Skip to main content

    World TB Day 2023: Nadiskaril na laban kontra TB, aandar muli

    Truck driver Johnny is briefed before taking a free X-ray screening at one of MSF's active case finding sites for tuberculosis on March 13, 2023 in Tondo, Manila, Philippines.

    Ang truck driver na si Johnny ay binibigyan ng briefing bago siya kumuha ng libreng X-ray sa Doctors Without Borders active case finding para sa tuberculosis. Marso 13, 2023, sa Tondo, Maynila, Philippines. © Ezra Acayan

    Ika-24 ng Marso 2023 – Noong natanggap ni Amalia, 42 taong gulang, ang diagnosis na mayroon siyang tuberculosis (TB), inisip niya na maaari siyang matulad sa kanyang ina. "Iyon ang ikinamatay ng aking ina,” paliwanag niya, habang pinipigilan ang pag-iyak. Ngunit noong sinabi ng doktor na nagagamot naman ang TB, nangako si Amalia na tatapusin niya ang kanyang anim na buwang gamutan. 

    Nakatira si Amalia sa Tondo, Manila, kung saan ang Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) ay nakikipagtulungan sa lokal na awtoridad pangkalusugan upang maibalik ang mga tamang hakbang sa landas ng tuberculosis (TB) prevention, screening at treatment. 

    Nitong mga nakaraang taon, nagkaroon ng malalaking hadlang sa pakikibaka sa TB sa buong daigdig. Ayon sa World Health Organization (WHO), noong 2021 ay umakyat ang bilang ng mga namamatay dahil sa TB, at gayon din ang bilang ng mga nagkakaroon nito. Kabaligtaran ito ng pagbaba ng mga naturang bilang mula 2005 hanggang 2019.  Mas maliit ang bilang ng mga taong na-diagnose at ginamot, at mas kaunti rin ang resources para sa essential TB services. 

    Ang pag-aangkop ng mga estratehiya para sa TB sa panahon ng pandemya

    Tulad sa ibang bahagi ng mundo, ang pandemya ay nagdulot ng maraming hamon para sa pagharap sa TB sa Pilipinas. Ibinahagi ni Aurelien Sigwalt, Head of Mission ng Doctors Without Borders sa Pilipinas, “Noong pandemya, nabawasan ang mga serbisyong para sa TB sa buong daigdig, at malamang ay ganito rin ang sitwasyon sa Pilipinas. Habang lockdown, hindi makapagpakonsulta ang mga tao para makakuha ng diagnosis at paggamot, at sa halip ay ilang linggong nakapirmi lamang sila, sama-sama sa mga limitadong espasyo. Ito ang dahilan kung kaya’t nagpasya kaming makipagtulungan sa Manila Health Department, upang suportahan ang TB screening at sumangguni ng mga pasyenteng positibo para sa TB sa mga health center upang sila’y mabigyang-lunas.”

    MSF personnel conducts contact tracing at a household with a confirmed tuberculosis patient, at Aroma neighborhood on March 13, 2023 in Tondo, Manila, Philippines © Ezra Acayan

    Isang nanay kasama ang dalawa niyang anak. Nagsasagawa ang tauhan ng Doctors Without Borders na sina Christian Jay Hontiveros and Belen Rance ng contact tracing sa isang bahay na may pasyenteng kumpirmadong may tuberculosis. Aroma, Tondo, Manila, Philippines. March 13, 2023 © Ezra Acayan 

    Si Trisha Thadhani ay isang TB doctor ng Doctors Without Borders. Sa pakikipag-usap niya sa mga tao sa screening activities, napag-alaman niya na, “Noong 2021, hindi ganoon kadaming tao ang sinimulang gamutin, dahil ang mga health center ay nakatuon sa iba pang mga problema na walang kaugnayan sa TB. Kapag may mga pasyenteng hindi ginagamot, mas mataas ang posibilidad na makakahawa sila sa kanilang mga kasama sa bahay at mahalagang pagtuunan iyon ng pansin.”

    Ang Pilipinas ay isa sa walong bansa kung saan naroon ang mahigit sa 2/3 ng kabuuang bilang ng mga kaso ng TB sa buong mundo noong 2021; ayon sa WHO, pitong porsiyento ng mga kaso ng TB sa mundo ay mahahanap dito. Noong 2022, ang Department of Health (DOH) ay nagtala ng 372,367 na kaso ng TB.

    Ang TB screening sa Maynila 

    Sa siyudad ng Maynila, nagsimulang makipagtulungan ang Doctors Without Borders sa Manila Health Department (MHD) noong 2021. Sa pamamagitan ng pagtuon sa mga aktibidad tulad ng active case finding (ACF), health promotion at patient support para sa mga taong may TB sa mahihirap na komunidad sa Tondo, sinusuportahan ng Doctors Without Borders ang kanilang pangakong pigilan, tukuyin, at magbigay ng pangangalaga, at magsumikap na ibalik sa tamang daan ang nadiskaril na laban kontra TB. May ilang hakbang na kailangan sa screening ng mga aktibong kaso ng TB. Kabilang rito ang chest x-ray, sputum collection, at medical evaluation. Ang proseso ng screening ay sinusuportahan ng software na gumagamit ng artificial intelligence, na dinisenyo upang suriin ang mga chest x-ray at tukuyin agad ang mga sintomas ng TB. Ang computer-aided diagnosis na ito (na tinatawag din na “CAD4TBv.7”), ay tumutulong sa medical team upang matasa kung may TB ang isang pasyente, at mabigyan ito ng karampatang lunas. 

    MSF mobile TB screening in Tondo, in the city of Manila, the Philippines, March 1, 2023 © Ria Kristina Torrente

    Naghihintay ang mga taga-Barangay 133 sa libreng chest x-ray, sa Doctors Without Borders mobile screening para sa tuberculosis. Tondo, Manila, the Philippines, Marso 1, 2023 © Ria Kristina Torrente

    Bagama’t ang proyekto ay para sa buong populasyon ng Tondo, nakatuon ang ACF sa mga taong edad 15 pataas. Ang mga edad 14 pababa, lalo na ang mga nakakahalubilo ng mga kumpirmadong kaso ng TB sa komunidad, ay tinatasa rin. Paliwanag ni Trisha, “Tinitingnan namin kung sila ay nanganganib na magka-TB, o kung maaari silaing makinabang sa preventive treatment, o kung may TB na sila, kung kakailanganin silang gamutin.”

    Pagsuporta sa mga pasyente sa Tondo 

    Ang Doctors Without Borders ay nagsagawa ng screening ng mahigit 6,500 na tao mula sa iba’t ibang barangay ng Tondo nitong nakaraang sampung buwan. Karaniwang 5 porsiyento ng mga sumaillim sa screening ang kumpirmadong positibo para sa TB. Kinukumpirma nito ang ating unang pagpapalagay na maaaring umakyat ang bilang ng mga kaso ng TB pagkatapos ng pandemyang dulot ng COVID-19.    

    Patient support team on their way to visit a patient in Aroma neighbouhood, Barangay 105, Tondo, Manila, the Philippines, March 2, 2023. © Ria Kristina Torrente

    Papunta ang Doctors Without Borders patient support team sa isang pasyente sa Aroma. Barangay 105, Tondo, Manila, the Philippines, Marso 2, 2023. © Ria Kristina Torrente

    Upang pigilan ang pagkalat ng TB sa mga siksikang komunidad, nakikipagtulungan ang Doctors Without Borders sa mga health center sa Maynila, upang makita kung ang mga pasyenteng positibo para sa TB ay naisangguni na o nagsimula na ng paggamot. Kung hindi pa sila nagsisimula, inuudyukan sila ng mga Doctors Without Borders team na magsimula na at binibigyan sila ng health education at counseling kung kinakailangan. 

    Ang proseso ng paggamot ay matrabaho para sa pasyente at para sa staff. Ang pasyente ay kinakailangang sumailalim sa anim na buwang gamutan, at kasabay nito ang mga regular checkup sa health center. Inuudyukan din ng mga team ang mga kasama nila sa bahay na sumailalim din sa screening. Ang mga bata na bibigyan ng preventive treatment ay gagamutin sa loob ng tatlong buwan. Ang mga team na bumibisita sa mga komunidad ay pumupunta sa mga bahay-bahay, at ipinapaliwanag kung bakit kailangan ang screening at paggamot kahit na walang naramdamang sintomas. 

    Dagdag pa sa mga hamong hinaharap nila ang stigma at mga maling akala tungkol sa TB. Ayon kay Ash Solaiman, health promotion supervisor ng Doctors Without Borders, iniisip ng mga tao sa komunidad “na ang mga taong malamang ay may TB ay ang mga drug addict at mga naninigarilyo.” Iniisip din nila na maaari kang mahawa  sa sakit na ito sa pamamagitan ng pakikipagkamay sa o pagsusuot ng mga damit ng isang positibong may TB.  Isang importanteng bahagi ng aming ginagawa ay ang ipaalala sa komunidad kung ano ang katotohanan. Halimbawa, maaari kang mahawa kapag ang isang may TB ay bumahin, umubo, o magsalita. Hindi ito nakukuha sa paggamit ng mga ginamit nila. Nagagamot ito, kaya mahalagang sumailalim sa screening at kumpletuhin ang paggamot”. 

    Amalia, a former MSF patient, at home in the Smokey Mountain neighborhood. March 13, 2023, Tondo, Manila, Philippines © zra Acayan

    Amalia, a former Doctors Without Borders patient, at home in the Smokey Mountain neighborhood. Amalia was screened for tuberculosis in the Doctors Without Borders x-ray truck in Tondo in May 2022. A few days later, the diagnosis was confirmed in a Manila Health Department laboratory. A Doctors Without Borders patient support team contacted Amalia to tell her of the diagnosis, and to reassure her: she could recover by following a free-of-charge six-months treatment at her health center. "I immediately thought of my mother, that was the cause of her death. I thought, maybe this will kill me too." March 13, 2023 in Tondo, Manila, Philippines © Ezra Acayan

    Inilunsad ng Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) ang tuberculosis project sa Tondo, Manila, noong 2021. Ang Doctors Without Borders ay isa sa mga pinakamalaking non-governmental providers ng TB treatment sa buong mundo. Noong 2021, 17,221 na tao na nasa aming pangangalaga ang sinimulang gamutin para sa TB, kabilang dito ang 2,309 na tao na may DR-TB. Nakikipagtulungan kami sa national TB programs, ministries of health, at iba pang sangkot sa aming iba’t ibang proyekto sa buong mundo upang tiyaking may access ang lahat sa TB treatment.