Sudan: Agarang tulong, kinakailangan para sa mga taong nagugutom dahil sa blockade sa kampo ng Zamzam
Isang bata ang sumasailalim sa MUAC screening sa ATFC ng klinika ng Doctors Without Borders sa kampo ng Zamzam sa North Darfur. Ito’y isang mahalagang hakbang sa pagtukoy ng malnutrisyon. Sudan, Agosto 2024. © Mohammed Jamal
- Ang kampo ng Zamzam, isang lugar para sa mga internally displaced person (IDP) sa estado ng North Darfur, ay nasa ilalim ng isang blockade, kung kaya’t walang mahahalagang supplies o pagkain na nakararating sa mahigit 300,000 na mga residente.
- Ang pinakahuling resulta ng nutritional screening ay nagpakita ng nakaalarmang antas ng malnutrisyon sa mga bata: 10.1% ay may severe acute malnutrition (SAM) habang 34.8% naman ang may global acute malnutrition (GAM).
- Dapat pag-isipan ang lahat ng maaaring gawin upang mabilis na makapaghatid ng pagkain at supplies sa kampo.
Ang mga resulta ng nutrition screening na isinagawa ng mga awtoridad pangkalusugan ng Sudan at ng Doctors Without Borders/Médecins Sans Frontières (MSF) nitong buwan na ito sa kampo ng Zamzam sa North Darfur ay nagbigay ng indikasyon na malala na ang sitwasyon ng malnutrisyon doon at lalo pa itong lumalala. Hinihimok ng Doctors Without Borders ang UN at iba pang mga pandaigdigang stakeholder na sangkot sa pakikipagkasundo para sa mas malawak na humanitarian access na pag-isipan ang lahat ng maaaring gawin upang mabilis na makapaghatid ng pagkain at mahahalagang supplies sa lugar, pati ang posibilidad ng pagsasagawa ng mga airdrop.
“Kasama ng ibang mga stakeholder, ilang buwan na naming nasasaksihan ang sitwasyon at nag-aalerto ukol dito. Bukod sa pagkumpirma ng mga resulta ng screening sa malaking kapahamakang ito, may mga indikasyon din na lumalala ang sitwasyon araw-araw. Nauubusan na kami ng panahon,” dagdag ni Michel Olivier Lacharité, ang Head of Emergency Operations ng Doctors Without Borders.
Ang pinag-uusapan natin dito ay ang libo-libong mga batang mamamatay sa mga susunod na linggo kung wala pa rin silang access sa sapat na paggamot at kung hindi pa rin pahihintulutan ang pagpasok ng humanitarian aid at ng mahahalagang supplies sa Zamzam.Michel Olivier Lacharité, Emergency Ops.
Sa kabila ng pahayag na nagbigay ng pag-asa para sa mga positibong pagbabago, halimbawa, pagkatapos ng Geneva peace talks, walang makuhulugang humanitarian relief na nakarating sa populasyon ng kampo ng Zamzam at sa di kalayuan na siyudad ng El-Fasher mula noong Agosto 1 nitong taong ito, nang ginawa ng IPC Famine Review Committee ang konklusyon na ang mga kondisyon para sa taggutom ay laganap sa lugar na ito.
Karamihan sa mga kalsadang dinadaanan ng mga naghahatid ng supplies ay kontrolado ng Rapid Support Forces (RSF), at simula noong tumindi ang mga labanan sa may El Fasher noong Mayo ay naging imposible nang makapagdala ng therapeutic food, mga gamot at iba pang mahahalagang supplies papasok sa kampo.
Sinusuri ang isang bata para sa sakit na malaria sa ER department ng klinika ng Doctors Without Borders sa kampo ng Zamzam sa North Darfur, upang mamatyagan ang mga sintomas nito at masimulan ang paggamot sa bata kung kinakailangan. Sudan, Agosto 2024. © Mohammed Jamal
Wala nang panahong maaaring sayangin kung nais nating maiwasan ang pagkamatay ng libo-libong tao. Sa 29,000 na batang wala pang limang taong gulang na sumailalim sa screening nitong nakaraang linggo sa isang kampanya ng pagbabakuna sa kampo ng Zamzam, 10.1% ang may severe acute malnutrition (SAM), isang nakamamatay na kondisyon, habang 34.8% naman ang may global acute malnutrition (GAM), na maaaring mauwi sa mas malalang uri ng malnutrisyon kung hindi ito gagamutin sa lalong madaling panahon.
“Ang mga antas ng malnutrisyon na nalaman mula sa screening ay napakalaki at masasabing kabilang ito sa mga pinakamalala sa mundo sa kasalukuyan. Ang mas nakakikilabot pa rito, base sa aming karanasan, ang mga resultang bilang ay madalas na mas mababa kaysa aktuwal na bilang kapag ang ginamit lang na batayan ay ang mid-upper arm circumference katulad ng ginawa namin dito sa halip na isabay ang pagkuha ng kanilang timbang at taas,” paliwanag ni Claudine Mayer, ang Medical Referent ng Doctors Without Borders.
Ang tanging pagkain ay makukuha mula sa mga dati nang stock, na hindi sapat para sa mga taong nakatira sa lugar na ito, at ang mga presyo nito ay triple ng presyo sa ibang bahagi ng Darfur. Ang presyo ng gasolina ay umaakyat din, kung kaya’t mahirap makapagbomba ng tubig at makapagpatakbo ng mga klinika na umaasa lang sa mga generator para sa kuryente. Ayon sa aming mga staff na nasa mismong lugar, karamihan sa mga tao roon ay hindi makaaasa sa mahigit sa isang pagkain sa isang araw.
“Sa ganito kalalang sitwasyon, dapat ay nilalakihan natin ang ating pagtugon. Sa halip, dahil sa kakulangan ng supplies, umaabot na tayo sa puntong napipilitan tayong bawasan ang ating mga ginagawa upang mapagtuunan ang mga batang nasa malalang kondisyon,” sabi ni Claudine Mayer.
“Ito’y nangangahulugan na kailangan naming suspindihin ang paggamot ng hindi ganoon kalalang malnutrisyon ng 2,700 na bata at wakasan ang mga konsultasyong ibinibigay sa mga nakatatanda at sa mga batang mahigit sa limang taong gulang — ito’y umaabot sa libo-libong konsultasyon kada buwan.”
Sinusuri ng isang nars ang isang pasyente sa ER department ng klinika ng Doctors Without Borders sa kampo ng Zamzam sa North Darfur, kung saan binibigyan ng kritikal na pangangalaga ang mga nangangailangan. Sudan, Agosto 2024. © Mohammed Jamal
Tinatayang may 300,000 hanggang 500,000 na taong nakatira sa kampo ng Zamzam. Karamihan sa kanila ay ilang beses nang napilitang lisanin ang kanilang mga tahanan, sa kanilang pagsusumikap na takasan ang digmaan na nagdudulot ng pinsalan sa kanilang bansa mula pa noong nakaraang taon. Sa El Fasher, kung saan karamihan sa mga nawalan ng tahanan ay dating naninirahan, isang ospital na lang ang nananatiling nakatayo matapos mapinsala o mawasak ang iba dahil sa mga labanan.
“Dahil sa mga walang awang pagharang sa supplies, pakiramdam namin ay iniiwan namin ang dumaraming mga pasyente na may kakaunting mapagkukunan ng makasagip-buhay na pangangalagang medikal,” dagdag ni Michel Olivier Lacharité.
“Kung ang mga kalsada ay hindi na talaga maaaring daanan para sa paghahatid ng maraming supplies na kailangang-kailangan sa kampo, dapat pag-aralan ng United Nations ang iba pang maaaring gawin. Ang pagpapaliban sa paghahatid ng supplies ay nangangahulugang mas maraming tao ang mamamatay – libo-libo sa mga iyon ay ang mga pinakamahihina.”
Susuportahan mo ba ang aming emergency response?
Tulungan kaming makapagbigay ng makasagip-buhay na pangangalagang medikal sa mga emergency sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon ngayon.