West Bank: Ang paggamot ng mga sugat sa Tulkarem
Sa Nur Shams Refugee Camp, Tulkarem, nagsasanay ang mga babaeng trainee sa mga hands-on technique upang maampat ang pagdurugo ng mga sugat. Sabi ng isang kasali sa pagsasanay, “Dapat magkaroon ng kaalaman sa basic first aid ang lahat ng nandito sa kampo upang matulungan namin ang sinumang masugatan.” Palestinian Territories, Oktubre 2024. © Oday Alshobaki/MSF
- Dahil sa kasalukuyang digmaan sa Gaza, dumarami at lumalala ang mga insidente ng karahasan laban sa mga Palestino na nasa West Bank.
- Malalim ang mga sikolohikal na sugat na idinulot ng mga paglusob na ito. Ang mga tao ay nakaranas ng trauma, at nabubuhay sila sa gitna ng karahasan at kawalan ng seguridad.
- Nagbibigay ang Doctors Without Borders ng mga pagsasanay sa emergency first aid sa mga residente ng kampo upang mabigyang lunas ang mga nasugatan bago pa man sila madala sa ospital.
Maaraw ang umagang iyon sa Nur Shams refugee camp sa Tulkarem, West Bank. Sa silid na inihanda ng staff ng Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF), nakaupo ang mahigit dalawampung babaeng residente ng kampo at nag-uusap-usap sila habang umiinom ng Arabic coffee. Sa gitna ng silid ay may isang mesa na may nakapatong na gauze, mga tourniquet device at mga tsart na nagpapaliwanag ng daloy ng dugo sa katawan ng tao. Ito ang pagsasasanay na ibinibigay ng Doctors Without Borders, ang “Stop the Bleed”.
Ang karamihan sa mga babaeng ito ay kakaunti lamang o halos wala talagang kaalaman sa medisina, ngunit ang makakita ng mga sugat dahil sa trauma at ng matinding pagdurugo ay hindi na bago sa kanila. Nandito sila ngayon upang matutong mangalaga para sa mga sugatan, gumawa at gumamit ng mga tourniquet, at magbigay ng basic first aid sa mga kasamahan nila sa kampo habang hindi pa nabibigyan ang mga ito ng pangangalagang medikal sa gitna ng mga paglusob ng mga puwersang Israeli.
Nagdurusa kami mula sa mga raid, pagbobomba, at pamamaril. Kadalasan, nasasaksihan namin ang pagtamo ng pinsala ng isang tao. Sa ganitong mga sitwasyon, mahalagang magkaroon ng kaalaman at kasanayan sa tamang pagbibigay ng first aid. Kapag may mga raid, nahihirapan ang mga ambulansyang makarating rito. Kailangan ang lahat ng nasa kampo ay may kaalaman ukol sa first aid upang kami mismo ay makatulong sa nasaktan.Saeda Ahmad, isang training participant
Isa sa mga gusaling pinuntirya ng matinding pamamaril ng mga puwersang Israeli sa Nur Shams Refugee Camp ng Tulkarem, sa Northern West Bank. Ayon sa UNRWA, may humigit-kumulang sa 13,000 na taong nakatira sa kampong ito. Palestinian Territories, Oktubre 2024. © Oday Alshobaki/MSF
Dito, nagiging madalas ang pagsagawa ng mga military raid ng mga puwersang Israeli. Bahagi ng kanilang modus operandi ang paghadlang sa access sa pangangalagang pangkalusugan. Binarikadahan ang mga kalsada, hindi pinapayagang makadaan ang mga ambulansya, ang mga healthcare worker ay nililigalig at pinupuntirya, o basta’t hinahadlangan, at ang mga sugatan ay kadalasang hindi makarating sa mga ospital.
Ang mga paglusob ng mga puwersang Israeli ay tumitindi at lalong nagiging marahas. Noong Oktubre 3, 2024, 18 na tao ang napatay dahil sa isang airstrike sa Tulkarem refugee camp. Ang mga drone strike, air strike at iba pang pagbobomba ng mga puwersang Israeli ng kadalasa’y mga lugar kung saan maraming nakatira at ng mga refugee camp ay nagiging mas pangkaraniwan na. Tumatagal na ang mga paglusob at hindi lang iyon nagaganap dito. Nitong Agosto, sa Jenin, hilaga ng Tulkarem, ang mga puwersang Israeli ay naglunsad ng malaking paglusob militar na tumagal ng siyam na araw.
Sa kontekstong ito ng palagiang karahasan at kawalan ng seguridad, ang mga tao sa kampo ay nakipag-usap sa mga mental health staff ng Doctors Without Borders ukol sa mga malalim na sikolohikal na epekto ng mga raid na ito. Binabago ng mga paglusob ng mga puwersang Israeli ang mga buhay ng mga tao, at tinatanggalan ito ng pagiging normal at ng kahit anong bahid ng kaligtasan. Ang mga tao ay laging naiiwang nakalugmok mula sa huling paglusob, kung saan sinusubukan nilang muling itaguyod ang kanilang pamumuhay, habang kinakabahan sila kung kailan magaganap ang susunod na raid. Ang Doctors Without Borders ay nagbibigay ng psychological first aid sa mga residente ng kampo upang matugunan ang mga isyu ng kalusugang pangkaisipan na nag-uugat sa epekto ng mga paglusob na ito sa lahat ng residente, lalo na sa mga bata.
"Napakahirap ng sitwasyon dito. Ang mga bata sa kampo ay natatakot pumasok sa paaralan, dahil sa pangambang magkakaroon ng raid habang naroon sila,” sabi ng isang Community Health Educator ng Doctors Without Borders sa Tulkarem.
Sa kanilang mga tahanan, wala na ring estabilidad. Ang mga tao ay laging kinakabahan. Hindi na naglalaro ang mga bata sa mga eskinita. Madalas lang silang nasa bahay at hindi makalabas. Ni hindi sila makalabas para bumili ng kinakailangan nila dahil hindi sila pinapayagan ng kanilang mga magulang sa takot na magkaroon ng raid o iba pang insidente habang nasa labas sila. May mga batang ang kanilang oras sa paglalaro ay umiikot sa karahasang kanilang naranasan.Isang Community Health Educator
Sa konteksto ng takot at kawalan ng seguridad, nagiging imposible para sa mga taong mamuhay nang normal o magplano para sa kanilang kinabukasan. Ang mga pagsasanay gaya ng “Stop the Bleed” ay maaaring makapagbigay ng pakiramdam na kahit paano, kontrolado nila ang sitwasyon, sa pamamagitan ng pagbibigay sa mga residente ng magagamit nila kapag may medical emergency. Ngunit sa kabilang banda, ito’y nagbibigay-diin sa pagiging kahila-hilakbot ng sitwasyon sa West Bank.
Sa silid na ito, habang nagsasanay sila sa paglalagay ng gauze sa braso ng isa’t isa, nalalantad din ang mga sugat sa kanilang damdamin. Nagbabahagi sila ng mga kuwento ng karahasan na kanilang naranasan, sa pamamagitan ng kanilang pag-uusap, pagkukuwento, at pagpapakita ng mga larawan na nasa kanilang mga mobile phone ng mga miyembro ng kanilang pamilya na napatay. Ang mga sikolohikal nilang sugat ay malalalim din. At ang pagpapagaling nito ay kakailanganin ng mas mahabang panahon kaysa panahong gagamitin sa paghigpit ng isang tourniquet.