Gaza: Ang mga taong nawalan ng tirahan ay nahaharap sa isang sanitation crisis sa Khan Younis
Ang mga tolda ng mga taong nawalan ng tirahan at kasalukuyang namamalagi sa Khan Younis, Al Mawasi, Gaza. Palestinian Territories, Agosto 2024. © Nour Daher
- Lubhang mahirap ang kondisyon ng pamumuhay ng mga taong lumikas sa Khan Younis sa Gaza Strip, kung saan wala silang mapagkukunan ng mga serbisyong kaugnay ng hygiene and sanitation.
- Ang mga tao ay kadalasang dumarating sa mga kampo nang walang mga dalang gamit, dahil ilang beses na silang napuwersang lumikas ngayong panahon ng digmaan.
- Ang Palestinian Agricultural Development Association na sinusuportahan ng Doctors Without Borders ay nakapagpatayo na ng mahigit 300 na palikuran.
Sa loob ng mahigit sampung buwan, ang digmaan sa Gaza ay naging sanhi ng pagkawala ng tirahan ng mahigit sa1.9 milyong tao. (Pinagmulan: UNFPA) Kadalasan, sila’y napipilitang umalis ilang minuto lang matapos matanggap ang kautusang lumikas mula sa mga puwersang Israeli. Marami sa kanila ang ilang beses nang nawalan ng tirahan. Sa tulong ng Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF), ang Palestinian Agricultural Development Association (PARC) ay nagbibigay ng mga emergency latrine, mga solar water pump system, water treatment plant, at iba pang mga kagamitan gaya ng mga tolda sa mga taong dumarating sa Al-Mawasi, Khan Younis.
Dahil sa mga kautusan ng mga puwersang Israeli para sa paglikas, patuloy na nasisiksik ang mga tao sa paliit nang paliit na mga lugar sa sumisikip nang baybayin ng Deir Al-Balah at Khan Younis, at ang mga kondisyon ng pamumuhay sa Al-Mawasi ay lumalala. Tinataya ng OCHA na mula Hulyo 22 hanggang 26 lamang ay mahigit 190,000 na Palestino na ang napilitang lumipat sa Khan Younis at Deir Al-Balah.
Ang mga namamalagi sa Al-Mawasi Khan Younis sa timog na bahagi ng Gaza ay nakatira sa mga maalikabok na mga tolda, kung saan nagsisiksikan ang ilang mga miyembro ng pamilya, nang walang sapat na pagkain, tubig at kinakailangang mga serbisyo para sa sanitation at pangangalagang pangkalusugan. Ang mga tao ay kinakailangang pumila ng ilang oras para makakuha ng tubig, kahit na para lang sa mga palikuran, at hindi sila nakakaligo araw-araw.
Isang palikurang itinayo ng PARC sa tulong ng Doctors Without Borders sa Khan Younis, Gaza Strip. Palestinian Territories, Agosto 2024. © Nour Daher
Sa pagitan ng Hulyo 1 at Agosto 21, hindi bababa sa 16 na kautusan sa paglikas ang inilabas ng mga puwersang Israeli sa Gaza. Tinatayang may 213,000 na Palestino ang naapektuhan mula noong Agosto 1 hanggang sa Agosto 16 at 86% ng Gaza ang binigyan ng mga kautusang lumikas mula noong nag-umpisa ang digmaan, ayon sa OCHA.
Matapos ang ilang buwan ng mga kautusan para lumikas mula sa mga puwersang Israeli, wala nang natirang mga kagamitan ang mga residente. Marami sa mga dumating sa Khan Younis ay walang dala, ni isang bag o isang pirasong sabon.
Ang mga tao ay napipilitang lumikas nang madalian at nang walang pasabi. Ito’y partikular na mapanghamon para sa mga taong may kapansanan, mga kababaihan na may anak, at mga nakatatanda.
Sa pagdami ng mga nagkakaroon ng sakit sa balat, ang PARC, sa tulong ng Doctors Without Borders ay nagtayo ng mahigit 300 na palikuran, kabilang rito ang mga palikuran para sa mga taong may kapansanan sa kampo ng Deir Al-Balah. Dito’y nagkabit din sila ng tatlong solar water pump system at nagbigay ng pangunahing pangangalagang pangkalusugan sa mga taong lumikas.
“Walang malinis na inuming tubig, na nagiging sanhi ng paglaganap ng mga sakit," paliwanag ni Rasha Misbeh, isang 24 na taong gulang na ina. “Nangangati ang mga mukha at katawan ng mga bata. Ang lahat ng mga bata ay naapektuhan ng mga nakahahawang sakit sa balat; wala ni isang bata ang hindi naapektuhan nito. Dahil sa nagsisiksikan ang mga tao sa napakaliit na lugar, lalong lumalala ang sitwasyon.” Palestinian Territories, Agosto 2024. © Nour Daher
“Dati’y mahirap gumamit ng mga palikuran,” paliwanag ni Muhammed Abu Kmail, na lumipat mula sa Al Nasser sa timog na bahagi ng Gaza papunta sa Khan Younis. “Iilan lang ang mga palikuran. Sapat lang para sa mahigit 100 hanggang 200 na tao. Noong itinayo ang kampong ito, mas maraming palikuran ang maaaring gamitin, kasama na rito ang para sa mga may kapansanan.” Palestinian Territories, Agosto 2024. © Nour Daher
Tatlong buwan nang sinisikap ng Palestinian Agricultural Development Association na mag-angkat ng 4,000 na hygiene kit upang mapabuti ang kondisyon ng pamumuhay ng mga tao sa Khan Younis. Ang bawat kit ay may lamang mga gamit na pang-araw-araw gaya ng sabon, sipilyo, shampoo at sabong panlaba. Walang gaanong mga ganitong gamit sa Gaza, at kung mayroon man ay napakamahal at di kayang bilhin ng mga tao. Tatlong buwan nang hinaharangan ng mga awtoridad na Israeli ang pagpasok ng mga kit na ito sa bansa.
Nananawagan ang Doctors Without Borders para sa agarang ceasefire pati ang hindi hahadlangan at ligtas na pagpasok ng mga staff at supplies sa Gaza at sa mga lugar na lubhang nangangailangan ng suporta.
Susuportahan mo ba ang aming emergency response?
Tulungan kaming makapagbigay ng makasagip-buhay na pangangalagang medikal sa mga emergency sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon ngayon.