Skip to main content

    West Bank: Ang mga paghihigpit at karahasan ay humahadlang sa pagkamit ng mga Palestino sa Hebron ng pangangalagang medikal

    Palestinian teenager finding shelter from the sun after his home was suddenly demolished without warning in Umm al Kheir, Masafer Yatta, West Bank.

    Isang Palestinong teenager ang sumisilong upang makaiwas sa init ng araw pagkatapos biglang giniba ang kanyang tahanan nang walang babala sa Umm al Kheir, Masafer Yatta, West Bank. Palestinian Territories, Hunyo 2024. © MSF

    Hebron, Occupied Palestinian Territories – Ang mga pisikal na pinsala, trauma sa kaisipan at ang paghihigpit sa access sa pangangalagang medikal ay isang realidad na hinaharap araw-araw ng maraming Palestinong nakatira sa loob at labas ng siyudad ng Hebron sa West Bank. Ito ang babala ng pandaigdigang organisasyong medikal na Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) sa isang panibagong ulat na inilathala ngayon ding araw na ito. Sa ulat, na pinamagatang “Occupied lives: the forcible transfer of Palestinians in Hebron”, (Ang mga okupadong buhay: ang sapilitang paglipat ng mga Palestino sa Hebron), idinetalye ng Doctors Without Borders ang matuling pagkasira ng access sa pangangalagang medikal ng mga Palestino sa Hebron dahil sa mga paghihigpit na itinalaga ng mga puwersang Israeli at sa karahasan na kagagawan ng mga sundalong Israeli at ng mga dayo. 

    “Ang mga paghihigpit sa paglalakbay, panliligalig at karahasan ng mga puwersang Israeli at ng mga dayo ay nagdudulot ng matindi at hindi nararapat na pagpapahirap sa mga Palestino sa Hebron,” sabi ng Humanitarian Affairs Manager ng Doctors Without Borders na si Frederieke van Dongen. 

    “Ito ay may malubhang epekto sa pisikal na kalusugan at kalusugang pangkaisipan ng mga tao.”

    Ang mga klinika ng Ministry of Health sa iba’t ibang bahagi ng governorate ng Hebron ay napilitang magsara, ang mga parmasya ay naubusan ng gamot, at ang mga ambulansyang naghahatid sa mga may sakit at sugatan ay hinaharangan o sinasalakay. Dahil sa mga paghihigpit sa kanilang paglalakbay at sa mga banta ng karahasan, marami sa mga may sakit ang ipinagpapaliban ang pagkonsulta sa doktor o di kaya’y dahil wala na silang magawa, itinitigil na lang nila ang pagpapagamot. Dagdag pa rito, ang mga pamilya sa iba’t ibang bahagi ng Hebron ay nakararanas ng kahirapang pinansiyal matapos silang mawalan ng kabuhayan, kung kaya’t napipilitan silang kanselahin ang kanilang health insurance, limitahan ang kanilang kinakain at huwag nang bumili ng mga kailangan nilang gamot, dahil hindi na sapat ang kanilang pera.

    Sa pamamagitan ng mga patotoo ng mga pasyente at ng mga komunidad ng mga Palestino na sinusuportahan ng Doctors Without Borders, inilalahad ng ulat ang mga kinahinatnan ng mga paghihigpit na itinalaga ng mga Israeli at ang mga pisikal na karahasan sa access ng mga Palestino sa pangangalagang medikal at inilalarawan ang nakapanlulumong epekto nito sa pisikal at sikolohikal na kalagayan ng mga tao. 

     

     

    Isa sa pinakamahigpit na lugar sa West Bank ay kilala sa tawag na H2. Dito, may 21 na permanenteng checkpoint na pinatatakbo ng mga puwersang Israeli upang kontrolin ang paglalakbay ng mga residenteng Palestino at maglagay ng mga balakid sa mga healthcare worker na nais magkaroon ng access sa lugar. Dalawang buwan pagkalipas ng Oktubre 7, ang mga klinika ng Ministry of Health sa loob ng H2, maliban sa isa ay napilitang magsara. Ito ay dahil karamihan sa mga staff ng Ministry of Health ay hindi pinapayagang dumaan sa checkpoint ng mga Israeli papasok ng H2.  

    “Walang mga klinikang bukas sa H2 sa kasalukuyan. At kahit mayroon man, takot ang mga residenteng mamatay dahil lamang sa pagkuha ng gamot,” paliwanag ng isang staff member ng Doctors Without Borders na nakatira rin sa H2. Sinabi niya ito noong Nobyembre 2023 matapos harangan ng mga puwersang Israeli ang mga staff ng Ministry of Health, kung kaya’t nawalan sila ng access sa lugar at napilitang isara ang kanilang mga klinika.

    “Hindi ka puwedeng magkasakit dito, ipinagbabawal iyon.”

    “In the months directly following the attacks of 7 October, movement restrictions and violence in the H2 area of Hebron city were so intense that patients resorted to climbing over fences and rooftops, at the risk of their lives, just to access healthcare,” says van Dongen.

    “Sa mga buwan pagkatapos ng mga pagsalakay noong Oktubre 7, ang mga paghihigpit sa paglalakbay at karahasan sa H2 ay napakatindi kung kaya’t ang mga pasyente’y kailangang umakyat sa mga bakod at bubong, at ilagay ang kanilang buhay sa panganib, para lang makakuha ng pangangalagang pangkalusugan,” sabi ni van Dongen.

    Ang patuloy na banta ng karahasan ay pabigat sa kalusugang pangkaisipan ng mga tao, sabi ng isang staff ng Doctors Without Borders. “Kapag dumarating ang mga sundalo sa gabi upang looban ang mga bahay, nagkukubli ang aking mga anak at asawa sa likod ko upang maprotektahan ko sila, ngunit hindi ko kayang gawin iyon,” sabi ng isang pasyenteng Palestino sa Masafer Yatta, South Hebron Hills. “Nasa kanila ang kapangyarihan; maaari nilang gawin kung anuman ang gusto nila.”

    The herding communities are forced to keep their sheep within the community because they cannot go into the mountains for natural grazing due to increased violence and movement restrictions by Israeli forces and settlers.

    Napipilitan ang mga pastol na huwag dalhin sa labas ng komunidad ang kanilang mga alagang tupa upang manginain. Hindi sila maaaring pumunta sa mga kabundukan dahil sa paglala ng karahasan at sa paghihigpit ng mga puwersang Israeli at ng mga dayo. Palestinian Territories, Pebrero 2024. © MSF

    Binibigyang-linaw rin ng ulat ng Doctors Without Borders ang puwersahang paglikas mula sa governorate ng Hebron. Ang mga mapilit at marahas na patakaran at gawi ng mga opisyal na Israeli at ng mga dayo ang tumutulak sa maraming pamilyang Palestino na lisanin ang kanilang mga tahanan kung kaya’t ito’y maituturing na puwersahang paglikas, sabi ng Doctors Without Borders. Inilarawan ng ulat kung paanong, mula noong Oktubre 2023, ang mga team ng Doctors Without Borders ay tumugon sa mga kagyat na pangangailangan ng mahigit 1,500 na Palestino sa Hebron na napilitang umalis mula sa kanilang komunidad, o di kaya’y lumisan dahil giniba ang kanilang mga bahay at winasak ang kanilang mga ari-arian. 

    “Bilang mga mananakop, mayroon silang mga responsibilidad na dapat tupdin. Ngunit hindi nagagawa ng mga opisyal ng Israel ang kanilang mga obligasyon sa mga Palestino,” sabi ni Dongen. 

    Ang mga patakaran ng mga Israeli na ipinatupad sa Hebron ay marami nang pangmatagalang epekto sa pisikal na kalusugan at kalusugang pangkaisipan ng mga Palestino. ”Nananawagan kami sa mga opisyal na Israeli na tiyaking walang hadlang ang mga Palestino sa pagkuha ng pangangalagang pangkalusugan at iba pang kinakailangang serbisyo, na protektahan nila ang mga Palestino laban sa puwersahang paglikas, at padaliin ang kanilang ligtas na pagbabalik sa kanilang mga tahanan.”

    Categories