Skip to main content

    Sudan: Sinuspinde ng Doctors Without Borders ang paghahatid ng mahalagang pangangalaga sa Turkish Hospital sa Khartoum

    Facade of Khartoum’s Turkish hospital where MSF suspends delivery of vital care

    Mula noong nag-umpisa ang digmaan, ang Turkish Hospital ay naging mahalagang bahagi ng sistemang pangkalusugan. Ito’y nagbibigay ng serbisyo sa mga pasyente hindi lang mula sa Khartoum, kundi maging sa mga malalayong lugar tulad ng Wad Madini sa estado ng Al Jazirah. Sudan, Mayo 2024. © MSF

    “Ang sitwasyon sa Turkish Hospital, na nasa isang lugar na kontrolado ng RSF, ay hindi na maaaring magpatuloy pa. Maraming insidente ng karahasan ang naganap sa loob at labas ng ospital nitong nakaraang labindalawang buwan, at ilang ulit nang pinagbantaan ang buhay ng aming mga staff,” sabi ni Claire Nicolet, ang namumuno sa emergency response ng Doctors Without Borders sa Sudan.

    “Noong gabi ng Hunyo 17 at 18, dose-dosenang sugatang manlalaban ang dinala sa Turkish Hospital. Ginising ng kanilang mga kasamahan ang aming team sa pamamagitan ng pagpapaputok ng kanilang mga Kalashnikov sa mga silid-tulugan ng staff. Ang ganitong karahasan laban sa aming staff ay di katanggap-tanggap. Kailangang protektahan at igalang ng mga partidong sangkot sa digmaan ang mga ospital at pasilidad pangkalusugan  bilang mga santuwaryo ng mga may sakit at mga sugatan, kung saan ang mga health worker ay ligtas na makahahatid ng pangangalagang medikal. Hindi nila maaaring ilagay ang sarili nilang buhay sa panganib habang nagsusumikap silang sagipin ang buhay ng iba.” 

    Nitong nakaraang taon, ang mga staff ng Doctors Without Borders na nagtatrabaho sa Turkish Hospital ay madalas na nakaranas ng panliligalig sa loob ng pasilidad, at pati na rin sa mga kalyeng dinadaanan nila patungo at paalis sa trabaho. Marami sa kanila ay pinagbantaang aarestuhin. Noong kasisimula pa lang ng Hunyo, isang empleyado ng Doctors Without Borders ang inaresto ng dalawang armadong lalaki sa loob ng ospital. Dinala siya ng mga ito sa isang di matukoy na lugar, kung saan siya ay binugbog. 

    Pagod na pagod na ang mga katawan at isipan ng mga miyembro ng aming team. Dahil sa paghahadlang ng mga opisyal ng Sudan mula pa noong Setyembre – pinagbabawalan nila ang pagpasok ng medical supplies at mga humanitarian personnel sa mga lugar na kontrolado ng RSF – ang team sa Turkish Hospital ay nagtatrabaho nang walang pahinga nitong nakaraaang sampung buwan. Dahil sa blockade, hindi posibleng makapagpadala ng bagong team na hahalili sa kanila. Sa kabila ng mabibigat na hamon,patuloy ang kanilang walang kapagurang pagtatrabaho upang mapanatiling bukas ang ospital.
    Claire Nicolet, Head Emergency Response

    Nananatiling bukas ang Turkish Hospital, salamat sa pananatili roon ng staff ng Ministry of Health.  Subali’t sa pagkawala ng staff ng Doctors Without Borders, hindi na posibleng mag-opera at walang katiyakan ang kahihinatnan ng ospital. Mula noong nag-umpisa ang digmaan, ang Turkish Hospital ay naging mahalagang bahagi ng sistemang pangkalusugan. Ito’y nagbibigay ng serbisyo sa mga pasyente hindi lang mula sa Khartoum, kundi maging sa mga malalayong lugar tulad ng Wad Madini sa estado ng Al Jazirah, kung saan napilitan din ang Doctors Without Borders na suspindihin ang mga aktibidad ng organisasyon noong Mayo 2024 dahil sa mga paulit-ulit na insidenteng may kaugnayan sa seguridad, at sa mga paghahadlang sa pagpasok ng mga staff at supplies, katulad ng nangyayari ngayon sa Khartoum. 

    Bago nagbukas ang Doctors Without Borders ng isang emergency room at pinalawak ang kapasidad ng operating theatre ng Turkish Hospital noong kalagitnaan ng Mayo 2023, ito’y isa nang ospital para sa mga kababaihan at mga bata. Halos 80% ng mga surgical procedure na ginawa sa ospital nitong nakaraang taon ay mga makasagip-buhay na caesarean section para sa mga kababaihang nakararanas ng kumplikasyon sa pagdadalang tao at sa panganganak. Ngunit dahil sa mga paulit-ulit na insidenteng may kaugnayan sa seguridad, hindi na nagsasagawa ng kahit anong operasyon sa naturang ospital.

    Nagbigay rin ang Doctors Without Borders ng mga serbisyo para sa ante-natal care, post-natal care, at sa pagpaplano ng pamilya. Ang organisasyon din ang nagpatakbo ng paediatric intensive care unit, inpatient therapeutic feeding centre para sa mga batang may severe acute malnutrition, at ng neonatal unit – ang tanging neonatal unit sa buong Khartoum. Ang hands-on na pagsuporta ng Doctors Without Borders sa mga aktibidad na ito ay sinuspinde na rin.

    Inside Khartoum’s Turkish hospital where MSF suspends delivery of vital care after more than a year of violent incidents at the facility

    Sa loob ng Turkish Hospital sa Khartoum kung saan sinuspinde ng Doctors Without Borders ang paghahatid ng mahalagang pangangalaga pagkatapos ng mahigit isang taon ng mga mararahas na insidente sa pasilidad. Sudan, Mayo 2024.

    Sa Bashair Teaching Hospital naman, isa pang pasilidad sa Khartoum na sinusuportahan din ng Doctors Without Borders, nagkaroon din ng ilang mga armadong panloloob nitong nakaraang ilang buwan. Dahil sa mga pangyayaring iyon, napilitan ang Doctors Without Borders na suspindihin ang pagsagawa ng surgery sa naturang ospital mula Oktubre 2023 hanggang Enero 2024. Sa kabila noon, patuloy pa rin ang Doctors Without Borders sa pagtrabaho sa Bashair. Kapansin-pansin ang paglala ng suliranin ng seguridad sa Sudan, lalo na sa Khartoum. 
     

    Hinihimok ng Doctors Without Borders ang mga sangkot sa digmaan na protektahan ang mga sibilyan at ang mga imprastrukturang sibilyan, kabilang rito ang mga ospital at iba pang istrukturang pangkalusugan. Upang manatiling tumatakbo ang mga pasilidad, mahalagang mabigyan ng kinakailangang permiso ang mga may dala ng medical supplies at mga humanitarian worker upang sila’y makatawid sa mga frontline. Dahil sa paghadlang sa mga organisasyong humanitarian ng mga opisyal ng Sudan, maraming mga pasilidad ang nahihirapang manatiling bukas, kung kaya’t ang buhay at kalusugan ng milyon-milyong tao sa Khartoum at sa iba pang bahagi ng bansa ay nalalagay sa panganib.  

    Categories