Skip to main content

    Jordan: Ang mahabang daan tungo sa paggaling ng mga batang sugatan mula sa digmaan sa Gaza

    Gaza patient Amman Hospital

    Si Karam, 17, ay sumasailalim sa isang physiotherapy session sa reconstructive surgery hospital ng Doctors Without Borders sa Amman. Nagtamo siya ng matinding pagkasunog sa kanyang mukha at sa ibang mga bahagi ng kanyang katawan, at ng seryosong pinsala sa kanyang braso, pagkatapos matupok ang kanilang bahay ng airstrike ng mga Israeli. Jordan, Agosto 2024. © Moises Saman/Magnum Photos

    Pumapasok ang sinag ng araw sa maliit na bintana ng silid sa ospital, at naguguhitan ng init nito ang mukha ni Karam, 17 na taong gulang. Kitang-kita ang mga puting peklat sa kanyang kaliwang pisngi. Dahan-dahan siyang bumangon sa pagkakahiga. Nagpapagaling si Karam sa ospital ng Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) sa Amman, Jordan. Gamit ang kanyang kanang kamay, kinabitan niya ang kanyang kaliwang braso ng mahabang piraso ng plastik na kulay-balat.

    “Sabi nila, kapag namatay ka na raw, maririnig mo pa rin ang mga boses ng ibang mga tao habang ika’y inililibing, at maririnig mo pa rin ang kanilang mga dasal at ang kanilang mga yabag habang sila’y naglalakad papalayo mula sa iyong huling hantungan,” sabi ni Karam. 

    “Noong sakay ako ng ambulansya, naramdaman ko ang mga dinadaanan naming speed bump, pero hindi ko maimulat ang aking mga mata. Naririnig ko pa rin ang mga boses sa aking paligid, kaya’t nangamba ako, nangambang baka ako’y patay na.”

    Noong Pebrero 14, 2024, isang Israeli airstrike ang tumupok sa bahay nina Karam sa Gaza. Namatay ang halos buong pamilya niya, maliban na lamang sa kanyang pitong taong gulang na kapatid na babae, si Ghina, at ang kanyang amang si Ziad. Matindi ang mga pinsalang tinamo ni Karam, at nasunog ang kanyang buong mukha at katawan. 

    Noong araw na iyon, ang Al-Aqsa Hospital ay napuspos sa dami ng mga nasaktan dahil sa pagbobomba ng mga puwersang Israeli sa kampo ng Nuseirat sa Central Gaza. Pagdating ni Karam sa ospital, sinubukan ng emergency room team na pabalikin ang kanyang malay, ngunit hindi sila nagtagumpay.  

    Pagkalipas ng isang oras, pumasok sa emergency room ang tiyuhin ni Karam, na nagtatrabaho bilang nars sa Al-Aqsa Hospital. Napagtanto niyang humihinga pa ang kanyang pamangkin. Isinugod niya si Karam sa operating theatre, kung saan binigyan siya ng Doctors Without Borders staff ng CPR at emergency surgery, at nasagip ang kanyang buhay.

    Gaza patient Amman Hospital

    Si Karam, 17, ay sumasailalim sa isang physiotherapy session sa reconstructive surgery hospital ng Doctors Without Borders sa Amman. Jordan, Agosto 2024. © Moises Saman/Magnum Photos

    Ang kanyang ama na si Ziad, isang sikolohista ng UNRWA, ay nagtatrabaho sa isang refugee centre noong tinamaan ng airstrike ang kanilang tahanan sa Nuseirat. 

    “Noong nalaman ko ang tungkol sa strike, humangos ako papunta sa Al-Aqsa, kasi sabi ng kapitbahay namin, dinala raw doon sina Ghina at Karam,” sabi ni Ziad. “Sa emergency room, nagkalat ang mga sugatan, at nakahandusay lang sila sa sahig. Nakita ko ang aking anak na si Ghina. Mayroon siyang mga first-degree burn sa kanyang mukha, balikat at likod.”  

    Sa sobrang lakas ng bombang bumagsak sa kanilang bahay, ang labi ng kanilang tirahan ay hinigop ng lupang kinatatayuan nito. Labintatlong miyembro ng kanyang pamilya ang nasawi. Kabilang rito ang kanyang asawa, ang kanyang bunsong anak na si Mohammed at ang kanyang panganay na si Tareq, na bumibisita lang noon mula sa Russia, kung saan nag-aaral siya ng dentistry.  

    Noong dinala si Karam sa emergency room, hindi ko siya nakilala agad. Wala na siyang katangiang pantao. Wala na siyang suot na damit. Ang katawan niya ay itim na itim. Nakapikit ang kanyang mga mata.
    Ziad, ama ni Karam

    Nang matatag na ang kondisyon ni Karam, ang Doctors Without Borders at Ministry of Health staff ng Al-Aqsa Hospital ay nagsagawa ng anim na plastic surgery sa sunog na katawan ni Karam. Pitong araw siyang nasa coma. 

    Noong kalaunan, inilipat siya sa Emirati Floating Hospital sa Al-Arish, Egypt, bago siya dinala sa reconstructive surgery hospital ng Doctors Without Borders sa Amman. Dito ay nakatatanggap siya ng komprehensibong rehabilitasyon, kasama ang kanyang kapatid at iba pang mga pasyenteng inilikas mula sa Gaza. 

    Libo-libong pasyenteng nangangailangan ng espesyal na pangangalagang medikal ang hindi makaalis sa Gaza

    Ang maliit na bilang ng mga pasyenteng mula sa Gaza na nakatatanggap ng rehabilitasyon sa ospital ng Doctors Without Borders sa Amman ay isang halos hindi mapapansing alon sa malalim na karagatan ng mga pangangailangan sa buong Gaza Strip.  

    “Mula sa aming karanasan sa reconstructive surgery hospital sa Amman, kung saan ginamot namin ang mga nagtamo ng pinsala dahil sa digmaan sa rehiyon sa loob ng halos dalawampung taon, alam naming may apat na porsiyento sa mga taong nagtamo ng mga pinsala ang mangangailangan ng reconstructive surgery,” sabi ni Moeen Mahmood Shaief, ang Head of Mission ng Doctors Without Borders sa Jordan.

    “Sa kaso ng Gaza, halos 100,000 na tao ang nagtamo ng pinsala mula noong Oktubre 7, kaya’t may mga 4,000 na tao sa Gaza ang mangangailangan ng reconstructive surgery at komprehensibong rehabilitasyon,” sabi niya.

    Ayon sa World Health Organization, 41,000 na tao ang napatay sa Gaza sa loob ng halos labindalawang buwan simula noong nag-umpisa ang digmaan noong Oktubre 7, 2023. 95,000 na tao ang nagtamo ng pinsala, at may hindi bababa sa 14,000 ang nangangailangan ng medical evacuation.

    Ang pagsangguni ng isang sugatang pasyente sa pasilidad sa ibang bansa ay isang mahaba at kumplikadong proseso. Ang mga batayan ng mga awtoridad na Israeli sa pagbibigay ng pahintulot sa mga pasyente ay hindi malinaw, at kadalasan ay ilang buwan pa ang hihintayin para sa kasagutan. Halos 60% ng mga kahilingan para sa medical evacuation mula sa Gaza ay hindi pinagbibigyan, ayon sa World Health Organization. Kasama na rito ang mga kahilingang ilikas ang mga batang pasyente at ang kanilang mga tagapangalaga, ayon sa Doctors Without Borders.

    “Sa walong kasong inirekomenda namin para sa medical evacuation noong Agosto, tatlo lamang ang naaprubahang kasama ang kanilang mga tagapangalaga,” sabi ni Dr. Hani Isleem, ang Project Coordinator ng Doctors Without Borders para sa mga medical evacuation sa Gaza.

    “Susubukan namin uli, ngunit malinaw na hindi nila aaprubahan ang lahat ng pasyente. Maaaring ito’y dahil sila’y hindi nagtitiwala sa mga nakatatandang umaalis mula sa Gaza Strip, ngunit maging ang pagdududang ito’y hindi sapat na paliwanag upang tanggihan nila ang paglikas ng mga bata.” 

    Nananawagan ang Doctors Without Borders sa mga awtoridad na Israeli na tiyakin ang mga medical evacuation ng mga Palestinong nangangailangan ng espesyal na pangangalagang medikal, kasama ang kanilang mga tagapangalaga, at tiyakin din na ang mga ibang estado ay makatatanggap din ng paggamot sa labas ng Gaza, habang ginagarantiyahan ang ligtas, boluntaryo at may dignidad na pagbabalik ng mga pasyente at ng kanilang mga tagapangalaga sa Gaza.

    Gaza patient Amman Hospital

    Si Hazam, 8, ay naglalakad kasama ang kanyang ina na si Eman at ang kanyang kapatid na si Deema sa isang pasilyo sa reconstructive surgery hospital ng Doctors Without Borders sa Amman. Si Hazam ay nagtamo ng seryosong pinsala noong Oktubre 10, 2023, noong binomba ang katabi nilang bahay. Nasa kalye siya noon, nang nabagsakan ng metal ang kanyang binti. Jordan, Agosto 2024. © Moises Saman/Magnum Photos

    Ang kuwento nina Deema at Hazem

    Si Deema, 11, at ang kanyang pamilya, ay nasa kanilang bahay sa Gaza City nang ang katabi nilang bahay ay tinamaan ng isang airstrike noong Oktubre 10, 2023. Nasa ikaapat na palapag noon si Deema, at karga-karga niya ang kanyang pamangkin habang ang gusali ay gumuguho sa kanilang paligid. Nahulog si Deema mula sa ikaapat hanggang sa unang palapag. 

    “Napakadilim sa ilalim ng pagguho,” sabi ni Deema. “Hindi ko maimulat ang aking mga mata at hirap akong huminga. Wala akong naririnig at hindi ako makapagsalita, natatakpan ang aking mukha ng alikabok at mga bato. Kumbinsido akong mamamatay na ako.” 

    “Naigalaw ko ang aking kamay sa ilalim ng mga durog na bato at iginalaw ko ang isang kable upang ipagbigay-alam sa mga tao na naroon ako. Narinig ko ang mga tinig, at nakaramdam ako ng hangin sa aking binti, at hindi nagtagal ay hinihila na ako ng mga tao palabas at isinugod ako sa ambulansya. Hanggang ngayon, hindi pa nila nakikita ang aking pamangkin.”

    Pitumpu’t lima ang taong napatay sa strike na iyon, kabilang na rito ang kapatid na lalaki ni Deema na si Hamza,14 na taong gulang. Ang kanyang nakababatang kapatid na si Hazem, ay naglalaro ng football sa labas at nagtamo rin ng pinsala noong gumuho ang gusali. Nang nagwakas na ang pagguho at dumating ang mga rescue team, isinugod sina Deema at Hazem sa Al-Shifa Hospital, kung saan nakatanggap sila ng emergency medical care. 

    Dahil sa walang patid na pagbobomba ng Gaza City, sina Deema, Hazem at ang kanilang ina na si Eman ay namalagi sa Al-Shifa Hospital sa loob ng anim na buwan. Doon sila kumakain, natutulog at nakatatanggap ng pangangalaga, kasama ang libo-libong mga Palestino na nasa ospital. 

    Noong Marso 18, 2024, pinalibutan ng mga puwersang Israeli ang ospital, kung kaya’t napilitan ang libo-libong tao na tumakas mula roon. Sa kaguluhan, nahiwalay si Deema sa kanyang ina at kay Hazem, na napuwersang lumikas sa timog. Samantala, si Deema naman ay nagkita ng kanyang ama, at magkasama silang namalagi sa loob ng 45 na araw sa Asma’a School sa Gaza City. 

    “Nasa isang silid-aralan kami kasama ang mga limampung pamilya,” sabi ni Deema. “Halos wala kaming pagkain o tubig, at wala kaming kuryente o gasolina, kinailangan naming magsindi ng apoy. Napinsala ang aking balikat, kaya’t hindi ko iyon maigalaw at halos hindi rin ako makalakad noong panahong iyon.”

    Sa pagsimula ng Mayo, si Deema ay nakapaglakbay na sa wakas patungo sa timog na bahagi ng Gaza, kung saan nakasama niyang muli ang kanyang ina at si Hazem sa Rafah. Pagkalipas ng isang linggo, sila’y inilipat sa isang pasilidad sa Egypt at pagkatapos ay sa isang ospital naman ng Doctors Without Borders sa Amman, kung saan sina Deema at Hazem ay patuloy na nakatanggap ng reconstructive surgery, physiotherapy at suporta para sa kalusugang pangkaisipan. 

    Nagtamo si Deema ng mga fracture sa kanyang femur sa kanan, at sa kanyang balikat. Mayroon din siyang sugat sa kanyang noo. Sa Amman, tinutulungan siya araw-araw ng physiotherapy team ng Doctors Without Borders upang mapagaling ang kanyang mga fractured na buto bago tanggalin ang external fixator sa kanyang binti. Umaasa siyang magagamit niyang muli ang kanyang mga binti at braso.

    “Hindi ko maigalaw ang aking bukong-bukong o ang aking braso noong kararating ko lang sa Jordan, ngunit sa tulong ng surgery at physiotherapy, naigagalaw ko na muli ang mga ito,” sabi ni Deema. “Ngunit mahirap para sa akin na isipin ang kinabukasan habang patuloy ang digmaan sa Gaza.” 

    Ang epekto sa kalusugang pangkaisipan ng mga nasaktan dahil sa digmaan sa Gaza

    Ayon sa mga mental health team ng Doctors Without Borders na gumagamot ng mga pasyente sa Amman Hospital, bago paman nagsimula ang digmaan, ang mga Palestino sa Gaza ay nagdurusa na mula sa matinding kalungkutan at kabiguan, na kadalasa’y kaugnay ng kawalan ng trabaho, paghihirap at mataas na antas ng pagkagumon, at pati na rin ng mga disability at amputation na sanhi ng mga naunang digmaan. Ngunit, mula noong Oktubre 7, ang kalusugang pangkaisipan ng mga Gazan ay lumala.

    “Maraming mga pasyenteng galing sa Gaza na dinala sa Amman Hospital ay nakararanas hindi lang ng post-traumatic stress disorder, ngunit pati na rin ng acute stress syndrome,” sabi ni Dr. Ahmad Mahmoud Al Salem, ang psychiatrist ng Doctors Without Borders sa Amman Hospital. “Ang mga pasyenteng ito’y kadalasang nagkakaroon ng mga bangungot at mga flashback, pati na rin ng low mood, insomnia at pag-iwas sa alaala ng dinanas nila.”

    Maraming mga Palestino sa Gaza ang nakasaksi ng pagkasira ng kanilang mga tahanan at pagkamatay ng kanilang mga pamilya, at marami sa kanila ang nagtamo ng mga pinsalang nakapagpabago ng kanilang mga buhay. Bukod pa rito, palagi silang nakatatanggap ng balita ng mga namatay na iba pang mga miyembro ng kanilang pamilya at mga kaibigan.

    Hindi ito normal na trauma. Isa itong napakalaki at lubos na nagpapahirap na catastrophe, at hindi kinakaya ng kanilang mga isipan ang stress na ito.
    Dr. Ahmad Mahmoud Al Salem, Psychiatrist

    Ang mental health team sa ospital ng Doctors Without Borders sa Amman ay nagbibigay sa mga pasyenteng nakaranas ng acute trauma ng komprehensibong therapy. Ang mga bata ay binibigyan ng one-to-one na suportang sikolohikal, pati na rin ng mga aktibidad na pang-edukasyon at occupational therapy, upang makatulong sa kanilang makadama ng kapangyarihan. Ang mga mas malubhang kaso ay isinasangguni kay Dr. Al Salem para sa psychiatric support at paggamot.

    Ang mga adolescent ay madalas na nagiging biktima ng acute stress at ng mga pinsalang nakapagpabago sa kanilang mga buhay, sabi ni Dr. Al Salem. 

    “Ang mga adolescent ay maaaring makadama ng matinding pagdurusa dahil sa nagsisimula pa lang silang magkaroon ng kanilang sariling personalidad at pagkakakilanlan,” sabi niya. “Nagsisimula pa lang nilang maintindihan ang kanilang lugar sa mundong ito, at tinatanong nila ang kanilang mga sarili: ‘Balang araw, ako ba’y magiging kapaki-pakinabang, ako ba’y magiging kaakit-akit, kakayanin ko bang kumita?’”

    Ayon kay Dr. Al Salem, ang mga pasyenteng adolescent na nakaranas ng kahindik-hindik na mga pinsalang nakapagpabago ng kanilang mga buhay ay mangangailangan ng pangmatagalang psychotherapy. Hindi lang nila kakailanganin ng suporta upang harapin ang mga masakit na alaala at trauma sa kaisipan, kakailanganin din nila ng tulong sa muling pagtataguyod ng pagpapahalaga sa kanilang sarili at ang pagtutong mamuhay nang may disability. 

    “Kakailanganin ng mga kabataang ito ng suporta upang maibalik ang kanilang pagpapahalaga sa kanilang sarili,” sabi ni Dr. Al Salem. “Sinusubukan naming maibalik ang kanilang pakiramdam na may sarili silang kapangyarihan sa pamamagitan ng occupational therapy, at sa pagpapakita sa kanila na kaya nilang tumubo at gumaling. Ngunit ito’y nangangailangan ng panahon.” 

    Isa-isang segundo

    Para sa mga batang Palestino na mga pasyente sa Amman Hospital ng Doctors Without Borders, ang kinabukasan ay nanatiling madilim at hindi malinaw. Wala pa ring ligtas na lugar sa Gaza, at makabalik man sila doon balang araw, ang kanilang   kinabukasan ay mapanglaw. Lahat sila’y nawalan ng mga miyembro ng kanilang pamilya, pati na rin ng kanilang mga tahanan at paaralan.  

    A patient plays in the MSF reconstructive surgery hospital in Amman, Jordan. © Moises Saman/Magnum Photos

    Naglalaro si Hazem, 8, sa reconstructive surgery hospital ng Doctors Without Borders sa Amman, Jordan, kung saan nakakatanggap siya ng pangangalaga pagkatapos niyang magtamo ng pinsala sanhi ng isang airstrike sa Gaza. Jordan, Agosto 2024. © Moises Saman/Magnum Photos

    Nais ni Deema na bumalik sa kanyang paaralan at makitang muli ang kanyang pamilya, ngunit gagawin lang niya ito pagkatapos ng digmaan, kapag muli nang nakabangon ang Gaza. 

    “Gusto kong bumalik sa eskuwelahan at makatapos sa pag-aaral. Gusto kong maging inhinyero,” sabi ni Deema. “Sana, maibalik ang Gaza sa dati. Ayaw naming mawalan ng tirahan o mapuwersang umalis. Gusto lang naming bumalik sa aming buhay bago ang digmaan.”  

    Limang buwan pagkalipas ng pagsalakay sa kanilang tirahan, nakakalakad nang muli si Karam. Naigagalaw na niya ang kanyang kaliwang braso at unti-unti nang bumubuka ang kanyang kaliwang mata. Kung iisipin, inakala noon ng medical staff ng Al-Aqsa Hospital na siya’y patay na, kaya’t maituturing na halos milagro ang kanyang paggaling. 

    Ngayong araw na ito, nakangiting binitiwan ni Karam ang kanyang saklay sa physiotherapy department at kumapit siya sa parallel stabilising bars upang maglakad ng ilang hakbang. Bago ang digmaan, gusto sana niyang mag-aral din ng dentistry gaya ng kuya niyang si Tareq. Ngunit ngayon, dahil sa tinamo niyang pinsala, hindi na siya sigurado kung posible pa ito.  

    “Isa-isang hakbang muna,” sabi ni Karam. “Kung matapos ang digmaan, sa awa ng Diyos, babalik kami sa Gaza. Iyon ang bayan ko, doon ako lumaki. Naroon ang mga kaibigan ko. Pero sa ngayon, dito muna ako, unti-unting magpapagaling, isa-isang segundo.” 



    Will you support our emergency response work?

    Help us provide lifesaving medical care during emergencies by making a donation today.