Skip to main content

    Sudan: Sa mga nagtamo ng pinsala dahil sa digmaan at kasalukuyang nasa South Khartoum Hospital, isa sa bawat anim na pasyente ay mga bata

    A skull X-ray of a child patient showing shrapnel

    Habang namimili ang isang ina sa palengkeng malapit lang sa kanilang tirahan, ang kasama niyang anak, isang 20 na buwang bata, ay natamaan ng shrapnel matapos pasabugan ng bomba ang kanilang pamayanan. Kasama ang iba pang nasaktan dahil sa pagsabog, dinala ang batang babae sa Bashair Training Hospital sa South Khartoum. Habang siya ay inihahanda para sa isang X-ray, isang bahagi ng bungo ng bata ang nalaglag sa mesa. Inoperahan siya ng isang Doctors Without Borders emergency team at nasagip naman ang kanyang buhay. Sudan, Nobyembre 2024. © MSF

    Ang mga team ng Doctors Without Borders na nagtatrabaho kasama ng mga hospital staff ay gumamot ng mahigit sa 4,214 na pasyente para sa mga trauma injury na sanhi ng karahasan, gaya ng pamamaril at pagpapasabog ng bomba.  16% sa mga pasyenteng ito ay mga batang wala pang 15 na taong gulang. Ang Bashair Teaching Hospital ay isa sa mga natitirang tumatakbong ospital sa South Khartoum, at nagbibigay ito ng emergency care, surgery, at maternity services.

    Si Riyad, isang 18 na buwang sanggol, ay dinala sa emergency room matapos siyang tamaan ng isang ligaw na bala habang natutulog sa kanilang tahanan. Apat na oras na nagsumikap ang medical team na patatagin ang kanyang kondisyon. Dahil sa matinding pagkawala ng dugo, 50/50 ang tsansa niyang mabuhay pagkatapos ng operasyon.
    Dr Moeen*, Medical Team Leader

    Nagawa ng team na patigilin ang pagdurugo ni Riyad ngunit nanatili ang bala sa kanyang dibdib. Hindi nila alam kung kailan nila ito matatanggal. Ang ospital na ito ay walang kapasidad para sa advanced surgery, bahagi nito ay dahil sa sistematikong paghadlang sa paghahatid ng mga surgical supply ng magkabilang panig ng alitan mula pa noong Oktubre 2023. Ang pagsangguni sa mga pasyente sa labas ng lugar na iyon ay napakahirap din dahil ang mga ruta ay wasak na, o di kaya nama’y masyadong mapanganib. Si Riyad ay isa sa 314 na batang ginamot para sa tama ng baril at sugat mula sa mga pagsabog nitong 2024.

    Dahil sa mga sinasadyang pagharang sa mga paghatid ng mga medical supply at mga gamot, ang mga pangunahing emergency procedure, gaya ng paggamot ng mga malubhang pagkasunog, ay imposibleng magawa sa ospital. Ito ay nakababahala dahil parami nang parami ang mga taong nagiging biktima ng pagsabog ng bomba at walang ganap na gumaganang burn centre sa Khartoum.

    Nitong huling bahagi ng Oktubre, mahigit 30 na pasyenteng nagtamo ng mga sugat dahil sa digmaan ang sinugod sa Bashair Hospital matapos ang pagsabog sa isang palengke na wala pang isang kilometro ang layo mula sa pasilidad. Labindalawa sa mga dinala sa emergency room ay mga batang wala pang 15 na taong gulang. Marami sa mga batang ito’y nagtamo ng mga sugat mula sa pagkasunog at trauma. Isang batang babae, na halos dalawang taong gulang pa lamang, ay dinala nang may shrapnel na nakabaon sa kanyang ulo. Habang maingat na inilalapag siya ng team sa X-ray table, isang bahagi ng kanyang bungo ay nahulog sa mesa. 

    “Pangkaraniwan na ang ganitong kaso,” sabi ni Dr. Moeen*. “Mabuti na lang at nabuhay ang batang iyon. Hindi lahat ay ganoon kasuwerte”.
    X-ray an 18-month-old toddler who was struck in the chest by a stray bullet while he was taking a nap in Khartoum.

    Ginawan ng X-ray si Riyad, isang batang 18 na buwan pa lamang dahil natamaan siya ng ligaw na bala sa dibdib habang natutulog sa kanilang tahanan sa Khartoum. Dinala ang bata ng mga caregiver sa emergency room ng Bashair Teaching Hospital na suportado ng Doctors Without Borders. Inoperahan si Riyad ng isang emergency surgery team ng Doctors Without Borders. Ayon sa isa sa mga surgeon na nag-opera, 50/50 ang kanyang tsansang mabuhay dahil sa madaming dugo ang nawala. Nasagip ng mga surgeon ang kanyang buhay, ngunit nanatili pa rin ang bala sa kanyang dibdib. Bagama’t sinusubukan ng team na isangguni siya sa ibang pasilidad upang matanggal ang bala, hindi ito posible dahil ang mga ruta palabas sa siyudad ay hinarangan at ang mga klinika ng mga espesyalista ay sarado na. Sudan, Nobyembre 2024. © MSF

    Ang mga ganitong kaganapan na may mass casualty o malaking bilang ng mga pasyenteng sinusugod sa ospital sa maikling panahon ay naging mas madalas dahil sa pagtindi ng mga labanan sa siyudad, paliwanag ni Dr. Moeen*. Mabigat ang pinapasan ng iilang ospital na patuloy na tumatakbo at ang mga medical staff nito ay nahihirapang tugunan ang lahat ng pangangailangan. 

    Kasabay nito, nagsisimulang makakita ang Bashair Teaching Hospital ng pagtaas ng bilang ng mga bata at nagdadalang taong may acute malnutrition, na maaaring makamatay kung hindi gagamutin. Sa 4,186 na kababaihan at mga batang dumaan sa screening para sa malnutrisyon sa pagitan ng Oktubre 19 at Nobyembre 2024, mahigit 1,500 ang napag-alamang may severe acute malnutrition at 400 naman ang may katamtamang malnutrisyon. 

    Ang mga bilang na ito ng mga biktima ng karahasan at malnutrisyon ay nagpapakita ng paghihirap na dinadanas ng mga tao, lalo na ng mga bata sa Khartoum. Dapat tiyakin ng mga partidong sangkot sa alitan na protektado ang mga sibilyan. Dapat ding bigyang pahintulot ang paghahatid ng mga medical supply sa lahat ng mga ospital sa Sudan.
    Claire San Filippo,Emergency Coordinator

    *Pinalitan ang kanilang mga pangalan para sa kanilang proteksyon

    Simula noong pumutok ang alitan noong Abril 2023, mahigit 500,000 na tao ang kumuha ng pangangalagang medikal sa mga suportado ng Doctors Without Borders na mga ospital, pasilidad pangkalusugan at mga mobile clinic sa iba’t ibang bahagi ng Sudan. Ang Doctors Without Borders ay sumusuporta at nagtatrabaho sa mahigit sa 12 na pasilidad pangkalusugan sa mga lugar na naaapektuhan ng alitan, gaya ng Khartoum, at iba pang mga lugar kung saan nagkaroon ng matitinding labanan mula noong nag-umpisa ang digmaan. Mula Enero hanggang Setyembre 2024, nakapaggamot ang Doctors Without Borders ng 6,557 na sugatan mula sa digmaan sa lahat ng aming mga pasilidad sa Sudan. Sa modernong panahon, ang Sudan ang may pinakamalaking krisis ng displacement –mahigit sa 11 milyon na tao ang nawalan ng tirahan sa bansa. Ang Doctors Without Borders ay aktibong naghahatid ng libreng medical aid para sa mga nangangailangan sa 11 sa 18 na mga estado ng Sudan.