Skip to main content

    Babala tungkol sa kontrabandong alak–-maaaring maging sanhi ng pagkabulag o pagkamatay

    methanol poisoning webinar

    Sa “Methanol Poisoning: The Illegal Brew That Kills” webinar, ibinahagi ni Dr Hossein Hassanian-Moghaddam, associate professor sa Shahid Beheshti University of Medical Sciences, ang kanyang mga karanasan bilang isang doktor sa Iran na tumutugon sa methanol poisoning outbreaks. Kasama niya sa webinar si Dr Chenery Lim, isang doktor ng Doctors Without Borders na nagtrabaho sa Southeast Asia upang tumugon sa mga methanol poisoning outbreaks.

    Ang impormasyong ito’y ibinahagi sa isang webinar series na katatapos lamang. Tinalakay ng serye, na pinamagatang "Overshadowed by COVID-19: Neglected Diseases in the Spotlight" ("Sa Likod ng COVID-19: Ang Mga Napapabayaang Sakit"), ang apat na sakit sa Asya na di nabibigyang-pansin ngayong may pandemya: ang hepatitis C, tuberculosis, tigdas at methanol poisoning. Ang huling yugto ng seryeng ito’y pinamagatang "Methanol Poisoning: The Illegal Brew That Kills" ("Pagkalasong Sanhi ng Methanol: Ang llegal na Alak na Nakamamatay").

    Binibigyang linaw ng diskusyong ito ang  endemikang isyung hinaharap ng mga bansang tulad ng  Iran, Indonesia at ng Pilipinas. 

    Ibinahagi ng  panauhing tagapagsalita na si Dr Hossein Hassanian-Moghaddam, isang associate professor sa Shahid Beheshti University of Medical Sciences, ang kanyang mga karanasan bilang isang doktor sa Iran na tumutugon sa methanol poisoning outbreaks. “Ang Iran ay isang bansa kung saan kasalukuyang endemiko ang methanol poisoning dahil sa pagbabawal sa alak.Karamihan sa gustong uminom ng alak ay pumupunta sa tinatawag nating black market, kung saan makakabili sila ng alak na pinalitan ang lalagyan at tatak. Hindi nila alam ang mga panganib ng sobrang pag-inom nito. Dahil sa pandemya, umakyat ang pagkonsumo ng alkohol, at hindi lamang bilang inumin. Kasama na rito ang paggamit ng mga sanitizers bilang pangontra sa impeksyon,  dahil sa maling impormasyon na maaari nitong mapigilan o magamot ang COVID-19. Ang pag-inom ng mga alak at paggamit ng hand sanitizers na may methanol ay naging sanhi ng kamatayan ng mahigit isang libong tao ngayong may pandemya. Limang porsiyento ng mga kamatayang ito ay bunga ng pagtanggap sa maling impormasyon.”

    Bagama’t  marami na ang nalalason ng methanol sa mga developing countries, kakaunti pa rin ang nalalaman ng tao ukol dito, mula diagnosis hanggang paggamot. Ito ay nagiging sanhi ng high mortality o pagtaas ng bilang ng mga namamatay.

    Kahit ako, na isang doktor, hindi ako nagkaroon ng pagsasanay ukol sa toxic na alak noong nag-aaral pa lang ako ng medisina. Marami sa aming mga doktor ang di kailanman nagkaroon ng pasyenteng lango sa alak habang kami’y nagsasanay sa mga gawaing medikal. Kadalasan, nagaganap ang mga ganitong outbreak sa mga developing countries na kulang ang kapasidad para sa pangangalagang pangkalusugan. Ito ay isa sa mga dahilan kung kaya’t hindi laging naiuulat ang methanol poisoning, partikular na sa Middle East at Asia. Karamihan sa aking mga pasyente ay mga kabataan, na sa edad na 16 o 17 ay unang beses pa lang sumubok uminom. Ang ilan sa kanila ay bulag na. Sa mga bansa kung saan ang mga healthcare workers ay di nabigyan ng pagsasanay na kilalanin ang sakit, kakaiba ang maaaring kahinatnan nito, at makadudulot ng pangmatagalang pagpapahirap sa sistema ng pampublikong pangangalagang pangkalusugan. Sa acute phase nito, maaari itong makapatay ng maraming tao.
    Dr Hossein Hassanian-Moghaddam

    Kasali ang stigma at paunang hatol sa mga nagiging  sanhi ng maling diagnosis at ang pagkawala ng buhay dahil sa methanol poisoning, ayon kay Dr. Chenery Lim, isang doktor ng Doctors Without Borders na nagtrabaho sa Southeast Asia upang tumugon sa mga methanol poisoning outbreaks.

    "May malaking stigma sa likod ng pagsabi na ito lamang ay pagkalasing o nasobrahan sa alak. Walang nakaiisip na ang kanilang mga pasyente ay, sa totoo lang, mga biktima. May paunang hatol ang mga tao sa mga umiinom ng ilegal na inumin,lalo na sa mga bansang istrikto ang kultura, o ang relihiyon.  Halimbawa,sa  Indonesia, kung saan di maaaring magbenta ng alak sa palengke, ang kadalasang pinagmumulan ng lason ay ang mga ilegal na alak, na maaaring mabili sa mga di-lisensyadong bottleshops.  Ang mababang antas ng kamulatan at ang posibleng pagkahiwalay mula sa lipunan ang pumipigil  sa mga tao na kumonsulta para sa atensyong medikal,” paliwanag ni Dr. Lim.

    Nakikita rin ang stigma sa mga ospital. Sa maraming ospital, kung kailangan mong mamili sa pagitan ng isang pasyenteng uminom ng alak at isang pasyenteng nilalagnat, pipiliin mo ang may lagnat kasi may panghuhusga na ang nakainom ay malamang, isang lasenggero. Ang mortality rate ng methanol poisoning ay mataas— 24%. Kung ikukumpara ito sa ibang sakit na maaari namang pigilan, ituturing na itong nakakaalarma ng mga medical practitioners, at agad na silang magtatawag ng emergency response. Pero dahil sa stigma at paunang hatol, di nabibigyan ng atensyon ang methanol poisoning at kaunti lang ang nakatuon dito.
    Dr Chenery Lim

    Sabi pa ni Dr. Hassanian-Moghaddam, "Ang mga pasyente ay nag-aatubili, o di pumapayag na sabihin kung sila’y uminom ng alak. Maaaring  tanungin ng doktor ang kanyang pasyente nang diretsahan, ngunit sa paraang kumpidensyal. Kailangang magsabi ng katotohanan ang pasyente upang matukoy nang tama ang karamdaman, at mabigyan siya ng angkop na lunas. Sa ganitong paraan, maiiwasan ang mga malalang side effects, at higit sa lahat, maiiwasan ang pagkawala ng buhay."

    Dahil sa kakulangan ng kamulatan at sa mga hamong hinaharap sa pagtukoy ng sakit, ang pagbibigay ng kaalaman sa mga clinicians, at maging sa publiko, ay mahalaga upang maibaba ang bilang ng mga namamatay at mas maintindihan ang sakit na ito.

    May iba’t ibang klase ng alkohol,halimbawa sa Pilipinas,may ethanol,methanol, at isopropyl,na ginagamit ng karamihan. Ang mga alkohol na ito ay may iba’t ibang katangian. Kaya naman sinusubukan ng Doctors Without Borders na itaas ang kamalayan tungkol sa isyung ito ng pampublikong kalusugan at idinidiin din ang halaga na may kamalayan ang mga clinicians tungkol sa methanol poisoning.
    Dr Chenery Lim

    "Ang pagbabago ng mga patakaran, paglapit sa mga tamang tao,paglalahad ng maaaring kahinatnan kapag pinabayaan ang sakit na ito,at  ang pagpapaliwanag na ang isang pasyenteng nangangailangan ng pangangalagang medikal dahil sa pag-inom ng alak ay dapat tingnan bilang pasyenteng nangangailangan ng atensyong medikal upang mabuhay. Kung may isang pasyente, ibig sabihi’y marami sa komunidad ang nangangailangan ng pangangalagang sasagip ng kanilang buhay," sabi ni Dr. Lim. 

    Panooring ang video ng webinar.

    Categories