Koalisyon ng Time for Five, naglunsad ng pandaigdigang petisyong nakapuntirya sa kumpanyang gumagawa ng mga medical test, ang Cepheid, at ang korporasyong nangangasiwa rito, ang Danaher
Washington, DC, 22 Marso 2024—Bago pa man dumating ang World Tuberculosis (TB) Day o ang Pandaigdigang Araw para sa Pagpuksa ng Tuberculosis, ang Doctors Without Borders (MSF), isang pandaigdigang organisasyong medikal at humanitarian ay nagsagawa ng isang protesta kasama ang ibang aktibista para sa kalusugan. Ang pagpoprotestang ito ay naganap sa labas ng punong-tanggapan ng Danaher, isang korporasyon sa Estados Unidos na nagmamay-ari ng Cepheid, ang kumpanyang gumagawa ng diagnostics. Sa pamamagitan ng protesta’y hinihingi nilang ibagsak sa US$5 ang presyo ng bawat isa sa mga ‘GeneXpert’ medical test na binebenta sa mga bansang low- at middle-income, para sa mga sakit tulad ng tuberculosis (TB), HIV, hepatitis, mga sexually transmitted infection (STI) at Ebola.
Ang pagsasagawa ng testing ay ang unang hakbang upang ang may sakit ay mabigyan ng karampatang lunas at mapigilan ang pagkalat ng mga nakahahawang sakit. Kasabay ng protesta, inilunsad din ang isang pandaigdigang petisyong nakatuon sa Cepheid at Danaher. Ang koalisyong tinaguriang Time for Five ay binubuo ng 150 na organisasyon mula sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Kabilang rito ang MSF, Partners in Health at ang Treatment Action Group.
“Narito kami upang isulong na wakasan na ang pagturing sa makasagip-buhay na medical test bilang mga bagay na pagkakakitaan lang,” sabi ni Hanna Darroll, Global Health Campaign Officer para sa MSF-USA.
Ayon sa pananaliksik na inilathala ng Doctors Without Borders noong 2019, ang bawat GeneXpert test cartridge ay maaaring ibenta sa presyong $5 lamang at malaki na ang kikitain basta’t malaki ang sales volume—ibig sabihin, marami ang mabebenta. At matagal nang nakabenta ang Cepheid at Danaher nang higit pa sa inaasahang bilang. Bilang tugon sa mga protestang isinasagawa ng koalisyong Time for Five at ng mga aktibista online, inanunsiyo ng Danaher noong Setyembre 2023 na bababaan na nila ang presyo ng pangunahing test na ginagamit sa diagnosis ng TB—mula sa $10, gagawin itong $8 na lamang, na mahalagang unang hakbang. Dagdag pa ng Danaher, kukuha sila ng isang internationally accredited third party upang pag-aralan ang kanilang ginagastos sa produkto at kanilang babaguhin ang presyo ayon sa resulta ng pag-aaral, ngunit wala pang detalyeng ibinabahagi tungkol dito.
Ayon sa Global Fund, ang pagbaba ng presyo ay inaasahang magdudulot ng matitipid na $32 milyon sa isang taon, na magagamit sa pagbili ng karagdagang 3.6 milyon na test taon-taon. Ibig sabihin, mas maraming taong may TB ang maagapan dahil sa napapanahong diagnosis at paggamot. Mas maraming buhay ang maililigtas. Ngunit hindi pa rin binababaan ng Cepheid at Danaher ang presyo ng iba nilang mga test: $15 hanggang $20 para sa diagnosis ng pinakanakamamatay na uri ng TB, $15 para sa extensively drug-resistant TB, $15 para sa HIV, $15 para sa hepatitis, $16-$19 para sa mga STI at para sa Ebola, $20. Ang mga presyong ito ay 200 hanggang 400% ang itinaas sa $5 na tinatantiyang ginagastos ng Cepheid at Danaher upang makagawa ng isang test.
“Nakakabagabag sa konsensiya na kumikita ang Danaher ng sampu-sampung bilyon kada taon, at kasama rito ang kita mula sa GeneXpert samantalang ang mga taong nangangailangan nito ay hindi makakuha dahil sa masyado itong mahal,” sabi ni Saloni Fruehauf, Campaign Manager ng Access Campaign ng MSF. “Marami ang di pa nakakalimot ng mga pinagdaanan ng marami sa atin noong pandemyang dulot ng COVID-19, nang di tayo makakuha ng kritikal na test upang malaman kung tayo ay nahawaan, o kung maaari na ba tayong bumalik sa pagtatrabaho at sa mga iba nating mga aktibidad. Nakababahala ito, kaya’t nananawagan kami sa lahat ng sumusuporta sa amin at sa lahat ng may gustong wakasan ang nakamamatay na profiteering, pirmahan ninyo ang aming petisyon at samahan kaming kumbinsihin ang mga korporasyon na gawin ang tama at babaan ang presyo ng lahat ng test sa $5 bawat isa sa mga bansang low at middle-income.”
Ang GeneXpert ay isang kritikal na test na ginagamit para sa diagnosis ng mga sakit sa ‘point of care’—ibig sabihin, isinasagawa ito malapit sa kung saan nakatira ang mga tao, at kadalasan ay walang mga laboratoryo sa mga lugar na ito. Ginagamit din ito para sa diagnosis ng HIV sa mga sanggol na bagong panganak na nalantad sa virus. Ngunit ngayon, kalahati sa mga sanggol ay di na sumasailalim sa test na inirerekomenda ng WHO, gaya ng GeneXpert. Ginagamit din ang test sa diagnosis ng Ebola, at gayon din sa hepatitis C, na napakahalaga ngayong may gamot na para sa sakit na ito.Para sa TB at ang mga drug-resistant forms nito (DR-TB), nakamamangha ang kapasidad ng GeneXpert. Iyon nga lang, kakaunti pa rin ang mga taong may access dito.
Naglalagay ng hand sanitizer si Tony, edad 69, sa kamay, matapos magbigay ng sputum sample sa Doctors Without Borders mobile TB screening site sa Barangay 133 covered court sa Tondo, Manila, Pilipinas, Marso 2023. © Ria Kristina Torrente
“Masasabi nating ang mga test ng GeneXpert ay rebolusyonaryo para sa DR-TB, dahil mailalabas nila ang resulta sa loob lamang ng ilang oras, hindi kagaya noon na maaaring abutin ng hanggang tatlong buwan dahil kailangan naming ipadala ang mga sampol sa malalayong laboratoryo at hintaying tubuan ito ng bacteria,” sabi ni Dr. Muhammad Shoaib, Medical Coordinator ng MSF sa Pakistan. “Hindi sapat ang bilang ng mga taong may access sa GeneXpert testing at ang mataas na presyo ay isa sa mga pangunahing dahilan. Dito sa Pakistan, may humigit-kumulang 15,000 na kaso ng DR-TB taon-taon, ngunit 3,500 na kaso lang ang nakarehistro, na nagpapakita ng malaking puwang sa pagitan ng bilang ng mga taong nangangailangan ng testing at sa bilang ng mga aktuwal na nakakuha ng test. Ngayong lumiliit na ang pondo para sa TB, desperado kaming magkaroon ng mas abot-kayang testing.”
62% ng mga taong may TB na ipinaalam sa WHO noong 2022 ay walang access sa isang rapid molecular diagnostic test na inirerekomenda ng WHO gaya ng GeneXpert, at sa halip ay sinuri lamang sila sa pamamagitan ng sputum microscopy, isang paraang mahigit 100 taon nang ginagamit, o nakabatay lamang sa pagtatasa ng mga sintomas na kanilang nararanasan, at di sa anumang testing.
“Bago siya pumunta sa aming klinika, isang labing-isang taong gulang na batang lalaki na may DR-TB ang binigyan ng maling diagnosis at sa loob ng apat na taon ay dalawang beses siyang ginamot, pero hindi siya gumagaling,” sabi ni Dr. Shoaib. “Nang pumunta siya sa amin, nabigyan namin siya ng tamang test at sinimulan agad ang epektibong paggamot sa kanya. Ngayon, nakakapasok na siyang muli sa eskuwelahan. Bilang doktor, napakahalagang makapagbigay ng tamang diagnosis sa mga paseynte, at maibigay agad sa kanila ang tamang paggamot, para sa kapakanan ng kanilang sariling kalusugan, at para rin mapigilan ang pagkalat ng TB sa mga taong malapit sa kanila.”
Taon-taon, gumagastos ang MSF ng mahigit sa $2 milyon para sa mga GeneXpert test na ginagamit para sa mga programang medikal sa humigit-kumulang pitumpung bansa.