Skip to main content

    Palalalimin ng UNRWA ban ng Israel ang Palestinian humanitarian catastrophe

    The streets around Nasser Hospital are flooded with sewage.

    Ang mga kalye sa paligid ng Nasser Hospital sa Khan Younis ay binaha ng dumi mula sa imburnal. Ang buong drainage system ay napinsala matapos ang ilang buwan ng matitinding labanan at pambobomba ng mga puwersang Israeli. Palestinian Territories, Mayo 2024. © Ben Milpas/MSF

    Tinutuligsa ng Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) ang batas na ito na kumakatawan sa isang hindi makataong pagbabawal sa mahalagang humanitarian aid. Itinutulak ng boto ng Knesset ang mga Palestino patungo sa mas malalim na krisis na humanitarian. Mahalagang kumilos ang buong mundo upang mapangalagaan ang mga pangunahing karapatan ng mga Palestino. Ang agarang pamamagitan ng pandaigdigang komunidad ay kinakailangan upang mapuwersa ang Israel na pahintulutan ang pagkakaroon ng access sa humanitarian aid, magpatupad ng ceasefire at wakasan ang kasalukuyang kampanya ng pagwawasak sa Gaza.

     

    Ang UNRWA ay isang lifeline para sa mga Palestinian. Kung ipapatupad, ang pagbabawal sa mga aktibidad ng UNRWA ay magkakaroon ng matinding implikasyon sa malagim na makataong sitwasyon ng mga Palestinian na naninirahan sa Gaza, gayundin sa West Bank, mula ngayon at hanggang sa mga susunod na henerasyon. Mariin naming kinokondena ang desisyong ito, na siyang kulminasyon ng matagal nang kampanya laban sa organisasyon.
    Christopher Lockyear, Secretary General

    Susuportahan mo ba ang aming emergency response?

    Tulungan kaming makapagbigay ng makasagip-buhay na pangangalagang medikal sa mga emergency sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon ngayon.

    Dahil sa ipinagtibay na batas na ito, magiging halos imposible para sa UNRWA na magtrabaho sa Gaza o sa West Bank; mahahadlangan ang pakikipag-ugnayan sa mga awtoridad na Israeli at ang mga entrance permit sa mga okupadong teritoryo ay maipagkakait, at bilang resulta’y mahahadlangan ang paghahatid ng mga UNRWA aid papasok at sa loob ng Gaza. Ang UNRWA ang humahawak ng halos lahat ng pamamahagi ng mga UN aid na pumapasok sa Strip.

    Ang UNRWA ay ang pinakamalaking health provider sa Gaza. Mahigit kalahati ng populasyon ng Gaza ay nakasalalay sa UNRWA para sa mga kinakailangang serbisyo kaugnay ng pangangalagang pangkalusugan. Kabilang rito ang paggamot sa mga talamak na sakit, maternal at child health, at mga pagbabakuna. Araw-araw, nagbibigay ang mga health team ng UNRWA ng mahigit sa 15,000 na mga konsultasyon sa Gaza Strip. Ang pagpapatupad ng ban sa mga aktibidad ng UNRWA ay nagbabantang maglilikha ng malaking puwang sa mga serbisyong nakapaloob sa lubos na nawasak na sistemang pangkalusugan ng Gaza – na tuwiran at di tuwirang naglalagay ng buhay ng mga Palestino sa panganib. Kung ito’y hindi maaaksyunan agad, mas maraming Gazan ang maaaring mamatay sanhi ng mga sakit na maaari namang mapigilan, at mga kondisyong kaugnay ng pagkawala ng tirahan.
     

    Ang mga epekto ng ban sa UNRWA ay nararanasan hindi lamang sa Gaza.

    Ang mga kritikal na serbisyo gaya ng pamamahala ng mga refugee camp, mga serbisyong pangkalusugan, edukasyon, at mga programang panlipunan sa iba’t ibang bahagi ng West Bank ay nanganganib din dahil sa batas na ito. Ang batas na ito ay maaaring maging batayan ng pagkilos sa hinaharap kapag may ibang mga sitwasyon kung saan may nais tanggalin na grupong kaugnay ng UN ang mga pamahalaan ng ibang bansa.

    Ilang buwan nang nagbibigay ng babala ang ilang mga pandaigdigang pinuno at mga organisasyon, kasama na rito ang Doctors Without Borders, ukol sa maaring masamang maidulot ng mga bagong bill na ito. Gayunpaman, pinili pa rin ng Israel na ipagpatuloy ang kanilang pagpursigi sa mga hakbang na magpapahina sa mahahalagang tulong, magdudulot ng panganib sa buhay ng mga Palestino, at magpapatindi sa haharapin nilang kolektibong kaparusahan.

    Ang batas na ito ay nagdadagdag sa walang katapusang pisikal at burukratikong mga hadlang na ipinapataw ng Israel upang limitahan ang tulong na nakararating sa Gaza, at hayagang sumasalungat sa mga pahayag ng Israel na pinadadali nila ang pagpasok ng humanitarian assistance sa Strip.

    Categories