Skip to main content

    Sudan: Ibinunyag ng ulat ng Doctors Without Borders ang kalunos-lunos na mga idinulot ng ‘digmaan laban sa mga tao’

    Sudan: Doctors Without Borders report reveals catastrophic toll of ‘a war on people’. A rickshaw taxi goes around a destroyed tank belonging to the Sudanese Armed Forces, a remnant of the violent clashes that took place in El Geneina, West Darfur, in 2023. Sudan, February 2024. © Diana Zeyneb Alhindawi

    Iniikutan ng isang rickshaw taxi ang isang wasak na tangke ng Sudanese Armed Forces, isa sa mga naiwan mula sa matitinding labanan na naganap sa El Geneina, West Darfur noong 2023. Sudan, Pebrero 2024. © Diana Zeyneb Alhindawi

    Amsterdam – Ang digmaan sa Sudan ay nagdulot ng pagkawala ng kaligtasan ng mga sibilyan. Ang mga komunidad ay nahaharap sa walang habas na karahasan, mga pagpatay, pagpapahirap, at karahasang sekswal sa gitna ng walang patid na pagsalakay sa mga health worker at sa mga pasilidad medikal. Ito ay ayon sa isang ulat na inilabas ng Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) ngayong araw na ito.

    Ang ulat, ‘Isang digmaan laban sa mga tao – Ang kabayaran para sa mga labanan at karahasan sa Sudan’  (A war on people – The human cost of conflict and violence in Sudan) ay naglalarawan kung paanong ang digmaan sa pagitan ng Sudanese Armed Forces (SAF) at Rapid Support Forces (RSF), pati na rin ng kanilang mga taga-suporta, ay nagdulot ng kakila-kilabot na kalupitan sa mga tao sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Ang digmaang ito ay pinagbayaran ng malaki ng mga taong-bayan mula noong nag-umpisa ang labanan noong Abril 2023, nang ang mga ospital ay sinalakay, ang mga palengke ay binomba, at ang mga tirahan ay sinunog. 

    Isang digmaan laban sa mga tao – Ang kabayaran para sa mga labanan at karahasan sa Sudan (A war on people – The human cost of conflict and violence in Sudan)

    Iba’t iba ang naiulat na bilang ng mga taong nasaktan o napatay sa digmaang ito. Ngunit ayon sa Doctors Without Borders na nagtatrabaho sa walong estado sa iba’t ibang bahagi ng Sudan, sa isang ospital pa lamang, ang sinusuportahan nitong Al Nao Hospital sa Omdurman, sa estado ng Khartoum, 6,776 na mga pasyente na ang kanilang ginamot para sa mga pinsalang dulot ng karahasan mula Agosto 15, 2023 hanggang Abril 30, 2024. Lumalabas na sa isang araw ay humigit-kumulang 26 na pasyente kada araw ang kanilang binigyang lunas. Mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa, libo-libong pasyente na ang ginamot ng Doctors Without Borders para sa mga pinsalang dulot ng digmaan. Karamihan dito’y mga nasaktan dahil sa mga pagsabog, pamamaril at pananaksak.  

    Inilarawan ng isang healthcare worker sa Al Nao Hospital ang kinahinatnan ng shelling sa isang residential area ng siyudad.  

    “Mga dalawampung tao ang dumating sa ospital at namatay rin matapos ang ilang sandali. Ang iba nama’y dumating na wala nang buhay. Karamihan sa kanila ay dumating nang nakalaylay na ang mga kamay o mga binti, sapagkat putol na ang mga ito— ang ilan ay may kaunting balat na lang na nag-uugnay sa mga parte ng katawan nila. May isang pasyenteng dumating na putol ang binti, kasunod niya ang kanyang kasamang dala ang kaputol nito.” 

    Kasama rin sa ulat ang mga kagimbal-gimbal na mga tala ng karahasang sekswal at karahasang batay sa kasarian, lalo na sa Darfur. Sa isang survey na ginawa ng Doctors Without Borders, kinapanayam nila ang 135 na mga survivor ng karahasang sekswal na kanilang ginamot sa mga kampo ng mga refugee sa Chad, malapit sa hangganan ng Sudan mula Hulyo hanggang Disyembre 2023. Ayon sa survey na ito, 90% ay nakaranas ng pang-aabuso mula sa isang armadong salarin, 50% ay inabuso sa kanilang sariling tahanan, at 40% naman ang ginahasa ng mahigit sa isang salarin.  

    Emergency Surgical Team at Bashair Hospital Khartoum. A bullet extracted from a patient. Bullet wounds are one of the most common cases treated at Bashair hospital on a daily basis. Sudan, May 2023. © Ala Kheir/MSF

    Isang balang tinanggal mula sa isang pasyente. Ang mga sugat mula sa pamamaril ay isa sa mga karaniwang kaso na ginagamot sa Bashair Hospital araw-araw. Sudan, Mayo 2023. © Ala Kheir/MSF

    Ang mga resulta ng survey ay sinusuportahan ng mga patotoo ng mga survivor na nasa Sudan. Ipinapakita nito kung paanong ang karahasang sekswal laban sa mga kababaihan ay nangyayari sa kanilang sariling tahanan, o sa mga daang tinatahak nila dahil sa pagkawala ng kanilang tirahan. Ito’y tampok na katangian ng alitang ito.  

    Inilahad ng isang pasyente ng Doctors Without Borders ang mga nangyari sa Gedaref noong Marso 2024. “May naglahong dalawang batang babae mula sa aming komunidad sa Sariba. Di nagtagal, ang kapatid kong lalaki naman ang dinukot. Noong nakabalik na siya sa amin, ikinuwento niya na naroon ang dalawang batang babae sa bahay kung saan siya ikinulong. Dalawang buwan na raw silang nakakulong doon, at ayon sa mga nakausap niya, nakararanas daw ang mga bata ng mga pang-aabuso na karaniwang ginagawa lamang sa mga kababaihan.”  

    Naglalaman din ang ulat ng mga patotoo ukol sa karahasang etniko laban sa mga taga-Darfur. Sa Nyala, South Darfur, inilarawan ng mga tao kung paanong noong tag-araw ng 2023, nilooban ng RSF at ng mga kakampi nitong militia ang mga bahay at ninakawan, at ang mga residente ay pinagbubugbog at pinatay. Pinuntirya nila ang mga Masalit at iba pang ang etnisidad ay hindi Arabo. 

    Ayon sa isang pasyente ng Doctors Without Borders sa Nyala, South Darfur, “Armado ang mga kalalakihan at nakasuot ng RSF camouflage. Ilang beses nila akong sinaksak hanggang sa napalugmok ako sa lupa. Noong papalabas na sila, tiningnan nila ako habang nakahandusay ako at halos wala nang malay. Tinapakan ako ng isa sa kanila, habang sabi ng iba ay, ‘mamamatay na ‘yan, huwag ninyong sayangin ang mga bala ninyo’.”

    Attacks on health facilities. The destruction that followed the storming and looting of an Doctors Without Borders-supported health facility in Sudan. Sudan, April 2024. © MSF

    Ang mga pinsalang dulot ng pandarambong at panloloob sa isang pasilidad pangkalusugan na sinusuportahan ng Doctors Without Borders sa Sudan. Sudan, Abril 2024. © MSF

    Sa digmaang ito, pangkaraniwan na ang pandarambong at pagsalakay sa mga ospital. Noong Hunyo, sinabi ng World Health Organization na sa mga liblib na lugar, 20 hanggang 30 porsiyento lamang ng mga pasilidad pangkalusugan ang nananatiling tumatakbo, at kakaunting serbisyo lamang ang naibibigay ng mga ito. Nakapagtala ang Doctors Without Borders ng hindi bababa sa 60 na mga insidente ng karahasan at pagsalakay sa mga staff, pag-aari at imprastruktura ng Doctors Without Borders. Ang sinusuportahan ng Doctors Without Borders na Al Nao Hospital sa Omdurman ay tatlong beses nang pinasabog. Noong Mayo naman sa El Fasher, dahil sa isang airstrike sa Baker Nahar Paediatric Hospital, na sinusuportarhan din ng Doctors Without Borders, gumuho ang bubong ng ICU nito at dalawang bata ang namatay. Napilitang magsara ang ospital. 

    Sa kabila ng isang sistemang pangkalusugan na di sapat upang matugunan ang mga pangangailangan ng populasyon, hinaharangan pa rin ang pagdating ng tulong mula sa mga organisasyong humanitarian at medikal.  Bagama’t mas madali nang makakuha ng mga visa para sa humanitarian staff, hinahadlangan pa rin ang pagbibigay ng mahalagang pangangalagang medikal ng burukrasya, gaya ng pagkait ng mga travel permit na magpapahintulot sa pagpasok ng mga tao at mga kinakailangang supply. 

    Sabi ni Vickie Hawkins, ang General Director ng Doctors Without Borders, “Ang karahasan ng mga nagtutunggaliang grupo ay pinalalala ng mga pagbabawal. Dahil sa kanilang mga paghahadlang, panghihimasok at paghihigpit sa mga serbisyo kung kailan ito lubos na kinakailangan, ang mga selyo at mga pirma ay nakamamatay rin tulad ng mga bala at mga bomba sa Sudan.” 

    Nananawagan kami sa lahat ng mga partidong sangkot sa alitan na padaliin ang pagpasok ng humanitarian aid at, higit sa lahat, kailangang tigilan na itong walang katuturang digmaan laban sa mga tao sa pamamagitan ng agarang paghinto ng mga pagsalakay sa mga sibilyan, mga imprastrukturang sibilyan at sa mga lugar kung saan maraming naninirahan.
    Vickie Hawkins, General Director

    Susuportahan mo ba ang aming emergency response?

    Tulungan kaming makapagbigay ng makasagip-buhay na pangangalagang medikal sa mga emergency sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon ngayon.

    Categories