Ukraine: Ayon sa mga datos at sa mga ulat ng mga pasyente, nagkaroon ng paulit-ulit na walang habas na pagsalakay laban sa mga sibilyan
Binabantayan ng isang nurse aide ng Doctors Without Borders ang isang pasyente sa loob ng intensive care unit (ICU) ng medical train habang naglalakbay muka Pokvrosk, sa silangang Ukraine, papuntang Lviv. Ukraine, 20 Mayo 2022. © Andrii Ovod
22 Hunyo 2022, Lviv/Brussels – Ang mga datos na medikal at ang mga ulat ng mga pasyente na inilikas mula sa Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) medical referral train ay nagpapakita na ang digmaan sa Ukraine ay nagaganap nang walang pagkilala at walang pakundangan sa mga sibilyan. Sa tren, mahigit sa 40 porsyento ng mga nasaktan sa digmaan ay mga matatanda at mga batang nasugatan mula sa mga pagsabog, nakaranas ng trauma mula sa pagkaputol ng mga parte ng katawan, at mga nabaril. Ayon sa naturing medical humanitarian organisation, ito’y nagpapakita ng kakulangan ng paggalang para sa pagprotekta sa mga sibilyan at isa itong seryosong pagwalang-bahala sa international humanitarian law.
Sa pagitan ng 31 Marso at 6 Hunyo, inilikas ng MSF ang 653 na pasyente gamit ang tren mula sa mga lugar na apektado ng digmaan sa silangan patungo sa mga mas ligtas na bahagi ng bansa. Sa paglalakbay na inabot ng 20 hanggang 30 oras, binantayan ng mga doktor at nars ang mga pasyente at binigyan ng kinakailangang pangangalaga upang hindi lumala ang kanilang kondisyon. Marami sa kanila ang nagbahagi sa MSF staff ng kanilang mga mahihirap na karanasan.
Sa pamamagitan ng mga sugat ng aming mga pasyente at ng mga kuwentong inilalahad nila, makikita natin ang nakababahalang antas ng pagdurusa na nararanasan ng mga sibilyan dahil sa walang habas na karahasang inihahasik ng digmaang ito. Marami sa mga pasyenteng lulan ng tren ng MSF ang nasaktan dahil sa mga pagkilos ng militar sa mga lugar kung saan nakatira ang mga sibilyan. Bagama’t hindi namin masasabing may intensyon silang puntiryahin ang mga sibilyan, ang desisyong gumamit ng maraming makapangyarihang armas sa mga lugar kung saan malalaki ang populasyon ay nangangahulugan na di maiiwasan—at ito’y di lingid sa kanilang kaalaman—na makapatay o manakit ng mga sibilyan.Christopher Stokes, Emergency Coord.
Mula sa mga inilahad ng mga pasyente, may mga nakapanlulumong tema na paulit-ulit na nalalantad:
- binabaril ang mga sibilyan habang sila’y lumilikas o sinasalakay sila habang nagsusumikap silang lisanin ang mga war zone;
- ang walang pakundangang pagbomba ay pumatay at nagdulot ng pinsala sa mga taong nakatira o pansamantalang namamalagi sa mga residential area;
- ang mga matatanda ay nakararanas ng karahasan; sila mismo’y pinupuntirya ng pagsalakay, at tuluyan nang di binigyang konsiderasyon ang kanilang kahinaan ng mga sumasalakay na puwersa; at
- ito’y nauuwi sa maraming klase ng sugat: nakakapangilabot, at tila nakakaapekto sa lahat, lalaki man o babae, bata man o matanda.
Karamihan sa mga isinasangguni sa tren ay mga pasyenteng matagal na sa ospital, o di kaya’y mga nasugatan kamakailan lamang sa digmaan at nangangailangan ng post-operative care pagkatapos magtamo ng mga pinsalang nagdulot ng trauma. Sa mahigit 600 pasyente na isinakay at inalagaan sa Doctors Without Borders medical train sa loob ng mahigit dalawang buwan, 355 ang nasaktan bilang tuwirang resulta ng digmaan. Ang karamihan sa mga pasyente ay nagtamo ng mga sugat dahil sa pagsabog. 11 porsiyento ng mga pasyenteng nakaranas ng trauma kaugnay ng digmaan ay wala pang 18 taong gulang, samantalang ang edad ng 30 porsiyento ay higit sa 60 taong gulang.
Papunta ako sa paIikuran nang may sumabog. Nawalan ako ng malay at natumba. Nang nagkamalay na ako, nababalot ang mukha ko ng natuyong dugo. Mayroon akong open arm fracture at nabiyak ang aking ilong noong natumba ako. Mag-isa lang ako at matindi ang sakit na nararamdaman ko kung kaya’t humiyaw na ako para humingi ng tulong. Ngunit walang nakaririnig sa akin. Sa kalaunan, nakita ako ng isang boluntaryo. Dalawang araw siyang nagsumikap na makakuha ng ambulansya na magdadala sa akin sa ospital.Babae na mula sa Lyman, 92 taong gulang
73 porsiyento ng mga may kaso ng trauma na may kaugnayan sa digmaan ay nasaktan sa mga pagsabog. 20 porsiyento naman ay dulot ng pamamaril, at ang natitira ay dulot ng karahasan. Mahigit 10 porsiyento ng mga pasyenteng may trauma mula sa digmaan ang nawalan ng isa o higit pang mga parte ng katawan. Ang pinakabatang biktima ay anim na taong gulang.
Ang mga pasyente ng MSF at ang kanilang mga tagapangalaga sa tren ay naglalahad ng mga kuwentong hindi mo maubos-isip: mga bata, mga lalaki at mga babaeng di makaalpas mula sa alitan, binomba sa mga shelter, sinalakay habang lumilikas at nagtamo ng seryosong pinsala dahil sa pagsabog o pamamaril. May ilang mga pasyenteng nag-ulat na nakaranas sila ng karahasan sa kanilang mga tirahan. May iba namang pinaulanan ng bala habang nagsusumikap silang lumikas sa mga mas ligtas na lugar. Ang tinutukoy na may sala ng karamihan sa mga pasyenteng nakausap namin ay ang mga Ruso, at ang mga puwersang militar na kanilang sinusuportahan.
Pinag-uusapan ng medical team sa Doctors Without Borders medical train ang kalagayan ng isang matandang pasyente habang bumabiyahe mula Pokrovsk sa silangan Ukraine, papuntang Lviv. Ukraine, 20 Mayo 2022. © Andrii Ovod
“Tulad sa ibang mga alitan, nananawagan ang MSF sa lahat ng mga armadong grupo na igalang ang international humanitarian law (IHL) at gampanan ang kanilang mga obligasyon upang maprotektahan ang mga sibilyan at mga imprastrukturang sibilyan, mabigyang-daan ang mga tao upang makalikas sa ligtas na lugar, at magkaroon ng pagkakataon para sa ligtas at napapanahong paglipat ng mga may sakit at sugatan. Dagdag pa rito, humihingi kami ng humanitarian access upang makapagbigay ng tulong sa mga tao, nasaan man sila. Sa Ukraine, nakita namin na mayroong mga walang habas na pagsalakay sa mga sibilyan kaya’t ang aming panawagan ay kinakailangang agad na bigyang-pansin,” sabi ni Dr Bertrand Draguez, presidente ng Doctors Without Borders.
Doctors Without Borders sa Ukraine
Unang nagtrabaho ang Doctors Without Borders sa Ukraine noong 1999. Mula 24 Pebrero 2022, tinaasan namin ang antas at inangkop ang aming mga gawain upang tumugon sa mga pangangailangang bunga ng digmaan sa Ukraine. Kasama rito ang medical referral train na tumatanggap ng mga pasyenteng mula sa mga ospital malapit sa mga frontline sa silangan na tumatanggap o naghahandang tumanggap ng mga bagong sugatang pasyente, at inililipat sila sa mga ospital sa kanluran ng bansa kung saan maaari nilang ipagpatuloy ang kanilang pagpapagamot. Ang medical train ay pinapatakbo sa tulong ng Ministry of Health ng Ukraine at ng National Railways. Sa pagitan ng 31 Marso at 6 Hunyo, naglulan at nag-alaga ang Doctors Without Borders ng 653 na pasyente sa tren. Sa silangan at timog, nagpatakbo rin ang Doctors Without Borders ng ambulance referral system. Bagama’t ang Doctors Without Borders ay nagbibigay ng tulong medikal sa mga rehiyong apektado ng masidhing labanan sa silangan at timog na bahagi ng Ukraine at sa referral train, wala kaming paraan upang makapasok sa mga lugar kung saan nagmula ang karamihan sa aming mga pasyente, at kung saan ang mga tunggalian ay pinakabrutal. Nagbibigay din ang Doctors Without Borders ng tulong medikal at humanitarian sa mga taong nawalan ng tirahan sa ibang bahagi ng Ukraine. Kabilang rito ang pagbibigay ng pangangalaga ng kalusugang pangkaisipan, paggamot sa mga survivor ng karahasang sekswal, pagpapatakbo ng mga mobile clinic, at pagbibigay ng mga kagamitang medikal at iba pang mga supply sa mga ospital. May mga surgical team din na tumutulong sa mga ospital sa silangan at sa timog, kung saan nagbibigay ang Doctors Without Borders ng ambulance referral sa pagitan ng mga ospital. Ang aming mga team ay nagbibigay rin ng humanitarian assistance sa mga taong mula sa Ukraine at ngayo’y nasa mga kalapit na lugar tulad ng Belarus, Poland, Russia at Slovakia.