West Bank: Nanganganib ang access sa pangangalagang medikal habang tumitindi ang pagsalakay ng mga Israeli
Ilang ulit napinsala ang isang bahay sa kampo ng Jenin dahil sa mga marahas na pagsalakay ng mga puwersang Israeli. Kasama rito ang paggamit ng mga bulldozer sa mga paglusob mula Mayo 21 hanggang 23. Palestinian Territories, Mayo 2024. © Oday Alshobaki/MSF
Jerusalem – Ang mga malawakang paglusob ng mga puwersang Israeli sa West Bank sa Palestine at ang paulit-ulit na pagsalakay sa mga health worker, mga ambulansya, at mga pasilidad medikal ng mga militar na Israeli ay lubhang nakasasagabal sa mga taong makakuha ng pangangalagang medikal. Ito ay ayon sa pandaigdigang organisasyong medikal, ang Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF).
Ang mga pagsalakay ng mga Israeli, na nagsimula noong Agosto 28 ng umaga, ay nagdulot ng malawakang pinsala sa mga imprastraktura sa kalsada, mga network ng kuryente at supply ng tubig. Ang mga ito’y naging mga balakid sa pagpapatakbo ng Doctors Without Borders ng mga aktibidad medikal sa mga siyudad ng Jenin at Tulkarm.
Napakalimitado ng medical access sa siyudad ng Tulkarm at sa mga kampo ng mga refugee rito. Dahil sa laki ng naging pinsala sa mga imprastruktura, halos imposibleng makarating ang tulong sa mga nangangailangan. Biglaan ang mga pagsalakay, kaya’t ang mga tao’y di handang harapin ang mga kinahinatnan nito. Ayon sa mga ina, isa sa mga inaalala nila ay ang kawalan ng sapat na pagkain para sa kanilang mga sanggol. Pakiramdam ng mga residente, sila’y nakakulong at nakabukod.Doctors Without Borders staff member
“Sa kasalukuyan, ang aming staff ay nakararanas ng paghihigpit sa kanilang pagkilos upang makapagbigay ng tuwirang suporta sa mga tao. Ang naibibigay pa lang namin ay emergency psychological first aid sa Tulkarm at donasyon [ng medical supplies, gatas para sa mga sanggol, at mga lampin] sa Jenin," sabi ng Project Coordinator ng Doctors Without Borders na si Caroline Willemen.
Sa Hebron, hinaharangan ng mga puwersang Israeli ang mga nais pumasok o lumabas ng siyudad, kung kaya’t di makapagpatakbo ang mga team ng Doctors Without Borders ng mga mobile clinic at di rin nila masuportahan ang maternity clinic ng Doctors Without Borders sa labas ng siyudad. Samantala, bagama’t ang klinika ng Doctors Without Borders sa loob ng siyudad ay bukas upang magbigay ng pangangalagang medikal, nangangamba ang mga pasyenteng pumunta roon dahil sa mga blockade at pakiramdam ng kawalan ng seguridad.
Sa Jenin at Tulkarm, paulit-ulit na sinasalakay ang mga ambulansya at mga health worker, at dahil dito’y nalalagay sa alanganin ang mga aktibidad medikal. Pagkatapos ng walong araw ng paglusob, dumarami ang mga pangangailangan, lalo na sa mga kampo. Malinaw na kailangan ng karagdagang pagtugong humanitarian.
“Sa Jenin, may mga armored vehicle ang mga Israeli na nakatalaga sa mga pasukan ng ospital ng Khalil Suleiman, isang pasilidad na sinusuportahan ng Doctors Without Borders. Nakikipagbuno ang staff ng ospital upang maipagpatuloy ang mga aktibidad sa kabila ng kakulangan ng kuryente at tubig,” sabi ni Willemen.
Ikinuwento naman ng isa pang paramedic na nagsanay rin sa ilalim ng Doctors Without Borders kung paanong pinasok ng mga sundalong Israeli ang kanyang tahanan at pinagbantaan siya. “SInira ng mga puwersang Israeli ang pinto ng bahay ko. Ilang beses kong sinabi sa kanila na boluntaryo ako ng mga organisasyong medikal, ngunit kinalakadkad pa rin nila ako palabas, sinipa sa likod at pagkatapos ay tinutukan ng baril sa ulo.”
Ang mga huling pagsalakay sa West Bank ay ang mga pinakamatindi mula noong 2002. Mula Agosto 28 hanggang Setyembre 5, 39 na Palestino na ang napatay at 140 ang nagtamo ng pinsala, ayon sa Ministry of Health. Ang mga pagsalakay na ito ay bahagi lang ng mas malawak na karahasan na lubhang lumala mula noong nag-umpisa ang digmaan sa Gaza. Mahigit 652 na Palestino na ang napatay sa West Bank mula noong Oktubre 2023.
Hinihingi ng Doctors Without Borders na ano man ang mangyari, dapat protektahan ang mga sibilyan, mga health worker, mga ambulansya, mga pasilidad pangkalusugan, at mga ospital. Bilang mga mananakop, kinakailangang tuparin ng mga awtoridad na Israeli ang kanilang mga obligasyon alinsunod sa international humanitarian law upang magarantiyahan na walang hahadlang sa pagkuha ng mga tao ng pangangalagang pangkalusugan at ng iba pang mahahalagang serbisyo sa West Bank.