Ang pagtutulak ng mga puwersang Israeli sa mga tao mula sa hilaga patungong timog na bahagi ng Gaza ay magpapalala lamang sa humanitarian catastrophe
© Alice Gotheron/MSF
- Sa timog na bahagi ng Gaza, Palestine, dahil sa mga pag-uutos para sa paglikas at dahil sa mga pagsalakay ng mga Israeli, napupuwersa ang mga taong tumakas patungong timog.
- Dahil sa pagbobomba at pagpapalikas sa mga kapitbahayan sa hilaga, hindi na maaaring tirhan ang bahaging ito ng Gaza. Isang linggo nang walang nakakapasok dito na supplies.
- Nananawagan kami sa Israel na tigilan ang pagbibigay ng mga kautusan upang lumikas ang mga tao, at agad nang pahintulutan ang pagpasok ng humanitarian aid.
Ang mga kautusan sa paglikas na inilabas ng mga Israeli para sa ilang mga bahagi ng Northern Gaza, Palestine noong Oktubre 7, ay nagtutulak sa sampu-sampung libong tao na agad tumakas papuntang timog dahil ang kanilang kasalukuyang tirahan ay pinupuntirya na ng mga airstrike at ground offensive. Sa pinakahuling sapilitang mass displacement, ang mga residente ng Beit Hanoun, Jabalia at Beit Lahia ay hinikayat na lumipat sa timog, sa tinatawag na humanitarian zone sa pagitan ng Al-Mawasi at Deir Al-Balah, kung saan isang milyong tao ang nagsisiksikan at naninirahan sa mga kondisyong hindi makatao. Nananatili ring hindi ligtas ang lugar na ito para sa mga sibilyan at mga aid worker, sapagkat patuloy ang pagsalakay ng mga puwersang Israeli rito.
Dahil sa mga sapilitang mass evacuation at pagbobomba ng mga kapitbahayan, ang hilagang bahagi ng Gaza ay hindi na matitirhan, at ang buong hilagang bahagi ng Strip ay wala nang buhay. Nagpapalala pa rito ang hindi pagpapapasok ng humanitarian supplies mula noong Oktubre 1.
Nananawagan ang Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) sa mga puwersang Israeli na tigilan na ang paglalabas ng mga utos sa paglikas na nagiging sanhi ng pagkawala ng tirahan ng mga tao, at upang matiyak ang kaligtasan ng mga sibilyan. Dapat din nilang papasukin ang mga lubos na kinakailangang humanitarian supplies sa hilaga.
Ang pinakahuling pagkilos upang maitulak ang libo-libong tao mula sa hilagang Gaza patungong timog ay ang pagbabago ng hilaga upang gawin itong tila walang buhay na disyerto.Sarah Vuylsteke, Project Coordinator
“Bigla na lang akong sinabihan na kailangan naming lumipat mula sa tinitirhan namin sa hilaga,” sabi ni Mahmoud, isang watchman ng Doctors Without Borders, na nilisan ang Jabalia noong gabi upang makitira sa guest house ng Doctors Without Borders sa Gaza City. “Iniwan namin ang aming tahanan nang walang pag-asa, sa ilalim ng banta ng pagbobomba, mga pinapasabog na missile at mga pinapaputok na artillery. Napakahirap ng sitwasyon namin. Mas gugustuhin ko pang mamatay kaysa lumipat sa timog; naririto ang tahanan ko, at ayaw kong lisanin ito.”
Iniutos din ng mga puwersang Israeli ang pag-alis ng mga tao sa tatlong pangunahing ospital sa hilagang Gaza, ang Indonesian, Kamal Adwan at Al-Awda. Ang mga ito ay tumatakbo para sa pinakamaliit na kapasidad at may 317 na pasyenteng nasa ospital pa rin, at may mga 80 na pasyenteng nasa intensive care at hindi mailipat, ayon sa Ministry of Health. Ang tatlong pasilidad medikal na ito, pati na rin ang ibang mga bahagyang gumaganang pasilidad sa Strip, ay dapat maprotektahan.
Ang klinika ng Doctors Without Borders sa Gaza City ay nakatanggap ng 255 na pasyente nitong Linggo at Lunes lamang, dahil sa pakaunti nang pakaunti ang access ng mga tao sa pangangalagang medikal. Para sa ilang tao, hindi na posible ang makakuha ng access sa mga pasilidad pangkalusugan. Ang aming mga team ay nakatanggap ng mga ulat tungkol sa mga sugatang tao na namatay dahil sa hindi sila makakuha ng pangangalagang medikal.
Kabilang sa mga pinapalikas mula sa hilaga ay ang pitong staff ng Doctors Without Borders na nakikitira sa Gaza City. May lima pang hindi makaalis ng Jabalia, kung saan nagsasagawa pa ang mga puwersang Israeli ng mga pagsalakay.
Iniwan namin ang aming tahanan nang walang pag-asa, sa ilalim ng banta ng pagbobomba... Mas gugustuhin ko pang mamatay kaysa lumipat sa timog; naririto ang tahanan ko, at ayaw kong lisanin ito.Mahmoud, watchman ng MSF, hilagang Gaza
“Ang pinakahuling pagkilos upang maitulak ang libo-libong tao mula sa hilagang Gaza patungong timog ay ang pagbabago ng hilaga upang gawin itong tila walang buhay na disyerto, habang pinapalala ang sitwasyon sa timog, kung saan isang milyong tao na ang isiniksik sa isang maliit na bahagi ng Gaza Strip at namumuhay sa mga kondisyong kahindik-hindik,” sabi ni Sarah Vuylsteke, ang Project Coordinator ng Doctors Without Borders sa Gaza.
“Halos wala nang access ang mga tao sa tubig, pangangalagang pangkalusugan, at sa kaligtasan, kung kaya’t ang pagdagdag ng mga tao rito ay hindi na namin maisip,” sabi ni Vuylsteke. “Nitong nakaraang labindalawang buwan, ang mga tao ay nakaranas ng walang patid na pagkawala ng matitirhan, at walang humpay na pagbobomba. Tama na, kailangang tigilan na ito ngayon.”
Kamakailan lang, ang mga awtoridad na Israeli ay nagdeklara ng kaunting paglaki ng tinatawag nilang humanitarian zone, ngunit ito’y sumasailalim pa rin sa mga utos ng paglikas at hindi pa rin ito ligtas mula sa pagbobomba. Marami sa mga taong nakatira sa zone na ito ay nagdurusa mula sa mga sakit sa balat at mga respiratory infection dahil sa mga kalunos-lunos na kondisyon ng pamumuhay. Ang sitwasyon ay mas lalong nakababahala ngayong parating na ang taglamig at ang mga tao’y malalantad sa lubhang mababang temperatura.
Dapat nang tigilan ng mga puwersang Israeli ang mga kautusan sa pagpapalikas mula sa hilagang Gaza. Ang walang habas na pagpatay sa mga tao sa Gaza ay dapat nang tigilan, at dapat maipatupad sa lalong madaling panahon ang isang pananatiliing ceasefire.
Susuportahan mo ba ang aming emergency response?
Tulungan kaming makapagbigay ng makasagip-buhay na pangangalagang medikal sa mga emergency sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon ngayon.