Sudan: Ulat ng Doctors Without Borders, Nagtatawag- Pansin sa Mataas na Bilang ng mga Namamatay na Nagdadalang-taong Kababaihan at mga Bata sa South Darfur
Si Anhar Hassan Mohammed Omar, 29, isang taga-Jir South, Nyala, ay humarap sa mga hamong pinansiyal sa kanyang pagpapaospital. Upang matustusan ang kanyang paggamot at mga nutrisyonal na pangangailangan habang siya’y nagdadalang-tao, kinailangan niyang magtrabaho ng 16 na oras kada araw. Pagkatapos niyang sumailalim sa isang C-section sa Nyala Teaching Hospital, nagpahayag siya ng taos-pusong pasasalamat sa staff at binigyang-pansin ang kakulangan ng tamang pangangalagang pangkalusugan para sa mga nagdadalang-tao. © Abdoalsalam Abdallah/MSF
Sa ulat ng Doctors Without Borders na pinamagatang “Itinulak sa limot: ang kabayaran ng alitan at kapabayaan sa kalusugan ng mga ina at mga bata sa South Darfur”, inilantad na ang bilang ng mga namatay na ina sa dalawa lamang na mga ospital na sinusuportahan ng Doctors Without Borders sa South Darfur sa pagitan ng Enero at Agosto ay mahigit 7% ng kabuuang bilang ng mga namatay na ina sa lahat ng mga pasilidad ng Doctors Without Borders sa buong mundo noong 2023. Napag-alaman din sa pamamagitan ng isang screening ng mga bata para sa malnutrisyon na ang bilang ng mga malnourished ay lampas na sa emergency threshold.
Nyala/Amsterdam, Setyembre 25 – Isa sa pinakamalalang maternal at child health emergency sa buong mundo ay nangyayari ngayon sa South Darfur. Ito ay ayon sa isang ulat na inilabas ng Doctors Without Borders/ Médecins Sans Frontières (MSF) ngayong araw na ito. Ang mga babaeng nagdadalang-tao, nanganganak, at kapapanganak lang, at pati ang mga bata ay namamatay dahil sa mga mapipigilan namang mga kondisyon. Ang kanilang mga pangangailangang pangkalusugan ay higit na higit sa kayang tugunan ng Doctors Without Borders.
Upang matugunan ang mga krisis na ito, dapat kumilos ang United Nations (UN) nang may paninindigan upang mapigilan ang karagdagang pagkawala ng buhay sa Darfur. Kinakailangang pabilisin ng UN ang pagbabalik ng kanilang mga staff at mga ahensiya sa Darfur at gamitin ang lahat ng mapagkukunang-yaman at impluwensiyang politikal upang matiyak na ang ipinapadalang tulong ay nakararating sa mga nangangailangan. Tanging ang isang maayos na pagtutulungan ng mga tutugon mula sa pandaigdigang komunidad, na susuportahan ng matatag na pondo at di susukuang pamimilit sa mga partidong sangkot sa digmaan para sa kanilang kooperasyon, ang makapipigil sa malawakang pagkagutom at makababawas sa pagdurusa ng milyon-milyong tao.
Ngayon lang ako nakakita ng ganitong krisis. Maramihang mga health emergency ang nangyayari nang sabay-sabay na halos walang pandaigdigang tugon mula sa UN at iba pa. Mga bagong silang na sanggol, mga nagdadalang-taong kababaihan at mga bagong ina na namamatay sa nakakagulat na bilang; napakaraming namamatay sa maiiwasang mga kondisyon, ngunit halos lahat ng sistema ay nasira na.Dr Burkhardt, health activity manager
Si Fadila Mohammed Abdullah, 28 na taong gulang, ay nakatira sa siyudad ng Nyala. Regular siyang pumupunta sa Nyala Teaching Hospital para magpatingin at tumanggap ng mga serbisyo para sa pangangalagang pangkalusugan. Madali kasi itong puntahan at dito niya nakukuha ang kanyang mga kinakailangang serbisyo. © Abdoalsalam Abdallah/MSF
Mula Enero hanggang Agosto sa South Darfur, 46 na ina ang namatay sa Nyala Teaching Hospital at sa Kas Rural Hospital, kung saan ang mga team ng Doctors Without Borders ay nagbibigay ng obstetric care at iba pang mga serbisyo. Dahil kakaunti ang mga tumatakbong pasilidad pangkalusugan at masyadong mahal ang transportasyon papunta sa mga ospital, marami sa mga inang dumadating sa ospital ay nasa kritikal nang kondisyon. Mga 78% ng 46 na namatay ay binawian ng buhay sa loob ng 24 na oras pagkatanggap sa kanila sa ospital.
Sepsis ang pinakakaraniwang sanhi ng pagkamatay ng mga ina sa lahat ng pasildad na sinusuportahan ng Doctors Without Borders sa South Darfur. Dahil sa malaking kakulangan ng mga tumatakbong pasilidad pangkalusugan, napipilitan ang mga nagdadalang-tao na manganak sa maruruming lugar na walang mga pangunahing kagamitan gaya ng sabon, mga malinis na delivery mat, at mga sterilised na kasangkapan. Ang kawalan ng mga ito ay maaaring mauwi sa pagkakaroon ng impeksyon ng nanganganak. At dahil naman sa kakulangan ng antibiotics, makarating man sila sa ospital, maaaring di rin magamot ang kanilang impeksyon.
Isang nagdadalang-taong pasyente na nakatira sa kanayunan ay kinailangang maghintay ng dalawang araw bago siya nakalikom ng sapat na perang pambayad sa pangangalaga. Ngunit nang pumunta siya sa isang health centre, wala silang maibigay na gamot kaya’t napilitan siyang umuwi na lang. Pagkalipas ng tatlong araw, lumala ang kanyang kondisyon. Pupunta sana siya sa ospital, ngunit kinailangan niyang maghintay ng limang oras para sa sasakyan. Comatose na siya pagdating sa amin. Namatay siya sanhi ng isang mapipigilang impeksyon.Maria Fix, medical team leader
Kasama sa krisis sa South Darfur ang mga bata. Libo-libo sa kanila ang nasa bingit ng kamatayan at pagkagutom, habang ang iba naman ay namamatay sanhi ng mga mapipigilang sakit. Mula Enero hanggang Hunyo 2024, 48 na bagong panganak na sanggol ang namatay dahil sa sepsis sa Nyala Teaching Hospital at Kas Rural Hospital. Isa sa bawat limang bagong panganak na may sepsis ang binabawian ng buhay.
Nitong Agosto, 30,000 na mga bata na wala pang dalawang taong gulang ay sumailalim sa screening para sa malnutrisyon sa South Darfur. 32.5% sa kanila ang natukoy bilang acutely malnourished, na lampas sa emergency threshold ng World Health Organization na 15%. Bukod pa rito, 8.1% ng mga batang dumaan sa screening ay severely acutely malnourished.
Ang siyudad ng Nyala na kabisera ng South Darfur ay pinupuntahan ng maraming organisasyong humanitarian bago nagkaroon ng digmaan. Subali’t simula nang nag-umpisa ang digmaan, marami sa mga organisasyon ang di na bumalik. Ang UN ay wala pa ring international staff sa siyudad, kung saan ang Doctors Without Borders ay isa sa iilang pandaigdigang organisasyong naroon. Mula Enero hanggang Agosto, ang mga team ng Doctors Without Borders sa South Darfur ay nagbigay ng 12,600 na mga ante- at post-natal na mga konsultasyon at tumulong sa 4,330 na normal at kumplikadong panganganak.
Si Anhar Hassan Mohammed Omar, edad 29, ay nakatira sa Jir South sa Nyala. Upang makakuha ng paggamot at nutrisyon habang siya’y nagdadalang-tao, nagtrabaho siya ng 16 na oras araw-araw hanggang sa kanyang kabuwanan. © Abdoalsalam Abdallah/MSF
Pagdating ni Anhar Hassan Mohammed Omar, 29 na taong gulang, sa Nyala Teaching Hospital, sumailalim siya sa isang C-section at tumanggap ng kinakailangan niyang pangangalagang medikal. Binigyang-pansin niya ang kakulangan ng tamang pangangalagang pangkalusugan para sa mga nagdadalang-tao at nagpahayag din siya ng pasasalamat sa staff ng ospital. © Abdoalsalam Abdallah/MSF
Si Fatoum Abdelkarim, edad 30, ay galing sa syudad ng Nyala. Siya'y nasa ikapitong buwan ng pagbubuntis. Nahirapan siya sa malalaking gagastusin para sa medical supplies at sa mga konsultasyon sa doktor, hindi niya kayang magbayad para sa mga ito. Sa kalaunan, nakapunta siya sa Nyala Teaching Hospital, kung saan siya ngayon ay nakatatanggap ng regular at libreng pangangalagang medikal. © Abdoalsalam Abdallah/MSF
Sa buong Sudan, ang magkakaugnay na krisis ay nagsasama-sama upang maging sanhi ng matinding pagdurusa, lalo pa’t kakaunti lang ang makukuhang tulong. Ito ang paliwanag ni Dr. Burkhardt, na nagtrabaho sa North Darfur bago siya itinalaga sa South Darfur.
Sa harap ng mga napakalaking pangangailangan para sa pangangalagang pangkalusugan, pagkain, at mga pangunahing serbisyo, ang palagiang kakulangan ng pandaigdigang pagtugon ay kahiya-hiya. Nananawagan kami sa mga donor, sa UN at sa mga pandaigdigang organisasyon na dagdagan ang kanilang mga pondo at lakihan ang kanilang pagtulong at magptupad ng mga programa para sa maternal health at sa nutrisyon. Alam naming ang Sudan ay isang mapanghamong lugar para magtrabaho ngunit ang paghihintay na mawala ang mga hamon ay walang kahahantungan. Para sa libo-libong ina at mga bata, huli na ang lahat; kailangang makontrol ang mga panganib at makahanap ng mga solusyon bago madagdagan pa ang mga buhay na mawawala.Dr Burkhardt, health activity manager
Ang alitan ay kabilang rin sa mga nagtutulak sa krisis ng maternal at child health dahil ang mga nawawalan ng tirahan ay napapailalim sa karahasan. Ang kakulangan ng mga supply ay pinalala ng magkalabang mga partido, na sa tulong ng kanilang mga kaakibat na armadong grupo, ay patuloy na hinaharangan o hinihigpitan ang pagpasok ng makasagip-buhay na tulong.
Ang krisis na ito ay nagdadala ng panganib na makulong ang mga pamilya sa matagal at paulit-ulit na karanasan ng malnutrisyon, sakit, at lumalalang kalusugan na pagdaraanan ng ilang mga henerasyon.
-Inilalarawan ng isang tagapangalaga ng pasyente kung paano naapektuhan ng krisis ang kanilang pamilya