, at tiyaking ang lahat ng aid ay ipinamamahagi nang pantay-pantay para sa lahat. Kung may magagawa akong pagbabago, magtatayo ako ng paaralan dito.
Dito sa kampo, kadalasa’y naglalaro kami ng mga kaibigan ko. Gamit ang putik, gumagawa kami ng mga maliliit na bahay at mga hayop, gaya ng mga kabayo o mga asno. Nawiwili kami sa paglalaro ng mga iyon, ngunit karamihan sa kanila ay nadurog na noong huling pag-ulan. Minsan naman, nagtatali kami ng lubid sa isang puno upang gumawa ng parang duyan, at buong araw kaming maglalaro roon. Dalawa sa matalik kong kaibigan ang nakatira rin sa kampo, malapit lang sa amin. Nakilala ko sila noon sa El Geneina, magkakaklase kami. Ngayon, magkakapitbahay kami sa kampo ng mga refugee.”
Si Mazim (nasa gitna), napapaligiran ng dalawa niyang kapatid na lalaki at ng kanyang pinsan. Hawak niya ang isang football na ginawa niya sa pamamagitan ng pagpuno ng isang medyas ng mga supot. Buong araw nilang nilalaro ito. Chad, Hulyo 2024. © Thibault Fendler/MSF
Mazim, 12 na taong gulang, mula sa El-Geneina
“Ako ay mula sa El-Geneina. Panganay ako sa anim na magkakapatid, dalawa ang kapatid kong babae, at tatlo naman ang lalaki. Mahigit isang taon na akong nandito, at nakatira ako sa isang masisilungan kasama ang dalawa kong pinsan. Ang tita ko na kapatid ng nanay ko ay bumalik sa Sudan ilang linggo na ang nakararaan, upang matunton ang kanyang asawa na ilang buwan nang nawawala.
Okay naman ang buhay rito. Ginugugol ko ang mga araw ko sa paglalaro ng football, pagdarasal, at paglalaro ng football uli. Kapag naglalaro ng football, pareho lagi ang posisyon ko: wing-back. Ang paborito kong koponan ay ang Real Madrid. Tingnan n’yo o! Nilagyan ko ng logo nila ang sweatpants ko. At ang paborito kong manlalaro ay si Cristiano Ronaldo, kahit na di na siya naglalaro ngayon.
Ang kapatid ko naman ay kampi sa Barcelona. Lagi niyang suot ang jersey nila."
"Noon, may bola kami, ngunit sa katagalan ay nalaspag na ito. Kaya, pinuno na lang namin ang isang medyas ng mga supot at iyon ang nilalaro namin. May mapaglalaruan ng football malapit sa kampo, doon kami pumupunta para maglaro. 24 na bata, sapat na para magkaroon ng dalawang koponan. Nakilala ko ang ilan sa kanila sa kampo, ngunit ang iba’y kilala ko na mula pa sa El-Geneina.
Kadalasan, ang mga kapitbahay naming tumakas din ay nakikipag-ugnayan sa mga nauna habang sila’y naglalakbay mula sa Sudan, kaya’t sinasalubong ang mga bagong dating sa hangganan at sinasamahan sila sa kanilang bagong titirhan. Sa ganoong paraan, binubuo namin uli ang dati naming komunidad at nananatili kaming napapaligiran ng mga taong kilala na namin.
Minsan, naglilibot ako sa kampo upang manguha ng mga kahoy na panggatong na gagamitin ng aking ina sa pagluluto. Kailangan ko ring kumita upang makatulong sa aking pamilya, kaya’t naisipan kong maglaan ng kaunting panahon upang maging sapatero. Pumupunta ako sa pamilihan nang ilang beses sa isang linggo upang magpakintab ng mga sapatos. Natuto rin akong magtahi at mag-ayos ng mga sapatos. Hindi sapat ang ibinibigay na mga pagkain ng mga organisasyong humanitarian, kaya’t bumibili ako ng kaunting gulay at pati na rin ng karne dahil hindi ito kasama sa binibigay na aid.
Balang araw, gusto kong maging doktor, upang makatulong at gumamot ng mga tao—"lahat ng tao." Kilala ko ang Doctors Without Borders dahil sila ang nagpapatakbo ng klinika para sa mga bata sa may hangganan. Nakapunta ako roon ng isang beses kasama ang nanay ng kaibigan ko.”