South Sudan: Paano pinalalala ng malnutrisyon ang pandemya ng TB/HIV
Sa Leer, nakatayo sa loob ng kanyang bahay ang isang pasyenteng may TB/HIV. Apat na taon na ang nakalilipas mula noong binaha ang kanilang bayan ng Mayendit, at kinailangan niyang lumipat sa Leer. Nawalan siya ng tirahan, ng mga alagang baka, at ng lahat ng kanyang mga ari-arian. Ngayong may sakit siya, hirap na hirap siyang kumuha ng kahit kaunting pagkain. At dahil madalas na walang laman ang kanyang tiyan, kinailangan niyang bawasan ang kanyang iniinom na gamot dahil sumasakit ang kanyang sikmura. South Sudan, May 2024. © Kristen Poels/MSF
- Sa South Sudan, mahigit pitong milyong tao ang inaasahang makararanas ng acute food insecurity o mas malala pa roon mula ngayon hanggang Hulyo.
- Ang mga pasyenteng may tuberculosis at HIV ay lubhang naaapektuhan dahil ang lakas ng mga gamot ay hindi naaangkop para sa wala pang laman na tiyan.
- Ang ilan sa kanila ay tinitiis ang matinding sakit, habang ang iba nama’y nagpapasyang bawasan o tigilan ang pag-inom ng gamot kahit na ito’y maaaring pagbayaran nila ng kanilang buhay.
Walang dapat mapilitang mamili sa pag-inom ng makasagip-buhay na gamot na magdudulot ng matinding sakit, o magkaroon ng maikling buhay nang walang iniinom na gamot at wala ring nararamdamang sakit. Gayunpaman, ito ang sitwasyon na hinaharap ng maraming pasyenteng may tuberculosis at HIV sa Leer, Unity State. Habang ang kailangan nilang inumin na gamot ay maaaring umabot sa walong tableta araw-araw sa buong buhay nila, kailangang kayanin ng mga pasyente ang kakulangan ng pagkain, na maaaring magdulot ng matinding sakit at pagkahilo. Kailangan nilang mamili kung iinom sila ng gamot at magdusa araw-araw, o tumigil sa pag-inom at hayaang unti-unting masira ang kanilang kalusugan.
Habang nakatayo sa harap ng kanyang bahay, si James, isang pasyenteng 60 na taong gulang, ay may hawak na tungkod upang suportahan ang kanyang nangangayayat na katawan. "Mahirap ang buhay rito, walang-wala kami. Nitong nakalipas na tatlong buwan, nagkasakit ako ng TB/HIV, kaya’t hindi na ako puwedeng magtrabaho at wala rin akong naipong pera. Ang nasa paligid namin ay panay ugat ng water lily, at hindi iyon sapat ".
Pinakita niya ang kanyang tiyan at ngumiwi. Pagpapatuloy niya, "Iyon ang dahilan kaya kadalasa’y binabawasan ko ang aking mga gamot ayon sa aking kinakain. Kung malaman ko na isang beses lang ako kakain sa isang araw, siguro’y kalahati lang ng mga gamot ko ang aking iinumin. Alam kong hindi iyon makabubuti sa aking kalusugan, ngunit wala akong magagawa. Kung iinumin ko ang gamot nang wala akong kinain, mahihilo ako, manginginig at sasakit ang aking tiyan.
Mga waterlily o dry roots na inani ng isang kamag-anak. Ito na ang pagkain para sa buong pamilya. South Sudan, Mayo 2024. © Kristen Poels/MSF
Mga gamot na kailangan inumin araw-araw ng pasyenteng may TB at HIV, kahit hindi sapat ang pagkain. South Sudan, Mayo 2024. © Kristen Poels/MSF
Ang paulit-ulit na pangyayaring mahirap pigilan
Sa loob ng mga pasilidad ng Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF), ganito rin ang mga hinarap na hamon ni Gatkuoth, isang pasyenteng dalawang araw pa lang nasa ospital. “Nagkaroon ako ng TB noong 2021, ngunit noong panahong iyon, madali kong nakumpleto ang paggamot. Ngayon na lumalala ang aking kalagayan, mas nahihirapan ako dahil sa wala akong makain. Minsan sa sobrang sama ng aking pakiramdam, iniisip ko kung bakit pinapatay ko ang aking sarili sa sakit na nararamdaman. Baka dapat ay piliin ko na lang na mamatay mula sa aking karamdaman".
Ang Leer County sa South Sudan ay isang nakabukod, madalas bahain, at mahirap tirhan na lugar. Ilang taon nang nag-aatubili ang mga taong bungkalin ang kanilang lupa dahil sa pangambang mawawala ang lahat ng iyon uli. Umaasa lang sila sa mga pagkaing mabibili sa palengke, na pamahal ng pamahal, o di kaya’y sa food assistance, na nabawasan din dahil sa kakulangan ng pondo.
Bukod pa rito, ang pagkawala ng tirahan ng malaking bahagi ng populasyon dahil sa digmaan ay lalong nakapagpalala sa mga suliraning kaugnay ng food supply at ng mga dumaraming pangangailangan para sa pangangalagang pangkalusugan. Mula noong Abril 2023, mahigit 60,000 na tao – mga returnee at mga refugee – ang nakatira na sa Unity State.
TB isolation ward sa Doctors Without Borders hospital sa Leer, Unity State. South Sudan, Mayo 2024. © Kristen Poels/MSF
Mga sample sa GeneXpert cartridges, sa Doctors Without Borders hospital. Ito ay susuriin sa laboratory para malaman kung may TB ang pasyente. South Sudan, Mayo 2024. © Kristen Poels/MSF
TB isolation ward sa Doctors Without Borders hospital sa Leer, Unity State. South Sudan, Mayo 2024. © Kristen Poels/MSF
Ang resulta nito’y ang populasyon ay nakararanas ng under nutrition, kaya’t pabalik-balik lamang ang problema. Sa isang banda, maaari itong makaapekto sa pagsunod sa TB/HIV therapy, dahil mahirap tiisin ang lakas ng mga gamot kapag walang laman ang tiyan. Sa kabilang banda, dahil pinahihina nito ang immune system, ito ay nagiging pangunahing risk factor para sa sakit.
Ang pagbibigay ng suporta gaya ng pagkain at nutrisyon para sa mga pasyenteng may TB at HIV (bukod pa sa ibang mga klase ng suporta, halimbawa, transportasyon) ay isa sa mga mahahalagang ‘treatment enablers’, na napatunayang nakapagpapabuti ng kalagayan ng pasyente, nakaiimpluwensya ng pagsunod sa kailangang paggamot, at sa pangkalahatang kauuwian nito.
Hindi dapat kalimutan ang mga mahihinang grupo
"Nagiging suliranin na ang food insecurity, o kawalan ng seguridad sa pagkain," paliwanag ni Daniel Mekonen, ang Medical Team Leader ng Doctors Without Borders sa Leer.
Mayroon kaming mahigit sa 600 na pasyenteng may TB na, may HIV pa. Marami sa kanila ang nagsasabi na hindi nila masunod ang tamang paggamot dahil sa kakulangan ng pagkain. Binabawasan nila ang kanilang iniinom na gamot, o di kaya’y itinitigil nang tuluyan hangga’t hindi bumubuti ang kanilang sitwasyon. Tulad ng inaasahan, hindi maganda ang kahihinatnan nito. Parami nang parami ang mga pasyenteng nasa huling yugto na ng kanilang sakit. Seryoso na ang kanilang kondisyon, mahirap nang gamutin, at ang iba sa kanila’y hindi na tinatalaban ng mga antimicrobial.Daniel Mekonen, Medical Team Leader
"Dati, tumatanggap kami ng walong bagong pasyente kada buwan. Ngunit ang bilang na ito ay dumoble kamakailan lang, nagiging 16 na kada buwan. Nakikita nating umaakyat ang defaulter rate. Kung hindi masusuportahan ang mga tao sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng pagkain, hindi magtatagumpay ang aming programa. Lubos na nag-aalala ang Doctors Without Borders sa sitwasyon ng HIV/TB sa buong South Sudan," pagpapatuloy niya.
Nagsimula ang Doctors Without Borders na magtrabaho sa Leer, Unity, noong 1989, at nananatili itong isa sa mga iilang organisasyong nagbibigay ng pangangalagang medikal sa mga tao roon. Sa pagdami ng mga kaso ng malnutrisyon, hindi sapat ang naipapamahaging pagkain sa populasyon, at wala ring malinaw na batayan para malaman kung sino ang uunahin. Dapat pag-ibayuhin ng ibang mga organisasyon at ahensya ang kanilang pagsusumikap na magbigay ng suporta sa pamamagitan ng mga donasyong pagkain, at pag-isipan kung paanong matututukan ang mga grupong dapat unahin, gaya ng mga pasyenteng may HIV/TB.