Skip to main content

    Muling nanawagan ang Doctors Without Borders sa J&J na bawiin o iabandona na ang mga patent sa makasagip-buhay na gamot para sa TB

    A 7-year-old DRTB (Drug Resistant​ Tuberculosis) patient being given her TB medication by her mother.​ India, February 2022. © Prem Hessenkamp

    Binibigyan ng gamot para sa TB si Vaishnavi, isang pitong taong gulang na pasyenteng may DRTB (Drug Resistant​ Tuberculosis), ng kanyang ina. India, 2022 © Prem Hessenkamp

    Delhi/Cape Town/ Geneva, 18 Hulyo 2023—Ngayong mawawalan na ng bisa sa India at sa karamihan ng mga bansa ang dalawampung taong primary patent ng Johnson & Johnson (J&J) para sa bedaquiline, isang kritikal at makasagip-buhay na gamot sa drug-resistant tuberculosis (DR-TB), ang Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) ay muling nanawagan sa naturang korporasyong parmasyutiko sna ianunsiyo sa publiko na hindi na nila patutuparin ang secondary patents para sa gamot na ito sa mga bansang may high burden of TB, at babawiin na nila o di itutuloy ang lahat ng mga nakabinbin na secondary patent applications para sa kritikal na gamot na ito. 

    Hiningi din ng Doctors Without Borders na mangako ang J&J na hindi nila idedemanda ang mga mag-aangkat ng generic na katumbas ng bedaquiline sa mga bansang may high burden of TB at kung saan may mga secondary patents para sa gamot na ito. Dapat itong ianunsiyo sa publiko sa UN TB Summit na gaganapin sa New York ngayong Setyembre. Ang inanunsiyo noong nakaraang linggo ng Stop TB Partnership/Global Drug Facility (GDF) tungkol sa isang kasunduan kasama ang J&J upang paunlarin ang access sa abot-kayang generic na katumbas ng bedaquiline ay isang bahagi lamang ng solusyon sa problema ng access dahil maraming mga bansang may high burden of TB ang hindi isinama rito, partikular na ang mga bansa sa Eastern Europe at Central Asia (EECA).

    Countries with high burden of TB, which are affected by J&J secondary patent on bedaquiline
    “Ang kakayahang maialok ang bedaquiline sa mga may drug-resistant TB ay isang rebolusyon sa paggamot ng nakamamatay na sakit na ito, at may makabuluhang naitutulong sa pagpapaikli ng panahon ng paggamot, pagbawas sa kailangang inuming gamot, at bilang resulta’y nababawasan din ang side effects. At dahil napapabuti rin nito ang pagsunod sa pag-inom ng gamot, nagiging mas mahusay rin ang tugon sa paggamot. Nakakangitngit naman kung ang ibang mga bansa sa Eastern Europe at Central Asia, na ang ilan sa kanila’y may mga highest burden of drug-resistant TB, ay hindi isasama sa kasunduang ito. Kung gayon ay pagkakaitan ng access sa generics ang mga taong lubos na nangangailangan ng gamot. Sa halip ng inaalok nilang solusyon para sa isang bahagi lang ng suliranin, hinihimok namin ang J&J na agad i-anunsiyo na kanila nang iaabandona, babawiin at di ipatutupad ang anumang secondary patent para sa bedaquiline sa lahat ng bansang may high burden of TB upang mas maraming buhay ang masagip ngayon.”
    Dr Zulfiya Dusmatova, Tajikistan

    Hawak ng J&J ang mga secondary patent sa hindi bababa sa 34 ng 49 na bansang may high burden of TB, TB-HIV at/o DR-TB, mga sakit kung saan ang bedaquiline ay mahalagang bahagi ng rehimen ng paggamot. Ilan sa mga bansang ito ay nasa rehiyon ng EECA. Sinubukan ng J&J na patagalin ang bisa ng patent nito sa India ng apat na tao sa pamamagitan ng pagkuha ng secondary patent, ngunit ang kanilang kahilinga’y tinanggihan ng Indian Patent Office noong Marso 2023. Sa pagwawalang bisa ng primary patent sa India ngayong araw na ito, marami na ang malayang makakagawa at makakapagbenta ng generic na katumbas ng bedaquiline at iangkat ito sa ibang bansa kung saan walang nakahahadlang na mga patent. Ang pagpapatupad ng secondary patent sa mga bansang hindi kasama sa kasunduan ay magiging sanhi ng apat na taong pagkaantala sa access sa mas abot-kayang generic na bedaquiline. Ang magiging resulta nito ay ang pag-akyat ng gagastusin sa pagpapagamot, na hindi lang lilimitahan ang access ng mga taong lubos na nangangailangan nito, kundi nangangahulugan ding mababawasan ang pondo para sa ibang mga aspeto ng pangangalaga para sa may TB. 

    Venn diagram countries with high burden TB + affected by J&J bedaquiline secondary patent

    Ang mga tableta ng bedaquiline ay kasalukuyang pundasyon ng mga rehimen ng paggamot sa TB, ito’y inirerekomenda ng World Health Organization (WHO) para sa mas mahusay, mas maikli, mas hiyang at mas epektibong paggamot ng mga may DR-TB. Ang kasalukuyang inirerekomendang paggamot na may bedaquiline ay all oral, o iniinom lahat. Anim na buwan lang ang paggamot nito, at ang cure rate ay umaabot ng 89%. Napakalaki ng pagkakaiba nito sa dating paggamot na kinakailangang gawin sa loob ng labingwalong buwan at may kasamang masasakit na iniksyon araw-araw. 

    Ang kasalukuyang presyo ng J&J para sa gamot na ito ay US$1.50/ araw para sa paggamot ng nakatatanda ($272 para sa anim na buwan). Pero ngayong hindi na pinaghihigpitan ang kakumpetensiya nitong generic, ang presyo ng bedaquiline ay inaasahang babagsak, at magiging mas malapit na sa pinupuntiryang presyo na $0.50 kada araw.  

    “Hindi ko gugustuhing maranasan ninuman, kahit ng kaaway ko, ang pinagdaanan kong paggamot sa drug-resistant TB. Hinamon namin ang kumpanyang parmasyutiko na Johnson & Johnson dahil gusto namin na ang lahat ng may kailangan ng bedaquiline ay makakakuha nito. Kapag may mas mabuting paraan ng paggamot, kailangan itong maging abot-kaya at madaling makuha ng lahat. J&J, gawin n’yo na ang tama at mangako kayo na hindi ninyo ipapatupad ang pagpapahaba ng bisa ng patent sa bedaquiline.”
    Phumeza Tisile, TB treatment activist

    Si Phumeza Tisile, na mula sa Khayelitsha, South Africa ay isang aktibista para sa paggamot sa TB. Kasama ng kapwa TB survivor na si Nandita Venkatesan mula sa India nanalo sila sa korte sa India noong Marso laban sa J&J, na noo’y sinubukang pahabain ang panahon ng kanilang monopoly sa bedaquiline sa bansa. Dahil sa mga lumang paggamot, si Phumeza ay permanenteng nawalan ng pandinig.  
     

    Inuudyukan din ng Doctors Without Borders ang kahit anong bansa kung saan ang J&J ay may patent sa bedaquiline, at hindi kasama sa kasunduan, na igiit ang kanilang mga karapatan sa ilalim ng mga patakaran ng World Trade Organization (WTO), ayon sa pagkakabalangkas nito sa ‘TRIPS’ Agreement at Doha declaration, upang malampasan ang mga balakid na ito sa pagbibigay sa mga tao ng mas abot-kayang paggamot na kailangan nila upang mapangalagaan ang kanilang buhay at d. Maaari itong gawin, halimbawa, sa pamamagitan ng pag-isyu ng ‘compulsory licenses,’ na nagpapahintulot sa iba, bukod sa patent holder na gumawa at magbenta ng gamot, o pahihintulutan ang pag-angkat ng mas abot-kayang generic version kahit na may patent ito. 

    Tondo, Manila, Philippines, 2023 © Ezra Acayan

    Sa Pilipinas, ang Doctors Without Borders ay nagpapatakbo ng isang proyekto para sa TB sa Tondo, Manila, isa sa pinakasiksikang komunidad ng mahirap sa Southeast Asia. runs a TB project in Tondo, Manila, one of the most densely populated slums in Southeast Asia. Ang aming mga team ay nagdadala ng mobile x-ray truck sa iba’t ibang komunidad, at nakipag-ugnayan sa mga lokal na awtoridad pangkalusugan upang magbigay ng libreng paggamot sa mga pasyenteng kumpirmadong may TB. 2023 © Ezra Acayan 

    “Kung hindi gagawin ng J&J ang tama, inuudyukan namin ang mga pamahalaan ng lahat ng bansa na may high burden of TB na gawin na lang ang nararapat upang makasagip ng mas maraming buhay,” sabi ni Christophe Perrin, TB advocacy pharmacist ng Doctors Without Borders Access Campaign. “Ang paghihintay ng ilang taon para mawalan ng bisa ang primary patent upang makakuha ng abot-kayang bedaquiline ay hindi na dapat ituring pang isa sa maaaring gawin.” 

    Tala mula sa patnugot: Ang mga dating inirekomendang rehimen ay hindi nagpagaling sa maraming taong may DR-TB bagama’t sumailalim sila sa paggamot na ito sa loob ng dalawang taon, na may kasama pang iniksyon araw-araw at mga gamot na naging sanhi ng mga malubhang side effects, gaya ng psychosis, permanenteng pagkabingi at palagiang pagsuka. Bukod pa rito, isang hamon ang sumunod sa napakahabang rehimen.