Skip to main content

    “Pakiramdam nami’y walang nagmamalasakit sa Sudan.”

    Portrait of Dr Bashir who has worked in several MSF projects in Sudan.

    South Sudan, Oktubre 2024. © Paula Casado Aguirregabiria/MSF

    "Naaalala n’yo ba ako? Ako si Dr. Mohamed Bashir, ang dating Deputy Medical Coordinator ng Doctors Without Borders sa Sudan. Nagsulat ako dati ng pagmumuni-muni, The Healing Hands of Sudan (Ang Nagpapagaling na mga Kamay ng Sudan), kung saan ibinahagi ko ang aking karanasan sa digmaang sibil—hindi lang bilang isang medical humanitarian, kundi bilang isang Sudanese din.

    Ako ay bahagi pa rin ng Doctors Without Borders, ngunit ngayon ay nakatalaga ako sa South Sudan, sa kabila ng hangganan mula sa aming tirahan. Bagama’t ako’y malayo, ang mga epekto ng digmaan ay laging nariyan, hinihila ako pabalik ng bawat pinakahuling balitang natatanggap ko. Ikinukumpara ko ang pagkawasak na nababalitaan ko sa mga pandaigdigang headline na tila hindi nagbibigay-pansin sa mga pangyayari rito.

    Ang Sudan at ang mga taong nagdurusa rito ay tila hindi na binibigyan ng halaga ng mundo. Kinalimutan na ng media, ipinagwalang-bahala ng mga pulitiko, at hindi binibigyang-pansin ng mga humanitarian donor institution ang mga suliranin ng bansang ito. Tinatanong ko ang aking sarili: ano ang maaari kong gawin bilang indibidwal? Malinaw ang aking isinasagot—ipagpapatuloy ko ang aking pagsuporta sa mga taong nagdurusa dahil sa digmaang ito.
    Dr. Mohamed Bashir

    Dito sa Twic County sa South Sudan, karamihan sa aming mga pasyente ay mga South Sudanese na bumalik matapos mawalan ng tirahan ng dalawang beses sa loob ng humigit-kumulang isang dekada. Libo-libong mga refugee na Sudanese ang tumawid na rin sa iba’t ibang bahagi ng South Sudan, at ngayo’y nagkalat na sila sa iba’t ibang host community o di kaya’y nagsisiksikan sa mga refugee camp.

    A displaced woman holds her child as she takes refuge in Alsafat Camp in Al Jazirah state. Sudan, December 2023. © Fais Abubakr

    Hawak ng isang babaeng nawalan ng tirahan ang kanyang anak sa kampo ng Alsafat sa estado ng Al Jazirah. “Nag-aalala ako para sa kinabukasan ng aking mga anak. Inisip kong bumalik sa Abyei upang mabigyan ko ng oportunidad na makapag-aral ang aking mga anak. Ngunit kung matapos ang digmaan, babalik kami sa aming tirahan sa Khartoum sa lalong madaling panahon, at makapagtatrabaho na aking asawa.” Sudan, Disyembre 2023. © Fais Abubakr

    Kilala ko ang sakit na ito

    Patuloy kaming pinapahirapan ng digmaang ito, at pinaghihiwa-hiwalay ang mga miyembro ng aming mga pamilya. Magkakapareho ang mga kuwento ng mga tumatakas mula sa Sudan— mga kuwento ng pagkawala, kawalan ng katiyakan, at ng naglalahong pag-asa para sa kapayapaan. Kilalang-kilala ko ang sakit na ito.

    Ang mga hangganan sa loob at mga frontline na kontrolado ng mga partidong magkalaban ay humahati sa isang bayan kung saan ang mga tao’y binabawian ng buhay, ang mga tahanan ay winawasak, at ang mga kabuhayan ay sinisira. 

    Samantala, ang mga tao—kami—ay iniiwang mag-isa.

    Tumakas ang aming pamilya mula sa Khartoum, kabilang sa milyon-milyong nawalan ng tirahan, hindi lang isang beses kundi naka-ilang ulit sa loob lamang ng 18 na buwan. Iniwan namin ang lahat, nang walang malinaw na daan patungo sa kaligtasan at kaunti ang natanggap naming atensyon mula sa mundo. Patuloy kaming nagdurusa sa pagkawala ng isang kamag-anak namin, isang sibilyan na dinukot ng isa sa mga partidong sangkot sa digmaan mula sa kanyang tahanan mahigit sampung buwan na ang nakalilipas. Wala kaming balita sa kanya—wala kaming natatanggap na impormasyon kung ano na ang kalagayan niya, o kung pakakawalan ba siya.

    Maging ang mga tumatakas mula sa karahasan o ang mga nagkakasamang muli pagkatapos ng mahabang pagkakahiwalay, ay nakararanas ng mga bagong hamon—gaya ng mga pagbaha, mga outbreak ng sakit—sa ilalim ng isang gumuhong sistema ng pangangalagang pangkalusugan. Karamihan sa mga ospital ay nawasak. Ang mga nananatiling maayos ay iniwan dahil sa kakulangan ng mga gamot, staff, o mga mapagkukunang-yaman. Ito ay sinasadyang pagkakait; isang malupit na taktika sa digmaan. 

    Sa pagkakaroon nila ng pinakakaunting kailangan upang mabuhay, ang mga tao’y naiwan na naghihintay ng himala, ngunit sa halip ay patuloy silang pinapaalis, o di kaya’y mas malala: pinapatay.

    Patients arrive at Bashair hospital in southern Khartoum, which needs to cope with the influx of wounded people following the outbreak of conflict between the army and paramilitary forces. Khartoum, Sudan, May 2023. © Ala Kheir/MSF

    Pumupunta ang mga pasyente sa Bashair Hospital dahil iyon lang ang bukas na ospital sa Southern Khartoum. Sudan, Mayo 2023. © MSF/Ala Kheir

    Huwag mong talikuran

    Sa kabila ng lahat ng ito, nandito ako upang magbahagi tungkol sa aming katatagan. Bilang mga humanitarian—mga medic, logistician, at mga nars—ginagawa namin ang lahat ng aming makakaya upang suportahan ang mga nangangailangan. Ang anumang ginagawa ng isang tao ay mahalaga, at ang bawat pagsusumikap ay may katumbas.

    Ito ang ginagawa ko nitong mga nakaraang buwan sa Twic bilang project medical referent ng Doctors Without Borders sa Mayen Abun County Hospital. Napuspos na ang lugar na ito sa dami ng mga pangangailangang humanitarian, at ng pagkawala ng tirahan ng libo-libong South Sudanese dahil sa karahasan sa pagitan ng mga komunidad sa Agok noong 2022. Ito’y isang lugar kung saan gumuho na ang sistema ng pangangalagang pangkalusugan dahil sa malaria, hepatitis E, at malnutrisyon.

    Ang trabaho rito ay nagbibigay ng kakaibang pananaw sa digmaan sa aking bansa. Nasasaksihan ko ang mga kahila-hilakbot na kondisyong hinaharap ng mga napilitang tumakas mula sa Sudan. Ang mas nakagugulat pa rito ay ang patuloy na hindi pagbibigay-pansin sa krisis na ito. Kakaunti lang ang kaalaman ukol sa paglikas ng mga Sudanese sa South Sudan, Chad, at sa ibang mga bansa, sa kabila ng napakaraming pangangailangan ng mga pamilyang naghahanap ng bagong tahanan.

    Nabubuhay tayo sa isang panahon ng mga tumitinding krisis—gawa man ng tao o natural. Ang mga talunan sa mga digmaan ngayon, sa iba’t ibang lugar at konteksto, ay napakalaking trahedya na hindi maubos-maisip."

    Sa gitna ng lahat ng ito, nagmamakaawa ako sa mundo: huwag ninyong hayaang mawala sa inyong atensyon ang Sudan. May mga panahong pakiramdam ko’y walang nagmamalasakit, na para bang ang Sudan ay sinasadyang huwag bigyang-pansin ng mga tagagawa ng desisyon sa buong mundo, at isinasantabi para unahin ang ibang mga krisis. Gaano pa katagal nating kakayanin ang kawalan ng aksyon?
    Dr. Mohamed Bashir