Skip to main content

    Sudan: Malalang krisis ng malnutrisyon sa kampo ng Zamzam sa gitna ng tumitindung karahasan sa North Darfur

    A Doctors Without Borders staff measuring the mid-upper-arm circumference (MUAC) for a child in Zamzam camp, North Darfur, Sudan. © Mohamed Zakaria

    Ang Doctors Without Borders ay nagpapatakbo ng isang klinika sa kampo ng Zamzam kung saan naninirahan ang mahigit sa 300,000 na mga taong nawalan ng tirahan sa kanilang sariling bayan. Ang aming mga team ay nagbibigay ng serbisyong Ambulatory Therapeutic Feeding. Sudan, Pebrero 2024. © Mohamed Zakaria

    • Pinalalaki ng Doctors Without Borders ang  pagtugon sa krisis ng malnutrisyon sa kampo ng Zamzam kung saan ang sitwasyon ay nagiging lalong kritikal. Ginagawa namin ito sa pamamagitan ng pagbubukas ng isa pang klinika, pagpasok ng mahigit sa 11,000 na bata sa programa para sa nutrisyon, at pagbubukas ng isang ospital na may tatlumpu’t limang kama upang mabigyang lunas ang mga pinakanangangailangan nito.
    • Mapipigilan ang paglala ng sitwasyon kung magkakaroon ng makabuluhang pagdagdag sa tugong humanitarian. Kailangang-kailangan ang maaasahang pamamahagi ng pagkain na may sapat na rasyon.
    • Hinihimok ng Doctors Without Borders ang pagbibigay ng proteksyon sa mga sibilyan, sa mga pasilidad ng  pangangalagang pangkalusugan, at sa staff upang maghatid ng mahalagang tulong sa lalong madaling panahon sa mga populasyong nasa panganib.

    Bilang tugon sa lumalalang labanan sa North Darfur, ang Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) ay gumamot ng mahigit isandaang pasyenteng nasugatan dahil sa digmaan – kabilang rito ang labing-isang bata, na karamihan ay nabaril – sa South Hospital, sa El Fasher, nitong nakaraang dalawang linggo. Ngunit kasabay nito, pinalalaki rin namin ang aming pagtugon sa krisis ng malnutrisyon sa kampo ng Zamzam, kung saan ang sitwasyon ay lalong lumalala. Habang ginagawa namin ito, nananawagan din ang Doctors Without Borders sa mga magkakatunggali na tiyakin ang kaligtasan ng mga sibilyan, mga istruktura para sa pangangalagang pangkalusugan at ng staff, upang maipaabot ang mahalagang pagtulong para sa sampu-sampung libong mga taong nasa panganib, bago maging huli ang lahat.

    Pagkatapos makuha ang nakapanlulumong resulta ng rapid nutrition ang mortality assessment na isinagawa ng Doctors Without Borders noong simula ng Enero, isang mass screening ng mahigit 63,000 na batang wala pang limang taong gulang, pati na rin ng mga nagdadalang-tao at mga nagpapasusong kababaihan ang isinagawa noong Marso at Abril. Kinumpirma nito na mayroong kahila-hilakbot na kalagayang nagbabanta sa buhay ng mga tao sa kampo ng Zamzam sa North Darfur – ang krisis ng malnutrisyon. Halos tatlong buwan na ang nakalipas mula noong nanawagan kami para sa suporta nang lumabas ang mga resulta ng rapid assessment noong Pebrero. Ngunit hanggang ngayon, ang Doctors Without Borders pa rin lang ang tanging international aid agency na tumutugon sa malaking krisis na ito – at bilang resulta, kami rin ang isa sa kakaunting nakatugon sa mga mass casualty event sa El Fasher

    Mothers and children wait in a queue at Doctors Without Borders clinic in Zamzam camp. Sudan, February 2024. © Mohamed Zakaria

    Ang mga ina at ang kanilang mga anak ay nakapila at naghihintay sa klinika ng Doctors Without Borders sa kampo ng Zamzam sa Sudan, Pebrero 2024. © Mohamed Zakaria 

    Sa 46,000+ na batang sumailalim sa screening, kagulat-gulat na 30% ay napag-alamang may acute malnutrition – at 8% sa kanila ay may severe acute malnutrition (SAM). Halos ganoon din ang napag-alaman sa 16,000+ na nagdadalang-tao at nagpapasusong kababaihan na sumailalim sa screening: 33% ang may acute malnutrition, at 10% naman ang may SAM. Ang mga numerong ito ay doble ng emergency threshold na 15%, isang indikasyon na may malaking banta sa buhay ng mga tao at may emergency sa kampo ng Zamzam. 

    “Sa kampo ng Zamzam, may suliraning lumalaki at magdadala ng matinding kapahamakan,” sabi ni Claire Nicolet, ang namumuno ng emergency response ng Doctors Without Borders sa Sudan. “Kritikal ang sitwasyon, mataas na ang antas ng pagdurusa, ngunit sa kabila ng pagbibigay-alam namin tungkol dito sa loob ng halos tatlong buwan na, wala pa ring tumutulong. Sa pagtindi ng mga labanan, labis kaming nag-aalala na lalong magiging mahirap na makarating ang kinakailangang suporta mula sa ibang mga bansa. At sa pagdating ng lean season, nag-aalala rin kami na lalong bibilis ang paglala ng dati nang malaking problema ng krisis ng malnutrisyon.”

    Ang buhay ng daan-daang libong tao ay dati nang nanganganib at ngayon, dahil sa mga labanan, lalo pa silang nalalagay sa peligro. May kagyat na pangangailangan para palakihin agad ang pagtugong humanitarian upang mapigilan ang krisis na ito. At upang ito’y mangyari, mahalagang kumilos ang mga magkatunggali upang maging posible ang ligtas na humanitarian access at upang maprotektahan ang mga sibilyan.
    Claire Nicolet

    Nilakihan na ng Doctors Without Borders ang pagtugon ng organisasyon sa pamamagitan ng pagbubukas ng isa pang klinika, pagpasok ng mahigit 11,000 na bata sa programang para sa nutrisyon, at pagbukas ng isang field hospital na may 35 na kama kung saan maaaring gamutin ang mga pinakakritikal na kaso. Sa kasalukuyan, puno ang ospital. Kabilang sa mga pasyenteng gumagamit ng mga kama ay 19 na batang may severe acute malnutrition at tatlong pinaghihinalaang may tigdas. Pinaplano ng Doctors Without Borders na magsimula ng isang kampanya para sa pagbabakuna laban sa tigdas at palawakin ang mga aktibidad ng organisasyon upang makapagbigay ng suporta sa mga nagdadalang-tao. Subali’t ito’y hindi pa rin sapat para sa kanilang mga pangangailangan. Walang ibinibigay na karagdagang pangangalagang pangkalusugan sa kampo, at mahalagang maibigay ito sa lalong madaling panahon. 

    “Walang dudang malalaki ang mga hamon na haharapin ng mga nais magbigay ng humanitarian assistance sa Sudan, ngunit hindi naman ito imposibleng gawin,” sabi ni Nicolet.

    Ang paghihigpit sa humanitarian access – tulad ng sinasadyang paghadlang ng mga magkatunggali sa mga tagapaghahatid ng aid – ang nakasasagabal sa paglaki ng tugon ng mga aid agency. Ito rin ay epekto ng kawalan ng seguridad. Ngunit ang sitwasyon ay masyado nang kritikal upang patuloy na gawing dahilan ang mga isyung ito. Kinakailangang dagdgaan ng UN at ng mas malaking komunidad na humanitarian ang kanilang ginagawa upang magkaroon ng access ang mga ahensya ng UN at mga pandaigdigang NGO upang makatulong sila sa Zamzam.
    Claire Nicolet

    Ang mga kondisyong dinaranas ng mga tao sa Zamzam ay nakalulungkot. Mula Mayo 2023, walang opisyal na pamamahagi ng pagkain sa kampo. Dalawang linggo na ang nakalilipas mula noong nakarating sa El Fasher ang ilang trak ng UN, ngunit Abril 29 na noong may umabot na tulong sa Zamzam. Sa araw na iyon, ibinigay ang mga pagkain sa mga pinuno ng komunidad at inasahan na sila ang bahalang mamahagi sa mga tao.

    Ngunit, bago pa man nagsimula ang digmaan, napakakaunti ng suportang natatanggap ng mga tao sa kampo. Ang kalidad ng mga rasyon ng pagkain ay mas mababa kaysa sa mga pandaigdigang standard, at hindi sapat ang malinis na tubig.  Dalawa lang ang mga klinika sa napakalawak na kampo bago nagbukas ang Doctors Without Borders ng una naming klinika noong 2022. Ang naturang dalawang klinika ay halos hindi na magamit ngayon. 

    Mothers and children wait in a queue at Doctors Without Borders clinic in Zamzam camp. Sudan, February 2024. © Mohamed Zakaria

    Sa pamamagitan ng isang rapid nutrition and mortality assessment na isinagawa ng Doctors Without Borders sa kampo ng Zamzam noong Enero 2024, napag-alamang may nakamamatay na sitwasyon na namumuo noong nakaraang siyam na buwan. Sudan, 2024. © Mohamed Zakaria

    “Kahila-hilakbot ang sitwasyon para sa lahat ng residente ng kampo at nitong nakaraang taon, kapansin-pansin ang paglala nito. Para sa libo-libong tao na kamakailan lang ay nawalan ng tirahan sa Nyala, Tawila at iba pang mga lugar kung saan nagaganap ang mga matinding labanan, ang sitwasyon ay talagang hindi katanggap-tanggap. Marami sa kanila ang dumating sa Zamzam nang walang dala at ngayo’y nakatira sila sa mga siksikang paaralan nang walang access sa pagkain at tubig. Lahat ng nakatira sa kampo ng Zamzam ay nangangailangan ng suporta, ngunit dapat bigyang-pansin ang kahinaan ng mga bagong dating. Sa muling pagtindi ng karahasan sa North Darfur, dumarami ang mga taong nawawalan ng tirahan. Ibig sabihin, dadami rin ang mag-aagawan para sa mga limitadong supply sa kampo.”

    Ang mga maaasahang pamamahagi ng pagkain, na magbibigay sa mga tao ng sapat na rasyon, ay ang tanging makakasagip sa sitwasyon. Sa pagdating ng tag-ulan, dahil walang tarmac ang mga kalsada, magiging mas mahirap para sa mga trak na may dalang aid na makarating sa Zamzam. Sa kabila ng pagiging mulat sa kalubhaan ng sitwasyon, at sa kabila ng mga famine alert na nanggagaling sa mismong mga ahensya ng UN, kakaunti lang ang ginagawa ng UN upang mapigilan ang paglala ng krisis ng malnutrisyon sa Zamzam.