Skip to main content

    Nigeria: Isang recipe upang mabawasan ang malnutrisyon sa mga bata

    A Doctors Without Borders health promotion supervisor in Kebbi, conducts a Tom Brown recipe demonstration in Maishaka village, Kebbi State, North West Nigeria.

    Nagsagawa ang isang health promotion supervisor ng Doctors Without Borders sa Kebbi ng isang Tom Brown recipe demonstration sa barangay ng Maishaka sa estado ng Kebbi sa Northwest Nigeria. Humigit-kumulang isang daang babae ang nakilahok sa demonstration. Nigeria, Enero 2024. © Georg Gassauer/MSF

    Katulad ng ibang mga estado sa hilagang bahagi ng Nigeria, ang estado ng Kebbi ay nakaranas ng matinding pagtaas ng bilang ng mga kaso ng malnutrisyon ngayong taong ito. Noong Mayo, halos 1,000 na bata ang tinanggap para sa malnutrisyon sa inpatient therapeutic feeding centre (ITFC) na itinatag ng Doctors Without Borders sa Maiyama Hospital. Kumpara sa parehong mga buwan noong nakaraang taon, umakyat ito ng 80%. Nagpatuloy ang pag-akyat na ito noong Hunyo at Hulyo. Noong ikalawang linggo ng Hulyo, mahigit 260 na pasyente ang kanilang tinanggap. Napupuspos ang pasilidad na ito na may 210 lamang na kama kung kaya’t kailangang mahigit isang pasyente ang nasa isang kama.

    Bukod sa mga nasa pasilidad na ito, mahigit 11,000 na bata rin ang ipinasok sa outpatient nutrition treatment programme noong kalagitnaan ng Hulyo. Ang programang ito ay sinusuportahan ng Doctors Without Borders sa limang maliit na sentrong pangkalusugan sa estado ng Kebbi.

    Ang kalubhaan ng krisis na ito ay kailangang tugunan ng matinding pagsusumikap para ito’y mapigilan. Ito ang dahilan kaya’t nagpapatakbo rin kami ng mga outreach activity sa mga komunidad, upang matulungan ang mga magulang na maiwasan ang masamang maaaring kahinatnan ng kanilang mga anak.
    Maryam Muhammad, Health Promotion Head

    Isang solusyong lokal laban sa malnutrisyon

    Apat na araw sa isang linggo, si Maryam at ang kanyang team ay pumupunta sa mga komunidad ng Kebbi lulan ng isang sasakyang siksik sa mga mesa, kaserola, kaldero, kutsara, at mga bote na puno ng soya beans, sorghum, mga dahon ng malunggay, palm oil at ground nuts. 

    “Ito lang ang lahat ng aming kailangan upang magsagawa ng ‘Tom Brown’ demonstration,” sabi niya habang papunta sa Maishaika, isang barangay na 40 kilometro ang layo mula sa inpatient feeding centre ng Doctors Without Borders. “Ang mga ito lang, at ilang kawili-wiling mga kanta upang hindi nila makalimutan ang recipe.”

    View of some of the ingredients required to prepare Tom Brown are shown during a recipe demonstration in North Nigeria

    Ang ilan sa mga sangkap na kailangan upang maihanda ang Tom Brown ay ipinakita sa isang recipe demonstration. Nigeria, Pebrero 2024. © Georg Gassauer/MSF

    Batay sa isang tradisyonal na recipe mula sa Nigeria para sa pagkaing kilala bilang  ‘Kwash pap’, ang Tom Brown ay tinimplahang harina na kinakain bilang matamis na lugaw. Ito ay gawa sa mga masustansyang sangkap na karaniwang itinatanim sa Northern Nigeria at mabibili sa mga lokal na palengke. Sa pagdaan ng panahon, ang recipe para rito ay pinabuti pa ng mga nutrisyunista upang makatulong at maging mabisang kasangkapan sa pagpigil at paggamot ng mga katamtamang kaso ng malnutrisyon. Ayon sa mga pag-aaral na ginawa sa Nigeria noong 2022 at 2023, positibo ang mga resulta ng paggamit ng recipe para sa mga batang may moderate acute malnutrition (MAM). Sa parehong halagang gugugulin, ang Tom Brown ay maaaring pakinabangan ng mas maraming bata bilang ready-to-use therapeutic food gaya ng peanut paste. 
     

    Ang pagsasanay para sa mga ina at mga ama

    Pagkatapos ng 35 na minutong biyahe, dumating na ang dyip sa Maishaika. Pumunta na si Maryam at ang kanyang mga kasama sa team sa tirahan ng pinuno ng barangay upang magbigay-galang at kumpirmahin ang kanyang pagpayag sa kanilang gagawing demonstration. 

    Ilang minuto pa ang nakalipas at nagsimula na ang paghahanda ng team. Ibinaba nila mula sa dyip ang mga mesa, upuan at mga sangkap na gagamitin. May mga boluntaryong nagbahay-bahay upang magtawag ng mga residente. Ang maliit na plaza ng barangay ay nagmistulang pamilihan at may mga isandaang kababaihan na may suot na mga makukulay na bandana ang nagtipon-tipon upang masaksihan kung ano ang magaganap. 

    MSF health promotion supervisor in Kebbi, gives a spoon of Tom Brown to a child during a recipe demonstration in Maishaka village, Kebbi State, North West Nigeria.

    Binigyan ng health promotion supervisor ng Doctors Without Borders sa Kebbi ang isang bata ng isang kutsara ng Tom Brown sa isang recipe demonstration sa barangay ng Maishaka, Kebbi State, North West Nigeria. Nigeria, Enero 2024. © Georg Gassauer/MSF

    Sa kanyang pagiging mahigit labinlimang taon nang aktibo bilang health promoter, alam na ni Maryam kung paano makuha at mapanatili ang atensyon ng mga tao. Puno siya ng sigla at malakas ang kanyang boses. Hawak ang isang kutsara, sinimulan niya ang pagpapaliwanag kung ano ang acute malnutrition at kung ano ang maaari nilang gawin bilang mga ina at lola, upang malabanan iyon. 

    Mabilis niyang sinimulan ang demonstration sa pamamagitan ng pagtatawag ng isang babae mula sa mga nanonood upang tulungan siyang ihanda ang mga kinakailangan para sa recipe ng Tom Brown na makatutulong na pigilan ang acute malnutrition. Ang mga sangkap para rito ay ang mga sumusunod: 6 na sukat ng sorghum o millet, 3 na sukat ng soybeans at isang sukat ng ground nuts. Matapos ang tiyak na proseso ng pagbabad, paglinis, pagpapatuyo at pag-ihaw, paghahaluin ang mga sangkap at igigiling nang mabuti hanggang ito’y maging pulbos. Ang pulbos na ito ay ihahalo sa malinis na tubig, at pagkatapos ay ibubuhos sa kumukulong tubig. Ang kalalabasang lugaw ay lulutuin pa sa apoy ng ilang minuto. 

    Depende sa kung ano ang mabibili sa palengke, ano ang kanilang mga gusto at ano ang abot-kaya ng kanilang pamilya, ang ibang mga sangkap gaya ng palm oil, dahon ng malunggay, gatas ng kalabaw o mga karne ay maaaring idagdag upang makapagbigay ng karagdagdang enerhiya at sustansya sa bata. Ngunit dahil nahaharap ang bansa sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin – ang pinakamalalang naranasan nilang inflation nitong nakaraang tatlong dekada  – at ang patuloy na pag-akyat ng mga presyo nitong nakaraang ilang buwan, ang pagdagdag ng mga sangkap ay maituturing na luho na hindi abot-kaya ng mga pamilya sa Kebbi.

    Paulit-ulit nilang kinakanta ang paraan ng paghahanda ng lugaw, habang inaabutan ang mga bata ng mga tasa nito upang ipatikim sa kanila at malaman kung magugustuhan nila ang lasa. Ang mga kababaihan ay tumatawa at nakangiti. Ang pinuno ng barangay ay nagmamasid mula sa di-kalayuan. Siya lang ang tanging lalaki sa mga manonood.

    MSF health promotion team conduct a Tom Brown sensitization session for men in Kebbi. Convincing men to support the approach is key as the mostly are the one supplying the family.

    Ang health promotion team ng Doctors Without Borders ay nagsagawa ng Tom Brown sensitization session para sa mga kalalakihan ng Kebbi. Ang paghikayat sa mga lalaki upang suportahan ang proyekto ay mahalaga dahil sila ang kadalasang tanging kumikita para sa pamilya. Dahil sa mga dahilang kaugnay ng kultura, ang Doctors Without Borders ay nagdadaos ng magkahiwalay na mga sesyon para sa mga kalalakihan at kababaihan. Nigeria, Pebrero 2024. © Georg Gassauer/MSF

    “May ibang sesyon para sa mga kalalakihan na gagawin namin sa ibang araw. Dahil sa mga dahilang kaugnay ng kanilang kultura, kailangan naming magdaos ng magkahiwalay na sesyon,” sabi ni Maryam. “Ang kanilang suporta ay mahalaga dahil sila ang tagapagbigay ng makakain ng kanilang pamilya. Noong una, may ilan sa kanilang nag-aalala kung ano ang aming mensahe na ipararating sa mga sesyon para sa kababaihan kaya’t pinagbawalan nila ang kanilang mga asawa na dumalo. Kaya’t nagdesisyon kaming magkaroon din ng sesyon para sa mga ama upang iparating sa kanila kung ano ang aming ginagawa at sinasabi. Malaki ang naitulong nito, at ngayon ang mga kalalakihan ay nagpapakita na ng interes sa aming mga sesyon.”

    Mga recipe para sa buhay

    Pagkatapos ng isang oras na sesyon para sa kababaihan, niligpit na ni Maryam at ng kanyang team ang kanilang mga kagamitan. Ngunit hindi doon nagtapos ang lahat. Nanawagan sila sa lahat ng mga inang naroon na manatili upang sumailalim ang kanilang mga anak sa screening para sa acute malnutrition sa pamamagitan ng rapid check gamit ang mid-upper arm circumference measuring tape, o ang MUAC bracelet. Sa 28 na batang sumailalim sa screening noong araw na iyon, mahigit sangkatlo sa kanila ay isinangguni sa therapeutic nutrition programme ng Doctors Without Borders.

    Ang ganitong klaseng sesyon ay mahalaga upang maintindihan ng mga tao na maaari nilang pigilan na maging acutely malnourished ang kanilang mga anak sa halip na dalhin sila sa mga pasilidad upang magamot. Ang pagpigil ay laging mas mainam kaysa paggamot. Hindi habambuhay na nariyan ang Doctors Without Borders, kaya’t kailangan ng mga mapapanatiling paraan upang mapigilan ang malnutrisyon. At alam namin na ipapasa ng mga taong tinuruan namin ngayong araw na ito ang recipe sa iba.
    Maryam Muhammad, Health Promotion Head

    Mula Enero hanggang Mayo 2024, sina Maryam at ang health promotion team ay nakapag-organisa ng 554 na demonstration sa iba’t ibang lugar sa Kebbi. Mahigit 13,300 na tao ang dumalo sa mga sesyong ito, kabilang rito ang 1,461 na kalalakihan. 

    Ngunit ang mga gawaing ito, bagama’t mahalaga, ay tila patak lamang sa karagatan kumpara sa mga pangangailangan ng estadong ito at lahat ng iba pang nasa hilagang bahagi ng Nigeria. Marami pang kailangang gawin ang mga awtoridad at ang kanilang mga katuwang upang tugunan ang suliranin ng malnutrisyon. Ang sapat na pagpapakain ng sanggol ay pinakamahalaga sa isyu ng malnutrisyon, kasabay ng pagtataguyod ng access sa pangangalagang pangkalusugan, at food security. Batay sa mga istatistika na nakalap mula Mayo 2023 hanggang Abril 2024, halos 4.4 milyong batang wala pang limang taong gulang ang nagdurusa dahil sa acute malnutrition sa North-East at North-West Nigeria.

     

    Susuportahan mo ba ang aming ginagawa?

    Ang iyong donasyon ay makakatulong sa mga nangangailangan