Ang Digmaan sa Pagitan ng Israel at Gaza: Ang aming tugon
Huling Ulat
Isang taon matapos sumiklab ang labanan sa pagitan ng Israel at Hamas sa Gaza Strip, patuloy na tumutugon ang mga Doctors Without Borders team kung saan at paano nila kayang tugunan ang lumalaking pangangailangan sa lugar.
Bukod dito, aktibo rin ang aming mga team sa West Bank, kung saan lalo pang humirap ang access sa serbisyong pangkalusugan mula nang magsimula ang digmaan sa Gaza.
Lumala ang karahasan sa Gaza at Israel noong Oktubre 7. Ito’y nauwi sa matitinding pagbobomba at walang habas na pagsalakay ng mga Israeli, na nag-iwan ng libo-libong taong sugatan at maraming napatay. Mahigit 2.2 milyong tao ang kasalukuyang di makaalis sa Gaza at lubhang nangangailangan ng tulong.
Ayon sa OCHA, mahigit 1.9 na milyong tao o mahigit sa 85% ng buong populasyon ng Gaza ang kinailangang iwan ang kanilang mga tahanan. Kalahati sa mga lumikas ay nagsisiksikan sa timog, at nagtitiis sa kahindik-hindik na mga kondisyon ng pamumuhay. Nakatira sila sa mga pansamantalang istrukturang gawa sa ilang piraso ng kahoy na tinakpan ng plastic sheeting. Marami sa kanila ang natutulog sa mga kalsada o di kaya’y sa mga open area. Hirap din silang makakuha ng sapat na tubig para sa kanilang mga personal na pangangailangang pangkalinisan.
Nananawagan ang Doctors Without Borders para sa mga sumusunod:
- Isang agaran at mapapanatiling ceasefire, walang hadlang na humanitarian access, at ang proteksyon ng mga sibilyan, pasilidad pangkalusugan, at mga medical staff.
- ang pagtigil ng mga walang pinipiling pagbobomba at pagsalakay sa mga ospital, mga pasilidad medikal, at mga medical staff, pati na rin mga sibilyan. Walang maaaring maibigay na dahilan upang mabigyang-katwiran ang pagbobomba ng libo-libong sibilyan, pati ang mga medical worker at mga pasyente.
- ang pagkilos ng lahat ng estado na gawin sa abot ng kanilang makakaya na maimpluwensiyahan ang Israel, na tigilan ang pagsuporta sa nangyayaring pagkubkob at sa patuloy na pagsalakay sa mga sibilyan at mga imprastrukturang sibilyan sa Gaza.
Maari niyo ba'ng suportahan ang aming emergency response?
Tulungan kami sa paghatid ng tulong. Mag-donate na.
Sitwasyon sa Gaza
Noong Marso 25, kumilos na sa wakas ang UN Security Council: iniutos nila ang agarang ceasefire sa Gaza. Ang resolusyong ito ay hindi ipinatupad.
Nagpatuloy ang mga puwersang Israeli sa kanilang malawakang pagsalakay, na nagdudulot ng disproportionate impact sa mga sibilyan. Ang mga Palestino sa Gaza ay araw-araw na nagdurusa sa lubhang nakapipinsalang kampanyang militar na hayagang ipinagwawalang-bahala ang mga alituntunin ng digmaan.
Kapag hindi magkaroon ng agaran at pananatiliing ceasefire, at kung di pa rin makapapasok ang makahulugang tulong na humanitarian, magpapatuloy ang pagdami ng mga namamatay.
Noong Mayo 24, ipinag-utos ng ICJ sa Israel na tigilan na ang pagsalakay nito sa Rafah sa timog na bahagi ng Gaza at muling buksan ang Rafah crossing. Isa na naman itong pagkumpirma kung gaano na kalala ang sitwasyon, at ng desperadong pangangailangang papasukin ang humanitarian aid sa lalong madaling panahon.
Mula noong nag-umpisa ang digmaang ito, nasaksihan ng Doctors Without Borders ang sistematikong pagsalakay sa mga pasilidad medikal at sa mga imprastrukturang sibilyan. Ang sistemang pangkalusugan sa Gaza ay unti-unting nasisira kung kailan tumitindi ang mga pangangailangan ng mga tao, at ito’y naging sanhi ng masasamang kinahihinatnan ng mga Palestino. Ang bawat sentrong medikal o sistema ng paghahatid ng humanitarian aid ay sira na o kasalukuyang winawasak. Papalitan ang mga ito ng mga paraang pansamantala lamang at hindi kasing-epektibo.
Nananawagan ang Doctors Without Borders para sa isang agaran at matagal na ceasefire na makasasagip ng buhay ng mga taga-Gaza at mapapabalik ang pagdaloy ng humanitarian aid kung saan nakasalalay ang buhay ng mga tao sa Gaza. Hinihingi namin ang proteksyon ng mga sibilyan at ng mga pasilidad para sa pangangalagang pangkalusugan sa magkabilang panig, sa lahat ng pagkakataon.
- Pagsalakay sa mga ospital na sinusuportahan ng Doctors Without Borders
Ang sistemang pangkalusugan ng Gaza ay sinasalakay rin. Sa pagitan ng Oktubre 7 at Disyembre 9, 286 na mga healthcare worker na ang napatay sa Gaza Strip. 57 na ambulansiya naman ang tinamaan ng pasabog at napinsala.
7 Oktubre: Nagsagawa ng isang airstrike malapit sa Indonesian Hospital at sa An-Nasser Hospital. Ang mga ospital na ito ay parehong sinusuportahan ng Doctors Without Borders.
10 Oktubre: Ang outpatient department sa klinika ng Doctors Without Borders sa Gaza ay napinsala dahl sa isang Israeli airstrike. Ang lagusan ng dressing room at ng sedation room ay gumuho at nagkandabasag ang mga bintana nito.
11 Oktubre: Nagsagawa ng isang airstrike malapit sa Al-Awda Hospital sa hilagang Gaza, kung saan kumikilos ang Doctors Without Borders mula pa noong 2018. Ang pagsabog ay nagdulot ng pinsala sa ospital, ngunit patuloy pa ring tumatakbo ito.
13 Oktubre: Nagbigay ang mga puwersang Israeli ng dalawang oras lamang upang lumikas ang mga nasa Al-Awda Hospital, isang ospital na sinusuportahan ng Doctors Without Borders. Bagama’t hindi direktang tinamaan ang ospital, walang humpay ang pagbobomba malapit dito, kaya’t trinabaho ng medical staff ang pagsangguni ng mga pasyente sa ibang mga ospital. Muling nagtamo ng pinsala ang ospital dahil sa patuloy na pagbobomba.
30 Oktubre: Ang Turkish-Palestinian Friendship Hospital sa Gaza ay tinamaan ng isang projectile, na nagdulot ng malaking pinsala sa ikatlong palapag ng gusali. Tuluyan nang tumigil ang takbo ng ospital nang naubusan ito ng gasolina noong Nobyembre 1. Ito lang ang tanging pampublikong ospital sa Gaza Strip na may oncology ward.
3 November: Sa labas ng Al-Shifa Hospital, isang ambulansya ang napuruhan ng pagsabog at nawasak. Marami ang namatay dahil dito.
Mula noong Nobyembre 10: Marami at paulit-ulit na pagsalakay sa iba’t ibang ospital ang iniulat at/o nasaksihan ng Doctors Without Borders staff sa hilagang Gaza, at kasama rito ang pagsalakay sa pinakamalaking medical complex, ang Al-Shifa Hospital.
18 Nobyembre: Pinaputukan ng baril ang evacuation convoy ng Doctors Without Borders mula sa Al-Shifa Hospital. Dalawang tao ang napatay sa isang tila sinadyang pagsalakay ng mga puwersang Israeli sa mga sasakyang kilala bilang pagmamay-ari ng Doctors Without Borders.
20 Nobyembre: Ang klinika ng Doctors Without Borders sa siyudad ng Gaza ay ginawan ng pinsala ng mga puwersang Israeli. Bago ito, sinadyang sirain ang aming mga sasakyan ng mabibigat na sasakyang pangmilitar ng mga Israeli.
21 Nobyembre: Natamaan ng pasabog ang Al-Awda Hospital. Sa pagsalakay na ito, dalawa sa aming mga doktor, sina Dr. Mahmoud Abu Nujaila at Dr. Ahmad Al Sahar, at isa pang doktor , si Dr. Ziad Al-Tatari, ay napatay.
24 Nobyembre: Isang minibus na pinadala mula sa timog ng Gaza para sa pagtatangkang lumikas ang Doctors Without Borders staff at ang kanilang mga kamag-anak ay winasak ng mga puwersang Israeli.
1 Disyembre: Ilang oras lang pagkatapos magwakas ang pansamantalang pagtigil ng labanan, may sumabog agad sa may Al-Awda Hospital, at nagdulot ng pinsala.
5 Disyembre: Ang Al-Awda Hospital ay nakaharap ngayon sa ganap na pagkubkob. Hindi sila makaalis dahil may mga sniper na nakapaligid sa ospital. Sa mga araw matapos simulan ang pagkubkob, dalawang miyrmbro ng medical staff ng ospital ang binaril at pinatay.
11 Disyembre: isang Doctors Without Borders surgeon ang nagtamo ng pinsala nang binaril siya habang nasa Al-Awda Hospital. Galing sa labas ng pasilidad ang pamamaril. Ayon sa aming mga kasamahan, napapalibutan ang ospital ng mga sniper na pumupuntirya sa mga nasa loob. Ang Al-Awda Hospital ay nasa ilalim ng ganap na pagkubkob ng mga puwersang Israeli mula pa noong Disyembre 5.
17 Disyembre: Sinakop ng mga puwersa ng Israel ang ospital ng Al-Awda pagkatapos ng 12 araw na pagkubkob. Ang mga lalaking may edad higit sa 16 taong gulang ay kinuha, hinubaran at kinwestiyon - anim dito ay staff ng Doctors Without Borders sa kanila. Pagkatapos ng mga interogasyon, karamihan sa kanila ay ipinabalik sa ospital at sinabihan na huwag umalis.
6 Enero: Ang Al-Aqsa Hospital ay nilisan ng mga tao nang mapalapit dito ang labanan, at nang ipinahayag ng mga utos sa paglikas na ang parmasya ng Doctors Without Borders ay nasa loob ng exclusion area. Noong Enero 5, tumagos sa dingding ng intensive care unit ang isang bala mula sa isang sniper.
8 Enero: Tinamaan ng isang tank shell ang Doctors Without Borders shelter sa Khan Yunis, at naging sanhi ng pagkamatay ng limang taong gulang na anak ng aming staff.
22 Enero: Ang Nasser Hospital sa Khan Yunis ay napapaligiran ng mga labanan, pagbobomba, at mga pag-uutos na lumikas. Ayon sa ulat ng staff, ang mga pagbobomba ay pumapatay sa mga tao nang mga 150 na metro lang ang layo mula sa pasukan ng ospital.
15 Pebrero: Tinamaan ng isang shell ang orthopedic department; nagmamadaling umalis ang mga staff member mula sa compound, at naiwan ang ilang pasyente. Isang Doctors Without Borders staff ay kinulong ng mga puwersang Israeli sa isang checkpoint, at hindi pa rin binibigyang laya hanggang ngayon.
20 Pebrero: Pinaputukan ng isang tangke ng mga Israeli ang isang bahay kung saan namamalagi ang mga staff ng Doctors Without Borders at ang kanilang mga pamilya. Dahil dito, dalawa ang namatay at pitong tao ang nagtamo ng pinsala.
2 Marso: Isang shell ang tumama sa isang kubol sa tabi ng pangunahing pasukan ng Al-Emirati Hospital sa Rafah, at naging sanhi ng pagkamatay ng dalawang tao at pagtamo ng pinsala ng ilan pa.
13 Marso: Nagsagawa ang mga hukbong Israeli ng mga pagkilos sa Jenin (West Bank). Sa Khalil Suleiman Hospital, isang pasilidad na sinusuportahan ng Doctors Without Borders, pinagbabaril ang mga taong nakatayo lang sa hardin ng ospital. Anim na taong nakatayo malapit sa pinto ng emergency room ay nasugatan, at sa kalaunan, dalawa sa kanila ang namatay.
27 Marso: Tinamaan ng isang airstrike ang isang greenhouse malapit sa klinika ng Al-Shaboura sa Rafah, isang pasilidad na sinusuportahan ng Doctors Without Borders. May ilang taong iniulat na namatay dahil sa paglusob na ito, sa kabila ng pagpasa noong Marso 25 ng isang United Nations Security Council Resolution na nagtatakda ng isang ceasefire. Walang nasaktang MSF staff o pasyente.
31 Marso: Isang Israeli airstrike ang tumama sa bakuran ng Al-Aqsa hospital compound sa may labas lang ng emergency room, kung saan marami sa mga taong nawalan ng tirahan ay pansamantalang namamalagi. Maraming mga tao ang napatay, o di kaya’y nagtamo ng mga pinsala. Pagkatapos ng pananalakay, kinailangan ng ilang miyembro ng Doctors Without Borders team na tumigil sa pagbibigay ng pangangalaga.
1 Abril: Matapos ang labing-apat na araw ng pagkilos ng mga puwersang Israeli sa loob at labas ng Al-Shifa Hospital, ang pasilidad ay naiwang wasak at hindi na magagamit. Isang klinika ng Doctors Without Borders sa paligid ng ospital ay nasira rin nang husto. Daan-daang tao ang namatay, kabilang rito ang medical staff. Ang maramihang pag-aresto ng medical staff at iba pang tao ay naganap sa loob at labas ng ospital.
21 Abril: Isang paramedical volunteer na nagsanay sa ilalim ng Doctors Without Borders ay nabaril sa binti. On duty siya noon, habang may tatlong araw na paglusob sa mga kampo ng refugee sa Tulkarem at Nur Shams sa West Bank. Dahil sa mga kaguluhan, inabot siya ng pitong oras bago makarating sa ospital.
6 Mayo: Isang stabilisation point na sinusuportahan ng Doctors Without Borders ay nilooban sa isang marahas na paglusob ng mga puwersang Israeli sa mga kampo ng Tulkarem at Nur Shams sa West Bank. Ang mga boluntaryong paramedic na nagsanay sa ilalim ng Doctors Without Borders ay naging biktima ng panliligalig at hindi na nila nararamdaman na ligtas sila sa pagbibigay ng makasagip-buhay na pangangalaga sa mga pasyente.
Mapa ng mga kasulukuyang tugon sa Gaza at West Bank
Mapa ng mga kasulukuyang tugon sa Gaza
Mapa ng mga kasulukuyang tugon sa Gaza at West Bank
Paano tumutugon ang Doctors Without Borders sa Gaza?
(Ulat hanggang Agosto 23, 2023)
Patuloy na naninindigan ang Doctors Without Borders sa pagbibigay ng pangangalagang medikal sa Gaza. Ang aming mga team ay kasalukuyang kumikilos sa dalawang ospital at walong pasilidad para sa pangangalagang pangkalusugan.
Nagbibigay ang aming mga team ng surgical support, pangangalaga para sa mga sugatan, physiotherapy, maternity at paediatric care, pangunahing pangangalagang pangkalusugan, pagbabakuna, at mga serbisyo para sa kalusugang pangkaisipan. Subali’t dahil sa mga pagkubkob at mga kautusang lumikas mula sa iba’t ibang ospital, napipilitan kaming liitan ang sakop ng aming mga aktibidad at limitahan ang aming tugon. Namamahagi rin ang mga team ng Doctors Without Borders ng tubig.
Sa hilaga naman, ang klinika ang Doctors Without Borders malapit sa Al-Shifa Hospital ay napinsala. Ang bakod nito ay winasak, at binasag ang lahat ng mga bintana. Naipaayos na ng Doctors Without Borders ang klinika, at nag-umpisa nang muli ang mga aktibidad. Sa kasalukuyan, ang team doon ay nakatuon sa wound dressing at physiotherapy, ngunit unti-unti naming dinadagdagan ang mga aktibidad upang makapagbigay ng mga mas komprehensibong serbisyo (sexual and reproductive health, konsultasyong pangkalahatan, paggamot sa mga sakit na di nakahahawa, at screening para sa malnutrisyon).
Sa Middle Area, nagtatrabaho kami sa Al-Aqsa Hospital sa Deir Al-Balah. Noong Pebrero, muli kaming nagsagawa ng pangangalaga at rehabilitasyon ng mga sugatan, at ang aming team ay nagbibigay rin ng acute trauma surgery, advanced wound care, post-operative wound care, physiotherapy, health promotion at suporta para sa pangangalagang pangkaisipan. Naibalik na rin namin ang access sa parmasya.
Ang aming team ay nagbibigay rin ng pangangalaga para sa sugatan at nagsasagawa ng screening para sa malnutrisyon sa Al-Martyrs Primary Healthcare Centre (PHCC).
Noong kalagitnaan ng Abril, nagbukas ang Doctors Without Borders ng isang bagong Primary Health Care Center (PHCC) sa Al Hekker upang makapagbigay ng mga outpatient service. Kasama na rito ang mga pangkalahatang konsultasyon, pagbabakuna, reproductive health services, dressing, mga serbisyo para sa kalusugang pangkaisipan tulad ng psychological first aid, mga sesyon para sa mga indibidwal at para sa mga pamilya, at mga aktibidad para sa psychoeducation at pagtataguyod ng kalusugan. Mula noong nagbukas ang center, ang aming team ay nagsasagawa ng 250 na konsultasyon kada araw.
Noong kalagitnaan ng Abril, nagbukas ang Doctors Without Borders ng bagong PHCC sa Al Hekker upang makapagbigay ng outpatient services, tulad ng mga konsultasyong pangkalahatan, pagbabakuna, reproductive health services, dressing, at mga serbisyo para sa kalusugang pangkaisipan gaya ng psychological first aid, mga sesyon para sa mga indibidwal at mga pamilya, at mga aktibidad para sa psychoeducation at health promotion.
Sa timog naman, may mga sinusuportahan din kaming mga pasilidad para sa pangangalagang pangkalusugan. Ang Nasser Hospital ay ang pangunahing surgical centre sa timog ng Gaza Strip, sa Khan Younis. Ito ngayon ang pinakamalaking ospital sa buong Strip, sapagka’t sarado na ang Al-Shifa. Noong Abril, pagkaalis ng mga hukbong Israeli mula sa Khan Younis, binisita ng Doctors Without Borders ang ospital upang alamin kung posibleng buksan itong muli. Sa kalagitnaan ng Mayo, sa pakikipagtulungan sa Ministry of Health, muling inilunsad ng Doctors Without Borders ang pagtakbo ng Nasser Hospital, partikular na para sa orthopaedic surgery at ang burn unit nito. Ang maternity, NICU at pediatric ward naman ay binuksan noong Mayo 25. Ngayon, kami ay nagtatrabaho sa isang 68-bed in-patient department. Binuksan namin ang OPD para sa pangangalaga ng mga sugatan (mga kaso ng pagkasunog at trauma) sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga dressing at mga physio session. Pinatatakbo rin namin ang daycare surgery service (3 na araw kada linggo) para sa mga pasyenteng nagtamo ng pinsala dahil sa pagkasunog at trauma. Dahil hindi gaanong malala ang kanilang kondisyon at dahil sa kakulangan ng kama sa inpatient department, bagama’t kailangan silang gamitan ng anaesthesia, ang mga pasyenteng ito’y hindi namamalagi sa ospital ng mahigit sa isang araw.
Sinusuportahan ng Doctors Without Borders ang maternal at paediatric care sa Nasser Hospital. Bahagi nito ang dalawang paediatric ward, pre- at post-partum ward, paediatric intensive care unit (PICU) at newborn intensive care unit (NICU), mga emergency room, at pangangalaga para sa kalusugang pangkaisipan. Noong kalagitnaan ng Hunyo, binuksan din namin ang isang inpatient therapeutic feeding centre (ITFC) para sa mga batang malnourished. Ang maternity department sa Nasser ay isa sa iilang tumatakbong maternity department sa timog ng Gaza.
Sa Al-Mawasi Health Post sa Khan Younis, sinusuportahan namin ang CFTA (Culture and Free Thought Association) sa pagbibigay ng pre- at post-natal care, pati na rin ng sexual at reproductive healthcare. Nagsasagawa ang Doctors Without Borders ng mga pangkalahatang konsultasyon, pangangalaga para sa mga sakit na di nakahahawa, screening at paggamot para sa malnutrisyon, mga dressing at physiotherapy.
Nagbukas ang Khan Younis PHCC noong Mayo 6. Dito, nagbibigay ang Doctors Without Borders ng mga outpatient consultation, pagbabakuna, pangangalaga para sa kalusugang pangkaisipan, maternal at reproductive healthcare, wound care, physiotherapy, at health promotion. Nagpapatakbo rin ang Doctors Without Borders ng ambulatory therapeutic feeding centre (ATFC) dito. Dahil sa malaking bilang ng mga lumilikas mula sa Rafah papasok sa isang siksikan nang humanitarian zone, at sa kakulangan ng mga pasilidad pangkalusugan upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga may trauma, pinag-aaralan namin ang posibilidad ng pagbubukas ng isang 24/7 emergency department upang makatulong sa paggamot at pagsangguni ng pasyenteng may trauma.
Noong kalagitnaan ng Hunyo 2024, binuksan ang Al Attar PHCC sa pagitan ng Al Mawasi at Khan Younis upang tugunan ang mga pangangailangan ng mga taong nagtayo ng kanilang mga tolda sa lugar na iyon. Sa pasilidad na ito, nagbibigay kami ng iba’t ibang serbisyo gaya ng general medicine, mga konsultasyon para sa mga batang pasyente, emergency healthcare at wound care, antenatal at postnatal care, pangangalaga para sa kalusugang pangkaisipan, health promotion, at iba pang mga serbisyong batay sa kapasidad ng aming mga team at sa mga pangangailangan ng mga tao.
Sa Al Qarara Sexual and Reproductive Health Clinic sa Khan Younis, sinusuportahan ng Doctors Without Borders ang PalMed, isang organisasyong medikal na binuo at pinatatakbo ng mga Palestinong migrante o mga nangibang-bansa upang magtrabaho. Sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga gamot, insentibo at pinansiyal na tulong para sa mga gastusin, nadaragdagan ang kapasidad ng PalMed sa pagbibigay ng sexual at reproductive health care, mga konsultasyong pangkalahatan, mga wound dressing, paggamot sa mga may impeksyon sa balat, at pangangalaga para sa mga may sakit na di nakahahawa. Ang Doctors Without Borders staff ay nagbibigay ng mga outpatient service sa Al-Mawasi Advanced PHCC sa Rafah. Kasali sa mga serbisyong ito ang mga pangkalahatang konsultasyon, pagbabakuna, reproductive health care, dressing, mga serbisyo para sa kalusugang pangkaisipan, at health promotion. Ang PHCC ay may 24/7 emergency room upang makatulong sa paggamot at pagsangguni ng pasyenteng may trauma.
Water and sanitation
Nakapamahagi na ang Doctors Without Borders ng mahigit 600,000 na litro ng tubig kada araw sa pamamagitan ng 40 na water point sa Al Mawasi, Khan Younis, Rafah, at Deir Al Balah. Patuloy ang aming pagsusumikap na madagdagan ang binibigay namin dahil kulang na kulang sila ng mapagkukunan ng tubig na ligtas inumin. Mayroon din kaming itinayong desalination unit sa Al Mawasi na nagbibigay ng 30 m3 na inuming tubig kada araw. Pinagpaplanuhan ang pagpapatayo ng isa pang unit sa Deir Al Balah, na makapagbibigay ng 70 m3 kada araw. Inaasahan naming magagamit na ito sa kalagitnaan ng Setyembre .
Mula Pebrero 2024, sa pakikipagtulungan sa PARC - Agriculture Development Association, nagsasagawa ang Doctors Without Borders ng mga aktibidad kaugnay ng water and sanitation sa mga kampo sa Deir Al Balah at Khan Younis. Kasama rito ang pagtatayo ng mga palikuran para sa mahigit 30,000 na tao na nakatira sa 6 na kampo, pamamahagi ng mga hygiene kit para sa 2,400 na pamilya, at ang pagtatayo ng mga kinakailangang pasilidad (mga accessible na palikuran at paliguan) sa isang kampong may 70 na pamilya (o 400 na tao) na namumuhay nang may kapansanan.
Supply at logistics
Sa pagtatapos ng Hunyo 2024, sa tulong ng United Nations ay nakapagdala sa Gaza ang Doctors Without Borders ng 73 na trak na naglalaman ng pitong cargo. Ang Rafah crossing point, na dating pangunahing daanan ng mga pumapasok na humanitarian aid, ay nakasara mula pa noong nag-umpisa ang Mayo. Nauwi ito sa mahahabang pila ng mga trak na di makapasok at sa pagkaantala ng paghahatid ng tulong na humanitarian sa iba’t ibang bahagi ng Gaza.
Buwan-buwan ay nakapaghahatid kami ng medical supplies gaya ng mga gamot at mga surgical kit, mga logistical item at humanitarian aid. Ang mga ito ay nasa isang chartered plane at dinadagdagan pa namin ng kaunting mga gamit na binibili namin sa aming destinasyon. Ang pagpasok ng supplies sa Gaza ay lubhang mahirap dahil sa mga balakid ng mga tagapangasiwa, mga paghihigpit sa paglalakbay, at kakulangan ng madadaanan.
- Anong nangyayari sa West Bank?
Malimit na sumasabog ang mga mararahas na sagupaan sa pagitan ng mga Israeli at mga Palestino sa iba’t ibang lugar, partikular na sa Jerusalem, Hebron, Nablus, at sa Ramallah. Ayon sa huling bilang noong Oktubre 23, 94 na ang namatay at 1,700 na ang nasugatan mula noong nag-umpisa ang hidwaan noong Oktubre 7. Inanunsiyo ng hukbong sandatahan ng Israel na sarado na ang West Bank. Ang mga checkpoint ay nananatiling nakasara at ang mga manggagawa ay hindi pinapayagang tumawid patungong Israel. Ang mga work permit ng mga Palestino ay sinuspinde, at marami sa kanila ay pinaalis mula sa Israel. Ang aming team sa Hebron ay nakikipag-ugnayan sa Ministry of Health at sa mga ospital sa West Bank upang matasa ang kanilang mga pang-araw-araw na pangangailangan.
Samantala, naghahanda kami ng kaunting donasyon para sa mga pasilidad pangkalusugan. Dagdag pa rito, magbibigay kami ng remote mental health support at kabilang rito ang psychological first aid services at counselling upang makatulong sa pagbawas ng stress sa gitna ng hidwaan. Nakikipag-ugnayan din kami sa mga community focal point, upang maipahayag nila ang kanilang mga pangangailangan na maaari naming tugunan.
- Paano tumutugon ang Doctors Without Borders sa West Bank?
Sa West Bank ay nagsasagawa kami ng mga aktibidad na nakatuon sa emergency care at sa pangangalaga para sa kalusugang pangkaisipan sa Hebron, Nablus, Tulkarem at sa Jenin.
Hebron: Ang aming mga team ay naghahatid ng pangangalagang medikal sa 15 na mobile clinic, nagbibigay ng suporta sa apat na general healthcare centre, nagpapatupad at sinusuportahan ang kapasidad ng mga serbisyo para sa maternity ward at emergency room ng Halhoul Hospital, pinabubuti ang kapasidad ng emergency room sa Al Moktaseb Hospital, nagbibigay ng suporta para sa kalusugang pangkaisipan, nagsasagawa ng capacity building sa emergency response, at itinataguyod namin at pinoprotektahan ang mga nangangailangan.
Patuloy ang pagbibigay namin ng mga serbisyo para sa pangangalagang pangkaisipan, gaya ng psychological first aid, counselling at psychotherapy. Kasama rin dito ang pagpapatakbo ng isang hotline na maaaring tawagan ng mga taong nangangailangan ng serbisyong medikal, pangangalaga para sa kalusugang pangkaisipan, o ng serbisyong panglipunan upang sila’y maisangguni sa angkop na pasilidad.
Pinalalawak ng aming mga team ang aming pagtugon upang mabigyan ng pangangalagang pangkalusugan ang mga taong di makapunta sa mga pasilidad medikal. Mula noong Oktubre 2023, pinalawak ng Doctors Without Borders ang pagtugon nito sa 15 na mobile clinic na kumikilos sa loob at labas ng lumang siyudad ng Hebron, at pati na rin sa mga liblib na nayon ng Masafer Yatta sa timog na bahagi ng West Bank.
Nagbigay kami ng mga donasyon na mga medical equipment at mga kit sa iba’t ibang ospital, mga pagsasanay sa mga komunidad sa Beit Omar, sa kampo ng Al Fawwar, kampo ng Al Arroub, sa Al-Rshaydeh, at sa Um El-Khair.Nagbigay rin kami ng pagsasanay sa staff ng Al Mohtaseb, Halhul, Dura, at ng Yatta Hospital sa Hebron.
Dagdag pa sa pagpapalawak ng aming mga gawaing medikal mula noong Oktubre 7, ang aming mga team ay nagdagdag din ng mga health promotion activity sa komunidad. Namahagi kami ng mga relief item, hygiene kit at pagkain sa mga taga-Gaza na nawalan ng tirahan, at sa mga residente ng West Bank na apektado ng karahasan at sapilitang pag-alis sa kanilang mga tirahan.
Nablus:
Nagsasagawa ng psychological therapy, sexual and gender-based violence (SGBV) case management at mga konsultasyong sikolohikal sa Nablus, Qalqiliya at Tubas sa kabila ng pinatinding paghihigpit ng mga puwersang Israeli sa paglalakbay mula pa noong Oktubre 2023. Mula Hulyo, nagbibigay ang Doctors Without Borders ng pangunahing pangangalagang pangkalusugan sa pamamagitan ng mga mobile team sa 6 na natukoy na lugar na sumusuporta sa PHCC.
Ang aming mga team ay nagbiibigay ng pagsasanay sa mga boluntaryo mula sa Palestine Red Crescent Society (PRCS) bilang mga tagapagbigay ng first aid at unang mga tumutugon sa mga governorate ng Nablus, Tubas, at Qalqilya, at pati na rin sa mga doktor at mga nars sa mga emergency room ng tatlong magkakaibang ospital (Nablus, Tubas at Qalqilya),upang madagdagan ang kapasidad ng staff ng Ministry of Health staff sa pagtugon sa mga kaso ng trauma.
Jenin & Tulkarem:
Ang Doctors Without Borders team sa Jenin at Tulkarem ay patuloy na nagbibigay ng capacity building sa mga first responder. Kabilang rito ang mga volunteer paramedic at ang komunidad na magiging mahalaga sa paggamot sa mga pasyente sakaling may labanang mangyari, at hindi makapunta ang mga ambulansiya sa mga kampo ng mga refugee sa Jenin, Tulkarem at Nur Shams.
Sa mga kampo ng mga refugee sa Nur Shams, Tulkarem at sa Jenin, nagbigay kami ng mga donasyong first aid bag sa mga volunteer paramedic upang mabigyan ng agarang lunas ang mga pasyente kapag may aktibong labanan, at panatilihin silang buhay hanggang makarating sila sa ospital.
- Paano tumutugon ang Doctors Without Borders sa Ehipto?
Sa kasalukuyan, mayroon kaming rear base sa Ehipto upang mapadali ang pagpapadala ng aming mga team at supplies. Handa ang aming mga team sa Ehipto na magpadala ng mas maraming medical supplies sa Gaza kapag pinayagan kami at ligtas naming magagawa ito. Nakikipag-ugnayan kami sa mga awtoridad ng Ehipto, at sa mga organisasyong makatutulong upang makapagsimula ng mga aktibidad sa bansa at makapagbigay ng pangangalagang pangkalusugan para sa mga nasaktan o nagkasakit na mga Palestino, kung sila’y papayagang umalis sa Gaza.
- May staff ba ang Doctors Without Borders sa Gaza? Kumusta ang kanilang sitwasyon?
Ang lahat ng Doctors Without Borders international staff na hindi makaalis sa Gaza mula Oktubre 7 ay nakatawid na sa hangganan ng Ehipto , sa pamamagitan ng pagdaan sa Rafah Crossing. Sa pamamagitan ng negosasyon ay nabigyan ng panahong makatawid ang mga dayuhan at international aid workers.
Tungkol naman sa aming mga staff na Palestino, sa kasalukuyan ay mahirap tiyakin ang sitwasyon ng 300 na Palestino na aming katrabaho. Ang alam namin, ang ilan sa kanila ay nagsisikap lumikas papunta sa timog kasama ang kanilang mga pamilya. Tinutulungan sila ng Doctors Without Borders na makahanap ng masisilungan. Ang iba naman, gaya ng medical staff, ay nananatili sa hilaga upang gamutin ang mga may sakit at mga sugatan. Ginagawa namin ang aming makakaya upang di maputol ang komunikasyon namin.
- Bago ang pangyayari noong ika-7 ng Oktubre, ano ang ginagawa ng Doctors Without Borders sa Palestine?
Sa mga Palestinian Territories, nagbibigay ang Doctors Without Borders ng tulong medikal at sikolohikal sa mga taong naapektuhan ng matagal nang alitan, na nagsimula noon pang 1989. Sa Gaza, ang aming mga team ay nagtatrabaho sa tatlong ospital at sa ilang mga outpatient clinic, kung saan nakapagbibigay sila ng komprehensibong pangangalaga sa mga taong nagdurusa dahil sa burns at trauma. Kasama rito ang surgery, physiotherapy, suportang sikolohikal, occupational therapy, at edukasyong pangkalusugan. Mula noong 2018, ang Doctors Without Borders ay nagpapatakbo ng isang programa para sa reconstructive surgery sa hilagang Gaza
- Nagbibigay ba ang Doctors Without Borders ng pangangalagang medikal sa Israel?
Kami ay isang organisasyong humanitarian. Ang ibig sabihin nito’y ginagamot namin ang sinumang nangangailangan ng tulong, ngunit may hangganan ang aming mapagkukunang-yaman, kung kaya’t nakatuon kami sa pinakanangangailangan. Sa kasulukuyan, wala kaming pinatatakbong programang medikal sa Israel. Samantala, ang mga sistema ng pangangalagang pangkalusugan ng Palestine sa West Bank at sa Gaza Strip, ay nalumpo ng mahigit pitumpung taon ng pananakop at ng mahigit sampung taon ng blockade. Hindi nila matugunan ang mga pangunahing pangangailangang pangkalusugan ng kanilang mga populasyon. Ito’y ibang iba sa maayos na sistema ng pangangalagang pangkalusugan ng Israel, at sa ngayo’y di pa sila humihingi ng suporta mula sa Doctors Without Borders.
Tunghayan ang conflict timeline
Maari niyo ba'ng suportahan ang aming emergency response?
Tulungan kami sa paghatid ng tulong. Mag-donate na.