Skip to main content

    Sudan: Napilitan ang Doctors Without Borders na isuspinde ang suporta para sa Wad Madani dahil sa mga paghadlang at panliligalig

    Patients wait outside the Doctors Without Borders clinic in Wad Madani. Sudan, June 2023.

    Naghihintay ang mga pasyente sa labas ng klinika ng Doctors Without Borders sa Wad Madani. Sudan, Hunyo 2023. 

    • Napilitan ang Doctors Without Borders na isuspinde ang pagtatrabaho at alisin ang staff mula sa Madani Teaching Hospital, ang tanging ganap na tumatakbong sekondaryang pasilidad pangkalusugan sa kabisera ng estado ng Al Jazirah.
    • Ang mga pangangailangan sa Wad Madani ay kritikal at marami ang hindi natutugunan.
    • Nananawagan ang Doctors Without Borders sa mga grupong sangkot sa alitan na tigilan ang pagsalakay sa mga pasilidad pangkalusugan at tiyakin ang kaligtasan ng medical staff.

     

    Port Sudan/Barcelona, 9 Mayo 2024 – Napilitan ang Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) na suspindihin ang pagtatrabaho at alisin ang staff mula sa Madani Teaching Hospital, ang tanging ospital na tumatakbo para sa daan-daang libong taong lubos na nangangailangan ng tulong medikal sa kabisera ng estado ng Al Jazirah, ang Sudan.

    Ang napakahirap na desisyong ito ay kailangang gawin na matapos ang mahigit tatlong buwan ng walang patid na hamon ng pagbibigay ng pangangalaga sa ospital, kasama na ang lumalagong kawalan ng kapanatagan; ang kawalan ng kakayahan na magdala ng bagong staff at mga medical supply sa lugar dahil sa ipinagkakait na mga travel permit; at mga paulit-ulit na insidenteng nagbabanta sa seguridad, tulad ng pandarambong at panliligalig, na  nakakaapekto sa aming abilidad na magbigay ng pangangalagang medikal.

    Nananawagan ang Doctors Without Borders sa mga grupong sangkot sa alitan na tigilan ang paglapastangan sa mga pasilidad pangkalusugan, garantiyahan ang kaligtasan ng mga medical personnel, at ibigay ang mga kinakailangang travel permit para sa aming staff at supplies.

    Ang sistemang pangkalusugan at mga pangunahing serbisyo sa estado ng Al Jazirah ay bumagsak dahil sa mga labanan at sa sistematikong pagharang sa supplies at personnel na nais naming ipasok sa lugar. Ang Doctors Without Borders ay ang tanging pandaigdigang NGO na nagbibigay ng suporta sa Wad Madani. Ang aming pag-alis ay magiging malaking kawalan para sa mga taong nagsusumikap na makakuha ng access sa pangangalagang pangkalusugan habang nakatira sa isang kapaligirang walang seguridad, at wala ring masasakyan upang makapaglakbay.
    Mari Carmen Viñoles, Operations Manager

    Noong kalagitnaan ng Disyembre, umabot na ang labanan sa Wad Madani—ang kabisera ng estado ng Al Jazirah na mga 136 na kilometro sa timog silangan ng Khartoum. Ayon sa International Organization for Migration may hindi bababa sa 630,000 na tao ang napilitang tumakas mula sa Al Jazirah patungo sa ibang bahagi ng Sudan. Marami sa kanila ang nawalan na ng tirahan. Pagdating ng katapusan ng buwan na iyon, inilikas ng Doctors Without Borders ang lahat ng staff mula sa Wad Madani matapos salakayin ng grupong paramilitary na Rapid Support Forces (RSF)a ng siyudad, na kontrolado noon ng opisyal na Sudanese Armed Forces (SAF).

    Noong Enero 13, nakapagpadala na muli ang Doctors Without Borders ng team sa Wad Madani, kung saan ilang daang libong tao na lang ang nananatili sa dating isa sa mga siyudad na may pinakamalaking populasyon sa Sudan.

    Mula noon, sinusuportahan ng Doctors Without Borders ang emergency room, operation theatre, maternity, inpatient department—kabilang rito ang pediatrics, therapeutic feeding center, at ang mga adult at surgical ward—at ang parmasya sa Madani Teaching Hospital. Nagbigay rin kami ng suporta para sa kalusugang pangkaisipan, at pangangalaga para sa mga nakaranas ng karahasang sekswal. Dagdag pa rito, nagbigay rin ang Doctors Without Borders ng pagsasanay, mga salary incentive sa 240 na staff ng Ministry of Health (MoH), at pagkain para sa mga pasyente

    A Doctors Without Borders staff member speaks with a patient in Fadasi Camp in Wad Madani. Sudan, December 2023. © Fais Abubakr

    Kausap ng isang Doctors Without Borders staff member ang isang pasyente sa Fadasi Camp sa Wad Madani. Sudan, Disyembre 2023. © Fais Abubakr

    Sa pagitan ng kalagitnaan ng Enero at katapusan ng Abril, ang Doctors Without Borders ay nagbigay ng halos 10,000 na outpatient consultation—malaria ang pinakakaraniwang sakit ng mga nagpatingin —2,142 na antenatal consultation, at pangangalaga para sa 16 na pasyenteng nakaranas ng karahasang sekswal. Noong panahong ito, tuloy-tuloy ang pagdating ng mga pasyente sa emergency room. Umabot ng 2,981 na pasyente ang tinanggap sa ER.  Isang makabuluhang bilang ng mga tinanggap ay nagtamo ng pinsala dahil sa nangyayaring karahasan.

    Sinuspinde na ng Doctors Without Borders ang lahat ng suporta para sa pasilidad, at inilipat na namin ang aming staff sa mga mas ligtas na lugar sa Sudan. Nitong nakaraang tatlong buwan, ang aming team at ang sinusuportahan naming staff ng MoH ay nakaranas ng mga insidenteng kagagawan mismo o di kaya’y pinahintulutan ng RSF, tulad ng pandarambong sa mga ospital, pagnanakaw ng mga sasakyan, pagpapanatili ng mga staff, at marami pang ibang insidenteng nakagigipit.  

    Mula Enero, ang mga awtoridad ng Sudan ay tumatangging bigyan ng mga travel permit ang mga papasok sa siyudad na bagong staff, mga kagamitang medikal at kagamitan para sa logistics. 

    Habang ang mga pangangailangang humanitarian at medikal sa Wad Madani at Al Jazirah ay malaki, wala kaming ibang magawa kundi ihinto agad ang aming trabaho at umalis mula sa lugar. Dahil sa mga sinasadyang paghadlang na administratibo, pagkawala ng seguridad, at tuloy-tuloy na pagpapakita ng kawalan ng paggalang sa ospital bilang isang walang kinikilingang lugar, naging imposible na para sa amin na magpatuloy sa pagbibigay ng serbisyo.
    Mari Carmen Viñoles, Operations Manager

    Handang bumalik ang Doctors Without Borders sa pagsuporta sa Madani Teaching Hospital upang matulungan ang mga tao sa Al Jazirah kung ang mga grupong sangkot sa alitan ay maninindigan na igagalang nila ang aming trabahong medikal at titiyakin ang aming ligtas at hindi maaantalang access sa lugar. Nananawagan ang Doctors Without Borders sa RSF na tigilan ang paglalapastangan sa mga pasilidad medikal at garantiyahan ang kaligtasan ng mga personnel ng MoH at Doctors Without Borders. Nananawagan din ang Doctors Without Borders sa militar at mga sibilyang awtoridad na pinamumunuan ng Pamahalaan ng Sudan na bigyan kami ng mga kinakailangang travel permit para sa aming staff at mga supply.

    Sa kasalukuyan, ang Doctors Without Borders ay nagtatrabaho at sumusuporta sa mahigit 30 na pasilidad pangkalusugan sa siyam na estado sa Sudan: ang Khartoum, White at Blue Nile, Al Gedaref, West Darfur, North, South at Central Darfur, at sa Red Sea. Nagpapatakbo kami ng mga programa sa iba’t ibang lugar, kontrolado man ito ng SAF o ng RSF. Ang aming mga team ay nagbibigay ng pangangalaga para sa may trauma, maternal at pediatric care, at ginagamot ang malnutrisyon kasabay ng pagbibigay ng ibang serbisyo para sa pangangalagang pangkalusugan. Ang mga team ng Doctors Without Borders ay sumusuporta rin sa mga refugee na Sudanese at sa mga bumabalik sa South Sudan at Eastern Chad.