Emergency medical supplies, mabilis na inihatid sa Kyiv gamit ang tren mula sa bodega sa Ukraine
Ihahatid ang Doctors Without Borders emergency medical supplies mula sa warehouse sa Lviv at isasakay sa isang tran papuntang Kyiv. Ukraine, ika-5 ng Marso 2022. © MSF
Noong 6pm ng ikalima ng Marso (Sabado), nakipagpulong ang isa sa mga Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) emergency response team sa Ukraine kay Oleksandr Kamyshin, Chairman of the Board ng Ukrainian Railways. Dumating na kasi ang mga unang international supplies ng Doctors Without Borders sa Ukraine, at inilagay na ang mga ito sa bodega, ilang oras pa lang ang nakararaan.
“Ang mga ospital sa Kyiv ay desperado nang makakuha ng mga kagamitan. Mayroon kami ng mga kailangan nila. Matutulungan mo ba kaming dalhin ang mga supplies sa Kyiv?”
Isang simpleng tanong, at mabilis ang naging kasagutan. Pagsapit ng hatinggabi, ang unang talaksan ng mga medical kit at supply ay ikinarga sa tren na nakatakda nang bumiyahe.
Kinailangan nating kumilos agad. Baka maubusan tayo ng panahon. Hindi natin tiyak kung hanggang kailan tayo may magagamit na tren papunta sa Kyiv. Pinili naming gumamit ng tren dahil mabilis ito at madaming makakarga.Christopher Stokes, Emergency Coord.
Pinili ang supplies para sa paggamot ng mga trauma injury na karaniwang makikita sa mga digmaan. Kasama rito ang mga surgical kit, trauma kit, at mga pangunahing pangangailangan para sa mga intensive care unit (ICUs), emergency room at surgical operating theatre. Kasama sa mga pangangailangan na ito ang mga instrumento, kagamitan, gamot at iba pa. Sa kabuuan mga 40m3 ng supplies ang naipadala.
Pagdating ng 3:30 ng hapon nakatanggap kami ng kumpirmasyon na umabot na ang mgapinadala namin sa Ministry of Health sa Kyiv. Sa kasalukuyan, pinapadala na ang mga ito sa mga ospital sa siyudad at sa mga bayan sa silangan kung saan mabilis na umaakyat ang bilang ng mga nasugatan at nauubos na ang mga supply.
Ang mga Doctors Without Borders emergency medical supply ay kinukuha mula sa isang trak sa bodega sa Lviv upang ikarga sa isang tren na papuntang Kyiv. Ang mga supply ay gagamitin ng mga lokal na ospital. Lviv, Ukraine, 5 Marso 2022. © MSF
Dumarami ang aming mga natatanggap na masisidhing kahilingan para sa medical supplies mula sa iba’t ibang ospital at pasilidad pangkalusugan sa mga bahagi ng Ukraine na lubhang naapektuhan ng digmaan. Maghahanap ang Doctors Without Borders ng mga paraan upang maibigay ang kanilang mga hinihiling kung saan ito pinaka-kailangan. Marami pang Doctors Without Borders supplies ang darating sa Ukraine mula sa international supply points sa mga darating na araw upang matiyak na may magagamit ang mga pasilidad. Ang mga Doctors Without Borders medical team na may karanasan sa mga lugar na may tunggalian ay nagsisidatingan na sa Ukraine mula sa Moldova, Hungary at Poland.
“Ang digmaang ito ay brutal at matindi,” sabi ni Stokes. “Magiging malaking hamon ang magpadala ng mga surgical team na gagawa ng hands-on medical work, pero naghahanap pa rin kami ng mga posibleng gawin.”
“Kahit ang pamamahagi ng mga supply sa mga ospital ay magiging mahirap,” pagpapatuloy ni Stokes. “Alam naming naantala kami, pero mabilis naming nadadagdagan ang aming pagtulong. At ito ang aming mga unang hakbang sa pagbuo ng konkretong tugong medikal.”