Skip to main content

    Gaza Strip: Dapat protektahan ang Nasser Hospital habang nagpupunyagi ang mga natitirang pangunahing ospital na manatiling bukas sa gitna ng kaguluhan nitong Hulyo

    Nasser Hospital maternity department is providing some 25-30 safe deliveries a day. Palestinian Territories, June 2024. © Mariam Abu Dagga/MSF

    Sa maternity department ng Nasser Hospital, 25-30 na ligtas na pagpapaanak ang nagagawa kada araw. Ito ay higit sa bilang noong bago magsimula ang digmaan, dahil ito na lang ngayon ang isa sa kakaunting natitirang tumatakbong pasilidad para sa mga maternity service sa Southern Gaza. Palestinian Territories, Hunyo 2024. © Mariam Abu Dagga/MSF

    Ang paglala ng mga labanan malapit sa ospital ay nagsisilbing hadlang sa mga pasyente at medical staff sa pagkuha at pagbigay ng pangangalaga. Dahil sa ganap na pagkawasak ng sistemang pangkalusugan, ang paglipat ng daan-daang pasyente at ng mga medical supply, madalian man o hindi, ay naging imposible.
    Jacob Granger, Project Coordinator

    “Ito ay magdudulot ng kahila-hilakbot na kahihinatnan para sa mga tao rito, dahil wala silang ibang mapupuntahan,” sabi ni Granger. “Hindi maaaring isara ang Nasser Hospital.” 

    Ang Nasser Hospital ay nagbibigay ng pangangalaga sa humigit-kumulang 550 na pasyente. Kabilang rito ang mga may pinsalang dulot ng malalang pagkasunog at mga pinsalang may kasamang trauma, mga bagong panganak, at mga nagdadalang tao. Ang mga pasyenteng kasalukuyang nasa ospital ay nangangailangan ng walang patid at makasagip-buhay na paggamot. Ang iba sa kanila’y nangangailangan ng mataas na antas ng pangangalaga, oxygen therapy, o ng masusing pagsubaybay. Bilang huling pangunahing ospital sa Southern Gaza, ang Nasser Hospital ay nagbibigay rin ng kinakailangang suporta tulad ng oxygen production sa ibang mga pasilidad pangkalusugan sa paligid nito.

    Kasabay ng pagdating ng mga labanan sa paligid ng Nasser Hospital, ang mga team ng Doctors Without Borders sa mga ospital ng Nasser at Al-Aqsa ay dinadagsa ng napakaraming sugatang pasyenteng sabay-sabay ang dating. Noong Hulyo, ito ay nangyari nang sampung beses, matapos ang mga pagsalakay at labanan, kadalasan sa mga lugar kung saan ang mga taong nawalan ng tirahan ay namamalagi.

    Basahin ang patotoo ng aming Nurse Activity Manager

    Alice Worsley - Doctors Without Borders Nurse Activity Manager sa Al Aqsa Hospital (Deir El Balah) nung Hulyo 27

    “Nakatanggap kami ng limang minutong babala na may pinasabog sa isang di-kalayuang lugar. Ilang saglit pa at sabay-sabay na nagsidatingan ang pagkarami-raming pasyente. Iba-ibang pinsala ang kanilang natamo, at marami sa kanila ay nasa kritikal na kalagayan at mukhang di sila makakalabas sa ospital nang buhay. Marami ang nagtamo ng matitinding pinsala sa ulo, gaya ng open fractures sa bungo, at fractures sa mukha. Nakakita rin ako ng mga pinsalang dulot ng pagsabog na nauwi sa amputation (ang pagputol ng isang bahagi o di kaya nama’y ng buo nilang braso o binti.) At gaya ng dati, may mga pinsalang dulot ng tama ng shrapnel.  

    Mga 50% ng mga pasyenteng aming ginamot ay mga bata, at marami sa kanila ay nagtamo ng matitinding pinsala na nangangailangan ng kritikal na pangangalaga. May isang anim na taong gulang na batang lalaki na sunog ang 80% ng ibabaw ng kanyang katawan. May isa pang batang lalaki na mga tatlo o apat na taong gulang lang na dahil sa pinsala sa kanyang mukha, kinailangan namin siyang pasukan ng tubo upang tulungan siyang makahinga.

    Nalaman kong ang nars na tumutulong sa akin ay kamag-anak ng bata. Sabi niya, namatay ang ina ng bata sa pagsalakay ring iyon. Nakabalot ng benda ang braso ng bata, na nangangahulugang nagtamo na siya ng pinsala mula sa digmaang ito kamakailan lang. Ito ang ikalawang pagkakataon –o maaaring higit pa —na nasaktan ang batang ito ng digmaan. 

    Nakatanggap ang ospital ng daan-daang pasyente na higit sa bilang ng karaniwan nitong natatanggap. Wala nang lugar sa ICU. Hindi na mapatakbo nang maayos ang emergency department dahil okupado na ang lahat ng kama. Desperado na ang sitwasyon. Karamihan sa mga pasyente namin ngayong araw na ito ay sa sahig na lang nakahiga, samantalang ang ibang mga bata naman ay magkahati—dalawang bata sa iisang kama, dahil wala nang kama sa ER.

    Marami sa mga nars at doktor na nagtatrabaho sa ospital ay nasa ER upang pangalagaan ang mga nasaktang miyembro ng kanilang mga pamilya. Napakalungkot.”
     

    “Ang bawat araw nitong Hulyo ay puno ng mga nakasisindak na pangyayari,” sabi ni Dr. Javid Abdelmoneim, ang medical team leader ng Doctors Without Borders. “(Noong Hulyo 24), pagpunta ko sa likod ng isang kurtina (sa ospital), nakita ko ang isang batang babaeng malapit nang mamatay, ngunit wala siyang kasama. At iyan ang resulta ng pagkawasak ng sistemang pangkalusugan: isang munting batang babae, walong taong gulang, naghihingalo na sa isang trolley sa emergency room. Kung gumagana lang ang sistemang pangkalusugan, nasagip sana siya.”

    Ayon sa Ministry of Health, kritikal na ang kakulangan ng dugo sa blood bank ng Nasser Hospital matapos ang limang sunod-sunod na pagdating ng napakaraming pasyente. Mga 180 na tao ang napatay at 600 ang sugatan. Sa isang blood collection drive na inorganisa ng Ministry of Health at sinuportahan ng Doctors Without Borders, isa sa bawat sampung taong gustong magbigay ng kanilang dugo ay hindi tinanggap dahil mayroon silang anaemia o malnutrisyon. Sa Al-Aqsa Hospital naman, hindi makatakbo nang maayos ang emergency department dahil ito’y napupuspos sa dami ng pasyente. Bago nagsimula ang digmaan, ang Al Aqsa Hospital ay mayroon lamang kapasidad para sa 220 na pasyente. Sa kasalukuyan, may 550 – 600 na pasyente na ang tinanggap doon.

    “Ilang daan nang higit sa kanilang kapasidad ang bilang ng mga pasyente sa Al-Aqsa Hospital,” sabi ni Alice Worsley, isang nurse activity manager ng Doctors Without Borders. Ang pag-apaw na ito sa kanilang kapasidad ay idinulot ng pagsalakay ng mga Israeli sa paaralan ng Khadija sa Deir Al-Balah noong Hulyo 27. 

    “Desperado na ang sitwasyon. Kahit ang pinakadeterminadong pagtugon ay di laging makasasagip ng buhay kung walang mga supplies, mga kama, at medical staff.”

    Noong Hulyo 22 at 27, ang mga puwersang Israeli ay naglabas ng dalawang kautusan upang lisanin ng mga nakatira roon ang Khan Younis. Bukod sa naging sanhi ito ng mass displacement o pagkawala ng tirahan ng maraming tao, pinaliit na naman nito ang mga lugar na maaaring puntahan at tirhan. Ayon sa OCHA, mula Hulyo 22 hanggang 25, humigit-kumulang 190,000 na Palestino ang nawalan ng tirahan sa Khan Younis at Deir Al-Balah. Mula noong nagsimula ang digmaan, tinatayang 1.7 milyon na tao ang pinalipat sa isang lugar na 48 square kilometers lang at kumakatawan sa 13% lamang ng Gaza Strip, ayon sa World Health Organization. 

    Ang mga tinatawag na humanitarian zone sa Gaza ay napatunayan nang di ligtas, ngunit ang pagkakaroon ng ganoong mga lugar ay hindi nangangahulugang ang mga partidong sangkot sa alitan ay wala nang obligasyong protektahan ang mga sibilyan—saan man sila naroon. Sa loob ng halos sampung buwan, nakita naming walang ligtas na lugar sa Gaza.

    Nananawagan ang Doctors Without Borders sa lahat ng mga partidong sangkot sa alitan na tiyaking may ligtas na access ang mga tao sa pangangalagang medikal, at iwasang mapilitan ang mga taong lisanin ang Nasser Hospital, sapagkat maaari itong magdulot ng panganib sa daan-daang pasyente.

     

    Will you support our emergency response work?

    Help us provide lifesaving medical care during emergencies by making a donation today.

    Categories