"Ang kahulugan ng Gaza ngayon ay lamig, pagkagutom, at mga bomba."
Tanawin ng isang gusaling nawasak sa Gaza City. Palestinian Territories, 2024. © MSF
Mahigit 45 na araw nang nagaganap ang mga labanan sa hilagang bahagi ng Gaza, matapos ang pagsalakay ng mga puwersang Israeli noong simula ng Oktubre. Ang sitwasyon sa hilaga at sa timog na bahagi ng Gaza ay mistulang paggunaw ng mundo, kung saan 1.7 na milyong tao ang namumuhay sa mga kahindik-hindik na kondisyon. Binisita ni Caroline Seguin, ang Emergency Coordinator ng Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF), ang hilagang bahagi ng Gaza Strip. Inilarawan niya ang sitwasyong hinaharap ng mga tao doon ngayon.
Mula noong Oktubre 6, 2024, ang governorate ng North Gaza ay dumaan sa walang humpay na pagsalakay ng mga puwersang Israeli. Nakarating ka sa siyudad ng Gaza sa timog ng North Governorate, maaari mo bang ilarawan ang sitwasyon doon?
Caroline Seguin: Lubhang mahirap at mapanganib ang maglakbay patungong Northern Gaza. Kailangan mong tawirin ang Netzarim Corridor sa pagitan ng Northern at Southern Gaza. Ang corridor na ito, na isang simpleng kalsada lamang noong nag-umpisa ang digmaan, ay walong kilometro na ang haba, at kontrolado na ng mga puwersang Israeli. Sa kabila ng pakikipag-ugnayan ng mga NGO sa mga puwersang Israeli tungkol sa kanilang mga aktibidad upang matiyak ang kanilang kaligtasan, madalas pa ring magkaroon ng mga insidente, at kamakailan lang ay binangga ang mga sasakyan ng mga NGO habang dumadaan ang mga ito sa corridor.
Sa malalawak na mga lugar ay wala kang makikitang mga tao, maliban sa ilang mga dating residente na naghahanap ng maisasalba mula sa mga labi ng kanilang mga nawasak na tahanan.
Noong Nobyembre 28, mga isang oras makalipas ang hatinggabi, may naganap na pagbomba 70 na metro mula sa aming klinika. Tinamaan ng shrapnel ang aming gusali. Sa kabutihang-palad, wala namang nasaktan. May mga 25,000 na taong nawalan ng tahanan sa paligid ng klinika ng Doctors Without Borders, at dumoble ang dami ng mga gawaing medikal mula noong dumating sila noong Oktubre, pagkatapos ng mapaminsalang pagsalakay ng mga puwersang Israeli sa hilagang Gaza.
Umaatikabo pa rin ang labanan, at tila katapusan na ng mundo dahil sa mga pagsalakay ng mga drone at ng mga quadcopter, at dahil sa mga pagbomba. Dalawa sa aming mga kasamahan sa trabaho ang di pa rin nakakaalis mula sa Beit Lahia at sa Jabalia, at di pa namin sila naililikas. Noong Nobyembre 21, muling binomba ang Kamal Adwan Hospital, at may mga nasaktang medical staff.
A Doctors Without Borders ambulance destroyed in December 2023 in Gaza City. Palestinian Territories, 2023. © MSF
Susuportahan mo ba ang aming emergency response?
Tulungan kaming makapagbigay ng makasagip-buhay na pangangalagang medikal sa mga emergency sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon ngayon.
Ano ang mga ibinunga ng pagharang ng Israel sa pagpasok ng humanitarian aid sa Gaza?
Caroline Seguin: Maaaring iniisip nating tapos na ang pinakamalalang posibleng mangyari, ngunit sa tingin ko, ito’y paparating pa lang. Ngayon, nahaharap tayo sa ilang malalaking suliranin. Una na rito ang paghahatid ng humanitarian aid sa Gaza Strip. Nariyan pa rin ang paulit-ulit na suliranin ng pagkuha ng katibayan mula sa COGAT* upang makapagdala ng humanitarian aid, dahil ang lahat ng trak na may dalang mga kagamitang medikal, mga gamot, pagkain at iba pa ay nakatakdang dumaan sa mga awtoridad na Israeli. Ang kumplikadong sistemang ito ng mga pisikal at mga burukratikong balakid ay dinisenyo ng Israel upang mahadlangan ang daloy ng tulong papasok ng Gaza.
Nagiging madalas at organisado ang pagnanakaw, at ang iilang trak na nakapasok ay sistematikong ninakawan ng mga gang sa Kerem Shalom at Kissoufim crossing. Noong Nobyembre 16, 98 sa 109 na mga WFP truck na pumasok sa Gaza ang ninakawan. Noong Nobyembre 30, sinubukan ng UNRWA** na magpasok ng mga food truck sa Kerem Shalom, ngunit ang lahat ng dala nila ay ninakaw.
Bukod sa pagkain, mayroon ding mga suliranin sa supply ng gasolina. Kamakailan lang, nagawa ng United Nations na magpasok ng ilang mga trak, subali’t nanatili pa rin ang tensyon. Sampung araw na ang nakararaan mula noong napilitan kaming bawasan ng kalahati ang ipamamahagi naming inuming tubig, dahil sa kakulangan ng gasolina para sa mga trak. Bagama’t ang Doctors Without Borders ay isa sa pinakamalaking humanitarian supplier ng tubig sa Gaza, sa sobrang laki ng pangangailangan ay di namin matugunan ang lahat ng ito.
Ang batas na nagbabawal sa UNRWA at sa mga aktibidad nito, na ipinasa ng parlyamentong Israeli noong Oktubre 28, ay nakapanghihina at nakababahala. Ang UNRWA ay isang mahalagang pinagkukunan ng suporta ng mga Palestino. Sila ang pinakamalaking tagapagbigay ng pangangalagang pangkalusugan sa Gaza. Ang UNRWA rin ang nangangasiwa sa halos lahat ng pamamahagi ng aid na galing sa United Nations. Hindi namin alam kung paano namin makakaya nang wala sila, tiyak na matindi ang magiging implikasyon nito sa dati nang kalunos-lunos na sitwasyong humanitarian sa Gaza.
Dahil wala silang gas para sa pagluluto, napilitan ang isang ina na sindihan ang apoy gamit ang plastic upang makapaghanda ng pagkain para sa kanyang mga anak. Nakahahanap siya ng mga alternatibong paraan upang pakainin ang kanyang pamilya sa gitna ng kalunos-lunos na mga kondisyon. Palestinian Territories, Nobyembre 2024.
Nagtatrabaho rin ang Doctors Without Borders sa Southern Gaza, kung saan nakatira ang mahigit sa 1.7 milyong tao. Ano ang mga hinaharap nilang mga kondisyon ng pamumuhay, at ano ang kanilang pinagdadaanan ngayong taglamig?
Caroline Seguin: 1.7 milyong tao ang patong-patong na nagdurusa sa ulan, sa putik, habang kumakalam ang kanilang mga tiyan sa gutom at hinuhulugan sila ng mga bomba. Malinaw na ito'y isang trahedya.
Mabilis na dumating ang taglamig, at hindi pa handa ang mga shelter para sa panahong ganito matapos ang isang taon ng pagkalantad sa araw, sa hangin, at sa ulan. Hindi naaangkop ang mga ito upang magbigay ng proteksyon laban sa lamig o sa malalakas na ulang nasaksihan namin sa Gaza nitong mga nakaraang linggo. May mga lugar na lubog na sa baha, at may ilang mga tolda sa may tabing-dagat na bahagyang lumubog na rin.
Ang paghadlang ng mga awtoridad na Israeli sa paghahatid ng humanitarian aid at pagpasok ng mga commercial truck ay nagdudulot ng kakulangan ng mga mahahalagang pangangailangan, partikular na ng pagkain. Nauubusan na ng laman ang mga palengke; nagsasara na ang mga panaderya, at tumataas na ang presyo ng mga bilihin. Ang isang maliit na tinapay na nagkakahalaga lamang ng ilang sentimo ilang linggo pa lang ang nakararaan ay mabibili ngayon sa halagang 5 shekels, o mahigit nang kaunti sa isang euro. Sa kontekstong ito, nagiging maIaking alalahanin ang malnutrisyon.
Ang buong sitwasyon ay lumiikha ng matitinding tensyon sa mga komunidad at sa mga pamilya, na kung minsa’y nauuwi pa sa karahasan. Kaya naman ang mga tao’y sinasaklot ng kaba.
Sinusubukan ng mga team na matugunan ang mga pangangailangang medikal, partikular na sa Nasser Hospital sa Khan Younis, na laging puno. Nariyan din ang field hospital na itinayo ng Doctors Without Borders sa Deir al-Balah, sa Central Gaza, kung saan nagbibigay ang mga team ng pediatric care, sexual and reproductive health care para sa mga nagdadalang tao, physiotherapy at mga pangkalahatang konsultasyong medikal. May plano na ring dagdagan ang mga kama, bilang paghahanda sa inaasahang pagdami ng mga batang may sakit dahil sa lamig ng panahon, at dahil sa mahihirap na mga kondisyon ng pamumuhay.
* Coordination of Government Activities in the Territories -isang mekanismong responsable sa pag-uugnay ng mga aktibidad ng gobyerno sa mga teritoryong Palestino. Ito’y nakakabit sa Israeli Ministry of Defense.
** United Nations Relief and Works Agency for Palestine Refugees in the Near East