Tuberculosis: Naglunsad ang Doctors Without Borders ng proyektong haharapin ang suliranin ng underdiagnosis sa mga bata
Five-year-old Clark is given a free chest x-ray at one of the Doctors Without Borders active case finding sites for tuberculosis on March 13, 2023 in Tondo, Manila, Philippines. © Ezra Acayan
Batay sa mga bagong rekomendasyon ng World Health Organisation (WHO), naglunsad ang Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) ng isang pandaigdigang proyekto na may layuning madagdagan ang bilang ng mga batang nasusuri at natutukoy na mayroong TB, mapabuti ang kanilang karanasan sa paggamot at mapigilan ang pag-usbong ng mga bagong kaso. Ang inisyatibang ito, na wala pang katulad sa nakaraang mga nagawa, ay tinaguriang "TACTiC" na ang ibig sabihi’y “Test, Avoid, Cure Tuberculosis in Children”. Ito ay susuporta sa mga proyektong magpapatupad sa mga bagong rekomendasyon ng WHO sa mahigit isang dosenang bansa sa Africa at sa Asya. Dagdag pa rito, nilalayon ng proyektong makatulong sa pagpapalawak ng kaalaman sa pamamagitan ng pag-aaral sa iba’t ibang bansa kung mabisa at posibleng gawin ang mga rekomendasyon habang isinusulong ang kanilang malawakang pagpapatupad, at ang pagbubuo ng mga mas mahusay na instrumento para sa diagnosis ng TB sa mga bata.
TB sa mga bata: ang nakakakilabot na katotohanan
Ang proyektong TACTiC, na inilunsad sa pagtatapos ng 2023, ay nakabatay sa isang nakakakilabot na obserbasyon: karamihan sa mga batang may TB ay hindi nasusuri, at 96% ng mga batang namamatay dahil sa TB ay hindi kailanman nabigyan ng karampatang lunas. Maraming dahilan ang nasa likod ng underdiagnosis ng TB sa mga bata. Maaaring ang mga clinician at ang mga programa ay nag-aatubiling magsimula ng mahabang panahon ng paggamot ng TB sa mga bata nang walang test na kukumpirma sa diagnosis. Sa kasamaang-palad, nagkakasakit ang mga bata kahit na sa kanilang katawan ay kakaunti pa lamang ang bacteria na sanhi ng TB. At wala sa kasalukuyang mga test ang may kakayahang makumpirma ang presensiya ng mga germs na sanhi ng sakit na ito. Dagdag pa rito, ang mga naisasagawang test ay nilikha para sa mga nakatatanda at kadalasa’y nakasalalay sa mga specimen gaya ng sputum, na kailangang idahak kaya’t hirap ang mga batang makapagbigay nito. Nariyan din ang mga balakid gaya ng kakulangan ng mga taong gagawa ng screening at diagnosis para sa TB sa karamihan ng mga pasilidad para sa pangunahing pangangalagang pangkalusugan, at ang kakulangan ng access sa mga diagnostic tool gaya ng mga X-ray at mga molecular test. Pangkaraniwan nang naaantala ang diagnosis ng TB sa mga bata, at dahil sila ang mga pinakananganganib na magkaroon ng seryosong uri ng TB, ang mga ganitong pagkaantala ay maaaring makamamatay.
Ang pagpapabuti ng diagnosis ng TB sa mga bata
"Malaki ang maitutulong ng mga rekomendasyong ibinigay ng WHO kamakailan lang ukol sa diagnosis ng TB sa mga bata sa pagpaparami ng matutukoy na kaso ng TB sa mga bata, at dahil dito’y mabibigyan sila ng karampatang lunas”, sabi ni Cathy Hewison, ang pinuno ng tuberculosis working group ng Doctors Without Borders. “Binibigyan nila ang mga clinician at ang mga programa para sa TB ng kumpiyansang makagawa ng desisyon upang gamutin ang mga batang may TB gamit lamang ang mga clinical sign at mga sintomas, at hindi kailangang nakabatay sa mga resulta ng mga laboratory test o X-ray kapag hindi sila maaaring makakuha nito o kung ang mga resulta ay negatibo. Ang implementasyon ng mga simpleng treatment decision algorithm ay makatutulong sa mga clinician at mga pambansang programa para sa TB sa diagnosis at paggamot ng mas maraming bata. Batay sa aming mga unang karanasan sa aming mga pilot project, ang bilang ng mga batang natutukoy na may TB ay maaaring umakyat ng limang beses dahil sa paggamit ng mga rekomendasyong ito. Subalit hindi pa laganap ang paggamit ng mga bagong rekomendasyon dahil marami pang kailangang gawin para rito”.
Nilalayon ng TACTiC project na tulungan ang mga proyekto at ang mga team ng MSF, lalo na ang mga hindi pa bihasa sa pagharap sa tuberculosis, na simulan ang implementasyon ng mga bagong rekomendasyon ng WHO at gamitin ang kanilang karanasan upang suportahan ang pagdami ng makikinabang sa mga gawain sa loob at labas ng Doctors Without Borders.
Pagkatapos ng diagnosis: isang paraan ng paggamot na nakasentro sa pasyente
Ang TACTiC ay hindi lang ukol sa pagpapabuti ng mga paraan na matutop ang TB sa mga bata, ito rin ay ukol sa paggamot at pagpigil ng pagkalat ng TB sa mga bata.
Sa paggamot sa TB ng mga bata, inirerekomenda ng WHO ang paggamit ng isang patient-centred approach. Batay sa isang points system mula sa pagtatasa ng mga sintomas na makikita sa bata, ang mga bagong rekomendasyon ay nakatutulong na maagang matutop ang sakit at mabilis na masimulan ang paggamot. Kapag ang kabuuan ng kanyang puntos ay lagpas sa threshold score, inirerekomenda na simulan na ang angkop na paggamot laban sa tuberculosis. Para sa mga pasyenteng may hindi malalang uri ng TB, maaaring ang gamitin lang nila ay ang apat na buwan na paggamot, gamit ang mga child-friendly formulation na madali nang makuha. Para sa mga bata at sa kanilang mga pamilya, ang pagbawas ng dalawang buwan sa paggamot ay malaking bagay na, sapagkat nababawasan din ang gastos nila sa pagbiyahe at ang panahong kailangan nilang ilaan para sa mga follow-up consultation. Pinapabuti nito ang karanasan ng paggamot para sa bata.
Manila, Pilipinas, 2023 © Ezra Acayan
Bagama’t matagal nang pandaigdigang layunin ang magbigay ng access sa TB preventive treatment (TPT), isa lang sa bawat dalawang TB contact na hindi bababa sa edad na limang taong gulang ang may access dito.
Sa pamamagitan ng rekomendasyon ng tatlong buwang paggamot para pigilan ang paglaganap ng sakit sa grupong it, ginawa ng WHO na mas madaling protektahan ang mga bata sa mga ganitong pangyayari upang hindi sila magkakasakit. Layunin din ng TACTiC na pagyamanin ang kaalaman at dagdagan ang access sa mga paggamot na ito.
Pagpunan sa mga puwang sa kaalaman at implementasyon
Ang mga operational research, na pinamumunuan ng team ng mga epidemiologist ng Doctors Without Borders, ang Epicentre, ay isasagawa upang matasa kung posible, katanggap-tanggap, at epektibo ang mga treatment decision algorithm sa mga komunidad kung saan kami nagtatrabaho. Mula pa noong taglagas ng 2023, ang mga pasyente na mula sa limang Doctors Without Borders projects ang sumusubok makapasok: sa Maiduguri, Nigeria; Madarounfa, Niger; Conakry, Guinea; Malakal, South Sudan; at Mbarara, Uganda. Gagawing posible ng mga lugar na ito ang pagtala ng mga paghihirap na mararanasan sa pagpapatupad ng programa at magmumungkahi ng mga solusyon kapag ang proyekto ay sinimulan na sa 25 na ibang bansa.
Bibigyan ng pagsasanay ang mga team ng Doctors Without Borders, ang Ministry of Health, at ang kanilang mga katuwang sa mga pambansang programa para sa TB. Ang mga pagsasanay ay tungkol sa mga treatment decision algorithm, interpretasyon ng mga X-ray, ang inirerekomendang paggamit ng mga stool sample, ang paghahanap sa contact case, ang pagsasagawa ng follow-up,at ang mga aktibidad na kaugnay ng pagtataguyod ng kalusugan. Gamit ang karanasan ng mga kasaling proyekto, gagawa ng isang toolkit na naglalaman ng materyales na angkop sa mga lugar kung saan nagtatrabaho ang Doctors Without Borders at ang kanilang mga kasamahan. Dagdag pa rito, ang TACTiC ay magiging bahagi rin ng adbokasiya sa pandaigdigan, pambansa at lokal na antas upang mapabilis ang implementasyon ng mga kasalukuyang rekomendasyon at magtawag para sa paglikha ng mas angkop na mga diagnostic tool.
Sa pamamagitan ng pagbahagi ng mga nakalap nilang kaalaman ukol sa pandaigdigang komunidad ng mga taong humaharap sa hamon ng TB, sinisikap ng TACTiC na tanggalin ang mga balakid sa paggamot ng mga batang may TB, at nang sa gayon ay mabawasan ang bilang ng mga batang namamatay dahil sa tuberculosis, mapabuti ang kanilang karanasan sa paggamot, at mapigilan ang pagkalat ng sakit na ito.
Ang Tuberculosis (TB) ay ang pinakanakamamatay na nakahahawang sakit sa buong mundo. Noong 2021, 4.2 milyong taong may TB ang hindi nasuri at natukoy–mahigit isa kada tatlong tao. Kapag sila’y hindi nagawan ng tamang pagsusuri, ang mga taong may tuberculosis ay hindi makakakuha ng kanilang kinakailangang paggamot.
Kailangang ibaba ng Cepheid ang presyo ng mga GeneXpert cartridge sa $5 bawat isa.