Pilipinas: Ang pagharap sa epekto ng COVID-19 sa tuberculosis sa mahihirap na komunidad sa Maynila
Sina Christian Jay Hontiveros at Belen Rance, mga miyembro ng Doctors Without Borders patient support team na nagsagawa ng contact tracing ng mga kabahayang may mga kumpirmadong kaso ng tuberculosis. Aroma, Tondo, Manila, Philippines, 2023. © Ezra Acayan
Bagama’t nakatulong ang COVID-19 sa pag-angat ng kamalayan tungkol sa mga panganib ng sakit na kumakalat dala ng hangin, ang mahihinang populasyon, gaya ng mahihirap sa mga siyudad, ay nalantad sa panganib ng tuberculosis (TB) infection. Ang matagal na lockdown at ang pagkaantala ng mga serbisyo para sa TB sa Pilipinas ay nagdulot ng dagdag na panganib sa mga nakatira sa mga siksikang lugar. Bilang tugon, ang isang team ng Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF), ay nagdala ng isang screening truck upang matunton ang mga kaso ng TB sa isa sa mga lugar na may pinakamakapal na populasyon sa Timog Silangang Asya.
Nakaupo si Amalia, 42, sa harap ng kanyang munting tindahan. Sa likod ng tindahan ay ang kanyang tirahan, at ng sampu pang miyembro ng kanyang pamilya. Hindi niya binabanggit ang pangalan ng sakit na natuklasan niya noong Mayo 2022. Sa siksikang komunidad ng Tondo sa Maynila, kung saan walang pagkakataong magkaroon ng pribadong sandali, iniiwasang mabanggit ang salitang ‘tuberculosis’ sa pangambang lalayuan ka ng mga kapitbahay. Nakatira si Amalia sa Smokey Mountain, na dating tambakan ng basura. Bagama’t sarado na ang tambakang ito, naroon pa rin ang bundok ng basura kung saan may mga nakalalasong amoy na sumingaw mula 1960s hanggang 1990s.
Si Amalia, isang dating pasyente ng Doctors Without Borders, ay may maliit na tindahan sa harap ng kanyang tahanan sa Smokey Mountain. Manila. Philippines, 2023. © Ezra Acayan
Sa di kalayuan ay ang Doctors Without Borders X-ray truck na pinuntahan ni Amalia noong Mayo 2022. Sinabi ni Amalia sa Doctors Without Borders team na nilalagnat siya tuwing hapon, ngunit nawawala naman ang lagnat kapag uminom siya ng paracetamol. Kinunan ng X-ray ang kanyang mga baga at kinunan din siya ng sputum upang masuri kung mayroon siyang TB. Matapos ang ilang araw, nakumpirma ang diagnosis sa laboratoryo. Kinontak siya ng isang patient support team na binubuo ng mga nars at isang therapist. Pumunta ang team sa kanyang bahay upang sabihin sa kanya ang diagnosis at bigyan siya ng kumpyansa na gagaling naman siya kung susundin niya ang anim na buwan na libreng paggamot sa kanilang health center. Naging emosyonal si Amalia sa ibinalita nila. "Naisip ko kaagad ang nanay ko, ito ang ikinamatay niya. Naisip kong baka ito rin ang ikamatay ko."
Ang bacterium ng TB ay kumakalat sa hangin kapag ang isang taong mayroon nito ay bumahin, umubo, o nagsalita. Madali itong maipasa sa mga nakakulong na espasyo, at maaaring hindi ito lumitaw o hindi maging aktibong sakit sa loob ng ilang buwan o ilang taon.
Active case finding para sa TB sa Tondo, Manila
Mahigit 650,000 na tao ang nagsisiksikan sa Tondo, na may sukat lang na nine square kilometers sa pagitan ng pantalan at ng business district ng Maynila. Isa ito sa mga mahihirap na komunidad na may pinakamakapal na populasyon sa buong mundo. Sa loob ng halos dalawang taon, lalong naging siksikan ang mga tahanan dahil sa mga istriktong panukala noong pandemya. Nakakulong lang ang mga tao sa kanilang mga tahanan at walang pinapayagang lumabas. Sa Tondo, magkakasama ang mga magkakapamilya sa maliliit na silid kung saan walang hanging pumapasok. Dahil sarado ang mga paaralan sa buong bansa, nasa loob lang ng bahay ang mga bata sa loob ng dalawa at kalahating taon. Karamihan sa mga lalaki, na siyang mga pangunahing kumikita para sa kanilang pamilya, ay hindi nakapagtrabaho.
Ipinaliwanag ni Dr Trisha Thadhani, isang Pilipinong doktor na espesyalista para sa TB at bahagi ng proyekto ng Doctors Without Borders: "Tulad din sa ibang lugar, ang mga pagpigil sa paggalaw, ang pag-aalala tungkol sa mga panganib na kaakibat ng pagbisita sa mga pasilidad pangkalusugan, kakulangan ng medical personnel, at ang pagsara ng ilang pasilidad pangkalusugan ay nagbunga ng pagbagsak ng bilang ng diagnosed TB cases, at ng pagkaantala ng paggamot sa mga may TB.”
Maraming mga kaso ang hindi natukoy o nagamot; maraming mga tao ang nagka-impeksiyon nang hindi nila nalalaman. Sa pakikipagtulungan sa Manila Department of Health, naglunsad ang Doctors Without Borders ng TB "active case finding" project sa Tondo. Layunin nitong magsagawa ng screening, matunton ang mga contact cases, magsangguni ng mga pasyenteng positibo para sa TB sa mga local health center at tiyaking susunod sila sa rehimen ng paggamot upang makasagip ng mga buhay at maputol ang mga tanikala ng hawaan.
Mula Mayo 2022, sa pag-ayon at suporta ng mga awtoridad at ng komunidad, naglibot ang isang Doctors Without Borders mobile team sa mga barangay ng Tondo lulan ng isang trak na may dalang radiological equipment. Layunin nitong padaliin ang pagkuha ng screening, sa pamamagitan ng pagdala nito sa mga lugar kung saan nakatira ang mga tao o naghahanapbuhay. Ngunit ito’y di sapat upang maudyukan ang mga taong sumailalim sa screening.
- Dr Ruth Roxas, tagapangasiwa, active case-finding (ACF) activities
Kabilang sa kinatatakutan ay ang madiskubreng mayroon ka palang impeksiyon at lalayuan ka ng iyong pamilya at ng iyong mga kapitbahay na nangangambang sila rin ay magkakasakit o mawawalan ng trabaho. Ang pagpapagamot ay kinakailangang paglaanan ng panahon. Kailangan ng regular na pagbisita sa health center sa loob ng anim na buwan upang kumuha ng gamot, at ang transportasyon papuntang health center ay may kamahalan. "Kadalasan, ang prayoridad ay hindi ang kalusugan, kundi ang kumita ng sapat na pera upang suportahan ang pamilya," sabi ni Ruth. Ang mga Doctors Without Borders health promotion team, sa tulong ng mga lokal na awtoridad ay nagsusumikap na malagpasan ang mga hadlang na ito.
Mobile X-ray truck para sa TB screening
"Libreng X-ray para sa baga!" 8am pa lang, iyan na ang malinaw at malakas na mensaheng maririnig mo mula sa mga loudspeakers ng mga barangay sa Tondo. Araw-araw, ang mga miyembro ng team (na ang karamihan ay taga-roon din), ay naglalakad sa pasikot-sikot na eskinita upang mag-udyok ng mga taong sumailalim sa screening. Nagsasagawa rin sila ng awareness-raising sessions upang linawin ang mga maling akala tungkol sa sakit. Ilan sa mahahalagang mensahe nila ay na maaaring gamutin ang TB, at ang paggamot ay nakakapagpapababa ng posilbilidad na kumalat ang impeksiyon sa kabahayan. Ngayon, umaabot na sa 400 hanggang 450 ang mga pumupunta sa trak ng Doctors Without Borders linggo-linggo upang sumailalim sa screening.
Ang mobile x-ray truck sa isang Doctors Without Borders active case finding site para sa tuberculosis. Pilipinas, 2023. © Ezra Acayan
Si Johnny, isang drayber ng trak ay binigyan ng libreng chest X-ray sa isa sa mga aktibong case finding sites ng Doctors Without Borders para sa tuberculosis. Philippines, 2023. © Ezra Acayan
Pinoproseso ng isang staff ng Doctors Without Borders ang isang chest x-ray sa isa sa mga aktibong case finding sites ng Doctors Without Borders para sa tuberculosis. Philippines, 2023. © Ezra Acayan
Si Clark, limang taong gulang, ay binigyan ng libreng chest x-ray sa isa sa mga aktibong case finding sites ng Doctors Without Borders para sa tuberculosis. Philippines, 2023. © Ezra Acayan
Ang pagsasagawa ng screening para sa napakaraming tao gamit ang iisang X-ray machine at isang radiologist lamang ay maaaring maging mahirap kung wala ang maliit at makabagong black box. Naglalaman ito ng isang software program na gumagamit ng artificial intelligence, ang "computer-aided diagnosis" (CADx). May kakayahan itong matukoy agad kung may TB ang isang tao sa pamamagitan lang mg kanyang chest X-ray, kaya’t mapapadali nito ang proseso.
Kapag pinaghihinalaang may tuberculosis ang isang pasyente pagkatapos ng analysis ng kanyang X-ray, kinukunan siya ng sputum na pinapadala sa mga laboratoryo ng Department of Health sa Maynila, kung saan ang mga makinang tulad ng "GeneXpert" ay maaaring maglabas ng diagnosis pagkatapos lamang ng ilang araw. Dito papasok ang tulong ng Doctors Without Borders patient support team. Sasamahan nila ang mga pasyenteng kakatapos lang mabigyan ng diagnosis at hahanapin ang mga contact cases nila sa mga kabahayan. Ang paghahanap ng mga tao sa masalimuot at sanga-sangang eskinita ng Tondo ay hindi madali. Kailangan mo ng pasensiya. Minsan, kailangan mo pang dumaan sa ilang barong-barong na gawa sa yero at kahoy na kahit patong-patong lang ay milagrong hindi natutumba. Maaaring ikaw ay paligiran ng mga payat na aso na walang humpay ang pagtahol. Kakatok ka sa maraming pinto. Babalik sa pinanggalingan. Minsa’y kailangan mo pang bumalik sa susunod na araw.
Sa Pilipinas, ang Tondo ay isa sa mga pinakamahirap na lugar na may pinakamakapal na populasyon. Upang makahanap ng mga pasyente, kinakailangang dumaan ang Doctors Without Borders personnel sa mga barong-barong na gawa sa mga pinagpatong-patong na yero at kahoy. Philippines, 2023. © Ezra Acayan
Contact tracing para maiwasan ang pagkalat ng TB
Sa ganitong paraan din inudyukan ng mga Doctors Without Borders team si Amalia na simulan ang kanyang paggamot sa health center, at ang mga miyembro ng kanilang pamilya na kasama niya sa bahay ay inimbitahan din upang sumailalim sa screening. Sinuri na ang kanyang mga apo at ilalagay sila sa preventive treatment sa loob ng tatlong buwan ng doktor ng Doctors Without Borders matapos makuha ang pagpayag ng kanilang mga magulang.
"Ang mga sanggol at ang mga batang maliliit pa ang unang tatamaan ng matindi at nakamamatay na anyo ng sakit," sabi ni Trisha. "Kaya lang, ang diagnosis ng mga bata ay kumplikado kung ikukumpara sa mga matatanda, dahil hirap silang magbigay ng sputum para sa laboratory analysis. Dagdag pa rito, may mga nutritional deficiencies sa mga barangay sa Tondo, na lalong nakapanghihina sa mga bata. Ang pagprotekta sa mga bata sa pamamagitan ng mga panukalang preventative, kasabay ng paggamot sa mga matatanda na pinaghihinalaang kontaminado, ay isang prayoridad para sa amin”. Iminumungkahi ng aming mga medical team ang preventive treatment para sa contact cases pagkatapos ng clinical diagnosis para sa mga batang wala pang limang taong gulang, at pagkatapos naman ng mga skin test para sa mga batang edad lima hanggang labing apat.
Nagmamasid si Agustina habang ginagawan ng medical evaluation ang kanyang apong si Ion ni Trisha Thadhani, ang doktor ng Doctors Without Borders para sa TB. Tondo, Manila. Philippines, 2023. © Ezra Acayan
Magaling na si Amalia. Bukas na uli ang kanyang munting tindahan at maaari na niyang yakapin ang kanyang mga apo nang hindi nag-aalala.
Sa mahigit 6,400 na sumailalim sa aming screening nitong nakaraang sampung buwan, limang porsiyento ang kumpirmadong may TB. Ang mataas na bilang na ito ay sumusuporta sa aming palagay na aakyat ang bilang ng mga kaso ng TB pagkatapos ng pandemyang dulot ng COVID-19.
Patuloy ang aming mga team sa pagtunton ng mga kaso ng TB sa bawat bahay, araw-araw. "Isa lang itong patak sa dagat," sabi ni Trisha, ngunit nananatili siyang umaasa na ang puwang na naiwan pagkatapos ng pandemya ay mapupunan sa pamamagitan ng pagtutulungan ng TB control stakeholders sa Tondo, at pati na rin sa ibang mga lugar.
* https://www.who.int/en/news-room/fact-sheets/detail/tuberculosis