Skip to main content

    Kailangang matapos na ang pakikidigma ng Israel sa Gaza at kinakailangan ding tigilan na ng mga kakampi nila ang pagsuporta rito

    A Palestinian mother holds her son hand in Khan Younis, Gaza Strip.

    Ipinahayag ni Rasha Misbeh, 24, isa sa mga nawalan ng tahanan sa Al Mawasi, Khan Younis, Gaza, ang kagyat na pangangailangan para sa malinis na inuming tubig dahil sa pagdurusa ng kanilang mga anak mula sa mga kumakalat na sakit sa balat. “Naaapektuhan ang lahat ng bata; wala ni isang bata ang hindi nagkakasakit.” Palestinian Territories, Agosto 2024. © Nour Daher

    Isang taon nang ang Israel, Hamas, at ang kanilang mga kakampi ay hindi nagtatagumpay na magkasundo para sa pananatiliing ceasefire sa Gaza, habang umiigting ang panganib ng isang mas malawak na digmaan sa rehiyon. Dapat nang tigilan ng Israel ang walang habas na pagpatay sa mga sibilyan sa Gaza at agad na padaliin ang paghatid ng tulong upang mabawasan ang pagdurusa ng mga tao sa Strip, pati ang muling pagbubukas ng mahahalagang border crossing, bilang pagsunod sa mga hakbang na ipinapatupad ng International Court of Justice.

    Araw-araw, ginagamot ng mga medical staff ng Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières’ (MSF) ang mga pasyenteng nasugatan dahil sa mga matitinding pagbobomba. Ang mga taong ito’y nagtamo ng mga malalang pagkasunog, mga nadurog na buto, at ang iba’y naputulan ng mga bahagi ng kanilang katawan. Mula noong nag-umpisa ang digmaan, ang mga team ng Doctors Without Borders ay nakagamot na ng mahigit 27,500 na pasyenteng nasaktan kaugnay ng karahasan, at mahigit 80% ng mga ito’y nasugatan dahil sa shelling.

    MSB199404.jpg

    Ito ang mga nawasak ng gusali sa Al-Shifa, malapit sa klinika ng Doctors Without Borders sa siyudad ng Gaza, Hunyo 2024. Ang pagkawasak na ito’y nagpapaalala ng kagyat na pangangailangan para sa humanitarian assistance sa rehiyon. © MSF

    Ang mga pagbobomba ng mga Israeli sa mga lugar kung saan marami ang mga nakatira ay nagdulot ng malaking pinsala sa populasyon. Ang aming mga team ay napilitang magsagawa ng mga operasyon nang walang anaesthesia. Nasaksihan din nila ang pagkamatay ng mga batang nakahandusay lamang sa sahig ng ospital dahil sa kakulangan ng mga kagamitan, at naranasan din nilang gamutin ang kanilang mga kasamahan sa trabaho at kanilang mga kamag-anak. Samantala, ang sistema para sa pangangalagang pangkalusugan ay sistematikong sinisira ng mga puwersang Israeli.
    Dr Amber Alayyan, medical program mgr

    Dati nang binibigyang-lunas ng mga team ng Doctors Without Borders ang mga epekto ng labimpitong taon na blockade ng Israel at paulit-ulit na pagsalakay nito sa mga tao sa Gaza. Kasama rito ang paggamot sa mga pangmatagalang pinsala, mga kondisyong kaugnay ng kalusugang pangkaisipan, at mga malubhang pagkasunog na dinanas ng mga tao roon bago pa ang Oktubre 7. Ngunit mula noong petsang iyon, habang dumadagsa ang pangangailangang sanhi ng walang patid na paglusob ng Israel sa  Gaza Strip, ang pangangalagang pangkalusugan doon ay gutay-gutay na.

    Ngayon, 17 lamang sa 36 na ospital ang gumagana, at hindi bilang kabuuan (Pinagmulan: OCHA). Ang mga partidong sangkot sa digmaan ay naglalabanan sa mga lugar na malapit sa mga pasilidad medikal, kung kaya’t nalalagay sa panganib ang mga pasyente, mga tagapangalaga, at mga medical staff. Anim na mga kasamahan ng Doctors Without Borders na ang napatay. Mula Oktubre 2023, ang mga staff at pasyente ng Doctors Without Borders ay kinailangang umalis mula sa 14 na magkakaibang istrukturang pangkalusugan, dahil sa mga seryosong insidente at mga patuloy na labanan. Sa tuwing nililisan ang isang pasilidad medikal, libo-libong tao ang nawawalan ng mapagkukunan ng makasagip-buhay na pangangalagang medikal. Ito’y makaaapekto sa kalusugan ng mga tao, di lang sa kasalukuyan, kundi pati na rin sa mga darating na linggo at buwan.

    MSB201459.jpg

    Sa Al Nasser Hospital sa Gaza, 25 hanggang 30 na ligtas na pagpapaanak ang nagagawa sa maternity department kada araw. Ang bilang na ito ay higit kaysa noong bago nagsimula ang digmaan. Ito ay isa sa kakaunting tumatakbong pasilidad para sa panganganak sa timog na bahagi ng Gaza. Palestinian Territories, Hunyo 2024. © Mariam Abu Dagga/MSF

    MSB201489

    Tapat sa kanilang tungkulin, ang mga staff ng Al Nasser Hospital, sa tulong ng suporta mula sa Doctors Without Borders, ay walang pagod sa paglilinis at paghahanda ng pasilidad para sa muling pagbubukas nito. Matapos ang anim na linggo ng pagsasaayos nito, ang ospital ay tumatakbo na ngayon nang higit sa kapasidad nito, at nagsisilbi bilang isa sa iilang ospital sa Gaza na nakapagbibigay ng essential tertiary care. Palestinian Territories, Hunyo 2024. © Mariam Abu Dagga/MSF

     

    Ang kakulangan ng mapagkukunan ng pangangalagang pangkalusugan ay lalong pinalalala ng kakulangan ng humanitarian supplies sa Gaza. Ang mga awtoridad na Israeli ay nagtatakda ng mga di malinaw at di maaasahang pamantayan para sa pagpapahintulot ng pagpasok ng supplies. At kahit na maitawid man ang mga ito sa Gaza Strip, kalimita’y hindi ito aabot sa destinasyon nito dahil sa kawalan ng ligtas at pinahihintulutang madadaanan, dahil sa mga patuloy na labanan, at pagnanakaw ng mga pagkain at iba pang mga pangunahing supply item.

    Habang dumarami ang mga pangangailangang medikal sa Gaza, limitado pa rin ang aming kapasidad sa pagtugon, dahil di kami makapasok ng sapat na humanitarian at medical supplies doon. Ang mga itinayo naming field hospital bilang huling posibleng solusyon ay pansamantalang lunas lamang para sa mga napipinsala ng digmaan at ng pagkawasak ng sistema para sa pangangalagang pangkalusugan. Pati ang pagsasaayos ng mga ito ay nahadlangan at naantala dahil sa pagpigil sa aming kakayahang makabili ng mga materyales at kagamitan. Sa ngayon, hindi kinakaya ng mga pasilidad medikal na nananatiling bukas pa ang napakalaking mga pangangailangan.
    Dr Amber Alayyan, Medical Program Mgr

    Habang kumakaunti ang nakapagbibigay ng pangangalagang medikal sa Gaza, kumakaunti rin ang mga maaaring gawin ng mga tao upang makuha ito. Ang mga kautusang lumikas ay nagtulak sa 90% ng mga tao sa mga lugar na sinasabing mas ligtas, ngunit paulit-ulit din namang binobomba ng Israel.  Ang mga tao ay hinihimok na mamalagi ngayon sa isang maliit na lupain na 41 square kilometres ang laki (Pinagmulan: OCHA), kung saan limitado ang masisilungan, pagkain at tubig. Malaki rin ang panganib ng paglaganap ng mga sakit dahil sa dami ng mga taong nagsisiksikan sa maliit na lugar. Sa dalawang milyong tao sa Gaza Strip, hindi bababa sa12,000 na tao ang may malubhang pangangailangang mailikas sa lugar kung saan makakakuha sila ng pangangalagang medikal (Pinagmulan: WHO).

    Ang medical evacuation ng mga nangangailangan, at ang paglisan ng mga Palestinong naghahanap lamang ng kaligtasan para sa kanilang mga sarili at sa kanilang mga pamilya, ay kinakailangang mapadali, nang hindi ipinagkakait ang kanilang karapatang bumalik. Habang ang nakalipas na labindalawang buwan ay puno ng mapaminsalang pagkilos, ito rin ay kinakitaan ng kahiya-hiyang hindi pagkilos.

    Isang taon nang ang mga kakampi ng Israel ay patuloy na nagbibigay ng suportang militar sa Israel, habang pinagpapapatay ang maraming bata, habang pinupuntirya ng mga tangke ang mga sinisilungan ng mga walang kinalaman sa alitan, at binobomba ng mga fighter jet ang mga tinatawag na humanitarian zone. Ito ay sinasabayan ng isang palagiang paglalahad ng pagsasawalang-bahala sa pagkatao ng mga nakatira sa Gaza at ang kawalan ng pagkakaiba ng mga military target at ng mga buhay ng sibilyan. Ang tanging paraan upang mapigilan ang mga pagpatay ay sa pamamagitan ng agaran at pananatiliing ceasefire.
    Chris Lockyear, Secretary General

    Sa kasaysayan ng mundo, pangkaraniwan na ang pag-uuna sa mga pulitikal na interes bago sa buhay ng tao.  Habang ang mga kakampi ng Israel ay nagbibigay ng pahayag sa kahalagahan ng ceasefire at sa pangangailangan ng pagpapadali ng pagpasok ng humanitarian aid sa Gaza, patuloy pa rin silang nagbibigay ng mga armas sa Israel. Partikular na rito ang Estados Unidos na bagama’t kamakailan lang ay nananawagan din para sa isang ceasefire ay patuloy pa ring pinalalabo, hinahadlangan, at pinahihina ang mga pagsusumikap na magkaroon ng ceasefire sa pamamagitan ng papel nito sa United Nations Security Council.

    Samantala, ang digmaan sa Gaza ay nagpapalala ng tensyon sa rehiyon, na sa ngayo’y umaabot na sa nakababahalang antas. Ang mga pagsalakay ng mga Israeli ay tumitindi na sa West Bank, at ngayo’y sa Lebanon, na nagiging sanhi na ng mga mapaminsalang epekto sa mga sibilyan.
     

    Ang mga panawagan ng Doctors Without Borders:

    • Kinakailangang mapatupad agad ang isang pananatiliing ceasefire.

    • Ang maramihang pagpatay ng mga sibilyan ay dapat tigilan na.

    • Ang pagwasak ng sistema para sa pangangalagang pangkalusugan at ang mga imprastrukturang sibilyan ay dapat nang tigilan.

    • Ang blockade sa Gaza ay dapat wakasan na.

    • Dapat buksan ng Israel ang mahahalagang hangganan gaya ng Rafah crossing, upang matiyak na ang mga pinalaking humanitarian at medical aid ay agad makararating sa mga nangangailangan.

    • Kailangang tiyakin ng Israel ang medical evacuation para sa mga nangangailangan ng pangangalagang medikal mula sa mga dalubhasa, pati na rin ang kanilang mga tagapangalaga, at bigyang pahintulot ang pangingibang bansa ng mga gustong maghanap ng kaligtasan sa ibang lugar, habang tinitiyak na maaari silang bumalik sa Gaza nang ligtas, hindi sapilitan, at may dignidad.

    • Ang United Nations Security Council ay kinakailangang kumilos upang matiyak ang isang ceasefire bilang tagagarantiya ng pandaigdigang kapayapaan at seguridad, at wakasan ang pagwawalang bahala nito sa kasalukuyang nagaganap na pagkawasak ng Gaza Strip.

    Susuportahan mo ba ang aming emergency response?

    Tulungan kaming makapagbigay ng makasagip-buhay na pangangalagang medikal sa mga emergency sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon ngayon.

    Categories