Roughly half a million people fall sick with MDR/RR-TB each year, and many die from it. The endTB regimens represent important alternatives for short MDR-TB treatment and complement the use of another highly effective, shorter MDR-TB regimen, called BPaLM, which is not suitable for certain populations. The endTB trial results will be presented at the Union World Conference, 15-18 November 2023, in Paris, France. India, 29 October, 2023 © Siddhesh Gunandekar/MSF
endTB Clinical Trial, Makakapagbigay ng Maraming Bagong Rehimen ng Paggamot na Makukumpleto sa Mas Maikling Panahon ng mga may Multidrug-Resistant Tuberculosis
Paris, France; Nobyembre 15, 2023 – Ang mga resulta ng clinical trial na inilabas sa kauna-unahang pagkakataon ngayong araw na ito sa Union World Conference on Lung Health ay nagpakita ng ebidensya para suportahan ang paggamit ng apat na bago at pinagbuting rehimen upang gamutin ang multi-drug resistant tuberculosis o rifampicin-resistant tuberculosis (MDR/RR-TB). Ang team— na pinamumunuan ng Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF), Partners In Health (PIH), at Interactive Research and Development (IRD) at pinondohan ng Unitaid— ay bumuo ng endTB consortium at sinimulan ang Phase III randomized controlled trial noong 2017.
India, 29 Oktubre, 2023 © Siddhesh Gunandekar/MSF
Ang MDR/RR-TB ay isang sakit na sanhi ng isang TB bacterium na hindi tinatablan ng rifampicin, ang pinakamalakas na mga first-line antibiotic, plus/minus resistance sa isoniazid. May mga kalahating milyong taong nagkakasakit dahil sa MDR/RR-TB kada taon, marami ang namamatay dahil dito. Bagama’t marami nang mga rehimen para sa MDR-TB ang kasalukuyang ginagamit sa mundo, marami pa ring tao ang ginagamot sa pamamagitan ng mga nakasanayang paggamot na matagal (umaabot hanggang 24 na buwan), hindi epektibo (59% lang ang matagumpay na nagamot noong 2018), at kadalasa’y may mga teribleng side effect, kagaya ng acute psychosis at permanenteng pagkabingi.
Ang trial ay nakapagtukoy ng tatlong bagong rehimen na maaaring kasingbisa at kasingligtas ng mga nakasanayang paggamot habang pinaiikli ang panahon ng paggamot ng hanggang two-thirds (2/3). Ang mga rehimen na endTB ang kumakatawan sa mga importanteng alternatibo para sa maikling MDR-TB treatment at punan ang paggamit ng isa pang napakaepektibo at mas maikling rehimen para sa MDR-TB, na tinatawag na BPaLM, na hindi akma para sa ilang populasyon. Kung irerekomenda ng World Health Organization, ang mga bagong rehimen sa paggamot na nakatuon sa pasyente ay magbibigay ng kapangyarihan sa mga clinician na magbigay ng mga pinaikling MDR-TB treatment ano pa man ang kanilang edad, kahit sila’y nagdadalang-tao, at kahit merong anumang mga comorbidity na karaniwan sa mga taong may MDR-TB.
Dagdag pa rito, sinusuporatahan ng trial ang paggamit ng ikaapat na rehimen bilang alternatibo para sa mga taong hindi hiyang sa bedaquiline o linezolid—mga gamot na karaniwang kasama sa mga rehimen na kasalukuyang inirerekomenda ng World Health Organization para sa MDR-TB.
Isinama sa endTB trial ang isang grupo ng 754 na pasyente mula sa pitong bansa (kabilang rito ang Georgia, India, Kazakhstan, Lesotho, Pakistan, Peru, at South Africa). Kasali rin dito ang mga populasyon na kadalasang hindi kasama sa mga trial tulad ng mga adolescent at ang mga may comorbidities gaya ng substance-use disorders, at mga kalahok na nabuntis habang sila’y bahagi ng trial. Tinasahan rin ng trial ang limang nine-month treatment regimens, at ang randomization ay inayon sa kinalabasan, ibig sabihin, maraming pasyente ang itinalaga sa mga rehimen na may mabuting resulta.
India, 29 Oktubre, 2023 © Siddhesh Gunandekar/MSF
“Nasa bingit kami ng isang mahalagang pagtatagumpay sa pakikipaglaban sa MDR, isang sakit na nakakaapekto sa mga mahihirap na populasyon sa buong mundo. Nagbibigay ng pag-asa ang aming mga resulta sa mga nangangailangan at nabibigyang-diin ang kahalagahan ng patuloy na pagsasaliksik at pagbabago—at ang pananagot ng mga pribadong kumpanya na nakatatanggap ng mga pondong pampubliko—upang tugunan ang mga sakit na kadalasang tumatama sa pinakamahihina sa atin. Ngunit ang presyo ng ilang mga gamot ay nananatiling balakid . Isang halimbawa ang delamanid na 12-40 na beses ang taas ng halaga kaysa nararapat ayon sa pagtatantiyang ginawa kung magkano ang ginugugol sa paggawa ng gamot na ito,” sabi ni Carole Mitnick, ScD, Partners In Health Director of Research para sa endTB project, Co-Principal Investigator ng pag-aaral at propesora ng Global Health and Social Medicine sa Harvard Medical School.
“Napakatagal na ng panahon na ang MDR-TB ay isang matinding banta sa kalusugan na may limitado, at nakapagpapahirap na paraan ng paggamot, ngunit ngayong araw na ito, ipakikita namin ang mga mas maikling multiple innovative all-oral regimens na pahihintulutan ang pagtuon sa pasyente at paggamot na ibinabagay sa indibidwal ng may MDR-TB. Ito ay isang mahalagang kabanata sa ating pakikibaka sa sakit na matagal nang nambibiktima ng mahihinang populasyon sa buong mundo. Ang nakakagulat pa sa mga resultang ito ay ang pagkakaiba-iba ng mga kalahok at ang pagiging pangkalahatan ng Phase III randomized controlled trial,” sabi ni Lorenzo Guglielmetti, MD, Médecins Sans Frontières Director para sa endTB project at Co-Principal Investigator ng pag-aaral.Lorenzo Guglielmetti
India, 29 Oktubre, 2023 © Siddhesh Gunandekar/MSF
“Ang mga resultang ito ay nagbibigay ng bagong pag-asa para sa mga naghihintay ng paggamot para sa pinakadelikado at pinakamahirap gamutin na uri ng tuberculosis sa buong mundo,” sabi ni Dr. Philippe Duneton, Executive Director ng Unitaid. “Nasa amin ang gold-standard research. Ang mga gamot ay maaari nang makuha kung saan man ito kailangan. Kapag inirekomenda ito, makakakuha na ang mga taong may drug-resistant tuberculosis ng mas mabuting paraan ng paggamot na naangkop sa kanila.”
Tinasa ng endTB clinical trial ang limang experimental regimens para sa MDR/RR-TB kumpara sa pamantayan na pangangalaga sa dalawang distinct analysis populations. Ang mga rehimeng 1,2,3, ng endTB ay nagpakita ng non-inferiority sa kontrol ng mga parehong primary analysis populations, isang pagpapatunay sa kanilang matagumpay na paggamot ng RR-TB. Ang rehimeng 1, 2, at 3 ay nagkaroon ng mga positibong resulta sa 89.0%, 90.4%, at 85.2% ng mga kalahok. Ang panglimang rehimen ay nagpakita rin ng malakas na pagtugon sa paggamot sa 85.6% at itinuturing itong non-inferior sa 80.7% ng control sa isa sa mga primary analysis population. Bagama’t kailangang hindi pabago-bago ang mga resulta sa dalawang populasyon upang masabi natin na may non-inferiority, inaasahang ang rehimen 5 ay magiging alternatibo para sa mga pasyenteng hindi nakatatanggap ng ibang inirerekomendang paggamot.
- UNITAID
Ang Unitaid ay tumutulong sa pagsagip ng mga buhay sa pamamagitan ng paggawa ng mga bagong produktong pangkalusugan na maaaring makuha at mabili ng mga taong nakatira sa low- at middle-income na mga bansa. May mga katuwang ang Unitaid sa pagtukoy sa mga makabagong paggamot, pagsusuri at mga kagamitan, tumutulong rin silang harapin ang mga sagabal sa merkado at mapaabot ang mga gamot sa mga taong pinakanangangailangan nito sa lalong madaling panahon. Mula noong ito’y nilikha noong 2006, ang Unitaid ay nakapagbigay na ng access sa mahigit isang daang rebolusyunaryong produktong pangkalusugan upang masolusyunan ang mga pinakamabigat na hamon na hinaharap ng mundo sa aspeto ng kalusugan, gaya ng HIV, TB, at malaria; kalusugan ng mga kababaihan at mga bata; at ang pagpigil, paghanda at pagtugon sa pandemya. Taun-taon, mahigit 170 milyong tao ang nakikinabang sa mga produktong ito. Ang Unitaid ay isa mga hosted partner ng World Health Organization.
- Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF)
Ang Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) ay isang pandaigdigang medical humanitarian organization na kumikilos nang malaya at may kasarinlan at naghahatid ng emergency aid sa mga taong apektado ng mga armadong labanan, epidemya, mga natural na kalamidad at kawalan ng pangangalagang pangkalusugan. Sa kasalukuyan, kumikilos ang Doctors Without Borders sa halos pitumpung bansa.
Mahigit tatlumpung taon nang kumikilos ang Doctors Without Borders para sa pangangalaga ng mga may tuberculosis. Noong 1999, sinimulan nito ang unang programa para sa paggamot ng multidrug-resistant TB. Ngayon, ang Doctors Without Borders ay may proyekto para sa paggamot ng TB sa tatlumpung bansa; isa ito sa pinakamalaking non-governmental providers ng paggamot ng drug-resistant TB. Noong 2022, 17,800 na tao ay sinimulang bigyan ng first-line treatment para sa TB sa ilalim ng mga programa ng Doctors Without Borders s iba’t ibang bahggi ng mundo; 2,590 na pasyente ang nagsimulang makatanggap ng drug-resistant tuberculosis treatment.
- Partners In Health
Ang Partners In Health ay isang pandaigdigang organisasyong pangkalusugan na nakatuon sa pagpapabuti ng kalusugan ng mahihirap at ang mga napapabayaan ng lipunan. Pinatitibay ng PIH ang lokal na kapasidad at sila’y nakikipag-ugnayan sa mga naghihikahos na komunidad upang sila’y mabigyan ng de-kalidad na pangangalagang pangkalusugan, masolusyunan ang mga ugat ng mga sakit, magbigay ng mga pagsasanay para sa mga healthcare provider, paunlarin ang pagsasaliksik, at itaguyod ang mga kinakailangang pagbabago sa mga global policy. Nagsimula ang PIH sa paggamot ng MDR-TB noong 1995 at mula noo’y nakapagsagawa na ito ng mga community-based treatment programs para sa MDR-TB sa iba’t ibang bansa, gaya ng Peru, Russia, Haiti, Lesotho at Kazakhstan.
- IRD
Ang IRD ay isang global health delivery at research organization na nakabase sa Dubai at nagtatrabaho sa labinglimang bansa, kasama ang mga high-burden MDR-TB na bansa tulad ng Pakistan, Indonesia, at Bangladesh. Gumagamit ang IRD team ng mga makabagong proseso at teknolohiya upang punan ang mga puwang sa mga serbisyong pangkalusugan ng mundo. Gumagamit din sila ng mga health market innovation at social business models upang maengganyo ang mga pribadong tagapagbigay sa pangangalaga ng mga sakit na tulad ng diabetes at sakit sa baga, pati ang paggamit ng performance-based incentives para sa mga community screener at sa mga treatment supporter, ang insentibo para sa pasyente upang sumunod sila sa paggamot, at sa paggamit ng mga open source information technology platforms para masubaybayan ang pangangalaga sa pasyente, at ang kalidad ng programa.
Upang magdagdagan ang iyong kaalaman tungkol sa mga resulta ng clinical trial, bisitahin ang endTB.org.