Ukraine: Inilikas ng Doctors Without Borders ang 150 na pasyente dahil sa paulit-ulit na pagsalakay sa mga ospital sa Kherson
Noong Oktubre 20 at 22, 2023, inilikas ng Doctors Without Borders ang 150 na pasyente mula sa rehiyon ng Kherson matapos bombahin ang ospital. Ang mga pasyente ay inilipat sa ibang mga pasilidad pangkalusugan sa Ukraine gamit ang medical evacuation train ng Doctors Without Borders. Ukraine, 2023. © Verity Kowal/MSF
Inilikas ng Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF), ang 150 na pasyente mula sa ospital ng Kherson, sa timog ng Ukraine, dahil sa patuloy na pagbobomba. Ito ang pangalawang beses na naglikas ng mga pasyente ang Doctors Without Borders mula sa ospital na iyon nitong nakaraang taon bilang resulta ng mga pagsalakay sa pasilidad.
Noong Nobyembre 2022, inilikas ng Doctors Without Borders ang 267 na pasyente mula sa ospital. Ngayon, dahil sa tumitinding pagbobomba sa Kherson nitong nakaraang mga linggo, muli kaming nakatanggap ng pakiusap mula sa Department of Healthcare ng rehiyon ng Kherson na suportahan muli ang paglilikas ng 150 na pasyenteng sibilyan na may matitinding pangangailangan.Dr Albina Zharkova, project coordinator
Ang ospital ay nakararanas ng pagkaputol ng kanilang kuryente dahil sa pagbobomba; ibig sabihin, may mga panahong tumatakbo ito nang walang kuryente. Dagdag pa rito, marami sa mga pasyente ang hindi nakakalakad dahil sa kanilang edad o kalagayan. Dahil dito, lubos silang mahihina at hindi sila mailipat sa mga bunker noong sinalakay ang ospital.
“Ang mga pasyente ay may iba’t ibang kondisyon – marami sa kanila ang may talamak na sakit, ang iba nama’y malubhang kapansanan, ang ilan ay hindi na nakakabangon,” paliwanag ni Dr. Zharkova. “Nakakita rin kami ng pagdami ng mga psychiatric condition dahil sa stress ng pamumuhay sa isang lugar na laging may kaguluhan."
Lulan ng mga ambulansya ng Doctors Without Borders, ang mga pasyente ay dinala mula sa ospital patungo sa istasyon ng tren, kung saan sila ay inilikas gamit ang medical train ng Doctors Without Borders. Dalawang biyahe ang ginawa upang mailipat ang maraming mga pasyente sa ibang pasilidad pangkalusugan sa mga mas ligtas na rehiyon sa sentral at kanlurang Ukraine. Ang unang biyahe ay naganap noong Oktubre 20, Biyernes at ang pangalawa naman ay noong Oktubre 22, Linggo.
Kinukuha ni Halyna Milovus, isang nars ng Doctors Without Borders, ang blood pressure ng isang pasyente sa Doctors Without Borders medical evacuation train. Ukraine, 2023. © Verity Kowal/MSF
“Noong umaga ng paglikas, nagkaroon ng matinding pagbomba kaya’t kinailangang naming maghintay sa mga bunker bago namin sinimulang ilipat ang mga pasyente sa tren mula sa ospital,” pagpapatuloy ni Dr. Zharkova. “Sa kabutihang palad, nagawa naming mailipat nang ligtas ang lahat ng pasyente sa ibang mga pasilidad pangkalusugan kung saan maaari silang magpatuloy na tumanggap ng kanilang kinakailangang pangangalaga.”
Kaya lang, ang paglipat ng mga pasyente sa mga pasilidad sa ibang bahagi ng Ukraine ay nangangahulugang marami sa kanila ang malalayo sa kanilang pamilya at mga mahal sa buhay. Walang nakakaalam kung kailan at kung sila’y makakabalik pa sa mga lugar na tinatawag nilang tahanan.
“Ito’y lubhang nakakabalisa para sa mga pasyente,” pagbabahagi ni Dr. Zharkova. “Nakakalungkot, ngunit wala naman kaming magawa kundi ilipat sila, dahil nakikita namin na ang mga ospital sa Ukraine – lalo na ang mga malalapit sa mga frontline, tulad ng mga rehiyon ng Kherson, Donetsk at Kharkiv – ay madalas na pinupuntirya ng pagbobomba.”
Mula Pebrero 22, 2022 nang nagsimula ang pagtindi ng digmaan, itinala ng local regional administration ang pagkasira ng 26 na mga pasilidad para sa pangangalagang pangkalusugan sa mga lugar sa rehiyon ng Kherson na muling nakuha ng Ukraine. 105 na pasilidad medikal ang nagtamo rin ng pinsala. Sa pangkalahatan, 80% ng lahat ng mga pasilidad para sa pangangalagang pangkalusugan sa rehiyon – kabilang rito ang mga ospital, mga klinika, at mga paramedic at midwifery centre – ay nasira nang buo o may ilang bahagi ng mga ito ang napinsala.
Ngunit ang kabuuang bilang ng mga pasilidad pangkalusugan at mga institusyon ng pangangalaga na nawasak sa Kherson ay malamang na mas mataas pa, dahil ang kakulangan ng access sa mga lugar na okupado ng mga puwersang Ruso ay nangangahulugang hindi pa rin malinaw ang buong sitwasyon kaugnay ng mga pasilidad para sa pangangalagang pangkalusugan.
“Ilang ulit nang tinuligsa ng Doctors Without Borders ang pagsalakay sa mga ospital sa Ukraine at nanawagan para sa proteksyon ng mga pasilidad pangkalusugan, healthcare workers at mga pasyente,” sabi ni Vincenzo Porpiglia, ang head of mission ng Doctors Without Borders sa Ukraine. “Ngunit patuloy ang mga missile attack at pagbobomba sa mga ospital, nang hindi isinasaalang-alang ang international humanitarian law.”
Mariing kinokondena ng Doctors Without Borders ang pagsalakay sa mga ospital at iba pang imprastrukturang medikal sa Ukraine at muling nananawagan para sa proteksyon ng mga pasilidad pangkalusugan sa gitna ng digmaan.