Pilipinas: Doctors Without Borders, nakipagtulungan sa Manila Health Department upang punan ang mga kakulangan sa gamot para sa TB sa Tondo, Manila
Sinusuri ni Dr. Trisha Thadhani, ang medical doctor ng Doctors Without Borders Tondo tuberculosis (TB) project, ang kalagayan ng kalusugan ng isang bata sa kapitbahayan ng Aroma, Barangay 105, Tondo, Manila. Ang team ay nagsasagawa ng mga active case finding (ACF) activity para sa TB sa Distrito I at II ng Tondo. 2023 © Ria Cristina Torrente
MANILA (Agosto 28) – Simula ngayong araw na ito, uumpisahan ng Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) ang pagbibigay ng mga gamot para sa tuberculosis (TB) sa 141 na pasyente sa Tondo, Manila. Ito ay bilang pagsuporta sa Manila Health Department (MHD), na nitong nakaraang taon pa nahihirapan dahil sa kakulangan ng gamot. Ito ay makatutulong sa mga pasyenteng nakabinbin ang paggamot ng ilang buwan upang makapagsimula na sa pag-inom ng kanilang mga gamot. Ito rin ay makatutulong sa mga pasyenteng nagsimula na ngunit hindi nakatapos sa kanilang paggamot dahil sa kakulangan ng stock ng mga gamot para sa kabuuang panahon ng kanilang pagpapagaling.
Mula noong Enero 2024, mahigit 300 na pasyente ang napag-alamang may TB sa pamamagitan ng mga active case-finding activity ng Doctors Without Borders sa Tondo, Manila. Bagama’t ang ilang mga pasyente ay nakapagsimula nang magpagamot, marami pa rin ang hindi makapagsimula dahil sa kakulangan ng gamot para sa TB. Dagdag pa rito, may ilang pasyenteng nagsimula na sa paggamot ngunit hindi nila maituloy ito dahil sa kakulangan ng gamot para sa continuation phase. Ito ay dahil sa kakulangan ng gamot sa mga lokal na sentrong pangkalusugan, at dahil sa kahirapan ng mga pasyente na makabili ng mga gamot para sa kanilang mga sarili. Ang mga miyembro ng komunidad ay tumatanggi sa pagdalo sa mga screening na isinasagawa ng Doctors Without Borders, dahil natatakot sila sa maaaring mangyari kung matukoy na mayroon silang TB.
Sa Distrito 1 at 2 ng Tondo, Manila, ang Doctors Without Borders ay nagpapatakbo ng mga active case-finding activity para sa tuberculosis mula pa noong 2022, sa pakikipagtulungan sa MHD. Sa pamamagitan ng proyektong ito ng Doctors Without Borders, ang TB screening ay nagiging mas madaling makuha sa mga lugar kung saan nakatira at nagtatrabaho ang mga residente ng Tondo. Ang mga team ng Doctors Without Borders ay nagbibigay ng libreng TB screening, nagtutunton ng mga household contact case, at nagsasangguni ng mga pasyenteng positibo para sa TB sa mga lokal na sentrong pangkalusugan. Tinututukan din nila ang mga pasyente upang matiyak na susundin nila ang treatment regimen at maiwasan ang paglaganap ng sakit.
Ang tamang diagnosis at paggamot, kaalinsabay ng mga kasalukuyang rekomendasyon mula sa World Health Organization (WHO) ay susi sa pagpuksa ng TB, ngunit hindi ito magagawa kung walang sapat at napapanahong supply ng gamot. HInihimok ng Doctors Without Borders ang lahat ng mga stakeholder na sangkot sa pangangalaga ng TB sa Pilipinas na maghanap ng mga pangmatagalang solusyon upang matugunan ang isyu ng kakulangan ng gamot sa bansa.
Ang kakulangan ay di lamang sa mga gamot para sa TB. Nabibinbin din ang pagbibigay ng preventive treatment dahil sa kakulangan ng tuberculin skin test (TST) na kailangang isagawa sa ibang mga bata bago sila bigyan ng preventive treatment, at sa kakulangan din ng child-friendly fixed dose dispersible tablets (FDC)—na ginagamit para sa preventive treatment ng mga batang nakasalamuha ng mga pasyenteng may TB—na kasalukuyang hindi makukuha sa bansa.
Ang Tondo ay isa sa mga lugar sa bansa kung saan may pinakamakapal na populasyon—tinatayang may mga 76,000 na tao kada square kilometer. Sa ngayon, ang Doctors Without Borders ay nakapagsagawa na ng screening ng 29,291 na tao, at mula rito’y 1,280 na pasyente ang positibo para sa TB. Ito ay indikasyon ng average positivity rate na 4.3%, na mas mataas kaysa 3% national TB positivity rate sa buong Pilipinas.
Si Agustina, kasama ang kanyang mga apo na sina Clark at Ion, sa isang medical evaluation sa isa sa mga Doctors Without Borders active case finding site para sa tuberculosis sa Tondo, Manila. © Ezra Acayan, 2023.
Sa pakikipag-ugnayan sa Manila Health Department at sa TB Prevention and Control Office ng siyudad ng Maynila, kabilang sa proyekto ng Doctors Without Borders para sa paghahanap ng mga aktibong kaso ng TB ang screening sa pamamagitan ng x-ray, computer-aided diagnosis, medical evaluation at pagkolekta ng sputum. Ang Doctors Without Borders ay nangangasiwa rin sa pagpapaalam ng diagnosis; pagpapatuloy ng paggamot sa pamamagitan ng mga regular na follow-up at pagbisita sa tahanan ng mga pasyente upang tiyakin ang kanilang pagsunod sa treatment regimen; pagtukoy sa mga close contact ng mga pasyente at hikayatin silang sumailalim din sa screening; pagsuri sa mga bata sa kabahayan ng mga pasyente upang matasa ang kanilang pagiging karapat-dapat para sa preventive treatment; at pagbibigay ng mga gamot para sa preventive treatment ng mga bata. Sa ngayon, 340 na bata na ang nagsimulang bigyan ng preventive treatment.
Ang TB ay isa sa pinakanakamamatay na nakahahawang sakit sa buong mundo, at ang Pilipinas ay isa sa sampung bansa sa mundo na may pinakamataas na TB burden. Hinihimok namin ang mga pamahalaan sa buong mundo—kabilang ang Pilipinas—na maglaan ng pagsusumikap at mapagkukunang-yaman upang mapuksa ang TB.