Skip to main content

    Nigeria: Doctors Without Borders, naglabas ng alerto ukol sa walang kasingdaming batang may malnutrisyon na kailangang gamutin

    A Doctors Without Borders health promoter accompanies a mother with her child after being discharged from the under-six ward of the Nilefa Kiji nutrition centre. Nigeria, April 2023.

    Sinamahan ng isang health promoter ng Doctors Without Borders ang isang ina at ang kanyang anak matapos silang payagan na ng lumabas mula sa under-six ward ng Nilefa Kiji nutrition centre. Nigeria, Abril 2023.

    Ang bilang ng mga tinatanggap na kaso ng malnutrisyon mula noong nagsimula ang 2023 ay ang pinakamataas na naitala ng mga Doctors Without Borders team sa estado ng Borno para sa panahong bago ang taunang ‘hunger gap’, kung saan ang mga pagkain na inimbak mula sa nakaraang pag-ani ay karaniwang paubos na at nagiging sanhi ng pagtaas ng antas ng malnutrisyon.

    "Ang sobrang pagtaas ng bilang ng mga malnourished na bata ay kailangang tugunan sa pamamagitan ng agarang pagdadagdag sa mga aktibidad para sa pagpigil at paggamot sa malnutrisyon upang maiwasan ang napakalaking suliranin pagdating ng panahon ng hunger gap," sabi ng Doctors Without Borders medical coordinator na si  Htet Aung Kyi.

    Ang team ng Doctors Without Borders sa Nilefa Kiji therapeutic feeding centre sa Maiduguri ay naging saksi sa biglang pagdami ng mga kaso ng may katamtaman at malubhang malnutrisyon. Noong Enero, umabot sa mga 75 na bata ang tinatanggap kada linggo para sa malubhang malnutrisyon – mga tatlong beses ng karaniwang bilang para sa parehong panahon nitong nakaraang limang taon. Pagdating ng Abril, ang bilang kada linggo ay umakyat na sa halos 150, dalawang beses ng bilang noong parehong panahon nitong nakaraang taon.

    Doctors Without Borders nurse attends to a critically ill child admitted at the emergency room of Nilefa kiji while the mother looks on. Nigeria, 2023.

    Sinusuri ng isang nars mula sa Doctors Without Borders ang isang batang nasa kritikal na kondisyon na tinanggap sa emergency room ng Nilefa Kiji nutrition centre. Nigeria, Abril 2023.

    Wala pa kaming nakikitang katulad nito mula noong nagsimula kaming magsagawa rito ng mga aktibidad para sa malnutrisyon noong 2017. Ang bilang ng mga tinatanggap kada linggo ay dalawa o tatlong beses na mas mataas kaysa parehong panahon nitong nakaraang limang taon – at umaakyat pa ito. Nitong nakaraang taon, nagbigay na kami ng babala noong Hunyo nang biglang tumaas ang bilang ng mga tinatanggap noong simula pa lang ng hunger gap. Ngunit ngayong taong ito, nakakaalarma na ang mga numero kahit na ilang linggo pa bago ang inaasahang kakulangan ng pagkain bago mag-ani. Umaandar ang oras. Kailangan nating kumilos agad kung gusto nating maiwasan ang isang sakuna.
    Htet Aung Kyi, Medical Coordinator

    “Ang agarang pagkilos ay kinakailangan.” 

    Ang malnutrisyon ay hindi bagong suliranin para sa Maiduguri, kung saan ang ilang taong alitan at kawalan ng seguridad ay naging sanhi ng isang kritikal na sitwasyong humanitarian. Maraming mga tao ang napilitang lumikas mula sa kanilang tahanan at ngayo’y nakatira sa mga pansamantalang lugar kung saan mapanganib ang mga kondisyon, sa loob man ng isang komunidad o sa mga kampo.

    Sumabog sa dami ang mga pasyenteng ginagamot ng Doctors Without Borders na may malubhang malnutrisyon noong 2022. Mahigit 8,000 na bata ang naospital para sa intensive nutrition care.

    Isa sa kada pitong bata ang galing sa Hajj detention camp para sa mga dating miyembro ng mga armadong grupo ng oposisyon, sa kanilang mga pamilya ,at sa mga napailalim sa kanilang pamumuno. Marami sa mga dumarating sa kampo ay dati nang may problema sa kalusugan, at lalong lumalala ang sakit nila dahil sa mga kondisyon ng pamumuhay roon.

    Noong huling bahagi ng 2021, marami sa mga opisyal na kampo para sa mga taong nawalan ng tirahan ay isinara, at pinutulan din sila ng humanitarian aid at food aid. Karamihan sa kanila ay nahihirapan sa araw-araw nilang pamumuhay. Dahil sa pagpigil sa kanilang paglalakbay, hindi sila makapaghanapbuhay o makapagtanim man lang. Nakadadagdag ang mga ito sa panghihina ng mga tao. Kamakailan lang, dumagdag rin sa suliranin ng mga tao ang pagbabago ng disenyo ng pera ng Nigeria noong huling bahagi ng 2022. Ito’y naging sanhi ng kakulangan ng umiikot na pera at ng pagkawasak ng malalaking palengke sa Maiduguri.

    Waiting to be attended to at the triage, the women listen to an Doctors Without Borders staff about good health seeking practices. Nigeria, April 2023.

    Habang naghihintay sa triage, nakikinig ang mga kababaihan sa staff ng Doctors Without Borders na nagpapaliwanag tungkol sa mga mabubuting gawi para sa kalusugan. Nigeria, Abril 2023.

    Ang mga Doctors Without Borders team ay nagbibigay ng inpatient at outpatient treatment para sa mga malnourished na bata, at ng targeted feeding para sa mga batang may katamtamang malnutrisyon upang mapigilan ang paglala ng kanilang kondisyon. Ang mga Doctors Without Borders mobile team ay nagpapatakbo rin ng mga klinika na nagbibigay ng pangunahing pangangalagang pangkalusugan sa mga taong nakatira sa kampo ng Hajj, at sa Muna at Maisandari informal sites.

    “Hindi sapat ang magbigay lang ng pagkain.”

    “Hindi sapat ang magbigay lang ng pagkain,” sabi ni Gabriele Santi, Doctors Without Borders project coordinator sa Maiduguri.

    Kailangang paunlarin agad ng mga awtoridad at ng mga organisasyong tumutulong ang mga aktibidad nila kaugnay ng malnutrisyon, dagdagan ang kapasidad ng mga intensive therapeutic feeding centres, isaayos ang mga kondisyon ng pamumuhay sa mga transit camp, at palawakin ang access ng mga tao sa pangangalagang pangkalusugan. Kailangang may malaking pondo para rito, at dapat gawin nang maayos ang koordinasyon upang matiyak na makararating ang pagkain sa pinakanangangailangan nito. Sa ngayon, 16% pa lang ng pondong hinihingi ng nutrition cluster ang naibigay na. Nakakaalarma rin ito.
    Gabriele Santi, Project Coordinator

    Mula noong simula ng Enero hanggang sa Abril 20, 2023, 1,283 na malnourished na bata ang tinanggap para sa intensive hospital care sa Doctors Without Borders feeding centre – mga 120% ang itinaas nito mula sa parehong panahon noong nakaraang taon.

    Kasunod ng nutrition emergency na ito sa Maiduguri, tumutugon din ang mga team ng Doctors Without Borders sa isang malawakang krisis ng kalusugan at malnutrisyon sa ibang bahagi ng hilagang-kanluran ng Nigeria. Sila’y nagtatrabaho sa 32 outpatient therapeutic feeding centres at 10 inpatient therapeutic feeding centres sa mga estado ng Kano, Katsina, Kebbi, Sokoto at Zamfara. Nitong nakaraang taon, 147, 860 na batang may severe acute malnutrition ang ginamot ng Doctors Without Borders sa hilagang kanluran na bahagi ng Nigeria.

    Categories