Gaza: Inilalagay ng mga kondisyon ng pamumuhay sa matinding panganib ang buhay ng mga batang Palestino, at ng mga bagong panganak na sanggol
Nakaupo ang isang ina katabi ng kanyang anak na malnourished sa Nasser Hospital na sinusuportahan ng Doctors Without Borders. Sa Gaza, maraming mga bata ang nagdurusa dahil sa matinding malnutrisyon at nanganganib ang kanilang mga buhay. Palestinian Territories, Oktubre 2024. © MSF
Matapos ang mahigit isang taon ng walang habas na mga labanan at pagwasak sa Gaza, nasaksihan ng mga team ng Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) kung paanong ang mga kahindik-hindik na kondisyon ng pamumuhay, ang mga pagsalakay sa mga lugar na malaki ang populasyon, ang kakulangan ng access sa pagkain, at paulit-ulit na pagkawala ng tirahan ay nauuwi sa mga malulubhang isyung pangkalusugan ng mga batang Palestino, mga bagong panganak na sanggol, at mga ina.
Ginagamot namin ang mga sanggol na may mga nakahahawang sakit, mga respiratory disease, at mga sakit sa balat. Nakakita na kami ng mga kasong ganito bago pa man nagsimula ang digmaan, ngunit ngayon, mas marami na ang lumilitaw na kaso, at patuloy na umaakyat ang mga bilang nito.Dr. Mohammad Abu Tayyem, Pediatrician
“Nagsisiksikan na sila sa departamento, kabilang ang mga batang may acute pneumonia,” pagpapatuloy ni Dr. Mohammad Abu Tayyem, isang pediatrician ng Doctors Without Borders na nagtatrabaho sa Nasser Hospital sa South Gaza, kung saan mahigit 300 na batang pasyente ang ginagamot araw-araw.
Ang mga team ng Doctors Without Borders ay nahaharap sa nakapupuspos na bilang ng mga pasyente: sa pagitan ng Hunyo at Oktubre 2024, 3,421 na sanggol at mga batang wala pang limang taong gulang ang ginamot ng Doctors Without Borders sa inpatient paediatric ward ng Nasser Hospital. Halos sangkapat (22%) ng mga ito ay nagkaroon ng diarrhoea at 8.9% naman ang may meningitis. Sa panahon ding iyon, 168 na mga sanggol na wala pang isang buwan, at mahigit sa 10,800 na bata sa pagitan ng 1 at 5 na taong gulang ay nakatanggap ng konsultasyon sa emergency room ng Nasser Hospital para sa mga impeksyon sa upper respiratory tract. Bukod pa rito, may mga 1,294 na batang edad 1–5 na taong gulang ang tinanggap sa Nasser para sa mga impeksyon sa lower respiratory tract, at 459 sa kanila ay mga kaso ng pulmonya.
Ang mga siksikang tolda sa Attar sa Khan Younis, South Gaza, kung saan ang mga pamilyang nawalan ng tirahan ay namumuhay nang may limitadong access sa mga pangunahing pangangailangan gaya ng tubig, pagkain at mga kasuotan. Palestinian Territories, Nobyembre 2024.
Susuportahan mo ba ang aming emergency response?
Tulungan kaming makapagbigay ng makasagip-buhay na pangangalagang medikal sa mga emergency sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon ngayon.
Pinuksa ng isang taong digmaan ang sistemang pangkalusugan at access sa pangangalaga
Sa tinatawag na “humanitarian zone” kung saan ang mga populasyong nawalan ng tirahan ay nagsisiksikan, nagbibigay ang Doctors Without Borders ng neonatal, obstetric, at paediatric care sa tatlong Primary Healthcare Clinic (PHCC) at sa Nasser Hospital, kung saan naroon ang tanging gumaganang maternity ward sa timog ng Gaza. Sa 36 na ospital sa Gaza, 17 lang ang nananatiling bahagyang gumagana hanggang noong Nobyembre 19 (Pinagmulan: OCHA).
Ang mga ina sa Gaza ay nakikipagsapalaran tuwing dinadala nila ang kanilang mga anak sa iilang ospital at mga health centre na gumagana pa. Napipilitan silang bumiyahe nang malayo sa mga hindi ligtas na ruta nang naglalakad lamang o lulan ng kariton na hila ng isang hayop, sa mga maalikabok at siksikang lugar upang makarating sa mga pasilidad medikal. Sa mga biyaheng ito nalalantad ang mga bata at mga sanggol sa mga panganib ng mga sakit. Makatanggap man sila ng paggamot, babalik din naman sila sa hindi malinis na kapaligiran, na nagdudulot ng patuloy na pagkasira ng kanilang kalusugan at ng kanilang kakayahang gumaling.
Dahil sa kondisyon ng pamumuhay na hindi sapat para sa kanilang mga pangangailangan, kakulangan sa mga produktong pangkalinisan at mga pagkain, at ang palagiang pagdanas nila ng stress, maraming mga ina – na malnourished din – ang nagluwal ng mga sanggol na kulang sa buwan, at ito’y nakadadagdag sa panganib na makaranas sila ng mga postpartum complication. Ang krisis na ito ay pinalala pa ng kakulangan ng mga mahahalagang medical at non-medical supply sa mga pasilidad at sa mga ospital.
Naghahanda ang isang ina ng kakainin ng kanyang pamilya at mga kamag-anak. Isinasalin niya ang isang lata ng green beans sa kumukulong tubig. Palestinian Territories, Nobyembre 2024.
Ang mga mas malamig na temperatura ay nagdadala ng mga bagong panganib sa kalusugan
Ang mga pamilya ay nagsiksikan sa mga tolda o sa ilalim ng mga plastic sheeting at iba’t ibang klaseng tela. Kulang sila sa mapagkukunan ng malinis na tubig, sanitation, mga gamit para sa personal na kalinisan gaya ng sabon at iba pang pangunahing pangangailangan. Lumalala ang mga kondisyon nila dahil sa paparating na taglamig at pagbagsak ng temperatura, na nagdadagdag sa panganib ng pagkakaroon ng mga sakit sa balat at respiratory infection, scabies, acute diarrhoea, at mga viral infection, lalo na sa mga bagong panganak na sanggol at sa mga bata.
Dagdag pa rito, ang pag-akyat ng mga presyo dahil sa matinding pagbawas ng pumapasok na aid sa Gaza Strip, hindi abot-kaya ng mga tao ang mga masustansyang pagkain, kung kaya’t tumataas ang antas ng malnutrisyon lalo na sa mga sanggol at mga bata. Ang kawalan ng hadlang sa pagpasok ng humanitarian aid sa Gaza ay isang mahalagang solusyon upang mabawasan ang pagdurusa ng mga taong hindi makaalis sa Strip. Ito ang makatutulong sa pagpaparami ng medical at non-medical supply na makasasagip ng buhay sa mga komunidad.
Dahil wala silang gas para sa pagluluto, napilitan ang isang ina na sindihan ang apoy gamit ang plastic upang makapaghanda ng pagkain para sa kanyang mga anak. Nakahahanap siya ng mga alternatibong paraan upang pakainin ang kanyang pamilya sa gitna ng kalunos-lunos na mga kondisyon. Palestinian Territories, Nobyembre 2024.
“Wala akong mga lampin para sa aking anak”, sabi ni Yasmin, ang ina ng isang batang ginagamot sa Nasser Hospital. “Ni hindi ko siya madamitan nang maayos; nakabalot lang siya sa isang plastic bag, kung kaya’t ang kanyang balat ay lalong nalalantad sa mga impeksyon at pamamantal. Ang pamumuhay sa isang tolda ay naglalantad sa aking mga anak sa mga kondisyong hindi nakabubuti, at natutulog pa sila nang walang maayos na higaan.”
“Ang panahong ito ay napakahirap at napakatagal. Mahigit isang taon na ang nakalipas mula noong nag-umpisa ang digmaan, at matindi ang epekto nito sa lahat lalo na sa mga batang nasa yugto pa lang ng paglaki,” sabi ni Dr. Abu Tayyem. “Ito ay dahil sa kakulangan ng masustansyang pagkain, na nakaaapekto sa kalusugan at immune system ng mga sanggol at mga bata, kung kaya’t sila’y nagiging mahina laban sa mga nakahahawang sakit.”
Sabi ni Yasmin, “Laging umuubo ang anak ko. Madalas akong nasa ospital. Ang anak ko ay hindi tumatawa, hindi naglalaro, at hindi umiinom ng gatas. Tulog lang siya nang tulog. Sabi ng doktor kailangan siyang ilayo sa apoy upang pigilan ang kanyang pag-ubo. Ngunit paano naman namin gagawin iyon? Gumagamit kami ng apoy para sa lahat ng niluluto namin.”
Naglalakad si Bilal Abu Saada, isang Infection Prevention and Control (IPC) Assistant Nurse, sa mga pasilyo ng paediatric department ng Nasser Hospital, isang pasilidad na sinusuportahan ng Doctors Without Borders sa timog ng Gaza. Palestinian Territories, Oktubre 2024. © MSF
Upang tugunan ang dumaraming pangangailangang medikal sa Khan Younis, South Gaza, sinusuportahan ng mga team ng Doctors Without Borders ang paediatric department sa Nasser Hospital, kabilang rito ang emergency room (ER), pediatric intensive care unit (PICU) na may siyam na kama at ang newborn intensive care unit (NICU) na may 23 na kama.
Ang mga aktibidad ng Doctors Without Borders sa pediatric, neonatal at obstetric care ay isa lamang patak sa karagatan ng mga pangangailangang medikal sa Gaza. Ang agaran at permanenteng ceasefire sa Gaza ay ang tanging solusyon upang maibsan ang pagdurusa ng populasyon ng Gaza at tiyakin na ang mga tao ay may access sa pangangalagang pangkalusugan at humanitarian aid.